Chapter 2 Hopeful

3830 Words
“Annulment?” Halos hindi ako makahinga. “Gano’n na lang? Isusuko ko na lang lahat, Randall? After all these years na tiniis ko, ipinaglaban ko, pinaniwalaan ko na darating din iyong araw na matututo kang mahalin ako?” Nakita kong sumimangot si Randall, pero hindi dahil sa awa, kundi sa inis. “Trishna, don’t make this hard. We both know this marriage was forced. You deserve someone else. And I… I deserve to be with the woman I love.” Maingat niyang hinila si Lilian palapit sa kaniya, walang takot, walang pakundangan sa maaaring maramdaman ko. At doon ako tuluyang nadurog. Pero kahit nanginginig na ako sa sakit, hindi ko ipinakita na bibigay ako. Ako ang asawa… at ako pa rin ang mas may karapatan. “No, Randall. Hindi ko hihilingin ang annulment. Ako ang asawa mo. At kahit ilang beses mong sabihin na hindi mo ako mahal, I will fight for this marriage. Dahil ako ang pinili ng pamilya mo. Ako ang asawa mo sa harap ng Diyos at sa harap ng tao. At hindi mo puwedeng basta-basta mabubura iyon.” Hindi siya umimik, pero ramdam ko ang galit sa titig niya. Si Lilian naman, nakangisi lang, parang siya pa ang panalo. Umangat ang baba ko, pilit na ipinapakita ang lakas na hindi ko na halos maramdaman. Hindi ako aatras. Hindi ako aalis. Hindi ko ibibigay sayo si Randall nang gano’n-gano’n na lang. Kahit nagdurugo na ang puso ko, kahit binabali na ako ng sakit, pinilit kong tumindig. Kahit nilulunok ko na lang ang pride ko. At sa mismong sandaling iyon, napagdesisyunan ko… kung para lang mapanatili si Randall, kakayanin ko. Kahit ako lang ang lumalaban. Kahit ako lang ang umaasa. Hindi pa humuhupa ang init ng pagtatalo namin kanina nang biglang may sumunod na kaluskos mula sa may pintuan. Bago pa ako makapagsalita, bumukas iyon at pumasok si Don Ernesto at Doña Carmela Cartier, ang lolo’t lola ni Randall. “Good morning,” malamig pero may siglang bati ni Doña Carmela habang maingat niyang isinasara ang pinto. “What is happening here? At bakit may tao rito na hindi dapat naririto ngayon?” Napalunok ako at nanlambot ang mga tuhod ko. Natigilan si Randall, halatang hindi niya inaasahan ang pagdating ng lolo’t lola niya nang walang abiso. Si Lilian naman? Imbes na mahiya, ngumiti pa at bahagyang yumuko bilang pagbati. “Good morning po,” magalang niyang sabi, na para bang wala siyang ginagawang mali. “Ako po si Lilian…” Pero hindi na siya pinatapos pa ni Don Ernesto. “Alam namin kung sino ka,” madiin nitong putol, at ramdam ko agad ang bigat ng titig niya. Napatayo ako mula sa pagkakaupo saka mabilis na nilapitan sila. “Lolo, Lola… hindi ko po inaasahan na pupunta kayo ngayon.” Halos nanginginig pa ang boses ko, baka isipin nilang kasalanan ko ang lahat. Lumapit si Doña Carmela, mariin ang pagkakatitig kay Randall. “Ano itong naririnig namin, Randall? Bakit may ibang babae dito, sa bahay na para lang sa iyo at sa asawa mo?” Kita kong umigting ang mga panga ni Randall, halatang naiipit sa sitwasyon. “Lola, hindi niyo naiintindihan. Si Lilian… she’s sick, and she needs someone to take care of her. Kaya–” “Kaya dinala mo siya rito?” mabilis na putol ni Don Ernesto, lumakas ang boses at halatang galit na. “Sa harap ng asawa mo? Sa harap ng mga kasambahay? At kung hindi kami dumating ngayon, sa tingin mo hindi makararating sa min ito?” Totoong nasaktan ako kanina sa mga sinabi ni Randall. Pero dahil sa pagtatanggol ng mga matatanda, kahit paano ay napalubag ang loob ko. “Lolo, please, huwag kayong magalit,” agad na sumabad si Lilian, halatang nagmamalinis. “Wala po akong ibang intensyon. I just needed Randall kasi… siya lang po ang nandiyan para sa akin.” “Hindi,” malamig na sagot ni Doña Carmela. “Wala kang delicadeza! Just look at you? You went to the house of a married man wearing that?” hinagod niya ng tingin ang kabuuan ni Lilian kaya napalunok ito at halatang napahiya. “Lola–” “Don’t call me lola! Hindi kita kaanu-ano!” angil ni Lola Carmela. Napaawang ang mga labi ni Lilian at namula ang mukha sa matinding pagkapahiya. “Lola, please… be gentle on her. She’s sick,” pagtatanggol na naman ni Randall kay Lilian. “At paano si Trishna, Randall? Hindi mo man lang ba iniisip ang mararamdaman niya? Kapag maulit pa ito, sige sumama ka na sa babaeng iyan at huwag ka na ulit magpapakita pa sa amin!” “Lola!” “Lola!” Sabay naming bulalas ni Randall. Maging si Lilian ay nanlaki ang mga mata. “Grabe, kaya niyo pong itakwil ang apo niyo para lang sa walang kuwentang babaeng iyan na–” Isang malutong na sampal ang ipinadapo ni Lola Carmela sa pisngi ni Lilian. Tumabingi ang mukha nito at napasinghap dahil hindi niya inaasahan iyon. “Sino ang nagbigay sa ‘yo ng karapatang makisali sa usapan namin? Kung mayroon mang walang kwentang babae rito, ikaw iyon! Kasi, kabit ka!” sigaw ni Lola Carmela. “Mela, calm down… baka kung mapaano ka.” Mabilis na inalalayan ni Lolo Ernesto ang asawa na nanginginig na yata sa galit. “Randall!” baling ko sa asawa ko at sumenyas. Mukhang Nakuha naman nito ang ibig kong sabihin at agad nilapitan si Lilian para ilayo sa matanda. Napatitig si Lola Carmela sa akin, at sa unang pagkakataon simula kagabi, nakaramdam ako ng lakas. Para bang may humawak sa kamay ko at sinabing: huwag kang bibigay. Si Randall, halatang naiinis, pero hindi makapalag. “Lola, you’re being unfair. You’re forcing me into this marriage, and now you’re dictating who I can or cannot see–” “Kaya ka nagkaroon ng lahat ng ito, Randall,” singhal ni Don Ernesto, itinuro ang paligid ng bahay. “Kaya ka namin piniling maging tagapagmana – dahil inaasahan naming may respeto ka sa sarili mong pangalan. Pero kung ganito lang din ang gagawin mo, baka mali nga ang naging desisyon namin.” Natigilan si Randall. Kita ko sa mukha niya iyong pagkabigla. At ako, kahit sugatan pa rin ang puso at kahit bitbit ang bigat ng kahapon, bigla kong na-realize na may laban pa rin ako maliban sa ako ang legal na asawa. Ako pa rin ang gusto ng pamilya ni Randall para sa kaniya. Nakikita nila kung anong klaseng tao ako. At sana ganoon din siya. Umiling si Doña Carmela, sabay lapit sa akin. Marahan niyang hinawakan ang kamay ko. “Trishna, hija, huwag mong hayaang apihin ka ng kahit sino. Ikaw ang asawa. Tandaan mo iyan.” Halos hindi ako makapagsalita, pero dahan-dahan akong tumango. Ramdam kong nanginginig iyong mga labi ko. “Opo, Lola.” Tahimik lang si Lilian, pero halata ang inis at pagkapahiya sa mukha niya. At si Randall? Galit, pero wala siyang magawa sa bigat ng salita ng mga lolo’t lola niya. At sa sandaling iyon, sa kabila ng lahat ng sakit, nanumbalik sa akin ang lahat... kung paano nga ba nagsimula ang relasyon namin ni Randall. Tahimik ang umagang iyon noon sa ancestral house ng mga Cartier. Ang laki ng mansion na parang laging may alingawngaw ang bawat tunog… iyong kaluskos ng mga walis, yung matinis na tunog ng mga pinggan, pati huni ng mga ibon sa labas ng hardin. Sampung taong gulang lamang ako noong magkasunod na mawala sa akin ang mga magulang ko. Tanging ang lola ko na lang ang kumupkop at nag-alaga sa akin. Doon ako nakaupo, sa gilid ng garden, hawak-hawak ang lumang libro na bigay pa ni Nanay bago siya nawala. Kahit luma na at kupas ang mga pahina, para sa akin, ito ang pinakaimportanteng bagay na naiwan niya. “Trishna, hija, halika na rito at tumulong ka kay Lola sa kusina!” tawag ni Lola Rosemarie, ang lola ko at maid ng Cartier family. Dali-dali kong isinara ang libro at inilapag sa gilid ng mesa. “Opo, La!” Sagot ko, saka ako tumakbo papasok. Binigyan niya ako ng tray ng mga baso. “Pakilagay ito sa dining, dahan-dahan, ha? Mahal ang mga iyan.” Maingat akong naglakad papunta sa mahabang mesa, halos nanginginig ang kamay ko kasi baka mabasag. Pero bago ko pa nailapag lahat, napahinto ako. Mula sa hagdan, may pababang binatilyo, hawak ang isang bola ng basketball. Parang may sariling ilaw siya habang bumababa… nakaputing polo, medyo gusto pero ang linis niyang tingnan. Matangos ang ilong, medyo singkit ang mga mata, at mukhang mabait at palakaibigan. Siya si Randall Cartier. Ang bunso at nag-iisang anak na lalaki ng pamilya Cartier. Nakita niya ako agad. Ngumiti siya, hindi iyong ngiting mapagmataas, kundi iyong totoong masaya. “Hi,” casual niyang sabi. “Ikaw ba iyong apo ni Yaya Rose?” Nanlaki ang mata ko, muntik ko pang mabitawan ang baso. “A-ah, opo. Ako po si Trishna.” Iniluhog niya ang kamay niya sa akin. “Nice to meet you, Trishna. I’m Randall.” Sandali akong nag-atubili pero inabot ko rin. Mainit ang palad niya, at sa isang iglap lang, ramdam ko na ang layo ng agwat sa pagitan namin. Ako ay apo ng maid. Siya naman ang anak ng may-ari ng lahat ng nakikita ko. “Kumakain ka ba ng breakfast dito? Sumabay ka sa akin minsan,” sabi pa niya bago tuluyang lumabas, bitbit ang bola. Nanatili akong nakatayo, pinagmamasdan siyang papalayo. Hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko… hiya ba, kaba, o paghanga. Basta ang alam ko, iba ang pintig ng puso ko noong araw na iyon. Para bang biglang naging espesyal ang umagang iyon. At sa mura kong edad, nagkaroon ako ng aking first crush. Pagbalik ko sa kusina, napansin agad ni Lola ang pamumula ng mga pisngi ko. “Hoy, bakit pulang-pula iyang mukha mo? Nakita mo ba si Seniorito Randall?” Napangiti ako saka halos bulong na sumagot. “Opo, La. Ang bait-bait po niya.” Napailing si Lola. “Huwag kang masyadong maglalapit sa kanila, hija. Hindi natin sila ka-level. Mabuti na rin kung mabait sila, pero ‘wag kang magpapaapekto. May mga bagay na hindi para sa atin.” Tumango ako, pero sa loob-loob ko, iba ang iniisip ko. Kasi sa unang pagkakataon matapos mawala sina Nanay at Tatay, may nakapagbigay ulit sa akin ng liwanag. At ang liwanag na iyon ay may pangalang Randall Cartier. Lumipas ang ilang taon, pero hindi ko pa rin makalimutan iyong unang araw na nakausap ko si Randall Cartier. Minsan nga naiisip ko, baka ako lang iyong may nakatatak sa alaala. At siya… baka nakalimutan na niya agad. Pero sa akin, ibang klase. Kasi mula noon, parang lagi ko siyang hinahanap sa paligid. Gumaganda at gumagaan ang araw ko kapag nakikita at nakakausap ko siya kahit sandali lang. Kapag umuuwi siya galing school at maririnig ko ang mga yabag niya sa marmol na sahig, napapahinto ako sa ginagawa ko. Kapag napapadaan siya sa garden at nagbabatuhan sila ng bola ng mga kaibigan niya, nagtatago ako sa likod ng puno para lang makasilip. Ang tanga, di ba? Pero para sa isang katulad kong lumaki na walang magulang, iyong simpleng ngiti niya, sapat na para mabuo ang araw ko. “Trishna, hija, magdala ka ng malamig na tubig kay Sir Randall. Galing pa iyan sa basketball court, baka nauuhaw na,” utos ni Lola minsan. Halos mahulog ang pitsel sa kaba ko. “Ako po, La?” “Oo, sino pa ba? Dali na, baka naghihintay na iyon.” Naglakad ako papunta sa hardin kung saan nakaupo si Randall, pawisan at hinihingal, kasama ang dalawang barkada niya. Pinilit kong hindi kabahan habang nilalapag ang baso sa mesa. “Thank you,” sabi niya habang inaabot ang tubig. “Wow, bro, who is this very pretty young lady here?” tanong pa ng kanibigan niya kaya napahinto ako at napatingin dito. “Hoy, gago ka! Mabait iyan si Trish kaya huwag mong igaya sa mga niloloko mong babae sa school!” angil ni Randall. Nagtawanan ang dalawang kasama niya. “Sige na, Trishna, bumalik ka na sa loob. Huwag mo nang pansinin ang mga siraulong ito. Thank you, ulit!” sambit niya at matamis na ngumiti sa akin. Sandali lang iyon, ang simpleng ‘thank you’ niya ay buong magdamag kong iniisip. Paulit-ulit nagre-replay sa isip ko iyong boses niya, iyong pawisan na siya pero ang guwapo pa rin niyang tingnan, at ang simpleng ngiti niya na parang ako lang iyong kausap niya sa oras na iyon. At doon ko na-realize… talagang crush ko si Randall Cartier. At habang lumilipas ang mga panahon, ang pagkagustong iyon ay lalo pang lumalalim. Habang tumatanda ako, mas nadadagdagan iyong paghanga. Sa school, magaling siya sa sports, palaging may dala-dalang medalya. Sa bahay, palagi siyang may kumpiyansa, iyong tipong hindi natatakot kahit sino ang kausap. Minsan naiinggit ako kasi napakadali para sa kaniya ang lahat… samantalang ako, laging kailangan magsikap ng doble. Kailangang magtrabahong mabuti para lang makamit ang nais. Pero kahit ganoon, hindi ko siya kinaiinggitan. Mas lalo lang akong humahanga. Hanggang sa minsan, narinig ko iyong mga ate niyang kinukulit siya sa dining area. “Randall, lagi kamo na namang kasama si Lilian Galleges, ah. Siya na ba?” tanong ng ate niya. Napakunot ang noo ko habang nakatayo sa gilid, bitbit ang tray ng pagkain. Hindi ko alam kung bakit parang biglang lumamig ang paligid. “Maybe,” sagot ni Randall, walang ka-effort-effort pero nakangiti. At doon ko unang naramdaman iyong sakit. Kasi kahit bata pa ako noon, alam ko na… hindi ako iyong nasa puso niya. Pero kahit masakit, hindi ko pa rin maiwasang umasa. Lagi kong sinasabi sa sarili ko: balang araw, baka mapansin niya rin ako. Baka makita niya na iba rin ako. Kahit isang simpleng pagkakataon lang, handa akong maghintay. Kung dati, simpleng batang mahiyain lang ako na laging nakatago sa likod ni Lola. Ngayon, pakiramdam ko ay unti-unti ko nang natutupad ang mga pangarap niya para sa akin. Noong pumasok ako sa college, hindi naging madali ang lahat. Cosmetology ang kinuha ko, at kahit may supporta ako mula sa Cartier family, lalo na kina Lolo Ernesto at Lola Carmela ‘Mel’ Cartier… hindi ibig sabihin na naging madali ang lahat. “Trishna, hija,” sabi ni Lola Mel minsan habang sabay kaming nag-aalmusal. “Hindi ka ba nahihirapan? Cosmetology is very technical, there’s science behind it. Pero maganda ang course na pinili mo.” Ngumiti ako, kahit halatang puyat. “Medyo mahirap po, Lola, pero gusto ko po talaga ito. Hindi lang basta makeup o beauty. Gusto kong maintindihan iyong skin, iyong tamang paraan para alagaan siya. Balang araw, gusto ko pong maging dermatologist.” Kumislap ang mga mata niya, halatang proud na proud. “You’ll be a great one someday. You have the passion and the brains. Hindi Talaga sayang ang sponsorship na ibinibigay namin sa iyo.” Minsan naiisip ko, ang suwerte ko kasi may mga taong naniwala sa akin. Hindi man ako kadugo ng Cartier family, pero tinuring nila akong parang apo. Lalo na si Lolo Ernesto, na laging nagpapadala ng books and kits para sa studies ko. Pero syempre, may mga pagkakataon ding gusto ko nang sumuko. Naalala ko noong finals week ng third year ko. Tatlong gabi na akong halos walang tulog, gawa ng mga plates, projects, at case studies namin tungkol sa skincare treatments. Pag-uwi ko sa mansion, nadatnan kong nakaupo sa sala si Randall, busy sa laptop niya. Ni hindi niya ako napansin kahit sobrang pagod na pagod na ako. “Good evening,” mahina kong bati. Tumingin lang siya saglit, parang wala lang. “Hmm.” Balik ulit siya sa ginagawa niya. “Trishna,” tawag niya sa akin noong nakalampas na ako. “I heard you are struggling with your studies. Kailangan mo ba ng tulong?” Biglang nablangko ang utak ko at hindi agad ako nakasagot. Hindi ko kasi inaasahan iyon. Kita ko naman ang sinserong pag-aalala sa mga mata niya. “Mahirap lang talaga ngayon kasi sabay-sabay iyong mga activities,” sa wakas ay nagawa kong sabihin. Marahan siyang ngumiti at lumapit sa akin. “If you need anything, tell me, okay? I will help you…” tinapik pa niya ang balikat ko at magaang hinaplos ang pisngi ko. Pagkatapos ay bumalik na siya sa ginagawa. Iniwan akong tulala at hindi alam kung ano ang susunod na gagawin. Nang makahuma ay patakbo akong nagtungo sa kuwarto namin ni Lola. Namumula ang mukha ko at sobrang bilis ng kabog ng dibdib ko. Kulang na lang ay mapatili ako sa sobrang saya ko. Hindi ko rin makakalimutan iyong araw na muling nagpakita ng kabaitan sa akin si Randall. Galing ako sa klase noon, pawis na pawis at pagod na pagod, dala-dala ko pa iyong makakapal na mga libro na parang sasabog na ang balikat ko sa bigat. Wala naman akong inaasahan, kaya halos mabitawan ko lahat ng gamit ko nang makita ko si Randall, nakatayo sa labas ng gate ng university, nakasandal sa kotse niya na parang leading man sa pelikula. “Randall?” halos pabulong kong tawag, kasi nagulat talaga ako. “Anong ginagawa mo rito?” Tumingin siya sa akin na parang natural lang, saka ngumiti nang bahagya. “Sinusundo kita. Alam kong pagod ka na. Tapos, ang bigat pa ng bag mo, Trish.” Hindi na siya nagpatumpik-tumpik, kinuha agad ang mga dala kong libro. Namula na naman ako bigla. “Hindi mo naman kailangang gawin ’to…” sabi ko, mahina lang, kasi ramdam ko iyong titig ng ilang kaklase ko. Naiilang ako. Nahihiya pero ang puso ko ay nagdiriwang sa loob. Pero siya? Kalma lang. “Papayagan ba kitang mag-commute pa? Trish, parang miyembro ka na rin ng pamilya namin, kaya responsibilidad din kita.” Nag-init lalo iyong magkabilang pisngi ko. Responsibilidad kita. Ang simple lang ng sinabi niya pero parang biglang gumaan lahat ng dala ko… hindi lang ang bigat ng libro kundi pati iyong pagod ko. At doon ko na-realize, kahit minsan parang imposible na magkaroon kami ng kaugnayan, sa mga ganitong sandali… ramdam ko na may halaga rin ako sa kanya. At doon ako nahulog nang mas malalim sa kaniya. Minsan naiisip ko, baka tanga lang talaga ako. Bakit ba sobra akong kumakapit kay Randall kahit ilang beses na akong nasasaktan ngayon? Pero tuwing babalikan ko iyong mga alaala namin noong high school at college ako, naiintindihan ko kung bakit ang hirap niyang bitiwan. Naalala ko pa noong nagkasakit ako sa dorm. Hindi ko alam kung paano niya nalaman. Pero isang araw nagising ako na may nakahandang lugaw sa tabi ng kama ko, mainit pa. At siya mismo ang nagluto… si Randall Cartier, ang amo namin ni Lola, prinsipe ng pamilya, nakatayo sa maliit na kusina, amoy luya at bawang ang buong lugar. Napapangiti ako. “Don’t give me that look, Trish,” sabi niya habang inaayos iyong tray. “Hindi naman ako alien para hindi makapagluto. Kumain ka, para bumalik ang lakas mo.” At noong ngumiti siya, parang siya lang ang lunas na kailangan ko. May isa pa. Finals week noon, halos hindi na ako natutulog. Stress na stress ako kasi gusto kong maipasa lahat ng subjects para hindi masayang ang scholarship ko. Dumating siya sa veranda kung nasaan ako, dala ang paborito kong milk tea at sandwich. Wala siyang sinasabi, basta umupo lang siya sa tabi ko at sinamahan akong mag-aral hanggang madaling araw. Sa sobrang antok ko, doon na ako nakatulog sa balikat niya. Pagkagising ko, nakatabi pa rin siya… gising na gising at nagbabasa ng notes ko. “Para naman may katulong kang mag-review,” sabi niya sabay haplos sa buhok ko. At that moment, pakiramdam ko, bagay talaga kami para sa isa’t isa. At noong pagkakataong iyon, sabi ko sa sarili ko, gumagawa talaga ng paraan ang universe para magkalapit kami. We became close friends after that. Pinakahinding-hindi ko makakalimutan iyong isang maulan na gabi. Nasa isang event kami sa university, tapos biglang bumuhos ang malakas na ulan. Lahat ay nag-unahan papasok sa building, pero ako naiwan kasi wala akong payong. Akala ko maghihintay na lang ako hanggang tumila. Pero bigla siyang dumating, hawak ang malaking payong, at walang pasabi na inakbayan ako. “Let’s go home, Trish.” Hindi na siya nagtanong, hindi na siya nagalit na basa na rin siya. Basta tiniyak lang niya na hindi ako mabasa at mahirapan pa. At siguro, iyon ang mga dahilan kung bakit ganito katigas ang ulo ko ngayon. Kahit na sa kasalukuyan, halos puro sakit at luha na lang ang natitikman ko, hindi ko makalimutan na minsan… naniwala ako na minahal din niya ako sa mga simpleng paraan. Minsan… ramdam kong mahalaga rin talaga ako sa kaniya. Lumipas pa ang mga buwan na nasanay ako na palaging nandiyan si Randall para sa akin. Ngunit agad ding nagbago iyon nang magsimula na silang mag-date ni Lilian. Hanggang sa masanay na akong hindi niya ako gaanong pinapansin. At kahit masakit, tinanggap ko na ako lang ang may gustong makita siya. Siya… may iba nang mundo… lalo na dahil si Lilian Galleges ang madalas niyang kasama. Kaya imbes na malungkot, binalingan ko ang dahilan kung bakit ako nagsisikap: si Lola Rosemarie. “Apo,” sabi niya minsan habang pinapahiran ako ng efficascent oil sa balikat, “alam mo bang ipinagmamalaki kita? Hindi lahat ng batang lumaki na mahirap, nagiging kasing-tiyaga at kasing-sipag mo. Kaya kahit anong mangyari, tandaan mo, proud ako sa ’yo.” Doon ako napaiyak, kasi kahit walang “congratulations” mula kay Randall, sapat na iyong mga salitang iyon para ituloy ko pa ang laban. At dumating din ang araw ng graduation. Sa stage, habang inaabot ko iyong diploma at medalya, naririnig ko ang palakpakan sa likod. “Magna c*m Laude: Trishna Garcia Decennia.” Hindi ko mapigilang mapaluha. Hindi dahil sa medalya, kundi dahil sa mga pinagdaanan ko. Mula sa isang batang mahirap na halos walang sariling gamit, ngayon nakatayo ako sa harap ng lahat, patunay na kaya ko ring abutin ang mga pangarap ko. Pagbaba ko ng stage, sinalubong ako agad nina Lolo Ernesto at Lola Carmela. “Our girl did it!” halos sumigaw si Lola Mel, mahigpit ang yakap sa akin. Randall was there too. Nakatayo siya sa gilid, nakapamulsa, at kahit sandali lang, nakita ko siyang nakatingin sa akin. Walang salita, pero kita sa mga mata niya na proud din siya sa akin. May kung anong kilig at sakit pa rin akong naramdaman. Kasi kahit sa araw na iyon na dapat pinaka-special para sa akin, gusto ko pa ring marinig ang isang simpleng ‘I’m proud of you’ mula sa kaniya. Pero wala. At doon ko unti-unting natutunan na hindi lahat ng gusto mo, makukuha mo. Kaya imbes na maghabol, pinili kong mag-focus sa pangarap ko. Dermatology. Iyan ang bagong laban. At kahit hindi pa malinaw kung paano, isa lang ang sigurado ko… hindi ako titigil hangga’t hindi ko natutupad iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD