CHAPTER 3 - YOSEPH MONTENEGRO

2099 Words
          “Reggie, nasaan si Dindo? Hindi siya pumasok ngayon, eh alam naman niyang siya ang relyebo ni Israel west wing ng site, di ba? Made-delay na naman tayo sa schedule nito!” inis na tanong ko kay Reggie.         "Boss, eto nga, kaka-text lang ni Dindo. Eh, isinugod daw niya sa ospital iyong panganay niya, kasi nakagat ng aso ng kapitbahay,” nag-aalangang sagot ni Reggie.         Kilala ako ng mga tao sa site. Mabait ako kung sa mabait, pero kapag trabaho na ang pinag-uusapan, may pagka-istrikto ako. Unang-una, hindi lang basta mga haligi at poste ang itinatayo namin. Gasolinahan. At hindi lang basta gasolinahan, gasolinahan ng AMCO Petroleum. Ang number one na kumpanya sa buong bansa, when it comes to petroleum products. For sixty years, AMCO lang ang patuloy na namayagpag sa larangang ito.         Napabuntonghininga ako. “Kumusta na raw iyong anak niya?” This time, kalmado na ako nang malaman ko ang importanteng dahilan ng pag-absent ni Dindo ngayong araw.         “Nakapila pa raw sila para sa anti-rabies na injection. Hanggang ngayon iyak pa rin daw ng iyak iyung bata, Kawawa naman…”         “Kumuha ka muna ng tatlong libo dun sa bag ko. Dalhin mo kay Dindo. Baka kulang ang pambayad nun doon sa hospital.”         Ngumiti sa akin si Reggie, at saka sumaludo. “Masusunod, Yoseph! Bait mo talaga!”         “Sige na, lakad na. Ako na muna ang magtutuloy nung naiwang trabaho ni Dindo.”         “Bukas na lang ‘yun! Papasok naman tiyak si Dindo niyan bukas. Napakasipag mo naman, eh.”         “Sayang ang maghapon. Imbes na may nagawa na. Paano kung wala na naman si Dindo bukas?”         “Tsk! Para ka talagang hindi anak ng may-ari ng AMCO, Yoseph.”         “Wala naman tayong pinagka-iba, sa AMCO rin naman ako nagtatrabaho at AMCO rin ang nagpapasahod sa akin,” sagot ko kay Reggie.         “Magka-iba 'yun. Ikaw, anak ng boss. Kami, trabahador lang ninyo,” katwiran pa niya.         “Pareho din ‘yun! Nagtatrabaho din naman ako, ah! Buti pa lumakad ka na, at nang maka-uwi na iyung mag-amang Dindo. Ang dami mong daldal!”         Nagkamot ito ng ulo, at saka kiming ngumiti. “Ay, sorry. Pasensiya na. Alam mo namang madaldal talaga akong tao. Alis na ko!” Naiiling na sinundan ko na lang si Reggie ng tingin.               KANINA ko pa hinahanap si Reggie. Gusto kong kumpirmahin kung nagawa niya iyong iniutos ko sa kanya. Alas-singko na, at nagsisiuwian na ang mga trabahador dito sa site.         “Yoseph, nailipat ko na ng parada iyong sasakyan mo.”         “Reggie. Kanina pa kita hinahanap. Hindi mo na ako binalikan kung nadala mo ba kay Xyrene iyung special lugaw na gawa ni Myra,” sita ko sa kanya.         Si Myra ay asawa ni Reggie, na bunsong anak ni Manang Sol, ang matagal nang Head Cook sa resort ni Mommy sa Cebu. Si Myra ang kusinera namin sa mansiyon ng mga Montenegro. Samantalang ang Ate naman niya ang assistant ni Manang Sol sa resort sa Cebu, dahil sa may katandaan na rin naman si Manang Sol.         “Kanina ko pa naibigay iyon! Sa katunayan, babalikan ko na nga iyong kaldero, at baka awayin ako ng aking asawa kapag hindi ko naiuwi iyong kaldero. Ewan ko ba sa asawa ko… mas mahal pa ang mga kaldero niya kaysa sa akin.”         Bahagya akong natawa. “Natural. Mas mahal pa kaysa sa iyo ang halaga nung kaldero na ‘yon. Gusto mo, ipakaltas ko na lang sa sahod mo?”         “Ay, wag ganun! Baka akalain ng asawa ko, may sinusustentuhan na akong iba. Grabe namang kaldero ‘yun… kamahal-mahal! Aba! Kaya ko rin kayang magpagawa sa latero ng ganung klase!” pagyayabang pa ni Reggie.         “Baliw! Sige na. Kunin mo na, at umuwi na tayo,” sagot ko sa kanya.           “Sumama ka na! Eto naman… ikaw naman ang nagbigay nun.”         “Ayoko. Baka hindi na ako makaalis dun kapag nakita ko na ang lablab ko.”         Malapad na napangiti si Reggie. “Anak ng… tinamaan ka talaga kay Xyrene, ‘noh?”         “Tara na nga! Mang-aasar ka na naman, eh!”                                          "YOSEPH, bakit hindi mo pa ligawan? Mukhang patay na patay ka naman kay Xyrene." tanong ni Reggie sa tabi ko, habang naglalakad kami papunta sa bahay nila Xyrene.         "Nag-aaral pa siya." Sinagot ko si Reggie pero sa daan lang ang tingin ko.         "Eh, ano naman?"         "Ayokong makagulo sa pag-aaral niya."         "Naks! Kailan ka pa natuto niyang hintay-hintay na yan? Parang ibang Yoseph yata ang kausap ko, ah!"         Tiningnan ko nang masama si Reggie. Alam ko ang tinutukoy niya.         "Tsk! Malapit na naman ang graduation niya. Kaya ko nang hintayin ‘yun. Ilang buwan na lang," sagot ko.         “Talaga lang, ha…” nanunuksong sabi ni Reggie.         "Sa mismong araw ng graduation niya, doon ako magtatapat sa kanya," nangingiting sabi ko, habang ini-imagine ko sa isip ko ang eksena.         "Naku! Paano kung bago ang graduation niya may maunang manligaw? Ang tagal na nating magkasama, ngayon ka lang yata naging mabagal?" sagot naman ni Reggie.         Ayoko din naman sa idea na may ibang lalapit at manliligaw kay Xyrene, pero wala akong choice. Gusto kong matupad muna ni Xyrene ang mga pangarap niya.         "Reggie, ayokong makagulo kay Xyrene. Gusto kong matupad niya ang mga pangarap niya. Ang makatapos siya, at maging Nurse. Mabigyan ng magandang buhay ang Nanay at kapatid niya, at mga pamangkin niya."         "Wow! Best in support ka, ah."         “Best in support ka diyan? Walang ganun! Ang mabuti pa, kunin mo na iyung kaldero, at hihintayin na lang kita dito sa labas.”         "Sige na nga."         “Bakit kayo nandito sa labas?”         Sabay kaming napalingon ni Reggie sa likuran namin. Nakatayo doon si Xyrene, na mukhang may binili sa tindahan. Napakaganda niya talaga, hindi mo pagsasawaang tingnan ang mukha niya. Hindi ko mapigilan ang sarili ko na hindi siya pagmasdan.         “Ah, Xyrene… kukunin ko lang sana iyung pinaglagyan ng lugaw na dinala ko kanina. Alam mo kasi, hindi ako pwedeng umuwi ng bahay na hindi ko ‘yun dala, eh. Hindi ako papasukin ng asawa ko.”         Narinig ko na lang na sagot at paliwanag ni Reggie sa tabi ko. Napakurap-kurap tuloy ako. Nahalata ba ni Xyrene na napatunganga ako sa kanya?          “Sa iyo ba ‘yun galing, Regggie?” tanong ni Xyrene kay Reggie.         “Di, ah! Kay Yoseph galing ‘yun!”         Tiningnan ako ni Xyrene, at saka nagsalita. “Kung gusto ninyong makuha iyong kaldero, pumasok kayong dalawa sa loob ng bahay, at kumain din ng lugaw. Ang dami pa kaya!”         “Ah, hindi na, Xyrene,” pagtanggi ko.         “Papasok kayo o walang kaldero?” seryosong sagot ni Xyrene sa akin.         Nilingon ako ni Reggie. “Yoseph, alam mo namang hindi ako makakapasok ng bahay kapag hindi ko dala iyung kaldero…”         Lihim akong napabuntonghininga. “Sige.”         “Tara na. Pasok na kayo sa loob,” pag-aya sa amin ni Xyrene, na nagpatiuna nang pumasok sa gate nila.         “Yoseph, pagkakataon mo na ‘to. Magpa-pogi points ka na,” bulong ni Reggie, na sinagot ko ng mahinang pagbatok sa kanya.         Sakto namang lumingon sa amin si Xyrene na nasa unahan namin ni Reggie. “May problema ba kayong dalawa?” Nagtagal ang tingin nito kay Reggie na kasalukuyang nakahawak sa batok niya.         “Wa-Wala, Xyrene. May kumagat lang sa batok ko. Mukhang malaking bubuyog. May bulaklak ba kayong tanim dito? Dadalaw yata ‘yung bubuyog. Hehe…”         “Reggie, puro ka kalokohan,” sabi sa kanya ni Xyrene.         “Hindi. Totoo ‘yung sinasabi ko. May bubuyog talagang aali-aligid dito.”         Babatukan ko pa sana uli si Reggie, pero biglang may nagsalita.         “Oy, Yoseph, Reggie! Tamang-tama. Bagong init lang iyong Lugaw, saluhan ninyo kaming kumain,” boses ni Aling Cita, na nakatayo na pala sa may pintuan.         “Ay, Aling Cita… kukunin lang po namin iyong kalderong pinaglagyan,” sagot ko.         “Ay, naku… hindi pwedeng hindi n’yo kami sasaluhan. Lagi na lang kayong may dala-dala sa amin. Tara na. Pasok na kayo,” sagot naman ni Aling Cita, sabay pasok na sa loob ng bahay nila.         “Lagi?” tanong ni Xyrene, habang nagpalipat-lipat ng tingin sa amin ni Reggie.         “Tara na, Yoseph. Hindi na pwedeng tumanggi, baka ma-bad shot sa magiging biyenan,” bulong ni Reggie sa akin, at saka nauna na sa akin na pumasok sa bahay. Naiwan tuloy akong mag-isa kay Xyrene, at hindi ko alam kung sasagutin ko na 'yung tanong niya o hindi. "Tara na sa loob, lablab!" masigla kong yaya kay Xyrene. Nag-atubili muna siya, pero naglakad na rin papunta sa pintuan. Dumerecho si Xyrene sa loob ng bahay nila, samantalang sa kusina naman ako nagpunta. Nadatnan ko na nagsasandok na ng Lugaw si Aling Cita doon, habang nasa tabi niya si Reggie. Lumapit ako sa puwesto niya.         “Aling Cita, ako na lang po diyan. Nakakahiya naman po sa inyo.”         “Hayaan mo na. Para ito lang. Sa inyo na nga galing itong pagkain, eh…”         “Okay lang po. Sige na po, upo na kayo. Kayang-kaya ko ‘to. Lagi ko kayang ginagawa ito sa amin,” sabi ko pa, kaya napilitan na ring maupo si Aling Cita.         Siya namang pagdating ni Xyrene, kasama ang dalawang pamangkin niya.         “Bango!” malakas na sabi ni AJ.         “Masarap talaga iyang Lugaw na ‘yan, eh. Reggie, sino’ng nagluto?” tanong ni Aling Cita.         Si Xyrene naman ay inasikaso sa pag-upo ang dalawang pamangkin niya, tapos ay naupo na rin sa tapat ng kinatatayuan ko.         "Naku! Espesyal talaga ‘yang Lugaw na ‘yan! Asawa ko kaya ang nagluto niyan. Kaya nga ako na-inlab doon eh. Ay, kasarap magluto!” pagyayabang ni Reggie.         “Ah, may asawa ka na pala?” tanong ni Xyrene kay Reggie, pagkatapos ay lumipat sa akin ang tingin nito sa akin na tila nag-iisip.         Iniisip ba niya na may asawa na rin ako?         “Oo. Nagayuma ako. Ang sarap kasi talaga magluto ng misis ko! Pero Xyrene, ako lang, ha. Si Yoseph, binatang-binata ‘yan!” nakangiting sagot ni Reggie.         Nilingon uli ako ni Xyrene, pero nang makita niyang nakatingin din ako sa kanya, ay bigla itong nagbawi ng tingin.         Iniabot ko kay AJ iyung una kong sinandok. Tapos ay isinunod ko naman si MJ.         "Kay Aling Cita muna itong pangatlo, Xyrene ha..." sabi ko, sabay abot ko kay Aling Cita ng pangatlong sinandok ko.         "Siyempre iyung Nanay muna ang dapat ligawan," sabat naman ni Reggie.         "Ano ‘yon, Reggie?" tanong ni Aling Cita sa kanya, kaya pasimple kong pinandilatan ng mga mata si Reggie.         "Sabi ko po Aling Cita, iyung Nanay muna talaga ang dapat binibigyan... tapos saka lang ang mga anak. Seniority po ang tawag dun, Aling Cita," sagot nito.         Patay-malisya na lang ako na kunwaring hindi ko napansin ang sinabi ni Reggie, pero sa isip ko ngayon ay kanina ko pa ito minumura.                  Inabutan ko na  si Xyrene ng Lugaw niya, tapos ay para sa akin naman ang pinakahuli.         "Boss Yoseph, iyung sa akin?" tanong ni Reggie nang nakaupo na ako.         "Ako ang magsasandok para sa iyo? Tinawag mo pa akong boss," balik-tanong ko sa kanya, na ang gusto ko lang naman ang mang-asar.         "Sabi ko nga, ako na ang bahala sa sarili ko," sagot naman ni Reggie, sabay tayo para magsandok ng para sa kanya.         Nakita kong napangiti si Xyrene. Pati iyung dalawang pamangkin niya ay natawa rin.         "Bakit ba boss ang tawag mo kay Yoseph, Reggie?" tanong naman ni Aling Cita.         Awtomatikong nagkatinginan kami ni Reggie.         "Aling Cita naman... hehe..." Sige, Reggie... lusutan mo yan! "Kitang-kita naman ang pruweba. Ano naman ang panama ng mukhang ‘to sa kaguwapuhan ni Yoseph? Artistahin ang mukha. Pangmodelo ang katawan. Eh, ako? Oh…"         "Ano ka ba, Reggie. Iyang mukhang ‘yan ang "in" ngayon!" sabi sa kanya ni Aling Cita, na binigyang diin pa ang salitang 'in'.         Nakita kong nagningning ang mga mata ni Reggie. "Talaga ho, Aling Cita?"         "Oo! Tingnan mo si Empoy. Oh? Biglang sikat! Di ba?" sagot ni Aling Cita.         "Oo nga ano, Aling Cita? May point ka dun..." malapad ang ngiting sagot ni Reggie.         "Oh, di paano? Quits na kayo ni Yoseph? Hindi mo na siya tatawaging boss?" sabi pa ni Aling Cita.         Napakamot naman sa ulo niya si Reggie.         "Aling Cita, kahit anong gawin ko, boss ko talaga 'yan eh...."         "Ewan ko sa ‘yo, Reggie! Kumain ka na nga lang!" inis na sagot sa kanya ni Aling Cita, habang palihim naman kaming nag-usap sa tingin ni Reggie. Humanda ka mamaya sa akin... ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD