//KABANATA 12

2158 Words
Samson Fuerte IP Address: 172.168.20.10/63 Lungsod ng Taguig, Pilipinas Agosto 26, 2045; 13:27 H (GMT +08:00)   Tirik ang araw, at ang aking ulat na ipapasa sa pulisya ay kumakaway sa akin, humihiling na matapos na, nang sa gayon ay makatulong ako sa pagbuo ng kaso laban sa mga umatake sa Factory-56. Marami-rami ang inaresto, at inaasahan ko, na mabibigyan ng tamang kaparusahan ang mga nanggulo, at sumira sa tinuturing na ‘pangarap’ ni Markus Sanchez. Maliban sa Markus Industries, malaking hadlang sa Kagawaran ng Kalusugan ang nangyari. Ang inaasahan sanang pabrika, na magpapamura ng presyo ng bilihin ng BraimPlant, ay dinurog sa isang iglap lang. Hindi mananatili sa kung anumang halaga ang nakadikit ngayon sa mga BraimPlant, bagkus ay lalo pa itong tataas, at sa pag-taas ng presyo, mapipilitan ang lahat na bumili sa mga kakumpetensya. Kaya naman, noong ako ay papalabas sa Markus Tower, maraming haka-haka akong naririnig – ‘Pakawala ba ng mga kalaban sa kompetisyon ang pag-atake sa Factory-56, habang ginagamit ang Humanity Resistance Front?’ Maaaring oo, maaari ring hindi. At sa aking paglisan sa Markus Tower, nagdesisyon akong puntahan ang huling hantungan ni dating Pangulong Jeane Cortez. Wala namang masama kung ipagpapaliban ko muna kahit ilang oras ang pagbubuo ng ulat, hindi ba? Nakasay ako sa e-jeep na maghahatid sa akin sa Blumentritt sa Maynila, at sa aking pagtitig sa isang billboard, nadatnan ko ang pamilyar na mukha sa aking mga mata. Ang kanyang labi ay napinturahan ng kolorete, at kagaya sa labi, puno rin ng make-up ang kanyang mukha. Ah, siya ang babaeng nakasalubong ko sa e-jeep sa Forbes Park! Siya si Svetlana Khasanova! Kailan kaya ulit kami magkikita? Abala siya ngayon sa pagmomodelo sa Enzi Cosmetics, na may katagang ‘Ganda Para sa Lahat’ o sa Ingles, ‘Beauty For All.’ Malayo-layo pa ang biyahe, at huminto ang e-jeep sa e-jeep stop na nasa harapan ng De La Salle University. Maraming mga estudyante ang nakapila, kasama ng iba pa na nagbabalak na sumakay. “Baclaran-Blumentritt. Sino ang sasakay?” Kausap ni Elena AI ang mga nasa labas. May mga nagsipasok, pero ang iba ay piniling maghintay. Siguro, iba ang kanilang pupuntahan, at wala sa anuman sa ruta ang madaraanan nito. Pagkapasok, nagtanong muli si Elena AI kung may sasakyan pa ba. “Sampung segundo. Sino pa ang mga sasakyan? Ten seconds, who will ride?” May mga humabol, at pagkalipas ng sampung segundo, isinara na ng e-jeep ang kanyang pinto para sa iba pang mga pasahero. Dahil malayo pa, nagbasa muna ako ng ilang mga balita sa Inosanata NewsTablet. Isa sa mga nakuha kong impormasyon ay ang pagkondena ni Pangulong Solomon Genio sa tinatawag niyang ‘barbarikong pag-atake’ at ‘kaduwagan’ ng Humanity Resistance Front. Aniya, wala nang magagawa ang HRF kundi ang tanggapin na lang ang katotohanan na ang mga SmartHuman ay ang hinaharap ng mundo. Nanood din ako ng livestream ng press conference ng Markus Industries, na kung saan nagbibigay ngayon ng pahayag si Bashiri, at ang legal team. “Tungkol sa security ng BraimPlant, lahat ay makakatanggap ng critical update anumang araw ngayong linggong ito. Nirerepaso pa namin ang kakayahan ninyo, kaya antay-antay lang po. Kung ikaw ay naka-Auto Update, kusang mag-a-update yan. Kung hindi, may lalabas na notification na nagtatanong kung papayag ka bang i-update ang iyong system. Paki-fire lang sa neuron ang ‘Yes’, at ang internet ay kokonekta na sa’yo.” Ah, ang auto-update feature ng BraimPlant, na sa default, ay naka-ON. Naka-ON ang aking auto-update at mamaya, magdadownload na ito sa aking BraimPlant. Pinanood ko pa ang bidyo, at bago pa pag-usapan ang hukom na hahawak sa kaso, nakarating na ako sa Bluementritt, ang aking destinasyon para makarating sa Manila North Cemetery, ang himlayan ng maraming Manilenyo, at si Elpidio Quirino, ay namamahinga rin sa kaparehong sementeryo. Nagsibabaan na ang mga natitira pang mga tao sa loob, at ako ay sumunod na rin. Tutal, heto na ang huling destinasyon sa ruta, at kapag nakakarating na sa dulo ang isang e-jeep, iikot ito at babalik sa isa pang dulo. Hindi mahulugang-karayom ang bilang ng mga namamasyal sa nabanggit na pook. Bawat kalye ay may mga tindahang tumatakip sa mga establisimiyentong nasa gilid ng kalsada. Ang iba pa nga ay humaharang na sa mga daraanan ng mga sasakyan, at ang mga pulis ay abalang-abala sa pagmamando ng kanilang mga drone, naghahanap ng mga krimen na maaari nilang maaksyunan agad-agad. Naroon din ang ilang mga humanoid na naglalako ng serbisyong medikal mula sa mga bilihan ng gamot. Nakipagsiksikan pa ako sa dami ng tao, at sa kanto, may isang ambulansyang pumasok sa compound ng ospital. Dinaanan ko ang sidewalk na nasa harapan ng ospital, at ilang sandali lang, ang aking mga paa ay nakatapak na sa lupain ng sementeryo. Halos buong paligid, kung hindi puno at mga halamang nakikipagsayawan sa hangin, puro nitso ng mga yumao ang babati. Kung hindi nitso, mga naglalakihang mausoleo ang babati. May mga pinapanatili pa rin ng mga kamag-anak, may mga inaambunan ng mga bulaklak at may ilan namang naabutan ko, na parang kinalimutan na ng panahon. Bilang lang sa daliri ang mga sasakyang dumaraan sa kalsada, at namamayani ang huni ng ibon, ang tunog ng kapayapaan. Ninamnam ko ang bawat yapak na ginagawa ng pagkakataon. Siguro, kung hindi ako naging SmartHuman, maaaring isa na ako sa mga nasa loob ng bawat nitsong aking natatanaw. Maaaring isa na ako sa mga dinadalaw ng aking mga kamag-anak, na inaamin ko, wala nang balita. Hindi mahalaga iyon sa ngayon, subalit maaari sa iba pang pagkakataon. Sa aking pagyapak sa daanan ng mga tao at sa pagtunton sa bawat pasikot-sikot, natanaw ko na rin ang huling hantungan ni dating Pangulong Jeane Cortez. Hindi katulad ng karamihan na pangkaraniwang nitso, inayon ang disenyo ng kanyang bagong tahanan kagaya ng sa isang kaharian, na kung saan ang lahat ay mapayapa. Ang bubong ay tumatakip sa araw, maliban sa parteng humaharap sa nitso, habang ang nitso mismo ay parang isang hardin, namumukadkad ng mga bulaklak, at dinidiligan sa tuwing panahon na nila. At usapang panahon na nila, naabutan ko si Richard Cortez, na nakatitig sa nitso ng yumao niyang asawa – nagtataimtim, at ni isang salita, walang imik. Hindi ko siya inistorbo sa aking paglapit sa nitso ng dating Pangulo, at hinayaan ko lang na mauna siya sa pagpansin sa akin. Naroon din pala si Ayesha, ang iniwang anak ng dating Pangulo, na siyang kinukupkop ngayon ng isang non-government organization. Sa ngayon, naglalaro siya ng eroplano na winawasiwas niya na animo’y lilipad. Silang dalawa ay hindi SmartHuman. “Alam ko ang nangyari sa Samar, at ang buong mundo ay nakatitig sa kung ano ang susunod na hakbang ng bansa.” Nagbigay na siya ng pahayag makalipas ang saglit kong pagsulyap kay Ayesha. “At Samson, hindi ko inaasahan ang iyong pagpapakita rito. Bakit ka napadalaw?” “Ginawa ko lang ang dapat ko nang ginawa kung hindi lang ako nakaratay sa ospital nang higit isang taon – ang pagdalaw dito. Nakikiramay ako, Ginoong Richard Cortez.” Honesto at sinsero ako sa aking sinasabi. Apat na taon kong nakasama ang Pangulo, at talagang may dedikasyon siya sa kanyang sinumpaang tungkulin. “Salamat. Kahit isang taon na ang nakalipas, masakit pa rin para sa akin na mawala si Jeane.” Bago pa man sabihin sa akin ang mga susunod niyang mga salita, narinig ko ang tinig ni Ayesha, maligayang-maligaya sa muli kong pagpapakita sa kanya. “Kuya Samson!” “Ayesha, baby, ano ang tinuro ko sa’yo kapag may nag-uusap?” Hindi pinalagpas ng kanyang ama ang sa tingin niya ay mali. Sinuway niya ang bata, at pinaalahanan kung ano ang tamang gawain kapag gustong sumali sa mga usapan. “Sabihin ang ‘excuse me’ kung gustong sumawsaw sa usapan ng dalawa.” Sinagot ito ng bata, na nagmuestra ng itinuro sa kanya ng kanang ama. “At hayaan mo muna kaming matapos.” Ani Richard, na humiling sa kanyang anak na patapusin muna ang usapan. Hindi niya kasi mauunawaan ang paksang aming pinag-uusapan. Bumalik kami sa kung saan kami nahinto, at pinaandar muli ang diskusyon. “Ang alam mong mas masakit doon? May mga nakulong nga, ngunit ang tagal ng hatol na binibigay.” “Ano ang sabi ni Justice Secretary?” Nanghingi ako ng bagong impormasyon ukol sa kaso. “Wala. Laging sinisisi sa korteng humahawak sa kaso ang usad pagong na pagbibigay ng kahatulan. Sa unang anibersaryo ng kamatayan, sinasabi nila palagi na ‘ibibigay ng administrasyong Genio ang hustisya sa nagdaan sa kanya’ – pero, nasaan na? Wala pa rin.” Wika niya sa kanyang pag-aalala. Maaaring hindi na siya umaasa pa na makakamit niya ang hustisya. “Samson, kilala ka ni Jeane bilang magaling na commando, kaya nagtitiwala ako sa’yo. Paki-imbestigahan ang andar ng kaso, at nais kong alamin kung may nangyayari bang hiwaga sa loob.” Sa akin siya nagtiwala, para sa ikasasara ng kaso, at sa ikapapayapa na rin ng kanyang pagkabalisa. Tatanggapin ko ba ang kanyang kahilingan, sapagkat may respeto ako sa dating Pangulo? O, tatanggihan ko iyon, at ituon ang aking sarili sa pakikipagtulungan sa kapulisan tungkol sa imbestigasyon? Tumitig na lang ako sa nitso ng dati kong prinotektahan alang-alang sa interes ng bansa – ni isang salita, hindi mailabas. “Bakit, tatanggihan mo ba?” Matagal naglaro ang aking isip sa pagdedesisyon. “Alam kong abala ka dahil sa nangyari sa Markus Industries, Samson. Kung ano ang iyong desisyon, rerespetuhin ko.” “Abala ako, at hindi ko mapapangako iyan sa inyo, Ginoong Cortez, dahil sa kadahilanang binanggit mo kanina.” Nagpakatotoo ako. “Hindi kita pinipilit. Kung may oras ka, paki-imbestigahan mo ang andar ng kaso, at balitaan mo ako.” Hinihikayat pa rin niya ako na tanggapin ang kanyang kahilingan. Muli kong pinigilan ang pagbuka ng aking mga labi, at binigyang-daan ko ang aking sarili sa pagbuo ng desisyon. Magandang maimbestigahan ko, sa aking sarili, ang kaso, ngunit malaking hadlang ito sa pakikipagtulungan ng kumpanya sa pulisya. Pero, naalala ko, may representatibong aako ng trabaho sa pagpunta sa Samar at lalo pang makipagtulungan. Kapag natapos ko na ang ulat (na siya ko lang namang kontribusyon sa pakikipagtulungan – kung walang magbabago), maaaring magawa ko na ang nais niyang mangyari. Ngunit, hindi ako nangangako, at hindi ko kailanman gagawin ang pagpako sa pangako. “Saan nakasilid ang kaso?” Una sa lahat, inalam ko ang korteng humahawak sa kasong ito. “Quezon City Metropolitan Trial Court Branch 214. Nasa city hall ng Kyusi ang korte, at naroon ang nilalaman ng bawat kaso.” Binanggit niya na ang lugar, kaya tao naman ang sunod kong inalam. “Sino ang aking hahanapin?” “Attorney Jennifer Mercado. Siya ang humahawak sa kaso.” Alam ko na ang lugar na aking pupuntahan, at ang taong aking hahanapin. Ano naman kaya ang oras na malaking tsansang magpakita siya sa kanyang opisina? “Anong oras siya nasa opisina, kung sakaling alam mo?” “Ayon sa pagkakatanda ko, Lunes hanggang Biyernes – naroon siya. 8 am sa umaga, hanggang 5 pm sa hapon.” Copy that. Pero, kumpleto na nga ba? Kumpleto na para sa akin. Wala na akong ibang detalyeng hihilingin pa. Muli, hindi ako nangangako. “Hindi ako mangangako, Sir Richard, na matutupad ko ang iyong kahilingan. Subalit, susubukan kong alamin ang kasalukuyang galaw ng kaso.” “Salamat, Samson. Talaga ngang hindi nagkamali si Jeane sa pagtiwala sa’yo.” Nagpasalamat sa akin ang biyudo, at ang kanyang mukha ay puminta ng imahe ng ngiti. “Walang anuman iyon.” Sagot ko, at naghatid ako, sa isa pang pagkakataon, ang mensahe ng pakikiramay. “Muli, nakikiramay ako sa pagkawala ng iyong mahal sa buhay.” Tapos na ang aming pag-uusap, at heto na ang pagkakataon ni Ayesha para muli kaming magkaroon ng interaksyon. Tinawag na siya ng kanyang ama. “Ayesha, halika rito!” “Kuya Samson!” At nang marinig ang tawag, tinigil niya ang paglalaro ng eroplano, at tinawag ang aking pangalan. Kilala niya ako, at minsan ay nakipaglaro ako sa kanya noong naninirahan pa ang kanyang ina sa Malakanyang. May harutan, habulan, at kung minsan, nagpapaligsahan kami kung sino ang pinakamagaling sa paglalaro ng Puzzle Gamer, isang app na maaaring i-download sa mga smartphone at tablet. Lumapit siya sa akin, at mahigpit niya akong niyakap. Matagal na kaming hindi nagkikita, at ako, bilang pinakamalapit sa kanya sa buong pangkat ng Presidential Security Group noon, ang pagkakataon ito ay nagpapaligaya sa akin, sa kabila ng mapait na katotohanan na nasa loob ng mausoleong ito. “Matagal na tayong hindi nagkikita, Kuya. Kailan po tayo maglalaro ulit ng Puzzle Gamer?” Iyon agad ang kanyang tinanong, at sa kanyang pagtanong, nagmukha siyang kyut. Siyam na taong gulang na siya. “Hindi ko pa alam, Ayesha. Maraming ginagawa si Kuya Samson mo.” Totoo namang marami akong ginagawa. “Ganoon po ba? Sige po.” Tanggap niya naman na baka hindi na kami makapaglaro, at kung sakali mang dumating iyon, bihira na lang. “Papa, pakikuha po yung IP Address ni Kuya Samson, para mapaalahanan natin siya na maglalaro kami.” “Iyon nga ang aking gagawin, anak.” Nilabas na ni Richard ang kanyang smartphone, at itinapat ang kamera sa aking mga mata. Tumitig ako sa lente, at hinayaan ang smartphone na gawin ang kanyang trabaho. Nang makuha na ang personal kong kontak, nagpasalamat sa akin si Richard. “Salamat sa pagbisita mo, Samson.” “Walang anuman iyon.” Tugon ko, na maluwag sa kalooban.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD