"THEN, You're unlucky." Napakunot ang noo ko at tinuro ang sarili. "Ako? Malas? Bakit? Ako ba girlfriend mo?"
Lumingon siya sa akin at… "Asa ka."
Waw ha! Iba talaga ang tabil ng dila ng lalaking 'to eh.
"Makaasa ka naman. Ano pakiramdam mo? Malaking privilege maging boyfriend ka? 'Kala mo naman gusto kitang boyfriend. Magkaliwanagan nga tayo rito, hindi porket magkamukha kayo ni Clarence babyboo eh gusto na rin kita."
Binuklat niya ang mga medical books na dala. "You talk too much," aniya na parang iritado.
"So, ganyan ka na ngayon? Playing annoyed na kasi natamaan ko na ang ego mo?"
"Asa ka" Binilang niya pa ang bawat salita sa daliri. "Dalawang salita katumbas ng mahabang litanya mo —"
"K," walang emosyong sagot ko pero ang totoo nagpa-party-party ako sa loob-looban dahil nabara ko siya.
Tiningnan niya ako nang matalim pero ibinalik din ang atensyon sa aklat.
"What I mean is, you're unlucky 'cause you're talking to me who you refer na walang kwentang kausap," paliwanag niya ngunit sinagot ko lang ng pangmalakasang "K".
Pagkatapos ay inilapit ko agad ang mata sa microscope pero ramdam ko ang titig niyang tinalo yata ang regla dahil wagas kung tumagos.
Todo deadma naman ako. Hmp! Tumigil lang siya kakatitig nang biglang mag-ring ang phone niya.
Nakita ko sa pheripheral vision kong sinagot niya ang tawag at nasa tainga niya na ito pero hindi naman siya nagsasalita. Eh, ano 'yan? Pakiramdaman lang?
"Biology Lab…ge," aniya at binaba ang tawag. Ay, patipiran ng sagot? Ang tamad naman niya.
Hindi ko nalang siya pinansin at nag-focus nalang sa ginagawa ko. Maya't-maya'y nagsusulat ako ng mga observations ko habang siya nama'y abala rin sa report niya. Ngunit pagkaraan ay namataan ko ang taong hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko sa pinto ng laboratory.
Anong ginagawa niya rito?
"Bro," tawag nito kaya napaangat ng tingin si Edrian.
Toinks. Oo nga naman Chrys. Kasama mo ang kambal niya, malaking posibilidad na siya ang ipinunta niya rito. Actually, wala namang possibilities eh dahil siya naman talaga ang sadya niya rito. Ano namang kailangan niya sa'yo? Haler. Asang-asa, Chrys? Baka nga siya 'yong tumawag.
"Hi," bati niya nang mapansin ako. Napakagat labi naman ako dahil hindi ko mapigilang mapangiti. "H-hi Clarence." Gassh, why nauutal?
Hmm. Yeah, I know. I'm still affected by his presence. Ito na nga oh, nag aariba na naman si malanding organ.
Nag-usap silang magkambal at kunwaring nagsusulat-sulatan nalang ako pero ang gilid ng mata ko'y naka-focus sa kanila. Nakita kong inabutan ni Clarence ng credit card si Edrian.
"Allowance," ani Clarence.
"Again? Hindi ko pa nga nagagalaw 'yong binigay mo last two months," reklamo ni Edrian. Binibigyan na nga eh. Pero teka, ba't si Clarence ang nagbibigay?
"Aba, ewan ko kay Mommy. Ge, alis na'ko. May klase pa ako eh... Chrys…"
"Yes?" Agad akong nag-angat ng tingin at abang na abang na dahilan ng pagtawag niya. Agad ding napalingon si Edrian sa akin at may kaunting gulat si Clarence sa mukha. Napalakas yata ang pagsagot ko at parang napaghahalataang naghihintay akong isali sa usapan nila.
"Alis na'ko, bye." 'Yon lang at lumabas na siya. Si Edrian nama'y bumalik na sa pagbabasa.
Sus, mamaalam lang pala. Akala ko ano na.
"Hindi halatang abang na abang," singit ni Edrian pero hindi naman tinatanggal ang tingin sa libro.
"Sino?!" Teka ang high pitch ko yata ngayon.
"Sino nga ba?" aniya at inikot-ikot ang ballpen sa daliri. Hindi ko na siya pinansin dahil may naiisip na naman ako. Pumunit ako ng isang papel sa notebook, sinulatan ito at tinupi.
"Oh." Abot ko sa kanya ng papel.
"Don't tell me ako na ang bibigyan mo niyan?" Nakataas pa ang kilay niya ah. Napatawa ako.
Tahimik, suplado, mahilig mang realtalk pero assuming din minsan.
"Paano nga kung ikaw?" nakangisi kong tanong.
"What are you planning? Tuhugin kami?" Naibaba ko ang kamay at nawala ang ngisi ko.
"Ito naman masyadong seryoso, binibiro ka lang eh. Tuhog agad? Para bang tinuhog ko si Clarence eh ‘di naman."
"You're done with Clarence and you didn't get him. Who knows, I'll be your next target."
Wtf. Ang sarap hambalusin ng microscope!
"Unang-una Mr. Latwick, hindi ako interesado sa'yo. Tandaan mo 'yan! Kaya 'wag masyadong assuming. Pangalawa, anong pakiramdam mo sa'kin? Kahit sino-sino na lang?! At pangatlo, ikaw ang judgmental sa'ting dalawa!"
Magwo-walk-out na sana ako nang maalala ko ang microscope. Binalik ko ito sa pinagkunan ko, padabog kong kinuha ang notebook at ibinagsak ang nakatuping papel sa harap niya.
"Pakibigay kay Clarence," mahinahon kong sabi at pinaikutan siya ng mata at nag final walk-out.
Kung kaya niyang mang-inis at manakit ng damdamin ng iba na hindi man lang nagbabago ang ekspresyon, I can also split my mood from being furious to a calmed one that sudden.
****
Habang lumilipas ang araw mas bestfriend ko na si Edrian kaysa kay Kyra dahil mas madalas ko siyang kasama at dahil na rin sa magka-course kami. Ewan ko nga ba, sa tuwing magkasama naman kami walang hindi nagtatapos sa pagwalk-out ko, nakakainis kasi. Pero hindi ko rin alam kapag magkikita kami ulit tatawagin ko siya at tataasan niya lang din ako ng kilay na parang walang nangyari sa huli naming pag-uusap.
Parang nagrereklamo kami sa kapintasan ng isa't-isa na siya, masyadong masakit magsalita habang ako naman daw ay masyadong maingay pero parang komportable kami sa isa't-isa.
Minsan nga'y nagiging open na siya sa akin. Nalaman ko ngang nagtatrabaho pala siya sa isang coffee shop bilang cashier. Nakapagtataka lang na nagtatrabaho pa siya eh mas mayaman pa nga sila sa amin. Ang dahilan? Hindi ko pa alam.
At tama nga si Ciddy para ngang messenger ko siya. Sa kanya ko na kasi kinakamusta si Clarence at ang parating sagot niya lang naman. "Okay lang siya. Natatawa sa mga sulat mo."
Ganern lang palagi. Walang improvement? Umaasa ako na isang araw may iaabot din siyang sulat sa akin at sasabihing galing kay Clarence. Pero waley pa eh, kaunting hintay.
"Ay! Ayan na siya Chrys! Edrian!" Nagulat ako sa pagsigaw ni Ciddy. "Ay, kasama si Gabriella."
"Huh? Sinong Gabriella? Gabriella Silang?" takang tanong ko habang nakikisingit sa kanya sa pinto.
"Gaga! Si Gabriella Sylvior, si former Pres." Nakita ko nga ang papalayong dalawa.
"Sila ba Chrys?" usisa ni Ciddy.
"Aba malay ko."
"Anong malay mo? Madalas kayong magkasama. Interview-hin mo naman."
"Next time." Sabay take note sa isipan ng tanong.
"Gosh, kung magiging sila hindi ko alam kung sino ang magiging swerte sa kanila. Matalino kasi si Gabriella, beauty rin naman pero mas beauty nga lang ako. Mabait pa pero at least matalino rin ako." Naguluhan ako sa pagkukumpara niya, hindi ko gets kung fan siya ng loveteam nina Edrian at Gabriella o mas fan siya ng Edrian at sarili niya.
"Swerte sa kanya ni Edrian. Pero ang swerte niya rin kay Edrian eh. Gwapo na, matalino rin. Bunos na 'yong yummy pa! Eeh!" Putek parang uod na inasinan na naman 'to si Ciddy eh.
"Diyan ka na nga, 'yon oh gwapo." Turo ko sa hallway kung saan umaawra ang bakla sa mga kaibigan niya saka bumalik sa upuan ko.
"Yuck Chrys!" Napatawa nalang ako sa reaction niya.
Dumating na ang Prof namin kaya nagsiayusan na rin. "Okay, malapit na ang ating semestral break so expected papalapit na rin ang exam niyo. Study your lessons and settle your accounts. And oh, one more thing kung sino ang student na may highest score per department ay siyang ipapadala sa US as an exchange student to the rest of this school year." Nag-react naman ang mga kaklase ko at nagsi-ingayan.
"So, if you want to study abroad and be the exchange student of our department. Review. That would be all for today, may meeting pa kami. Dismiss."
Napanganga naman ang mga kaklase ko. "Ah Prof kayo po yata ang lalabas?" alanganing sabi ng isa, nagpipigil na nga lang ako ng tawa. "Oh, right. Ako pala ang lalabas. Sige, bye."
Pagkaalis na Prof. ay siyang halakhakan nila pati na rin ako. Pagkatapos kong itawa ang lahat, napag-isip kong tama nga 'no? Malapit na ang semestral break. Parang kailan lang na introduce yourself ang ginagawa namin.
Maghapong hindi ko nakita si Edrian kaya hindi ko naibigay ang sulat. Pero nandito ako ngayon sa coffee shop kung saan siya nagtatrabaho, sa counter na ako umupo para makausap ko ang kaherang 'to.
"Edrian, matagal ka na bang nagtatarabaho rito?" tanong ko pagkatapos sumimsim ng kape. Ilang beses na rin kasi akong nagawi rito hindi ko siya nakita.
"Oo," aniya. Ang tipid naman, 'kala mo naman may ginagawa. Wala namang nagbabayad.
"Ba't hindi kita nakita?"
"Hindi naman ako waiter."
"Huh?" Ang labo talaga kausap.
"Cashier ako malamang nakaupo lang at talagang 'di mo makikita."
"Ayun, ano kayang ihip ng hangin ang ipupunta ko sa'yo para sumagot ka nang maayos, katulad ngayon."
"Wind of your silence."
Imbis na ma-offend na naman sa sinasabi niya, I was actually amazed.
"Taray, ulit nga. Wind of your silence. Hmm gawa tayong pelikula, 'yan ang title."
"Kape lang oorderin mo?" aniya pagbabalewala sa sinasabi ko.
Napatingin ako sa hawak na kape. "Anla, bakit, bawal bang magtagal ang kape lang ino-order —ay bastos, kinakausap tapos tatalikuran?" Talagang tinalikuran ako at pumasok sa kitchen nila.
Napansin kong tawang-tawa ang isang waiter na na-assign yata rito sa counter. "Tawang-tawa ah? Nakakausap niyo ba nang maayos si Edrian?"
Medyo lumapit naman ang lalaki sa akin.
"Kinakausap ko kasi siya pero tinalikuran ako. May balak pa yatang palayasin ako kasi kape lang in-order ko. Bawal ba 'yon dito? Dati na akong kumakain dito, hindi naman ah."
"Okay lang naman, ang iba nga rito napipilitang mag-order para sa Wifi."
"Oh 'yan naman pala eh, mas okay nga ako at least bukal sa kalooban akong nag-order pero 'yang si Edrian ang bastos talaga ng pag-uugali, nakita mo naman diba —"
Naputol ang pakikipag-usap ko sa waiter nang lumabas siya ng kitchen na may bitbit na buttercake.
"Oh." Sabay lapag niyon sa harap ko.
Itinuro ko ang cake. "Akin 'to?" Tumango-tango lang siya. Waah talaga? Nililibre niya ako ng cake? Kakaiyak naman.
Hinarap ko ang waiter na ngiting-ngiti para bawiin ang mga sinabi ko. "Joke lang pala. Actually, ang generous at gentleman niya." Hindi na nakapag-react ang waiter dahil may tumawag sa kanya.
"Libre ba 'to?" tanong ko sa kanya na nakatunganga lang din sa harap ng cashier.
"Oo, basta maghugas ka lang sa kusina."
Parang biglang pumait ang cake? Masarap naman siya kanina ah.
"Grabe ka, babayaran ko na lang. Nakakahiya naman sa'yo. Ganito pala ang part-time ng cashier? Magse-serve ng pagkain na hindi in-order?"
Hindi niya na ako sinagot dahil may nagbayad ng mga customers. Kaya ninamnam ko nalang ang kape at cake ko. Infairness sa cake na'to masarap. Kahit matamis gano’n pa rin ang lasa ng kape. Bago ko makalimutan ang sadya ko rito, kinuha ko sa bulsa ang papel.
Nang wala na siyang ginagawa ay inabot ko ang papel at talagang pinaharap ko ang may nakasulat na "To Clarence".
Tiningnan niya ang papel at napataas ang kilay. "Akala ko ba hihinto ka na?" aniya.
"Huh? Sinabi ko bang hihinto na ako?"
"Drama lang pala 'yong paiyak-iyak mo?"
"Hoy, anong paiyak-iyak pinagsasabi mo? Totoo 'yon no. Wala naman akong sinabing hihinto kay Clarence ah, ang ibig kong sabihin hihinto lang sa pagiging vocal. Kaya ayan, pa sulat-sulat nalang," paliwanag ko na may kasama pang kindat.
Hindi ko rin maintindihan sarili ko eh. Akala ko nga, ayaw ko na talaga. Pero nahihibang na yata ako at may dugdug effect pa rin ako sa kanya. Nabubuo niya pa rin araw ko eh kaya nga pasulyap-sulyap nalang ako, hindi na bulgaran. Ewan ko nga ba, ito na yata ang sinasabi nilang kapag tumibok ang puso wala ka nang magagawa kundi sundin ito.
Dapat nga kasi tumigil na ako kasi alam niyo na, 'yong nangyari. Pero hindi ko talaga ma-explain!
"Edrian…"
Umangat siya ng tingin sa akin at nakita kong bahagya siyang nagulat sa pagseseryoso ko.
"Tingin mo? May pag-asa kaya ako sa kambal mo?" Matagal siyang nakatingin sa akin bago nagkibit-balikat.
"I think so."
Lumiwanag ang mukha ko. "Talaga?" I'm sure alam niya 'yan kasi siya ang nakakakilala kay Clarence at siya rin ang nakakakita ng mga reaksyon ni Clarence sa mga sulat na pinapadala ko.
Tumango-tango siya.
"Sabi mo 'yan ah?"
"I got your back." Gash! Parang gusto kong pasukin ang counter at yakapin si Edrian sa tuwa.
Pagkatapos kong maubos ang kape at cake ay nagpaalam na akong umalis. Tatayo na sana ako sa kinauupuan ko nang maramdaman kong may humawak sa kamay ko. Nakapatong pa kasi ang isang kamay ko sa counter. Nakita kong nakapatong ang kamay ni Edrian sa kamay ko.
*Dugdug*
Hindi ko naman agad iyon maigalaw.
*Dugdug*
Ba't may dugdug effect?!
"I got your back when it comes to Clarence, not to your coffee," aniya at tinuro ang basong walang laman kaya natanggal na ang kamay niyang nakapatong sa kamay ko kanina.
Natigilan ako sa mga nangyayari at ang kamay ko yata ay na superglue na rito sa counter.
"Chrys?"
Anong nangyayari?!
"A-ah oo. Babayaran ko naman i-ito naman." Sa wakas naigalaw ko rin ang kamay at kinalkal sa bag ang wallet. "Just pay for the coffee."
'Yon nga, binayaran ko ang kape at sa kanya na raw 'yong buttercake. Nagpasalamat na lamang ako at wala ng dadang umalis.
Whooo! Kailangan ko yata mag-reflect, mag-internalize o kung ano pa man para magising ang diwa ko.