bc

All Names are Taken

book_age18+
173
FOLLOW
407
READ
adventure
spy/agent
alpha
powerful
versatile
no-couple
bodyguard
like
intro-logo
Blurb

Ang taon ay 2045, at ang pangako ng transhumanismo ay kumikinang na parang gintong dumaan sa dila ng apoy. Marami ang nagpasanib at ilang mga bansa ay naghayag na ng suporta sa pagangat ng kanilang mga mamamayan upang maging mga 'SmartHuman', na tinaguriang 'kinabukasan' ng sangkatauhan. Subalit, sa kabila ng ningning ng hinaharap, isang lihim ang sadyang tinatago sa likod ng mga anino at kung sinuman ang makaalam sa kanilang pag-iral, ay tiyak na mapapatay sa paraang madugo - walang makakarinig, walang makakakita, para bang bigla na lang naglaho.

Si Samson Fuerte, ang dating miyembro ng Presidential Security Group, ay agad isinalta sa mundo ng Markus Industries bilang Security Head, ang kompanyang tumustos sa pagpapagaling sa kanya, matapos ang ilang buwan niyang pananatili sa ospital. Nakailag man siya kay kamatayan, sinaksakan naman siya ng spec-ops grade na brain chip sa utak nang hindi niya kagustuhan.

Gayumpaman, may isa siyang misyon na kailangan tuparin - ang halukayin ang lahat ng mga lihim patungkol sa pag-atake sa Batasang Pambansa. Suportado ni Elisa Haufmann at ng kanyang mga pinagkakatiwalaan, tatahakin niya ang mga pasikot-sikot ng Kamaynilaan hanggang sa maunlad na lungsod ng Tallinn, at kung sinuman ang humadlang sa kanya ay papaslangin para lang makarating siya sa kanyang destinasyon - iyan ay kung makakarating siya nang humihinga at nakatayo.

chap-preview
Free preview
//KABANATA 0

Samson Fuerte
Lungsod ng Quezon, Pilipinas
Hunyo 27, 2044; 03:32 H (GMT +08:00)

 

Maya-maya lamang, magsasalita na si Pangulong Jeane Cortez tungkol sa kanyang desisyon kung tatanggapin na ba ng Pilipinas ang teknolohiyang sinasabing ‘makakapagpabago sa takbo ng daigdig’, at bago pa man siya magsalita sa madla, alam ko na ang sagot.

Sa Batasang Pambansa, ang tahanan ng Kongreso, unti-unti nang nagsisidatingan ang mga delegado mula sa iba’t ibang bansa at ang seguridad, katulad ng aking tinakda, ay mas mahigpit pa sa sinturon. Napanood ko salive feed ng Inosanata NewsTablet ang mga pulis at sundalo na mahigpit na nagbabantay sa mga sulok ng pangyayarihan ng State of the Nation Address, ang taunang pagpapahayag ng Pangulo sa kalagayan ng bansa, sa mga polisya, at sa mga natupad na pangako sa loob ng kanyang termino. Maayos naman ang lahat at sa masusing pakikipagtulungan ng Presidential Security Group sa mga kinauukulan doon, napapanatili pa ang kapayapaan.

Pinagpahinga ko muna ang tablet at pinagmasdan ang langit na nababadyang paliliguan na naman ang mga gusali at kabahayang nasa ibaba, habang pinakikinggan ang paulit-ulit na paghimno ng makina ng isa sa tatlong SB-1 Defiant helicopter na aking sinasakyan, kung saan ang iba pang bumubuo sa Alpha Team na pumoprotekta sa pangulo ay naroon din. Ang piloto at co-piloto ay abala sa pagmamando ng mga kontrol sa cockpit at sa windshield, may mga hologram na nakapaskil na nakasaad ang kasalukuyang kalagayan ng panahon at altitud – real-time. Samantala, ang dalawang helicopter ay nagsisilbing eskort sa aming paglipad at kapag nakarating na kami sa aming patutunguhan, aalis na sila sapagkat tapos na ang kanilang misyon.

“Ano na ang SITREP sa ibaba, Delta Actual?” Nanghingi ako ng SITREP sa kung ano ang nangyayari sa ibaba.

“Alpha Actual, dumating na rin ang ambasador ng Embahada ng Estados Unidos at paparating na rin ang tatlong senador. Patuloy pa rin ang aming pagpapapasok sa mga imbitadong panauhin at mahigpit pa rin ang seguridad, katulad ng sinabi niyo sa amin.” Maganda ang mga nangyayari roon. Nawa’y manatili.

“Salamat, Delta Actual. Mamayang 03:45 H, pakisara na ang lahat ng mga pasukan at labasan ng Batasang Pambansa. Alpha Actual out.”

Tapos na ang maikli naming usapan at napansin ko ang Pangulo na nagbabasa ng mga balita sa Inosanata NewsTablet, habang ang tatlo ko pang mga kasamahan ay may pinag-uusapan. Tinanong ako ng Pangulo ng kaparehong katanungan sa aking binato kay Delta Actual.”

“Samson, ano ang mga kaganapan sa ibaba?” Tanong niya.

“Dumating na si Ambasador Jerry Kim at sumabay na ang dalawang Senador.” Aking ulat sa kanya.

“Sina Senate President Alfredo Bazan at Senador Ronald Madrid.” Salamat po Madam President sa paglaan pa ng karagadagang impormasyon. Sinundan niya agad ito ng isa pang tanong. “Sinabi mo na ba sa kanila na sa oras na alas tres y cuarenta y cinco,  isasara na ang mga pintuan ng Batasang Pambansa?”

Tumango lang ako.

“Mabuti kung ganoon.” Malugod niyang winika.

“Samson, pagkatapos nito – kakain tayo sa Seoulala Grill. Matagal na akong hindi nakakakain ng mga putaheng Koreano. Libre ko si Madam President.” Ang tapang ng alok ni Sasha, ang tanging babae at ang pinakabata sa aming pangkat. Dalawampu’t apat na taong gulang pa lamang siya, limang taon ang aking tanda sa kanya.

“Huwag na, Sasha.” Matipid na sagot ng Pangulo.

“Puro ka pagkain. Alahanin mo, may timbang tayong pinapanatili.” Ani Greg, ang aming grenaider sa grupo.

Kaya pangkaraniwan lang sa kanya na mayroong VHS-BG 40 mm grenade launcher sa ilalim ng handguard ng VHS-K2 assault rifle, ang pinaikling variant ng pinakakilalang riple sa buong mundo ngayon at naka-isyu sa mga sandatahang lakas na pumirma sa Kasunduang Zagreb, na nagmitsa sa pagbuo ng Zagreb Collective. Halos lahat ng mga bansa sa buong mundo ay miyembro ng koletibong nabanggit at kasama na roon ang Pilipinas. Hinihikayat sa kasuduan na ang lahat ng mga bansang kasali ay magkaroon ng iisang uri ng mga armas, sa ngalan ng pagkakaisa sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagpapasimple sa lohisitka.

“Matagal na akong hindi makatikim. Gusto ko nang subukan ang mga putaheng Koreano.” Inulit ni Sasha ang kanyang mga sinabi.

“Huwag mo nang sirain ang kanyang gusto.” Sagot ko sa kritisismo ni Greg.

Ang dalawa ay iba-iba ang ginagawa. Abala si Francis, ang machine gunner ng grupo, sa pagbabasa ng mga balita at dahil sa kanyang katungkulan, normal lang sa kanya na magdala ng Minimi Mk 3 5.56mm. Si Adrian ay nakatitig lamang sa salamin, pinagmamasdan ang mga ambong dumadampi sa helicopter. Matipid siyang magsalita at matindi ang pagtingin sa mga detalye, na siyang naging asset niya sa pagiging marksman ng grupo. HK417 ang kanyang baril na bitbit. Nasira na lamang ang kanilang mga ginagawa nang magbanggit ang pilot na bababain na ang taas ng aming lipad.

“Ladies and gentlemen, maghanda na kayo sapagkat maglalanding na tayo.” Salita ng piloto, at sinundan niya na ng pagpindot sa mga buton at kontrol upang mapababa ang helicopter.

“SITREP, dumating na rin ang Bise Presidente na si Solomon Genio.” Panibagong ulat ng nasa ibaba.

“Copy.” Aking sagot.

Dahan-dahan na ngang bumababa ang altitud ng SB-1 Defiant na aming sinasakyan. Isang basement lamang ang meron sa Batasang Pambasa at ito ang pagbababaan ng aming sinasakyan. Samantala, ang dalawang kasama sa helicopter ay babalik na sa kanilang tanahan matapos ang kanilang pag-eksorte sa amin. Salamat po.

Tanaw sa salamin ang mga bandang nagpapatugtog ng kani-kanilang mga instrumento, bumabati sa Pangulo sa kanyang pagdating. Tanaw din habang kami ay paibaba, ay ang mga posisyon ng mga sniper na nasa bubong ng Batasang Pambansa. Titig na titig sila sa mga sniper scope ng kani-kanilang mga HK417 designated marksman rifle, pinagmamasdan ang bawat galaw ng mga nasa perimetro. Ang mga kasapi ng media ay nagsimula nang kumuha ng mga larawan at bidyo sa mga kasalukuyang nagaganap. Hindi maaaring malagpasan kahit isang segundo sa mga pangyayaring ito.

Ilang sandali lang, nagbunggo na rin ang mga gulong ng helicopter.

“Maligayang pagdating sa Batasang Pambansa. Good luck sa inyong ika-apat na SONA, Ginang Pangulo.” – Piloto.

“Salamat, Derrick.”

“Tara na po, bumaba na tayo.” Paanyaya ko sa kanya.

Lumapit na ako sa pintuan kung saan nakatitig kanina si Adrian. Hinawakan ko ang hawakan at hindi na ako nagdalawang-isip na hilahin pakaliwa ang pinto, na nagbunga ng lalong paglakas sa intensidad ng mga naririnig ng aming mga tenga. Kitang-kita kung paano hinahampas ng rotor wash, na nagmumula sa pagikot ng dalawang elisi, ang mga damit ng mga narito. Sakto ang pagdating ng Bise Presidente, Senate President at House Speaker. Si House Speaker, nagngangalang Mildred Asuncion, ay nagpakita na siya ay isang SmartHuman. Kita sa kanyang mga mata kung paano nakulayan ng kulay asul ang kanyang limbal ring – tanda na ang taong iyon ay SmartHuman, ang sinasabi nilang ‘kinabukasan ng sangkatauhan’. Isa ito sa mga agendang tatalakayin ni Pangulong Jeane Cortez sa kanyang State of the Nation Address.

“Magandang hapon po, Ginang Pangulo.” Pagbati ng Bise Presidente, na sinabayan ng kanilang pakikipagkamayan.

“Magandang hapon din, Bise.”

Sunod-sunod na ang pagbating natanggap niya mula kay Senate President at House Speaker. Nang matapos ang kanilang kamayan, sunod naman nila kaming binati. Pagkatapos kaming batiin, hinanda na nila ang kanilang mga sarili sa paglalakad sa pulang karpet habang kami ay pumasok na sa loob sa pamamagitan likurang pasukan ng Batasan. Maghihintay na lang kami ng kanyang pagdating.

Nang dumaan na sila sa amin, ineskortehan na namin sila at naglakad patungo sa Presidential Legislate Liason Office. Sa aming dinaanan, kitang-kita ang ebidensya kung paano maluhong pinaghandaan ng House Speaker ang okasyon. Ang lahat ng mga daraanan ay tinakpan ng kulay pulang karpet habang kada sulok ay may mga bulaklak, hinihikayat ang hilig ni Pangulong Cortez sa mga ito. Pumanik kami sa ikalawang palapag at sa pagdaan namin sa hagdanan, takaw-atensyon ang obrang tinatampok ang kasaysayan ng Batasang Pambansa at nagawa nito mula nang isinilang hanggang sa kasalukuyan. Mahaba na ang isinasalaysay at mukhang hindi sapat ang puwang na inilatag para sa lumikha.

Kumanan kami at ilang saglit lang, narating na namin ang pintuan ng aming pinuntahan. Silang tatlo ay nagsipasok na at isinara ko ang pinto. Simula na ng aming pagbabantay na inaasahang tatagal bago mag-alas kuwatro ng hapon.

* * * * *

 

Pangulong Jeane Cortez
Lungsod ng Quezon, Pilipinas
Hunyo 27, 2044; 15:48 H (GMT +08:00)

 

Pang-apat ko nang pagpasok dito sa Presidential Legislate Liason Office. Kada SONAng magaganap, dito muna papasok ang Pangulo, kasama ang House Speaker at ang Pangulo ng Senado. Pinaghandaan niya talaga ang aking pagdating, halatang-halata sa tatlong sofa na magarbo at sa magkabilang-gilid ng pinto, nakalagay ang tig-isang pasong may bulaklak ng Sampaguita, ang aking paborito at hinahanap-hanap ko sa tuwing ako ay magpapahinga sa Bahay Pangarap. Pati ang mesa sa gitna, na ang lapag ay salamin, ay pinagpatungan ng puting pasong maliit at ang mga bulaklak ng sampaguita ay buhay na buhay rin. Maliban dito, ang kaliwa ay pinaglalagyan ng mga libro at kaharap ng pinto sa loob ng silid na ito ang eskudo ng Camara de Representantes.

Nagsiupuan na kaming tatlo, at ako ang nakaharap sa pinto. Nasa gawing kaliwa ko si Mildred Asuncion, ang House Speaker, at si Alfredo Bazan, ang Pangulo ng Senado. Kita sa mga mata ni Mildred ang palatandaan ng pagiging SmartHuman – ang limbal ring na tinakpan ng kulay asul na liwanag, kumikislap sa lahat ng pagkakataon. Sigurado na ako, gagamitin niya ang pagkakataong ito upang baligtarin ang aking desisyon.

“Madam President, kailangan na nating tanggapin na ang pagiging SmartHuman ay isa nang kinabukasan na dapat nating yakapin.” Panimula ng kanyang pagsasalita. Higit sampung minuto na lang ang natitira.

“Yayakapin natin ang teknolohiya. Sige, pero makakasiguro ka ba na ang antas ng seguridad nito ay mataas? Ihalimbawa ko na lang sa’yo ang nangyari sa Kiev. Sa isnag virus, nagawang ibulgar ng mga hacker ang pagkakakilanlan ng kanilang mga biniktima at para sila ay magamot, kailangan pa nilang mailagay sa estado ng pagka-coma. Isa pa, sigurado ka ba na kaya mong bilhan ng Firmurozine ang isangdaan at apatnapu’t tatlong milyong Filipino na nahihirapan nang bumili kahit pangkain lang sa pang-araw-araw?” Itinaas ko na ang aking mga punto sa kanya.

Tutal, kaya namang bumili ni Mildred ng Firmurozine para sa kanyang sarili. Sa katunayan, sa Singapura pa nga siya nagpasaksak, kaya ang kanyang subnet ay /65, hindi /63 (kung maaprubahan ko ang kanilang pagpasok, na hindi mangyayari sa anumang panahon sa aking panunungkulan).

“Gagawa kami ng batas upang masiguro na ang Firmurozine ay libreng maihahatid sa bawat mamamayan.” Sumagot si Senate President Alfredo Bazan, sa pag-asang maibabaligtad niya ang aking desisyon.

“Ang halaga ng Firmurozine sa Tailandiya at Singapura ay dalawampu’t limang libong Smerithum at ligal lang mabibili ang mga iyon sa SmartClinic.” Aking tugon sa punto ni Alfredo.

“At kung hindi mo gagawing ligal at libre ang pamamahagi ng Firmurozine, maraming mga Filipino na nagpasaksak sa ibang bansa ang aasa sa black market.” Ginantihan niya pa ako ng isang punto.

“Tama siya.” Binigatan ni Mildred ang mga salitang binitawan ng Pangulo ng Senado. “Aasa ang mga Filipinong SmartHuman sa black market, at sa merkadong iyon, hindi tayo makakasiguro kung ligtas ba ang kanilang mga tinuturok.”

“Eh ‘di hulihin natin ang mga iligal na nagbebenta rito. At kung sakali, uutusan ko ang Kagawaran ng Kalusugan na pag-aralang mabuti ang Firmurozine, kung sakaling papayagan natin ang pagpasok ng produktong nabanggit. Gayumpaman, hindi pa rin ako papayag na papasukin ang mga transhumanistikong kompanya kagaya ng Zhuhui Corporation sa ating teritoryo.” Matigas pa rin ako, subalit malambot ako sa mga nangangailangan.

Sari-saring argumento ang pinagbabato namin sa isa’t isa. Kada minuto, may isang nakakalikha ng ideya at kokontrahin naman ng tumanggap. Gayumpaman, pagkatapos ng aming talastasan, masasabi kong hindi talaga papayagan ang pagpasok ng mga brain chip na magsisilbing tulay upang ang isa ay maging SmartHuman.

“Oras na upang sabihin ko ito sa taumbayan.” Huling mga salitang aking binitawan bago ako lumabas sa Presidential Legislate Liason Office.

Sumunod ang dalawa at ang pangkat na pumoprotekta sa akin ay ineskortehan kaming tatlo papasok sa plenaryo. Alam kong marami na ang naghihintay, kaya sasabihin ko na ang aking pasya. Habang ang aking mga paa ay gumagalaw patungo sa mikropono na nasa plenaryo, inabot sa akin ni Samson ang smartphone.

“Madam President, anak niyo po.” Wika niya. “All teams, Alpha Actual ito. Papunta na kami sa plenaryo at papasok na ang Pangulo, Senate President at House Speaker.”

Ang kabuuan ng smartphone na ginagawa ngayon ay puro salamin at ang screen ay ang mismong hologram na nakadikit sa smartphone. Tumatawag na pala ang aking anak, at sinagot ko ito habang hindi pa dumadampi ang liwanag na nagmumula sa plenaryo.

“Anak, busy si mommy.” Sinabi ko sa kay Athysa, labingdalawang taong gulang, ang kasalukuyang kaganapan.

“Alam ko po, mommy. Ika-apat niyo na po itong SONA, at sana, pagkatapos nito, kakain tayo sa Mingu Restaurant sa Maynila kasama si Ate Sasha. Namimiss ko na po kayo!”

“Pagkatapos nito, uuwi ako riyan at sasalubungin ko kayong dalawa ng yakap.” Pangako ko iyan sa kanilang dalawa, kay ‘Daughter Athysa’ at ‘Daddy Pig’, dahil ang pangalan niya ay George Cortez.

“Anak, akin na muna iyan. Kakausapin ni daddy si mommy.” Narinig ko ang tinig ni George at nang marinig ko pa lalo ang kanyang boses, lalo akong lumakas.

“Mommy President! Alam kong kinakabahan ka ngayon, pero katulad ng mga ginawa mo noong nakaraan – ginawa mo ang iyong makakaya! Pagpunta mo rito, may surpresa akong hinanda para sa’yo. Pero hindi na iyon supresa kasi alam mo na iyon eh.” Ayon kay Daddy Pig, na gustong-gustong magluto ng paborito kong adobong baboy na may kasama pang lasagna.

“Siguraduhin mong malaki iyan, kasi kakain tayo nang marami!” Parang lumuluha na ako sa kanyang pagpapagaan ng loob sa akin. “At pakisabi kay Daughter Athysa, kakain tayo sa Mingu Restaurant sa mga susunod na araw.”

“Sige, siguradong matutuwa iyon. Sige na, papanoorin na namin ang SONA mo. Adiós, mi amor. Te amo.” Mahal ko siya, at alam niya iyon.

“Te amo también, Madam President.” Ganti niya sa akin. Salamat, George. Natapos na ang aming usapan at heto na, papasok na ako sa plenaryo at naririnig ko na ang mga usapan ng maraming tao.

“Madam President, hanggang dito na lang po kami.” Ani Greg.

“Salamat.” Matipid kong salita.

At ang liwanag mula sa plenaryo ay dumampi na sa suot kong pulang Filipiniana, na dinisenyo ng fashionistang si Jeremy Manabat. Maganda ang kanyang likha, na hango sa sampaguita. Habang ako ay naglalakad, pinapatugtog ang Himno ng Pangulo. Lahat ng mga panauhin, maliban sa mga ambasador at kanilang mga tauhan sa embahada, ay nakasuot ng barong sa lalaki at Filipiniana naman sa babae. Bahala na sila kung anong kulay, pero talagang pinaghandaan ni House Speaker ang paglalagay ng mga sampaguita sa iilang mga panauhin. Sinalubong ako ni Secretary-General, at nakipagkamayan sa akin, na malugod kong tinanggap. Naroon na pala ang Executive Secretary, mga gabinete at iba pang mga nasa sangay ng ehekutibo. Sumali na si Secretary-General sa kanila. Handa na silang makinig.

Humarap na ako sa mikropono, at sina House Speaker Asuncion at Senate President Alfredo Bazan ay pumuwesto na sa kanilang tinakdang lugar. Nagsimula nang tumahimik ang plenaryo na ako ay tumitig sa kanila. Ilang sandali lang, sinipa na ang pagsisimula ng aking ika-apat na State of the Nation Address.

Katulad ng inaasahan, nagsimula ang lahat sa isang deklarasyon na simula na ng joint session at sinundan ito ng Lupang Hinirang, na ang lahat ay nakatitig sa higanteng watawat ng Republika ng Pilipinas. Pagkatapos banggitin ang huling salita sa Pambansang Awit, sinundan ito ng panalangin mula sa iba’t ibang sektor ng relihiyon at nang sila ay matapos nang makipag-usap kay Bathala, nagsalita na ang House Speaker. Ipinakilala niya na ako sa madla.

“Mga ginoo at binibini, mga kagalang-galang na miyembro ng Kongreso ng Pilipinas, ang Kagalang-galang, Jeane Ortaleza Cortez, ang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.”

Daughter Athysa at Daddy Pig, alam kong nanonood kayo sa aking talumpati ngayon. Kapag natapos ko naman ito, babawi ako. Pangako iyan, babawi ako. At sa Maykapal, nawa ay patnubayan niyo po ako sa aking ika-apat na SONA. Salamat po.

 “Magandang hapon sa inyong lahat. Maaari na kayong umupo.” Lahat ng aking SONA ay ibinulalas ko sa wikang Filipino, ang wikang nauunawaan ng halos lahat ng mga mamayan ng Pilipinas.

Nagupuan na silang lahat, kahit ang mga bisita mula sa iba’t ibang embahada dito sa Pilipinas ay sumunod. Sinimulan ko ang aking pagsasalita sa pagbati kay Senate President Alfredo Bazan, House Speaker Mildred Asuncion, sa mga kagalang-galang na kasapi ng Kamara, kay Bise Presidente Solomon Genio, sa aking mga gabinete, sa mga kasapi sa kinatawan sa diplomasiya, sa Chief Justice ng Korte Suprema, sa mga kawani ng pamahalaan at hilig sa lahat, sa mga nanonood dito at sa mga nanonood sa kani-kanilang mga telebisyon at online.

“Simulan ko ang istorya sa aking pasasalamat sa lahat ng mga sumusuporta sa ating mga programa. (palakpakan) Dahil sa inyong pakikiisa sa mga layunin ng pamahalaan na mapabuti pa ang kalagayan ng ating bansa, maraming mga proyekto ang ating natupad, (palakpakan) at sa mga natitira kong panahon sa aking pag-upo sa pinakamakapangyarihang upuan, humihiling ako muli ng inyong suporta.”

Isa-isa ko nang binanggit ang mga proyekto ng aking administrasyon na nakapagpabuti pa sa kalagayan ng mga mamamayan ng bansang Pilipinas.

“Uunahin ko na ang sektor ng magsasaka. Mas pinalawig natin (at palalawigin pa natin) ang pagbili ng mga ani mula sa ating mga magsasaka. Ang mga biniling ani ay ididiretso ng pamahalaan sa mga pamilihan, na siya namang ibinebenta ng mga tindero’t tindera sa murang halaga. Bakit mura? Sapagkat sinasagot ng pamahalaan ang dalawampung baitang ng kabuuang presyo. Salamat kay Sekretarya Teodoro del Mar sa ideyang ito.”

Dumagungdong ang buong plenaryo at ang ilan sa kanila ay nagsitayuan pa mula sa kanilang kinauupuan. Aminin na natin, matagal nang inabandona ng mga nakaraang administrasyon ang kalagayan ng mg magsasaka, kaya ang ilan sa kanila ay napilitang ibenta ang kanilang mga lupa, kapalit ng malaking pera. Upang masolusyunan ito, naglatag ang pamahalaan ng mga programa kung saan bibilhin ng gobyerno ang kanilang mga ani at ibebenta sa merkado sa murang halaga.

Hindi lang doon natatapos ang pagsuporta ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura. Isa sa mga layunin ng pamahalaan ay ang pagkakataon ng kakayahan ng Pilipinas na HINDI umasa sa ibang mga bansa pagdating sa pagkaing inihahanda.

Nagsiupuan na ang lahat matapos ang isang minutong palakpakan.

“Sa sektor pa rin ng agrikultura, mainit-init na balita ang aking ihahatid sa’yo. Ano ang balitang iyon? Ang limampu’t limang magsasaka at siyentipiko na ating ipinadala sa bansang Byetnam, Tailandiya at Belarus ay naka-gradweyt na sa kani-kanilang mga pag-aaral!” Muli nilang kinumpas ang kanilang mga kamay at pinagbunggo ang dalawang palad. “Sa kanilang pagbabalik dito, maibibigay nila sa mga mamamayan ang kanilang mga natutunan, na siyang malaking tulong sa pagpapalago sa ating ekonomiya.”

Pagkatapos ng agrikultura, sunod ko namang tinalakay ang kalagayan ng edukasyon sa bansa. Panandalian muna akong tumahimik upang bigyang buwelo ang aking sarili. Pumalakpak na naman sila at ako ay naghintay sa kanilang pagtahimik. Pagkatigil ng kanilang mga kamay, saka na ako muling nagsalita.

“Ang edukasyon ay napakahalaga sa lahat. Naniniwala nga ako na ang mga kabataan ang magsusulat ng kanilang mga salita na ilalagay sa aklat ng ating kasaysayan, at ang paaralan ang kanilang tahanan na naghuhubog sa angking nilang kakayahan at intelidad. Subalit, hindi lahat ay nagagawang abutin ang pinakatuktok ng kanilang potensyal sapagkat wala silang pagkaing kakainin kapag dumating ang umaga. Nakatulong ang Pagkain sa Hapag Program, pero sa aking palagay, hindi pa ito ang lahat. Kaya naman, palalawakin pa natin ito, katulad ng pagtayo natin ng libo-libong klasrum sa iba’t ibang panig ng bansa.”

Muli silang nagpalakpakan sa aking ulat. Marami pa akong sinabi sa larangan ng edukasyon at sa pagtatapos ng aking pagsasalita sa aspetong ito, sinunod ko na ang larangan ng teknolohiya, kung saan ang tanong ng lahat ukol sa pagiging SmartHuman ay hinihintay nang sagutin. Alam ko na ang ilan sa mga panauhin at mga miyembro ng Kongreso at Senado ay mga SmartHuman na. Subalit, ang aking desisyon ay hango sa aking mga pagsasaliksik at sa kalagayan na rin ng karamihan sa mga mamamayan.

“Ang edukasyon ay minsang tinutulungan ng teknolohiya upang lalo pa itong lumaki at gumaling. Nandiyan ang kompyuter, smartphone at iba pang mga bagong teknolohiyang umuusbong, na may layuning padaliin ang pamumuhay ng bawat isa. Maraming mga kompanyang may kinalaman sa aspetong teknolohikal ay nagpapaligsahan kung paano lalamangan ang isa, kahit na ang usaping etikal at moralidad ay tapakan na.” Tumahimik muna ako sandali at nagsalita muli. “Alam niyo ba, sa silangang Europa...”

 

* * * * *

Samson Fuerte
Lungsod ng Quezon, Pilipinas
Hunyo 27, 2044; 04:27 H (GMT +08:00)

 

Pinahayag na ng administrasyong Cortez ang posisyon nila pagdating sa pagiging SmartHuman ng mga Filipino. Sumilip ako panandalian sa plenaryo, at sa hindi ko inaasahan, may nakita akong isang miyembro ng mga tagapanood na tumayo sa kanyang kinauupuan, malapit sa podium na ang likuran ay kasalukuyang kinalalagyan ng pangulo. Sandali, bakit may kordon sa kanyang kanang kamay! Dali-dali siyang lumapit, at hinabol siya ng ilan sa mga miyembro ng Presidential Security Group! Hindi nagtagal, ang bolang apoy ay lumaki at lumikha ito ng malaking pagyanig na pati ang katahimikan ng mga manonood sa loob ay nabulabog!

“CP, Alpha Actual ito. Kailangan ko ng agarang MEDEVAC, ngayon din!” Agad akong nagradyo sa command post, at hindi ko alam kung natanggap ang aking hiling, dahil wala nang sumagot sa kabilang linya. Kaya naman, muli ko itong inulit. “CP, Alpha Actual ito. Kailangan ko ng agarang MEDEVAC, ngayon din!”

Kapabayaan na nila iyon kung hindi sila nagpadala ng MEDEVAC.

Patay ang halos lahat ng mga nahagip ng pagsabog at ang Pangulo ay naliligo sa sariling dugo. Katamtamang sugat ang inabot  Sinubukan kong i-radyo ang lahat ng mga pangkat, subalit ang putang inang earpiecce ay hindi gumana! Ang mas malala pa rito ay ang pagtalikod ng ilan sa mga pangkat ng seguridad na pinagbabaril na lang ang kanilang mga dating kabaro! Mga putang inang taksil!

“Greg, Francis, Sasha, Adrian! Tulungan ninyo ako rito, sugatan ang Pangulo!” Sigaw ko sa kanila, na nagsipasok na rin nang marinig ang pagpapasabog.

Naghagis si Greg ng M18 Smoke Grenade, na naging sanhi ng pagkakatakip namin sa gulo. Masakit man sa ilong, ngunit kailangan, lalo na’t nakakarinig ako ng mga wisik mula sa mga nagliliparang mga bala.

“Madam President, dadalhin na namin kayo sa kaligtasan.” Lintik, wala pa ring radyo. May mga kailangang bumuhat sa House Speaker at Pangulo ng Senado! Bahala na! “Bigyan ninyo ako ng fire support!”

Ang mga ilan sa dati naming kabaro ay naging mga kaaway namin, sa isang iglap lang. Lumabas na kami at ang mga tao ay tumatakas mula sa mga namamaril. Labo-labo na, kaya hindi na namin alam kung sino ang kakampi o sino ang mga kaaway. Pati ang ilang mga hindi dapat narito ay sumali, na sila naming pinagbabaril nang makita ng aming mga mata!

Dali-dali na kaming tumakbo patungo sa likuran at hanggang ngayon, wala pa ring signal na natatanggap ang aking earpiece! Nasa pasilyo na kami ngayon, na daan patungo sa basement kung saan doon isasakay ang Pangulo na hirap sa paglalakad! Ang problema lang ay maraming mga sibilyang nagsisitakbuhan, nasa gitna ng aming line of sight, habang ang mga nasa dulo ay ginagamit ang kanilang kalituhan para sila ay makapagbigay ng cover! Nagpakawala si Adrian ng limang bala mula sa kanyang battle rifle, at kaming apat naman ay tumuloy sa kainan.

Nagsipasukan na rin sila at pinagbabaril na nila kami. Wala na silang pakialam kung makahagip sila ng mga sibilyang tumatakbo. Napatay na nga nila ang tatlo sa silid na ito, paano pa kaya kami! Nagkanya-kanya kami ng posisyon at diniskartehan na ang bawat pagkakataong makakagawa ng cover. Tinaob namin ang mga mesang pinakamalapit sa kinalalagyan, at saka namin binutas ang dibdib at ulo ng tatlo sa kanila!

Buwisit, tinamaan si Sasha sa kaliwang braso!

“Bigyan ninyo ako ng suppressive fire!” Sigaw ni Francis, matapos magpakawala ng 40x46 mm grenade sa posisyon ng kalaban. Sumabog ang granada sa tinakdang lugar at hindi maganda ang nangyari – isang sibilyan ang nadamay at ang dapat sanang target ay nakatakbo at nakapaglipat ng puwesto!

Binaril ko na siya bago pa siya tuluyang makapaglipat. Tumumba siya sa lapag at buhay pa siya, kaya ko na tinuluyan sa ulo.

Lumapit si Francis sa kanya, habang si Greg ay gumawa ng sariling machine gun nest. Sa kanyang paglapit, binalutan niya, gamit ang gauze bandage, ang sugat ni Sasha at hinigpitan pa niya para mapigilan ang lalo pang pagdanak ng dugo. Sa pagbibigay ni Greg ng suppressive fire, nakapatay siya ng tatlo at habang ako ay umaatras kasama ang Pangulo, nakadale pa siya ng isa. Nasa kaliwa ko ang kalaban! Babarilin niya pa lang ang aming pinoprotektahan, nakalingon na ako sa kanya at nagpakawala pa ng dalawang bala, na tumama sa kanyang dibdib!

Nakalapit na ako sa kanila at nakabuo ng diamond formation. Si Adrian ay nakapatay pa ng dalawang taksil habang sinamantala ko ang pagkakataon para makapagpalit ng magasin na aking sinaksak sa hawak kong VHS-K2 assault rifle. May isa pang lalapit at marami-raming sibilyan ang naroon, kaya maingat ako! Inangat niya na ang kanyang hawak na ripleng katulad ng sa akin, at ako ay pumosisyon para makaiwas sa pagpaslang sa sibilyan, at binutas ko ang kanyang ulo. Isa na siyang EKIA.

Suwerte at may isa pang 50-round box magazine si Greg para sa kanyang Minimi Mk 3. Pinalitan niya na ang wala nang laman ng bago.

“Adrian, ikaw na ang mauna. Alam mo na kung saan tayo pupunta.” Utos ko kay Adrian, na agad-agad tumayo at tinapik si Greg.

“Sa basement, kung saan naroon ang exfill.”

“Roger.” Aking tugon.

Itinayo ko muli si Pangulong Jeane Cortez at inalalayan sa kanyang paglalakad. Sinundan ko si Adrian at sumunod sina Francis at Sasha. Mahihirapan nang kaunti si Sasha dahil sa tama ng bala sa kaliwang braso. Kaliwete pa naman siya. Nahuli na si Greg sa pagtayo na bago kumilos ay nakita ko pang tinignan ang likod at pinaslang ang isang taksil.

Tumuloy kami sa pasilyo at bruskong naglakad, alerto at iniiwasan ang mga sibilyan na madamay pa sa gulo.

“Huwag po, huwag po!” Pagmamakaawa ng isang kongresista na nakaupo sa gilid. Naliligo sa sariling dugo ang kaliwang binti niya.

“CP, may sugatan sa dinaanan namin, Pasilyo 1-A, papuntang basement!” Aking pakiusap sa earpiece.

Puta. Wala pa rin akong natatanggap mula sa command post. Hirap na nga ako sa paggalaw, heto pa ang nangyari. Hindi ko prayoridad na ayusin ang linya ng komunikasyon, sapagkat ang kaligtasan ng Pangulo ang nangingibabaw sa aming mandato!

Ayun na ang hagdan papunta sa basement, kung saan matatagpuan ang paradahan. Bumaba na kami at tinakbo ang pasilyo. Itinaas ni Adrian ang kanyang kaliwang kamay, nakapormang kamao – nangangahulugang dapat kaming tumigil. Tiniklop namin ang aming kaliwang paa at naghintay ng paliwanag. Mula sa diretsong linya, pumorma kami ng spear formation, at ang nasa gitna ay si Pangulong Jeane Cortez.

Sunod-sunod ang mga putok na aming nadinig, at lalo pa itong lumalakas.

“Dahan-dahan tayong pumasok.” Binanggit na ni Adrian ang kanyang plano. “Magbibigay tayo ng indirektang fire support sa mga kabaro nating naiipit. Pagkatapos, pupunta ang sasakyan sa evac point at tayo ay makakaalis na.”

“Magandang ideya.” Pabor ang lahat sa plano.

“Samson, ikaw na ang magmando. Ako na ang poprotekta sa Pangulo.”

Tumango ako at nagpalitan na kami ng kinalalagyan. Sumilip ako sa bintana ng pintuan at kitang-kita ang paglihis ng mga bala sa magkabilang direksyon. Ilang mga sasakyan na ang nagbutas-butas dahil sa mga balang nagliliparan, at ilan sa mga iyon ay sumabog na. Maya-maya lamang ay darating na ang evac, ayon sa planong hindi sana nagamit kung hindi ito nangyari.

Nakakarinig na ako ng mga boses. Sa wakas. Hindi na ako nagdalawang-isip na kausapin ang iba pang mga pangkat.

“Bravo Four, bigyan niyo ako ng SITREP.”

“Alpha Actual, Bravo Four ito. Nasa kamay na namin ang Bise at papunta na kami sa evac point.” Sigaw ng nasa kabilang linya, na tinatakpan ng mga putok ng baril.

“Roger. Alpha Actual out.” Iniba ko na ang RF at tumawag agad sa akin si Charlie One.

“Alpha Actual, si Charlie One ito. Patay na si House Speaker Mildred at si Senate President Alfredo Bazan ay malubha ang kalagayan! Naiipit na kami rito! Nasaan ang puta-

“Charlie One? Charlie One!”

Buwisit! Tumawag na ako sa command post at tinanong kung kailan darating ang MEDEVAC! Sinungaban ko na rin ang pagkakataon para magtawag ng backup!

“Alpha Actual to CP, Alpha Actual to CP! Buwisit, bakit hindi kayo sumasagot? Ano ang ETA ng MEDEVAC?”

“Dalawang minuto.”

“Copy that. Alpha Actual out.” Ayun lang ang kailangan kong ulat, at salamat, nakuha nila ang aking mga huling sinabi. Oras na para kumilos, at hudyat na ito para sa aming pangkat na magpalit ng posisyon. “Diamond formation!”

Pumorma na kami nang hugis diyamante at si Adrian naman ang bumuhat kay Pangulong Jeane Cortez. Nasa likuran ng kanyang Barong Tagalog ang HK417, na naging posible dahil sa sling na kumapit sa kanyang katawan, at binunot niya na ang Alien 9mm Pistol, ang 9x19 Parabellum side arm ng lahat na mula sa bansang Czech Republic. Sa, labingpitong bala ang kayang isaksak sa isang magasin, marami ang mapapakawalan at marami rin ang maibabaon.

Bilang isang kawani ng Presidential Security Group, alam ko ang 4-number code sa bawat pintuang aking madaraanan. Ang code na aking pinindot sa keypad ay 5421 at voila, binuksan ko na ang pinto. Binati namin ang mga kalaban at taksil ng aming mga tingga mula sa mga armas na aming hawak. Isa sa aking pinaslang ay nagkaroon ng hati sa leeg nang iyon ay madaplisan! Tinuluyan ko na siyang barilin sa leeg para hindi na makapalag pa! Tatlo pa ang napatay ni Greg at si Sasha, kahit sugatan, ay asintadong-asintado pa rin at nakapatay ng dalawa matapos matamaan sa dibdib!

Matatagpuan ang pinakamalapit na evac point sa pilar na may nakasulat na E5. Hihintayin namin ang evac vehicle na may dalawang fire support vehicle. Isang minuto na lang ang natitira, at marami pa rin ang mga kalaban, habang papakaunti na lang ang mga nasa aming hanay! Hinagis ng isa sa aming kasama ang M67 Fragmentation Grenade, sa pag-asang makakapaslang siya! Hindi niya na nakita ang resulta nang matamaan siya sa ulo, na agad niyang ikinamatay!

Tuloy-tuloy lang kami sa pamamaril at si Adrian, pagkatapos magpalit ng magasin sa hawak niyang pistola, ay dinala ang Pangulo sa gilid ng pilar E5, sa hindi makikita ng mga umatake! Dahil sa kanyang ginawa, sinira na namin ang diamond formation at nagkanya-kanyang cover! Si Adrian ay nagtago sa pilar F6 at si Francis ay pumuwesto sa likod ng G7! Sina Sasha at Adrian ang nakapuwesto sa Pangulo, habang ako ay pumuwesto sa harapang-gilid ng isang SUV, sa kanan!

Nagpalit ako ng magasin at heto na yata ang huli kong mag. Sana lang ay hindi pa ako maubusan. Isang minuto pa bago sila dumating, at marami pa sila! May itinutok ako sa kanan at binaril ang nanamantalang taksil! Nabasag pa ang mga salaming ng SUV!

Putang ina, may granada sa tabi ni Greg! Agad siyang tumakbo, kahit may kabigatan pa ang kanyang dala-dala! Nang sumabog, nakalikha ito ng sira sa pilar at sumabog agad-agad ang kotseng nakaparada roon! Suwerte at nakalipat na siya sa kabilang pilar at nagbigay ng suppressive fire!

Nagpalit ako ng puwesto at lumipat sa pilar H9. May dalawa pa akong pinaslang at ang iba pa naming kasamahan ay malapit sa aking tabi. Nakita ko kung paano pinasabog ni Francis, gamit ang granada para sa underbarrel grenade launcher, ang isang sasakyan na ginamit ng mga tarantado bilang cover!

Buwisit, tinamaan sa ulo si Adrian at si Sasha ay inabutan na naman sa kaliwang tagiliran, na siyang ikinatumba! Lumapit ako sa kanya, habang binabaril ang posisyon ng kalaban. Wala akong pakialam kung tamaan ang pader, sapagkat suppression fire ang aking ginawa! Greg! Pati si Greg ay nabutasan sa magkabilang braso, at tumumba na siya matapos tamaan sa ulo! Buwisit!

Nakalapit na ako kay Pangulong Jeane, at kitang-kita na ang pagkaubos ng kanyang dugo dahil sa mga shrapnel na natanggap niya mula sa pagsabog. Naubusan na ng bala si Francis, kaya nagpalit na siya ng baril at ang Alien 9mm Pistol na ang kanyang pinuputok! Nauubusan na kami ng bala at tauhan, at hindi sila tumitigil!  

Ilan pa ang aming napatay at pinatayan, at matapos kong barilin gamit ang pistola ang huling kalaban, agad pumalit ang magulong kapayapaan. Limang ambulansya ang dumating sa aming kinalalagyan at huminto.

Pinabuhat ko na kay Francis ang Pangulo at ako ang umalalay kay Sasha. Nilapit namin sila sa mga ambulansya, at sa pagbukas ni Francis, ay bigla na lang kami nakarinig ng mga putok ng baril at ang sunod kong napagmasdan ay ang pagbagsak ni Francis matapos siyang tamaan sa ulo! Sabay-sabay nang nagbagsakan ang iba pang mga natirang kasamahan, at nang babarilin ko na ang lalaking lumabas mula sa ambulansang binuksan, bigla na lamang akong tumumba nang makaramdam ako ng init sa kanang hita at likuran! Trinaydor nila kami!

Mamamatay kayong lahat, mga animal! Pinagtaksilan ninyo ang bayang inyong pinagseserbisyuhan! Hindi pa siya nakuntento at lumapit siya sa kay Sasha. Ililigtas ko ang aking kasama. Gumapang ako papunta sa lugar kung saan lumapag ang aking pistola, subalit nang maabot ko na, may tumapak sa aking kanang kamay at sakto ang pagtapak sa pagkarinig ng aking mga tenga sa alingawngaw! Tumingin ako at putang ina, parang hayop na kinatay lang ang ginawa niyang pagsipa kay Sasha, para lang humiga ang kanyang katawan sa lapag!

Pinagsusuntok ko ang kanyang binti. Wala akong pakialam kung babae pa ang gumawa nito sa akin! Dinuraan pa ako ng bruha! Tinignan ko muli ang nangyayari, at siya ay nakaharap na sa duguan naming Pangulo. Inasinta niya na ang Mateba Autorevolver sa ulo at ang tunog na iyon, ay siyang kumitil nang tuluyan sa buhay ni Pangulong Jeane Cortez.

Mga mamamatay-tao! Lalo ko pang nilakasan ang pagsusuntok ko sa paa ng tumatapak sa aking kanang kamay! Oo, lumalapit na siya sa akin, ang pumatay sa Presidente! Mas nilakasan ko pa, sa pinakamalakas na! Hindi nangyari ang gusto kong maganap, dahil sinipa ako ng lalaking pumaslang sa Pangulo at tinadyakan naman ng babae ang aking kanang kamay, saka nilayo ag Alien 9mm Pistol mula sa akin. Nakaharap na ako sa kisame ng paradahan, at ang aking paningin ay para bang tinakpan na ng puting liwanag mula sa bombilya. Ni-reload ng lalaki ang kanyang Mateba Autorevolver, habang may kinakausap siya.

“Secure na siya?” Tumahimik siya sandali. “Mabuti. Umalis na kayo rito. Susunod na kami.”

Hinarap niya na ang nguso ng kanyang hawak na baril sa aking paningin, at ang puting liwanag ay sinakop ng kulay ng apoy, na siya ring nawala matapos mapakawalan ang balang bumaon sa aking ulo. Tumirik na ang aking mga mata, at sila ay umalis na parang walang nangyari.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

Luscious Pain - SPG (Book 1 of Adam's Desire Series)

read
1.1M
bc

ANG NABUNTIS KONG PANGIT

read
463.1K
bc

One Sinful Night R-18 (Tagalog story) COMPLETED

read
289.2K
bc

Mr. Billionaire and Eve(ZL Lounge Series 02)

read
281.2K
bc

The Long Lost Powerful Princess

read
63.5K
bc

Stranger In Bed- SPG

read
1.2M
bc

The Casanova's Nightmare (Dangerous Man Series)

read
48.2K
dreame logo

Download Dreame APP

download_iosApp Store
google icon
Google Play