//KABANATA 1

5052 Words
Samson Fuerte IP Address: 172.168.20.10/63 Lungsod ng Taguig, Pilipinas Agosto 20, 2045; 05:48 H (GMT +08:00)   //BATTERY: 100% //STARTING POWER-ON SELF-TEST (POST) ANALYSIS //ArmUEFI© 2045 by BRITECH plc //GLASGLOW, UNITED KINGDOM //CPU: LIGENCE L7-42205 3.05 THz //MAIN CACHE: 8196 kB //SUB-CACHE 1: 8196 kB //SUB-CACHE 2: 8196 kB //SUB-CACHE 3: 8196 kB //SUB-CACHE 4: 8196 kB //SUB-CACHE 5: 8196 kB //SUB-CACHE 6: 8196 kB //SUB-CACHE 7: 8196 kB //CPU IS ACTIVE //BRAIN CHIP: MARKUS INDUSTRIES BraimPlant-5™ COVERT+ MODEL 32.50 THz //VITAL SIGNS ANALYSIS STARTING... //HEARTBEAT: 54 BPM – RESTING RATE //BLOOD PRESSURE: 120/90 – NORMAL //CHECKING FOR ANY ERRORS... //BAD SECTOR FOUND! //FIXING BAD SECTOR... //FAILURE – YOU MAY WAKE UP BUT THERE WILL BE LIMITATIONS ON WHAT YOUR SYSTEM CAN DO. //PLEASE REFER TO YOUR DOCTOR FOR FURTHER INFORMATION. //SEARCHING FOR GUID PARTITION TABLE... //GUID PARTITION TABLE FOUND. //FIRING NEURONS... 0x3ab1eb28 0x030a41e4 0x27d67b8 0x38f95fe9 0x1f922045 ... ... ... 0xad82f505 0x2185da1e 0xc765a0e3 0xed04da95 //STARTING OSTRAVA OS® SATURN VER 1980... //LANGUAGE: FILIPINO //MAGANDANG ARAW, SAMSON FUERTE //ANG IYONG IP ADDRESS AY 172.168.20.10/63 //ANG 172.168.20.10/63 AY ONLINE NA. Ostrava OS® Edisyong Saturno, ber. 1980 Ostrava GmbH – Munich, Alemanya All Rights Reserved.   Akala ko noon, hindi ko na tuluyang masusulpayan ang mga umagang darating. Sa sobrang sakit ng aking naranasan, humiling na lang ako kay Bathala na sana, tapusin niya na ang aking paghihirap. Ngunit, hindi. Ang aking mga mata ay muling dumilat at doon ko nalaman, na halos mag-iisang taon na ang pagkaratay ko rito sa kama. Sawang-sawa na akong tignan ang kumot na tumatakip sa halos buo kong katawan, habang ang kutson ng kama ang siyang sumasalo. Tinulungan ng unan ang ulo kong hanggang ngayon ay masakit, at ang IV fluid na sinaksak nila sa aking kaliwang kamay ay nagbibigay sa akin ng lakas. Pinakita pa ng user interface, mala-augmented reality, ang bilang ng dumadaloy sa pangangatawan ko, at kung ilan na lang ang natitira sa dextrose. Huwag kayong magkamali, sapagkat tumatayo rin naman ako kapag kailangan kong magpa-therapy, kinukuha muli ang mga galaw at pinapatakbo ang utak na ang frontal lobe ay sumabog na dahil sa tama ng bala. Kumikirot pa rin ang aking ulo paminsan-minsan, kaya naman, pinapainom ako ng ibuprofen o sinasaksakan nito gamit ang JetStim Medical Gun. Ilang taon na ring nagsilbing tahanan ang silid na ito. Halos puro puti ang aking natatanaw, at sa gawing likuran ng kama, naroon ang kurtinang tumatakip sa salaming sumasalag naman sa liwanag ng araw mula sa labas. Dumadampi sa aking balat ang lamig na nilalabas ng airconditioner na nakadikit sa pader, pinapanatili ang init na makapasok sa loob. Kumikintab sa linis ang silid at upang mapanatili ang kalinisan, kada dalawang araw, may pumupuntang tagalinis sa loob at gagawin niya ang dapat niyang gawin. Sa kanyang ginagawa, nakakatulong siya na maibsan, kahit papaano, ang aking pagkakabagot. Kahit nakakasawa, maganda pa ring pagmasdan ang maliit na kabinet, na pinapatungan ng paso sa itaas. Ang pasong iyon ay tinitirhan ng mga sampaguitang naliligo sa tubig. May lalaking doktor na pumapasok, kita ko mula sa salaming salamin na sa pamamagitan ng pagwasiwas ng kamay sa sensor, kapag balido, ay magbubukas. Ayan, balido ang kanyang kamay, kaya magbubukas na ang pinto. At, may kasama siyang bisita na matagal nang bumabalik para sa akin. Lumapit silang dalawa sa akin, habang ang bisita, isang babaeng Kawkaso, ay tumayo at tinitigan kaming dalawa. May katandaan na ang doktor, mga nasa limampu’t dalawang anyos na. Napipinturahan na ng gris ang kanyang bigote at ang buhok niya sa ulo ay naagnas na. “Magandang araw, Ginoong Samson Fuerte.” Tama, Samson Fuerte ang aking pangalan. Tatlumpong taong gulang. Ipinanganak sa Tondo, iniluwal ni Ginang Joyce Marie Dimaano, asawa ni Jacob Fuerte. Nag-aral ako ng elementarya at hayskul sa isang paaralang Katoliko, at pumasok sa Pamatasan ng Lungsod ng Maynila. Dalawang taon akong nanatili sa nabanggit na paaralan, bago nakipagsapalaran sa Philippine Military Academy. Sa aking pagtatapos doon, ang aking ranggo ay 2nd Lieutenant. Dinanas ang paghihirap upang maging isang Scout Ranger, bago ako mapadpad bilang isang commando ng Presidential Security Group. Prinotektahan ko ang Pangulo, na nauwi sa aking pagkakadala rito. Hindi ko na maalala ang kanyang pangalan. “Magandang araw din po, Dr. Faustino Elegante.” Aking tugon sa kanyang pagbati. May nilabas pa siyang tablet, na ang hologramo ay nakaharap sa kanya. “Ah, magandang balita ang iu-ulat ko sa’yo.” Ano ang magandang balita ukol sa aking kalagayan, dok? Makakaalis na ba ako rito? “Sa mga nakalipas na buwan, matapos ang ating therapy, malugod kong... sasabihin sa’yo na ang iyong mga alaala ay unti-unti nang bumabalik. Hindi man lahat ay babalik sa dati, subalit magiging sapat na iyon upang magsimula ka muli. Nakakapaglakad ka na muli nang maayos at nagagawa mo na ang mga dating nagagawa mo, na nawala dahil sa pagkatama ng bala sa iyong ulo. Wala na kaming gagamutin sa’yo, pero bago muna kita i-discharge, may mga katanungan ka ba?” “Hanggang kailan ako iinom ng ibuprofen?” Iinom ako ng gamot na nabanggit dalawang beses sa isang araw – isa sa umaga, at isa sa hapon. “Obserbahan mo ang iyong sarili matapos ang isang buwan mong pagpapagaling. Kung sakaling hindi na sumakit ang iyong ulo matapos ang isang linggo ng huli mong pag-inom, okay na tayo. Maaari mo nang putulin ang paggamot sa ibuprofen.” Payo niya sa aking tanong, pero marami pa akong tatanungin sa kanya tungkol sa aking magiging kalagayan, ngayon ay bilang isa sa mga kauring hindi ko naman hinangad sa aking sarili. “Paano po ang Firmurozine?” Isa sa mga hindi mai-aalis sa mga SmartHuman ay ang kada linggo nilang pagsasaksak ng Firmurozine sa kanilang mga pulso. Ang Firmurozine ay isang gamot na pumipigil sa mga nanobot, na dumadaloy sa dugo ng mga SmartHuman, na pasakitin ang mga kalamnan. Kapag hindi ito inagapan, maaaring sirain ng mga nanobot ang mga ugat, na maaaring mauwi sa kamatayan. Kahit ang mga malulusog na SmartHuman ay hindi ligtas sa matinding gastos para sa gamot na nabanggit. Kung maaari lang, sana ay hindi ako magpapasaksak, bilang ganti na rin sa ginawa nila sa akin upang mailigtas ako sa bingit ng kamatayan. “Makakabili ka ng Firmurozine sa mga SmartClinic at sa mga ospital katulad ng San Roque Medical Center BGC.” Paniniguro niya sa akin. “Makakakuha ba ako ng ayuda mula sa pamahalaan?” Wala akong narinig sa mga nabasa ko sa Inosanata NewsTablet o sa mga opisyal na linya ng komunikasyon ng pamahalaan tungkol sa magiging tulong sa mga magpapasaksak at maging mga SmartHuman. “Sasaluhin ng pamahalaan ng mga gastusin sa Firmurozine.” “Salamat.” Tangi kong pasasalamat sa kanya. Sana, totoo. Sino na nga ba ang Pangulo ng Pilipinasn ngayon? “May mga katanungan ka pa ba?” “Wala na.” “Discharged ka na sa ospital, Samson Fuerte. Magpagaling ka.” Sa wakas, dumating na ang araw na aking hinihintay sa matagal na panahon. Ginupit niya na ang nakasuot na puti sa aking kaliwang pulso, at tinanggal niya na ang dextrose na nakasaksak sa akin sa mahabang panahon. Winasiwas ko ang aking mga kamay at lumapit na sa akin ang babaeng kasama niya, kasabay ng kanyang pagalis. Kulay pula ang kanyang buhok at bughaw ang kulay ng iris ng kanyang mga mata. May katangakaran siya at matangos ang kanyang ilong. Siya ang nagsilbing bantay ko sa loob ng aking pananatili rito, kaya malaki ang pasasalamat ko sa kanya, nagngangalang Elisa Haufmann, sa pag-aaruga niya sa akin. Edad ay bente-kuwatro anyos. “Samson, aalis na tayo ng ospital. Nakayanan mo ang mahaba-haba mong pananatili.” Wika niya, kitang nagagalak sa naganap. “Nagsasawa na ako sa pagkain nila rito, halos walang mga lasa.” Mula nang ako ay magising hanggang kahapon, puro pagkaing pang-ospital na lang ang aking natitikman. Walang lasa. Matabang. “Naiintindihan kita. Oh siya, ihanda mo na ang mga gamit mo. Naghihintay na ang sundo mo sa ibaba.” Aba, may sundo pala ako. Sino kaya ang susundo sa akin? Ang mga magulang ko ay parehong patay na, habang ang aking mga kaibigan ay may kanya-kanya nang buhay. Kaya ang tanong, sino kaya ang susundo sa akin? Nilapag na ni Elisa ang dala-dala niyang duffle bag at inayos namin pareho ang mga kagamitang kasama namin sa mahabang pananatili, saka inilagay isa-isa roon. Hiniwalay ayon sa uri ng gamit, katulad ng mga panlinis ay nakasilid sa kanang gilid, nakabukod sa saradong transparenteng sobre. Samantala, ang mga damit ay itiniklop at isinilid sa pinakamalaking lalagyan ng duffle bag, kasama ng mga pinaglagyan ng pagkaing nilinis at sinelyo sa tinawag nilang Foodker, ang lalagyang sa unang tingin ay gawa sa plastik, ngunit gawa ito sa mga natural na sangkap. Maaari ngang i-microwave ang mga pagkain sa Foodker Lunch Pack, at ang pruweba rito ay ang keypad, pati na ang slider na nagdidikta, sa tulong ng user, kung gaano katagal at kung gaano kainit ang ipadadampi sa pagkain. Hindi magagamit ang nasabing tampok sa ngayon, sapagkat walang bateryang magpapatakbo nito. “Nakapagbayad na ba tayo sa ospital?” Malaki ang alinlangan ko sa bayad kapag dumating na ang araw na ito. Kilala ang San Roque Medical Center sa dekalibre nilang serbisyo medikal, ngunit kapag nakita ng isa sa mga pasyente ang medical bill, baka hindi pa sapat ang bumalik sa pagkakahiga sa kanilang mga kama. Posibleng mapunta sa morgue ang makakabasa. “Binayaran na ng mga sasalubong sa’yo ang mga bayarain dito. Didiretso na lang tayo sa baba, at ayos na ang lahat.” Kahit mukha siyang banyaga sa mga mata ng nakatira rito, ramdam ni Elisa ang bigat ng mga bayarin sa ospital. “Hulong ng langit.” Wala akong masabi, kundi iyan. “Talagang hulog ng langit.” Tangi niyang sagot. “Oh siya, may hahanapin ka pa ba? Tignan mo, baka may makalimutan ka. Magandang paggamit iyan sa mga natutunan mo sa therapy.” Sinuyod ko ang bawat sulok ng kuwartong ito, at aking napagtanto na wala akong nakalimutan ni isang gamit na aking pagmamay-ari. Naisabuhay ko ang aking mga natutunan at nakasanay noong ako ay nagte-therapy pa. “Wala na akong nakalimutan.” Aking sabi sa kanyang katanungan. “Naghihintay na sila sa baba. Tara na.” Naglakad na kami palabas ng silid, at ang pintuang salamin ay nagbukas na para sa amin. Sumalubong sa aming paglabas ang ilang mga doktor na tumutulak sa isang stretcher na dadalhin sa isang silid, may numerong 251. Abala naman ang isang tagapaghatid ng pagkain sa Room 248. Hinawi niya ang kanyang kamay sa sensor matapos tanggalin ang guwantes at siya ay pinagbuksan na ng pinto. Nakasalubong din namin ang mga nakaupo sa wheelchair, tinutulak ng mga nars upang dalhin sa kuwartong itinakda para sa kanila. “Matanong nga lang, sino ang sinasabi mong naghihintay sa ibaba?” Nanggagalaiti na akong malaman ang sagot. “Isa sa mga pinakamakapangyarihang kompanya sa mundo. Kung hindi dahil sa kanila, naglalakad ka pa kasama ko.” Kumpiyansa si Elisa sa kanyang winika. Mabigat ang mga salitang binitawan niya at ang dating nga sa akin ay masyado yata siyang nagmamalaki. “Hindi naman sila kapani-paniwala.” Aking binulalas matapos marinig ang kanyang sagot. Nasa harapan na kami ng elevator at pinindot na ni Elisa ang butong nagtuturo pababa. “Hindi ka basta-basta maniniwala, alam ko – dahil isang malaking balita iyan. Sila rin ang nagbayad ng hospital bill mo, kaya ang laki ng tulong nila. Balita ko, kailangan nila ng iyong kakayahan, lalo na’t maaga ka nilang pinaretiro sa serbisyo.” Maaga nila akong pinaretiro sa paglilingkod. Nauunawaan ko naman kung bakit. Nung una ko ngang nalaman iyon, hindi ko matanggap. Pero habang lumilipas ang panahon, unti-unti kong nilunok ang katotohanan at humiling na lang na sana, may bagong oportunidad na dumating para sa akin. Nagbukasan na ang dalawang pintuang stainless ng elevator. Hinayaan muna naming lumabas ang pasyenteng nakaupo sa wheelchair. Nakasabit sa kanya ang IV fluids at nakakapukaw lang ng interes ang kusang pagmando ng artificial intelligence, o AI, sa ruta. Ang kaparehong wheelchair ay maaari ring itulak ng nars, katulad ng aming nakasalubong. Sa aming pagpasok sa loob, agad na nagsalita ang AI na nagpakilalang si Cora. “Magandang araw sa inyo, mga mananakay. Mangyaring pindutin lang ang buton ng palapag na inyong bababaan.” Tinulak ni Elisa ang buton na may nakasulat na ‘G’ at sinunod ang DC. Sa pagpikit ng elevator, nagsalita pa ang AI. “Unang palapag. Mangyaring maghintay sa inyong pagbaba. Aalagaan kayo ng Shizang Electric sa inyong pagangat.” Pumikit na ang mata ng elevator at mula sa palapag kung saan kami naroon (ika-12 palapag), dinala ang aming mga katawan sa unang palapag at muling naghiwalay ang dalawang pinto, nagbigay-daan sa aming pag-alis. Tinuloy lang namin ang paglalakad, habang ang aming mga mata ay busog na busog na sa pangkaraniwang tagpo sa mga ospital. Ang mga upuan sa mga gilid ay okupado ng mga pasyente at kanilang mga bisita, naghihintay na matawag sila. Ang mga tinawag naman, pumapasok sa opisina ng mga doktor, na nakahiwalay ayon sa pagkabihasa nila sa kani-kanilang mga larangan. Ang mga buntis, kasama ng kanilang mga asawa ay naghihintay sa ob-gyne, habang ang mga batang may sakit ay nag-aabang sa pediatrics kasama ng kanilang mga magulang. Upang malibang ang kanilang mga isip mula sa pagkabagot, pinaglalaruan nila ang mga bagong laruang nakaayon sa kanilang mga kasarian, o ‘di naman kaya ay nanonood ng mga pambatang palabas sa telebisyong hologram ang pantalya. Marami ang nag-aabang sa espasyong tinakda para sa mga naghihintay ng tawag mula sa out-patient department. Hindi lahat ay nakaupo, sapagkat kahit tapos na ang pagpila nila, tatayo pa rin sila sanhi ng kawalan ng bakanteng upuan. Suwerte na lang at pinalalamig ng aircon ang buong ospital, o mainit na ang kani-kanilang mga ulo, kahit papatak pa lang ang ika-7 ng umaga. SmartHuman ka man o hindi, parehas ang trato nila sa’yo rito. Magkaiba nga lang ang paraan ng paggamot. “Hindi na angkop sa mga susunod na panahon ang kalagayan ng mundo upang mabuhay ang isang tao kagaya mo. Ang lalong pag-init ng panahon ay hindi na kaya ng ating katawan, at ang resistensya ng normal na tao, kahit na ikaw ay nage-ehersisyo, ay hindi na sasapat upang mabuhay ka nang malusog.” Walang tigil ang robot sa pag-iikot, nagpapaalala sa lahat na magpasaksak na ng brain chip at sumama sa dumaraming bilang ng mga SmartHuman. “Sakop ng PhilHealth ang inyong pagpapasaksak at ang pagbili ng Firmurozine, kaya wala ka nang aalahanin pa sa mga bayarin. Sa taong 2054, inaasahan na ang lahat ng mga Filipino ay may mga brain chip na sa kani-kanilang mga katawan.” Hindi ko alam kung kailan nagsimula ang kautusan na naglalayong gawing SmartHuman ang lahat ng mga Filipino, ngunit sa lugar na ito, mula sa mga matatandang naghihintay hanggang sa mga batang naglalaro o nanonood, halos lahat sila ay mga SmartHuman na. Nang madaanan na namin ang lahat ng iyon, bumagsak kami sa lobby, at kapansin-pansin ang ilang mga kalalakihan, animo’y mga sundalo sa tindig at sa suot. Nakatahi sa kanilang mga kevlar vest ang logo at sa ilalim noon ay ang mga katagang ‘MARKUS INDUSTRIES’. Bawat isa sa kanila ay may anim na 30-round polymer magazine at naisyuhan din sila ng sidearm. Lahat sila ay SmartHuman. Ang kasama nilang todo ang pagsuot ng amerikana ay lumapit sa aming dalawa, at kinamayan kami. “Magandang araw, Captain Samson Fuerte.” Pagbati niya sa akin. “Magandang araw din. Ikaw ba ang sinasabi ng aking kasama na sasalubong sa akin?” Aking pagsisiyasat. Hindi ko inaasahan kasi ang kanilang pagdating dito. Nabigla na lamang ako nang sabihin sa akin ni Elisa ang tungkol sa kanila. Binigay niya lang ang kanyang business card na sobra-sobra ang lebel ng teknolohiya, at doon ko nalaman ang kanyang pangalan at posisyon. Bashiri T. Almeda. 105.20.178.54/63. Senior IT Risk Manager. Markus Industries. “Oo, ako iyon. Malugod akong makita kita, Samson.” Muling pagbati ng nagpakilalang si Bashiri T. Almeda. “Ganoon din sa’yo, Bashiri Almeda.” “Mali ang bigkas mo ng aking pangalan. Da-vid ang tamang pagbigkas, hindi Dae-vid.” Tinama pa niya ako sa kung ano ang bibigkasin ng aking bibig ukol sa kanyang pangalan. Wala na akong pakialam kung Da-vid o Dae-vid ang aking pagbigkas. “Nagtataka ka siguro kung bakit lumapit kami sa’yo at kay Elisa Haufmann. Hindi ko maaaring sabihin ngayon ang karamihan sa mga sagot dito, dahil may mas nakakaalam, na siya ating pupuntahan ngayon. Hinihintay ka na ng SUV sa labas. Ano pa ba ang dapat mong gawin?” “Eh ‘di sumakay na.” Aking pagbanggit. At oo, naalala ko na siya. Dati siyang kabilang sa Department of Information and Communications, o DICT. “Tara na.” Paanyaya niya, sabay utos sa kanyang mga kasama na gawin na rin ang ipinagagawa niya sa akin. Nauna na sila sa pagsakay, at pinanatili nilang bukas ang pintong nasa kanang-likod ng SUV. Bago pa man humakbang ang aking mga paa patungo roon, may mga paalang binanggit sa akin si Elisa. “Samson, bibigyan kita ng isang pahiwatig, malaking tao ang makakasalamuha mo, at tiwala ako sa kakayahan mo. Good luck.” Nagbigay siya ng mga pahiwatig. Huwag naman niya sana akong pahulain. “Salamat.” Naglakad na ako papunta sa SUV, na aking sinakyan nang malapit. Sinara ko ang pinto at sa isang iglap, ang mga matatanaw ko sa labas ay nagka-filter. Apatnapung porsyentong itim. Umandar na ang sasakyan at muli kong nasulyapan ang mga lugar na matagal nang mailap sa aking mga mata, magmula nang ako ay magising sa ospital. Marami nang mga nagtataasang mga gusali ang nakatindig, at halos bawat isa ay may mga palapag na nilaan para sa pagpapatalastas ng mga kompanyang nasa loob, kadalasan ay inaalok ang kani-kanilang mga produkto sa mga tao. May mga mall din kaming nadaanan at dahil sarado pa ang kanilang mga pintuan, wala pang mga taong dumaragsa. Kung hindi sila naglalakad at nagmamadali sa kani-kanilang mga trabaho, nakapila sila ng isang linya, minsan mahaba, naghihintay ng susunod na bus na maghahatid sa kanila patungo sa mga opisinang papasukan nila. At dahil tirik ang araw sa kanyang paggising, sa umaga pa lang, ilan sa kanila ay nagmukha nang uuwi. Ano pa ba ang mga nagbago? Halos wala. Pagdating sa harapan ng gusaling pagmamay-ari ng PhilKonek Telecommuications, mabagal na ang daloy ng trapiko. Sino nga ba ang matutuwa sa ganitong mga tagpong nararanasan ng lahat araw-araw? Ilang mga minuto kaya ang madaragdagan sa aming biyahe? “Parating na po kami. Na-trapik lang dito sa Rizal St.” May kausap si Bashiri sa kanyang smartphone. “Sige, parating na kami riyan. Paalam.” Binitawan niya na ang tawag sa smartphone at nilagay sa bulsa ng suot niyang Amerikana. Napansin ko ang isang Inosanata NewsTablet na nakasilid sa rack. Ano-ano na nga ba ang mga naganap noong mga nakaraang araw? Isang linggo na akong hindi nakakapagbasa ng mga ulat mula sa labas, kaya blangko ang aking isip. Upang magkalaman, aking pinulot ang Inosanata NewsTablet sa rack saka binasa ang ilan sa mga balita. Ayon sa unang balitang aking nabasa, target ng pamahalaan na ang lahat ng mga Filipino ay maging mga SmartHuman sa taong 2054 at sa kasalukuyan, nasa sampung porsyento pa lang ang nagpapasaksak at ‘tumalon’ papunta sa ‘makinang na hinaharap.’ Sa kaparehong edisyon ko nalaman na sa mga susunod na buwan, magsisimula na ang paghain ng Certificate of Candidacy sa COMELEC, at inaasahan na ang Pangulo ng Pilipinas, si Solomon Genio, ay tatakbo para sa kanyang termino. Matunog ang kanyang pangalan, at sa katunayan, nagtatanong na sa akin si Bashiri ukol sa aking opinyon tungkol sa pumalit sa napaslang na si Jeane Cortez. “Ano ang opinyon mo kay Solomon Genio? Tatakbo raw siyang muli bilang Pangulo.” “Hindi ako basta-basta nagtitiwala sa media, lalo na kung tungkol sa pulitika. Maaaring mabango si Presidente Genio ngayon, subalit pagkatagal, dudumi. Para bang naligo sa putik.” Wika ko. Madalang lang ang aking pagsasalita sa mga usaping pulitikal, at sa aking palagay, mas nailagay ko ang aking sarili sa mas magandang lugar sa pagiging apulitikal. Noong nagtatrabaho ako bilang protektor ni dating Pangulong Jeane Cortez, hindi naman ako nagkomento tungkol sa kanyang mga desisyon, kahit na alam ko sa aking sarili na mali ang ilan sa kanyang nagawa. Inisip ko lang ang aking tungkulin upang mapangalagaan ang kanyang seguridad, pati na ang seguridad ng kanyang pamilya. “Sa bagay. Marami nang nangyaring ganyan sa kasaysayan ng bansa. Pero, may kakaiba kay Presidente Genio, na ikinatutuwa nang marami.” Mukhang hindi naging parte ng pamahalaan si Bashiri.  “Ano ka ba, parang hindi ka naging taong gobyerno, Ginoong Bashiri.” Pinagsabihan ko siya tungkol sa kanyang nakaraan. “Pare-parehas lang sila. Kapag bumoboto nga ako, parang namimili ako kung anong lason ang aking iinumin para sa anim na taon.” “Kung iinom lang naman ako ng lason, mas maganda nang inumin ko ang makakapagsuka sa akin, hindi ang makakaputok sa ugat ng aking ulo.” At tama ang kanyang sinabi. “Siya nga pala, bakit ka pala nagretiro sa DICT?” Nais kong malaman ang naging mitsa ng kanyang pagtigil. “Sahod at oportunidad. Oo, masaya ang trabaho sa ahensyang nabanggit. Malapit ako kay DICT Secretary  Maraming mga taong makakausap mula sa iba’t ibang panig ng mundo at natuto ako ng mga makabagong pamamaraan sa pagpapadali ng buhay ng tao. Pero, parang nawawalan na ako ng oportunidad na lumago pa sa nasabing ahensya. Kaya, dalawang taon bago nangyari ito, nag-resign na ako at naghanap ng ibang kompanya.” Kaya pala matagal ko na siyang hindi nakikita. Isa si Bashiri sa mga madalas kong nakakasalamuha noong ako ay nagtatrabaho pa bilang kasapi ng PSG. Sa mga bansa aming pinuntahan, halos palagi siyang kasama ng Sekretarya ng DICT. Tumutulong siya sa administrasyong Cortez sa pagpapalago ng mga makabagong teknolohiya, na makakapagpabuti sa bansa. Risk Manager siya noon, at kaparehong trabaho ang kanyang ginagampanan sa Markus Industries. Hindi na namin namalayan na nasa harapan na kami ng pasukan ng isang gusali at sa mga tatak na idinikit sa mga salamin, masasabi kong nakarating na kami sa aming paroroonan. Huminto na ang SUV at hinihintay na ang aming pagbaba.  “Boss, nandito na po tayo.” Paalala ng drayber. “Hintayin niyo akong dumating. May pupuntahan tayong seminar sa Maynila pagkababa ko. Ihahatid ko lang siya kay Boss.” “Copy.” Bubuksan ko sana ang pinto nang biglang lumabas sa kabilang banda si Bashiri. Umikot siya sa harapan at tinapos ang dapat sanang aking gagawin. Parang hari ang turing nila sa akin. “Tara, lumabas ka na, Ginoong Fuerte.” At ang aking mga paa ay muling tumapak sa lapag na pinaghaharian ng dumi. Naamoy ko muli ang simoy ng polusyong kilalang-kilala ng mga taga-siyudad, na kahit ang maliit na hardin na unang babati sa mga dumaraan sa harapan ng Markus Tower, hindi kakyanin ang paglinis ng hangin. Oo, mananalo sila kung ang patimpalak ay pagandahan. Animo’y tumatalon-talon ang tubig mula sa bungangang pinagbubulwakan nito sa lapag ng maliit na hardin, nagpapaganda lalo sa iskulpturang tumatampok sa kung ano ang pagkakakilanlan ng Markus Industries. Sumunod ako kay Bashiri at pumasok na sa loob. Sinuri kami ng mga humanoid, mga robot na parang kahugis ng tao, sa mga maaaring makita nila sa loob. Nakakasiguro ako na ang kanilang mga mata ay may x-ray vision, kaya walang maitatago ang sinumang may gustong ipuslita sa loob. “Maaari po kayong tumayo at titignan namin ang inyong mga ipinasok.” Ah, sa paningin, lalaki ang kanyang itsura. Lalaki rin ang kanyang boses. Winasiwas niya ang hawak na sensor sa aking harapan at sinunod ang likuran. “Wala akong nakitang kahina-hinala sa iyong damit. Kung meron kang bag na dala, maaari niyo pong ipasok iyan sa x-ray scanner upang masuri.” Wala akong dalang gamit, kaya hindi magiging aplikable sa akin ang paglalagay ng bag sa x-ray scanner. Kaya naman, tumuloy na lang ako. Naghihintay na sa akin si Bashiri sa lugar kung saan naroon ang dalawang resepsyonista, nag-aasikaso sa mga bisitang katulad ko. Kapansin-pansin din sa tabi ang mga empleyadong papasok sa mga opisinang nasa loob ng Markus Tower, nagpapa-scan ng kanilang mga mata sa optical scanner. Matiyaga silang naghihintay upang matapos lang ang una nilang gagawin sa opisina. Nilapitan ko na ang isang resepsyonista at si Bashiri ay may kausap sa smartphone. “Paakyat na kami. Salamat.” Huli niyang mga salitang binitawan sa kanyang kausap sa kabilang linya bago niya muling pinasok sa bulsa ang smartphone. “Sasabihin ng resepsyonista ang iyong mga gagawin. Kapag natapos ka na, lapitan mo ako sa lobby para sa mga susunod na hakbang.” “Salamat, Bashiri.” “Magandang umaga po. Heto po, mangyari lang na paki-fill-up-an ang mga impormasyong hinihingi bago namin kayo mabigyan ng Guest ID.” Inasikaso na ako ng babaeng resepsyonista, may pangalang Gregoria Posadas. Sa itsura pa lang, masasabi kong bagong talaga siya rito. Nilapag niya na sa harapan ko ang tablet, pinapakita ang listahan ng mga bisitang pumasok ngayong araw. Sa ngayon, ako pa lang ang pupuno ng unang pahalang. Sinulat ko na sa pamamagitan ng touch pen, tawag nila sa mga ballpen na sumusulat sa pantalya, ang mga impormasyong kanilang hinihingi – pangalan, aking agenda, kung ano ang aking pakay sa loob, IP Address, iba pang mga maaaring gamitin sa pag-kontak, at pirma. Napunan ko na ang lahat ng kanilang hinihingi, kaya binalik ko na sa kanila ang tablet. Ano na ngayon? “Pagkatapos, pakilagay po ang magkabilang hinlalaki para sa fingerprinting.” Ah, pinapa-fingerprint scan niya na ako sa sensor na nasa tabi ng pinaglapagan ng tablet. Dalawang espasyo, magkahiwalay ng dalawang sentimetro, ang hinanda para sa ganitong gawain. Diyan ko idinikit ang magkabilang hintuturo na aking pagmamayari at hinihintay ang pulang ilaw na magbago. Bingo. Nag-kulay asul. Tapos na ang aking negosyo dito. “Salamat po, aming butihing panauhin. Hindi ka gagamit ng ID o anumang tanda ng iyong pagkakakilanlan, maliban sa fingerprint, na magiging balido lang sa mga lugar na iyong pupuntahan. Sa iyong paglabas, magiging inbalido na ang iyong fingerprint at kapag nais mong muling pumasok, kailangan mo muling dumaan sa amin.” “Okay.” Naiintindihan ko. May mga idinagdag pa siya sa nauna niyang panuto. “May mga katanungan ka pa ba?” “Wala na.” “Maligayang pagdating sa Markus Tower, ang tahanan ng Markus Industries.” Pormal niya na akong binati, at iyon na ang panahon ng aking pagpasok. Pagkaalis ko sa kanilang harapan, kinausap na siya ng kanyang kasama sa loob ng resepsyon. “Mamayang a las diez ng umaga, may darating daw na...” Unang magagamit ko ang aking fingerprint sa nilalapitan kong puwerta, salamin ang materyal at mabubuksan lamang sa pamamagitan ng sensor. Halos ang makinang kaagapay ng dalawang puwerta ay madalas makikita sa mga tren. Pagkalapit, diininan ko ang aking kanang hintuturo sa sensor, at mabilis lang ang beripikasyon! Nagbukas na ang dalawang puwertang salamin at ako ay pormal nang nakapasok sa teritoryo ng Markus Tower, ang bagong headquarters ng Markus Industries. Lahat ay bagong tingin at sa una kong pagpasok, tumingala ako sa itaas. Limang palapag ang aking natanaw, at ang kisame ay sinasabitan ng mga nagnining na ilaw, kumukutikutitap na parang ginto. Ang mga pilar na kumakapit sa mga palapag na manatili sa kani-kanilang mga baitang ay parang kinapitan ng iba’t ibang kulay, at ang tatlo ay sinulatan ng tig-isang salita na bumubuo sa mantra ng Markus Industries. L’innovation pour Tous. Paglago para sa Lahat. Kita rin sa gilid, pumapalibot sa mga pilar, ang mga pasong may sari-saring halaman. At sa gitna, nakatindig na parang mga piraso ng sining sa museo ang mga hologram, nagpapakita ng mga produkto ng Markus Industries, pati na ang pag-endorso ng mga kilalang personalidad, katulad ni Ate Tisay na kilala bilang streamer sa Inosanata Entertainment. Rinig sa aking kinalalagyan ang paulit-ulit na pagpapaliwanag ng babaeng artificial intelligence kung ano ang nagawa ng Markus Industries, at kanilang magagawa pa sa mahabang panahon. Sa paglapit ko kay Bashiri, bumuka na ang kanyang bibig. “Ayos na? Tara na kung ganoon.” Sinundan ko siya sa kung saan niya ako dadalhin, at habang ang aking mga paa ay kumukumpas ng hakbang, mauuna na yata ang aking mga panga sa aking mga natatanaw. Ang lahat ng mga tao ay SmartHuman, at ang mga teknolohiyang pinapakita sa mga palapag na ito ay animo’y kuhang-kuha mula sa nobelang may genre na science fiction. Ayon sa announcer, ang buong gusali ng Markus Industries ay isinasailalim sa disinfection, 24/7 at ang gamit nilang teknolohiya ay ang mga bombilyang nagliliwanag sa loob. Maaari pa rin naman daw kumain ang mga tao rito sapagkat kapag natatapik ng liwanag ang kanilang mga pagkain, magiging pampalakas pa ito lalo sa mga sustansyang nasa loob. Sa pag-akyat nga namin sa ikalawang palapag, nakasalubong namin ang mga armadong guwardiya, nakasukbit, sa tulong ng sling, ang VHS-D2 sa kanilang mga katawan, ay sinasamahan ng humanoid na may kaparehong misyon at sandatang dala-dala. Ilang mga empleyado ay nag-uusap tungkol sa iba’t ibang mga paksa, at sa mga silid, tanaw ang ilang mga empleyado na nag-aasikaso sa mga nagbabalak maging kabahagi ng kompanya. Mahaba-haba ang pila at sigurado ako na lahat sila ay magiging SmartHuman, katulad ng iba pang mga nagtatrabaho rito. Nakarating na kami sa elevator, kung saan ako dinala ni Bashiri. Pinindot niya na ang hologram na may tatsulok na nakaturo sa itaas, at ilang sandali lang, nagbukas ang pintuan at kami ay pumasok. Pinindot niya ang butong may imprentang ‘63’, ang pinakamataas na baitang, at sinunod itulak ang butong may imprentang ‘DC’, at nagsara na muli ang pinto, na hudyat ng pagakyat ng elevator upang pumantay sa palapag na aming hiniling. Medyo nakakabagot, alam ko, dahil matagal-tagal ang aming pagtayo rito. Nakatingin lamang kami sa stainless na pinto, na kapag dumating sa ika-63 palapag, kusang magbubukas. “Hindi ka maniniwala sa iyong makakasalamuha sa palapag na nabanggit.” Pagtitiyak ni Bashiri. “At paano ka nakakasiguro?” Aking pagtatanong. “Siya ang isa sa mga dahilan kung bakit narito ka ngayon, nakatayo katabi ko.” Salamat sa kanya, kung ganoon. Ayos lang sa akin kung mamamatay ako para sa bansa kung saan ako ipinanganak at lumaki, pero ang pagbigay muli sa akin ng ikalawang pagkakataon ay dapat na lalong pasalamatan. “Talaga?” Gusto ko lang makasiguro. “Oo.” Sagot niya. “Siguraduhin mong matutuwa ako, Bashiri.” Siguraduhin niya lang na ang kanyang ‘oo’ ay mapanindigan niya. Nagbukas na ang dalawang pintuan ng elevator at kami ay lumabas na. May dalawa kaming maaaring daanan, ang kaliwa o ang kanan. Pinili ni Bashiri na kumanan at naglakad patungo sa pintuang salamin. Kusa kaming pinagbuksan nito pagkalapit, at meron pa kaming haharaping kaparehong uri. Hindi kami pinapayagang makita kung ano ang nasa loob. May sensor sa tabi na akin namang pinagdikitan ng kanang hintuturo. Aba, nagbukas ang pinto at sa aking pagtingin, isang lalaki, suot ng tuxedo, ang naabutan kong nakaharap sa isang obra, nagpapakita ng magandang kinabukasan ng mundo, na kung saan may presensya ng Markus Industries na nagtutulak sa lalong pagpapabuti nito. Sinisinagan ng araw ang mga parangal na kanyang natanggap at natanggap ng kompanya, kasama ng mga librong nakasilid sa kabinet. Ang mga iyon ay nasa gawing kaliwa namin, sampung metro ang layo. Sa apat na sulok ng silid ay matatagpuan ang apat na pasong tinitirhan ng halamang artipisyal. Samantala, nakapatong sa mesa niya ang isang monitor ng kompyuter, at ang bote ng whiskey na isang-apat na lamang ang natitira, at katabi noon ay ang isang salaming bote. Aba, may pandesal pa siyang hinanda bilang pulutan. Naroon ang kanyang pangalan sa mesa, at ang masasabi ko lang – hindi siya birong tao. Siya ba ang dahilan kung bakit ako naging SmartHuman sa hindi ko kagustuhan? Siya ba ang dahilan kung bakit narito pa ako sa mundong ibabaw? Nais ko pang malaman ang tungkol sa kanya at kilalanin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD