Chapter 2

2666 Words
“TITA Mika, melon din po ako pa-shayubong?” tanong ng pamangkin ni Mikaella na si Greg. Tatlong taong gulang lang ang bata at pamangkin niya sa isang pinsan. Para siyang balikbayan kung pagkaguluhan ng mga kamag-anak niya gayong sa Maynila lang naman siya nanggaling. Kunsabagay, sa lahat ng magpipinsan ay siya lang ang maituturing na matagumpay dahil siya ang nakatapos ng pag-aaral at ngayon ay may magandang trabaho sa isang malaking kumpanya sa Maynila. Ang iba kasi niyang pinsan, kung hindi maagang nagsipag-asawa, hindi naman nakatapos ng pag-aaral. Kaya naman ang nanay niya ay punong-puno ng kakaibang pagmamalaki para sa kanya, pagmamalaki na hindi naman nagmamayabang. Nananatiling mababa ang loob nito.             “Siyempre naman, ikaw pa ba ang kalilimutan ko?” natatawang sagot ni Mikaella. “Hala, pikit ka muna.” Mula sa malaking paper bag ay inilabas niya ang isang remote-controlled toy car. Siniguro talaga niya na mabibilhan ang lahat para walang magtampo sa kanya. Tutal naman ay paminsan-minsan lang iyon. Ito na lang ang hindi niya nabibigyan kaya siguro nagtanong na. “Dyaraaan!”             “Wow!” Nanlaki ang mga mata ng paslit. Para bang nakakita ng bagay na pinakamimithi. Agad na bumaba ang bata mula sa pagkakakandong sa ina at animo namamangha na ingat na ingat na binitbit papunta sa kung saan ang laruan. Kahit na anong tawag niya ay hindi na ito lumingon.              “Tingnan n’yo ang batang iyon at biglang naging isnabero,” natatawang komento niya na sinegundahan ng iba pa.             “Mika, wala pa ba?” tanong ng Kuya Juniel niya nang humupa ang tawanan. Isa ito sa mga pinsan niya.             “Wala pang ano?” kunwari ay kunot-noo niyang tanong gayong may ideya na siya kung ano ang itinatanong nito. God! Here we go... Hindi pa nag-iinit ang puwit ko sa upuan heto at nabuksan na agad ang topic na ayaw na ayaw kong pag-usapan.              “Boypren.” Sabi ko na nga ba! palatak niya sa isipan.             “Bente-otso ka na sa susunod na buwan pero wala ka ni boypren. Pinsan, dito sa probinsiya, maituturing nang matandang dalaga ang ganyang edad.”             “Oo nga! Kailan ka ba kasi mag-aasawa? Aba’y kilos na at baka maiwanan ka ng biyahe,” susog naman ng isa pa. “Si Lander, pagkaguwapo-guwapo naman ng binatang iyon, ewan ko kung bakit hindi mo nagustuhan. Hayon at napagod din kahahabol sa ’yo. Ang nangyari, nabaling ang atensiyon sa kabigan mo.”              Lihim na nagpakawala ng buntong-hininga si Mikaella. Isa ang topic na iyon sa mga dahilan kung bakit hindi madalas ang pag-uwi niya ng probinsiya. Ayaw niya sa usaping iyon dahil maraming binubuhay na alaala. Mapapapait na alaala. Mga alaalang hindi gumagaling at patuloy na nagnanaknak sa kanyang kalooban. Mga alaala ng napakalalim na sugat. “Aanhin ko naman ang guwapo, kung ako naman ang magpapakain?” hindi niya napigilang isagot. Dahil ang Lander na sinasabi nito ay batugan naman at problema ng asawa. Mikaella managed to fake a cheerful smile. “Sabi nga nila, ‘kapag hindi ukol, hindi bubukol’,” katwiran niya. “Huwag nga kayong mainip at darating din tayo diyan.” Pero hindi, hindi iyon mangyayari. Ayaw niyang mag-asawa. Hindi siya mag-aasawa. Never.             “Baka doble-doble naman kasi ang padlock niyang puso mo, pinsan, kaya walang makapagbukas,” hirit pa ng isa. “Sayang ang lahi natin. Sa ganda mong iyan dapat na marami pang maliit na Mikaella ang mabuhay sa mundo!”              Gosh, kailan ba sila magiging sensitive? Hindi ba nila naiisip na single pa rin ako sa edad kong ito dahil ayaw ko talagang mag-asawa?! Kailan ba makakaramdam ang mga ito na asiwa siyang pag-usapan ang usaping iyon? At mabuti sana kung hindi na iyon mauulit. Pero hindi, eh, hindi iyon doon natatapos. Siguradong bukas ay mauulit ang usaping iyon. At hindi iyon limitado sa mga kamag-anak niya, pati na rin sa lahat ng tagaroon na makakabatian at kakumustahan niya ay magtatanong rin kung kailan ba siya mag-aasawa. Nakakapagod na.             Eh, bakit kasi hindi mo sila prangkahin na ang calling na pinili mo ay ang buhay ng single-blessedness? Na wala ka naman talagang balak na mag-asawa? anang kanyang isipan. Nang igala niya ang paningin, sumalubong iyon sa mga mata ng kanyang ina. It was a knowing look. Iyong klase ng tingin na may ipinahihiwatig. At hindi niya iyon matagalan kaya nag-iwas siya ng tingin. “MADADALA ka na naman sigurong umuwi rito, ano?” Tinig iyon ng ina ni Mikaella na pumukaw sa naglalakbay niyang isipan. Alas-siyete na ng gabi. Nakahiga na siya sa kama pero hindi naman natutulog. Ang kanyang diwa ay naglalakbay. Nilingon niya ang ina. Nasa bukana ito ng pintuan at may hawak na platito na may tasang umuusok. She could smell the aroma of the steaming cup of hot chocolate. Naupo siya sa kama. Ang kanyang ina naman ay tuluyang pumasok at inilapag sa isang mesa ang tasa ng hot chocolate. “Ilang buwan na naman kaya ang lilipas bago ka muling umuwi rito?” dagdag pa nito habang nauupo sa gilid ng kama. “Na kung hindi pa ako humiling sa ‘yo na dalawin mo naman ako ay hindi ka uuwi. Alam ko naman na hindi mo ako nalilimutan. Ayaw mo lang talagang bumalik sa lugar na ito.”             “Bakit n’yo naman po nasabi iyan?”             Sinulyapan siya nito at nginitian, ngiting hindi niya batid kung ngiti ng katuwaan o pag-aalala. “Dahil kilala kita. Anak kita. Hindi ka man magsalita, alam ko kung ano ang tumatakbo sa isipan mo. Hindi ka kumprotable kanina. Para kang sinisilihan. Para bang nais mong tumakbo at magpakalayo-layo.”             “Nay… Hindi ko po kayo maintindihan,” kaila niya.             “H-hindi ka pa rin nakakalimot…” basag ang tinig na wika pa nito bago namasa ang mga mata.             Awtomatik ang pag-iinit ng mga mata ni Mikaella. Unti-unting naipon ang mga luha sa kanyang mga mata pero pinigilan niya iyon sa pamamagitan ng pagpikit-pikit at mariing pagkagat ng dila. “M-mahirap pong lumimot k-kung…kung m-malaki at malalim ang s-sugat.” Muli siyang nahiga at umunan sa hita ng ina na buong lugod siyang tinanggap. “K-kung buhay na buhay ang mga alaala.”             Hinaplos nito ang buhok niya nang buong pagmamahal. “Lahat ng sugat gumagaling, anak, kahit gaano pa kalalim iyon. Kahit gaano kalaki. Ang kailangan mo lang gawin ay… m-magpatawad.”             Hindi po, Inay. May mga sugat na hindi gumagaling. Sa halip ay patuloy iyong nagnanaknak hanggang sa mabulok... Hanggang sa magnaknak at magnana rin ang mga nasa paligid n'on. Hanggang sa mabulok din ang paligid at lalo pang lumaki at lumalim ang sugat… May mga sugat, Inay, na tumatagos hanggang kaluluwa mo. At iyon ang klase ng sugat na meron ako. Ang sugat na pinag-uusapan nila ng kanyang ina ay ang sugat na dulot mismo ng kanyang ama. Ang kanyang iresponsable, lasenggo, marahas, at sugarol na ama. Namulatan na niya ang mga hindi kanais-nais na katangian na iyon ng ama. Pumikit si Mikaella nang sumagi sa isipan ang isang alaala...             Napaigtad ang sampung taong gulang na si Mikaella sa bangkong kahoy na kinauupuan nang marinig niya ang lasing na tinig ng paparating na ama. Kumakabog ang dibdib, dali-dali siyang nagtungo sa maliit niyang silid at nagkulong doon. Sa murang edad ay namahay na ang takot sa kanyang dibdib. Narinig niya ang pabalandrang pagbukas ng pinto ng kanilang maliit na bahay.             “Phagkain! Hik,” anito sa lasing at sinisinok na boses. Malakas ang boses nito kaya sigurado siya na umaabot iyon hanggang sa pandinig ng mga kapitbahay. “Bhigyan ninyo akho ng phagkain! Pholly! Nasaan kang putang-ina ka! Mhikaella!”             Napaigtad si Mikaella kasabay ng pagngiwi. Aktong tatayo na siya nang marinig niya ang tinig ng kanyang ina na si Polly. Galing ito sa palengke at nagtitinda ng mga gulay. “Berting, ano ka ba? Nasa kanto pa lang ako, dinig ko na ang boses mo.”             “Hano bhang pakialam nila sha akhin! Phagkain. Hainan mo nga ako ng pagkhain. Mga wala kayong kuwenta!”             Naging sunod-sunod na ang murang lumalabas sa bibig ng ama ni Mikaella. Sinasaway ito ng kanyang ina pero sa pag-aray ng kanyang ina ay mukhang sinaktan na naman ito; sinampal o sinapok. Tumayo si Mikaella at tinungo ang nakabukas na bintana. Sumampa siya roon at tumalon. Pagkatapos ay nagtungo siya sa likod-bahay, sa taniman ng kanyang ina, lumayo-layo at sumiksik sa likod ng isang malaking puno. Tinakpan niya ang magkabilang tainga para hindi marinig ang nagaganap sa kanilang bahay. Naglandas ang maiinit na butil ng luha sa magkabilang pisngi niya. Bukas siguradong may mga pasa sa katawan ang kanyang nanay.   NAKALABAS na ng silid ang ina ni Mikaella. Nilamon na ng kadiliman ang silid, nakahiga na rin siya sa kama at handa na sa pagtulog. Lumilipas ang oras pero nananatiling bukas ang kanyang mga mata, nananatiling aktibo ang isipan.             Ang kanyang inay ang halos bumuhay sa kanilang tatlo. Walang kuwenta ang kanyang ama. Sa pagdaan ng panahon ay lalo itong nagumon sa alak na kung makalaklak ay animo tubig lang iyon. At kapag lasing ay maingay ito, nagmumura, nagwawala… nanakit. Wala ito ni katiting na kahihiyan sa katawan. Bawat utos na hindi masunod ay mananakit. Walang pasensiya. Hindi alam ni Mikaella kung bakit nagkaganoon ang kanyang ama. Ang alam lang niya ay ang takot at phobia na namahay sa puso niya para sa ama. Hanggang sa ang takot na iyon ay nauwi sa pagkamuhi, sa puntong hinihiling na niya na sana ay bawian na ito ng buhay. Iyon ang rason, ang bigat na dinadala niya kaya siya naging aloof at mapag-isa noong high school. Iyon ang dahilan kung bakit pinili niyang mabuhay sa loob ng sariling mundo. Hindi niya ibinabahagi ang alalahaning iyon sa mga kaibigan. Itinago niya iyon, ikinandado sa puso. Hindi niya alam kung alam ng mga ito ang sitwasyon niya noon dahil wala namang nagtangkang umusisa sa kanya. Ynella, Daisy, Danica, and Ariana gave her the space she needed.             Pagkaraan ng anim na taon, sa mismong araw ng pagtatapos niya sa high school ay nangyari ang kanyang hiling. Maitim na hiling. Nasangkot sa isang gulo ang kanyang ama hanggang sa mapatay ito. Lasing, siyempre. Ni hindi niya sinilip ang labi nito. Walang luha na pumatak mula sa mga mata niya para sa ama. Pakiramdam nga niya ay may tinik na natanggal sa lalamunan niya. Ah, ganoon niya kinamumuhian ang sariling ama. At patuloy niya itong kinamumuhian hanggang ngayon.             Dahil matalino rin, nakakuha siya ng scholarship sa munisipyo. Naipasa niya ang lahat ng pagsusulit at naging iskolar ng bayan. Sina Ynella ay sa Maynila na nag-aral, sa malalaking unibersidad. Balita pa nga niya, sina Ariana at Danica ay sa ibang bansa nag-aral. Hindi siya sigurado.  Nakapagtapos si Mikaella sa kursong Accountancy. Life had been so easy since then. Nang makapagtapos ay mabilis siyang natanggap sa trabaho sa Maynila. Napatunayan niya ang kanyang galing sa larangang iyon kaya naman hindi na siya nagulat nang isang araw ay makatanggap siya ng promotion. Ngayon ay isa na siya sa mga senior accountants ng isang malaking kumpanya. Ang kanyang ina, kahit na anong pangungumbinsi niya na samahan na siya sa Maynila, ay mas gusto pa ring maiwan sa probinsiya. Sa bahay na ipinatayo niya para dito. At kahit na mahal niya ang kanyang inay, minsan ay iniiwasan din niya itong makita. Paano ay nakikita niya sa katawan nito ang mga peklat na dulot ng pagiging battered wife.             At kung bakit nananatili siyang single? Dahil patuloy siyang hinahabol ng multo ng kanyang ama. Hindi mawala sa isipan niya ang naging buhay ng kanyang ina sa piling nito. Hindi mawala sa gunita niya ang mga suntok, sampal, at sipa. Ang mga malulutong na mura. Ang mga sigaw. Ang mga eskandalo. Ang mga kahihiyang naranasan nila. Hindi. Isinumpa niyang hindi siya magkakaroon ng ganoong buhay. Hindi niya dadanasin ang mga iyon. Hindi niya hahayaan ang sino mang lalaki na saktan siya, na gawing miserable ang kanyang buhay. Hindi niya kailangan ng lalaki para mabuhay.  Pero nitong nakaraang taon ay pumasok sa isip ni Mikaella ang posibilidad na magkaroon ng anak. Isang anak na pagbubuhusan niya ng atensiyon. Isang anak na makakasama niya sa pagtanda. Ang pagnanais na magkaroon ng anak ay lalong tumindi sa bawat paglipas ng araw. Ibibigay niya rito ang lahat ng pagmamahal. Pagmamahal na hindi niya naramdaman mula sa ama. Poprotektahan niya ang kanyang anak, kahit kanino. Hindi niya ito hahayaang masaktan—mapapisikal man o emosyonal, whatever it caused her. Hindi niya ito bibigyan ng sugat sa puso, sugat na katulad ng sa kanya. Iyon na lang ang gusto niya, ang tanging minimithi. Anak.   “ABA'Y teka, mabuti at naalala ko.” Mula sa hapag-kainan kung saan sabay silang nag-almusal ay tumayo ang kanyang ina. Sinundan ito ng tingin ni Mikaella. Nagtungo ang kanyang ina sa isang mataas na estante na nagsisilbing partisyon ng sala at dining area. Mula roon ay may kinuha ito. Muling bumalik ang kanyang ina at naupo. “Ire, nalimutan kong ibigay sa iyo kahapon.” Iniabot nito sa kanya ang isang plastic na may tatak ng isang kilalang courier company. Binitiwan ng dalaga ang hawak na kubyertos at tinanggap iyon. “Noong isang araw iyan dumating. Nakapangalan iyan sa ‘yo. Eh, kako darating ka naman kaya hindi ko na pinangahasang buksan at usisain ang laman.”             Inusisa niya kung kanino iyon galing. Daisy Calderon ang nakalagay na pangalan ng sender. Tumaas ang kilay niya bago binuksan ang lalagyan at inusisa ang laman. Isang kulay pula at halatang ipinasadya pa na wedding invitation. Napatingin siya sa ina, na may pagtatanong din sa mga mata. May stick-it note ang invitation. Iyon muna ang inusisa niya. Hi Mikaella. Huwag kang mawawala sa big day ko ha? I am expecting you. —Daisy. Sunod niyang inusisa ang wedding invitation.             “O, anak, ano ba iyan, hane?”             Desimuladong lumunok siya. “Imbitasyon po para sa kasal, Nay.”             “Siya nga?” Lumiwanag ang mga mata nito sa excitement. Funny pero tila nabasa rin ni Mikaella sa mga matang iyon ang pag-asam na sana ay maikasal na rin siya. “Aba’y sino ang ikakasal? Hindi pamilyar sa akin kung sino iyang si Daisy Calderon na nagpadala niyan, eh.”             “Kaklase ko po no'ng high school si Daisy. Pero hindi n'yo po siya nakilala kaya hindi po siya pamilyar sa inyo.” At wala rin namang pagkakataon na nagsama siya ng sino mang kaeskuwela sa kanilang bahay. Dahil sa kanyang ama, siyempre. “Bale nagkataon po na nagpanagpo kami sa isang mall sa Maynila. Nagkakilanlan. Tapos nagkakuwentuhan nang kaunti. Nabanggit nga po niya na ikakasal na daw siya at padadalhan niya ako ng imbitasyon.” Nagkibit-balikat siya.             “Ano naman ang sinabi mo?” Inabot ng inay niya ang palad niya at hinawakan. “Umoo ka?”             “Pinapangako ho niya ako na dadalo ako. ‘Kako ay hihintayin ko na lang ang imbitasyon para sa iba pang detalye.” Lihim na napangiwi si Mikaella. Sana pala ay deretsahan na siyang tumanggi. Ipinakita sa kanya ni Daisy ang picture diumano ng pakakasalan nito. Napakaguwapo ng lalaki, sa totoo lang. Isang foreigner, Amerikano.             “Ganyang nakapangako ka pala, eh, dapat lang na dumalo ka,” anito. Hindi nakaligtas kay Mikaella ang bahid ng pambubuyo, bagaman banayad lang. Ibinubuyo siya nito na dumalo sa kasalang iyon dahil baka nga naman makadama siya ng inggit at gustuhin ding mag-asawa. “Bahala na ho, Nay,” walang kasiguruhan na sagot niya. Dinampot niya ang tasa ng kape at sumimsim doon. “May sakit ho yata ako sa petsang iyan.” Muntikan nang mabilaukan ang kanyang nanay. “Biro lang ho.” Lihim na napabuntong-hininga si Mikaella. Batid niya na may hinala ang kanyang inay sa intensiyon niya na hindi mag-asawa. Hindi lang niya alam kung ano ang magiging reaksiyon nito sa sandaling malaman nito ang totoong plano niya. Wala siyang planong mag-asawa. Pero planong magkaroon ng anak. At bibigyan niya iyon ng katuparan. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD