Prologue
“Ineng! Ineng!”
Dahan-dahan kong iminulat ang mga mata ko dahil ramdam ko ang mahinang pagtapik sa pisngi ko. At bumungad sa akin ang mukha ng isang matandang babae na nag-aalalang nakatingin sa akin.
“Ineng, bakit dito ka natutulog?” tanong niya sa akin.
Iginala ko ang tingin at nakitang halos wala na palang katao-tao dito sa bus station na binabaan ko kaninang maliwanag pa.
“May hinihintay ka ba dito na susundo sayo?” tanong muli ng matanda kaya bumaling ako sa kanya at umiling. “O naghihintay ng susunod na byahe?”
Umiling ulit ako. “Ang totoo po niyan ay dito na ang huling destinasyon ko,” sabi ko. “Hanggang dito lang ako dinala ng perang mayroon ako.”
Kumunot ang noo niya. “Wala kang matutuluyan dito?”
“Ngayon lang po ako nakapunta sa lugar na ito at nagbakasakali na makapagpahinga dito nang sa gayon bukas ay makahanap agad ako ng trabaho.”
Tinitigan niya ako. Inilapit pa ang kanyang mukha sa akin pagkuwa’y tiningnan ako mula ulo hanggang paa. “Mayroon ka bang police clearance?”
Naguguluhan man ay agad kong inilabas ang mga requirements ko at ipinakita iyon sa kanya. Siniguro ko kasi na bago umalis sa lugar na kinalakihan ko ay naayos ko ang mga mahahalagang dokumento na mayroon ako nang sa gayon ay hindi na ako mahirapan sa paghahanap ng trabaho sa lugar kung saan ako mapapadpad.
Tiningnan niya ang police clearance ko at tumangu-tango tsaka ibinalik iyon sa akin. “Kung gayon ay maaari kang sumama sa akin,” sabi niya. “Isa akong mayordoma sa pinakamalaking farm sa probinsya na ito at eksaktong naghahanap ng dagdag na kasambahay ang amo ko.”
“Po?” Napatayo ako sa sinabi nito. “At… at kukunin niyo po ako?”
Tumango siya. “Mas mabuti na iyong ganyang itsura ang kuhanin ko kaysa papiliin pa ako ni Sir sa mga ipapadala ng agency na sigurado namang walang ibang gagawin kung hindi magpa-cute kay Sir.”
“Eh?”
“Sige na.” Itinuro niya ang mga gamit ko. “Sumunod ka na sa akin at nandiyan na ang sundo ko.” At nauna na siyang naglakad patungo sa direksyon ng exit ng bus station.
Hindi na ako nagdalawang-isip pa na sumunod sa kanya.
Sa sitwasyon ko ngayon ay wala akong karapatan para mamili pa ng trabahong papasukin. Kung ito ang makakatulong sa akin para maka-survive at makapag-ipon para muling makabangon sa hinaharap ay maluwag ko itong tatanggapin.
Isa pa, mukha namang seryoso ang trabahong inaalok sa akin ng matanda. Biglaan nga pero siguro ay nakuha ko siya sa itsura ko ngayon.
“Welcome back, Manang Cleo,” masayang bati ng isang lalaking nakasuot ng denim jumper at longsleeve. Mahigpit itong yumakap sa matanda pagkuwa’y mapatingin sa akin. “Kasama niyo ito, Manang?” Kumalas siya ng yakap tsaka tumingin sa matanda.
“Hindi ba’t nagpapadadag si Sir Akia ng kasambahay na tututok sa garden na pinapagawa niya?” sambit ng matanda na Cleo pala ang pangalan. “Siya ang napili ko kaysa mag-aksaya pa ako sa mga ipapadala ng agency na sigurado namang hindi din magtatagal sa trabaho.”
“Sana mo nakilala ito?” tanong pa ng lalaki.
“Diyan sa loob,” walang ganang sambit ni Manang at binuksan na ang pinto ng kotse. “Kumpleto ang mga papeles niya at sigurado namang hindi peke ang mga iyon kaya wala kang dapat alalahanin diyan.” Bumaling siya sa akin. “Iwan mo na ang mga gamit mo kay Engko at pumasok ka na dito.” Nauna na siyang pumasok sa kotse.
Tumingin ako sa lalaking nagngangalang Engko at ngumiti. “Hello. I am Lumine.”
Ngumiti din siya pabalik sa akin at tumango. “Engko. Driver sa Vrana Farm.” Kinuha na niya ang mga bag ko. “Sige, pumasok ka na sa loob at siguradong mapapagalitan pa tayo ni Manang kapag natagalan pa tayo dito.”
Tumango ako. “Salamat.” Pumasok na ako sa kotse at naupo sa backseat, katabi ni Manang Cleo.
“So, nakita ko ang college diploma mo at graduate ka ng agriculture, ibig sabihin ay maalam ka sa mga pagtatanim, tama ba?”
Tumango ako. “May maliit na flower plantation ang mga lolo ko noon kaya nahilig ako sa paghahalaman,” kwento ko. “Hindi ko na lang po naabutan nang makatapos ako ng college at maipagpatuloy dahil naibenta na ng mga magulang ko.”
“Hindi ko alam kung bakit bigla mong naisipan na umalis sa kung saang lugar ka man galing at magtitiwala ako sayo na hindi mo sasayangin ang kabutihang binigay ko sayo ngayon kaya hindi na ako magtatanong pa tungkol sa nakaraan mo,” sabi niya. “Kaya pagbutihin mo ang trabaho mo. At kung makikita mo si Sir Akia, siguraduhin mo na hindi uunahin ang kalandian kaysa trabaho, nagkakaintindihan tayo?”
Mabilis akong tumango. “Makakaasa po kayo,” sagot ko at ngumiti. “Maraming salamat po sa tiwala.”
“Pwede mo akong tawaging Manang Cleo o Nanay Cleo,” aniya. “Ikaw na ang mamili. Pagdating natin sa farm, magpahinga ka agad at bukas ng maaga ay agad kang magsisimula sa trabaho mo.”
Pumasok na si Engko sa sasakyan at agad itong pinaandar papunta sa farm na aking pagtatrabahuhan.
At habang nasa byahe ay paulit-ulit akong nagpapasalamat sa diyos dahil sa swerte na ipinagkaloob niya sa akin sa gabing ito. Buong akala ko ay pinabayaan na niya ako dahil sa sunod-sunod na paghihirap na dinanas ko nitong mga nakaraang buwan sa taong ito. Akala ko ay kahit na umalis na ako sa lugar na iyon ay susundan pa din ako ng kamalasan na mayroon ako.
Pero ang kawalan ko ng pera kanina na siyang dahilan kung bakit natigil ako sa bus station ay isang malaking daan para makilala ko si Manang Cleo.
At dahil sa tiwalang binigay niya sa akin, pagbubutihin ko ang trabahong binigay niya sa akin. Ito ang isang bagay na kaya kong ipangako.
Inabot pa ng halos dalawang oras ang byahe namin hanggang sa tuluyan kaming makarating sa isang malaking arko na mayroong gate at nakaukit doon ang pangalan ng farm, Vrana Farm.
“Welcome to Vrana Farm, Lumen,” sabi ni Engko nang tuluyang bumukas ang malaking gate. “Ang pinakamalaking farm na siyang pinanggagalingan ng halos kalahati ng pagkain na mabibili mo sa mga palengke at grocery sa buong bansa.”
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya.
Shit!
I know this place! This farm was owned by one of the princes of this empire!