//KABANATA 5

1913 Words
Samson Fuerte IP Address: 172.168.20.10/63 Lungsod ng Taguig, Pilipinas Agosto 25, 2020; 06:57 H (GMT +08:00)   Halos dalhin ng ulo ang mundong ginagalawan ng lahat. Sa tindi ng kakaisip sa magiging plano pang-seguridad, hindi na kataka-taka kung bakit may error message na lumalabas sa aking paningin, nanghihikayat na uminom ako ng NanoCoffee, ang kapeng iniinom ng mga SmartHuman. //ERROR CODE 15: HINDI SAPAT ANG IYONG BATERYA UPANG KUMILOS SA BUONG ARAW. //PAPASOK NA SA SAFE MODE... //MANANATILI SA SAFE MODE ANG IYONG ISIP HANGGA’T HINDI KA UMIINOM NG NANOCOFFEE. Hindi iyan katulad ng paggising na sasabihing ‘FAILURE’. Ang Error Code 15 ay isang Error Code na nagsasabing pinuyat masyado ng isang SmartHuman ang kanyang sarili, kaya kahit ang BraimPlant (o anumang iba pang brain chip na nakasaksak sa ulo ng tao) ay masasagad sa pagsuporta sa taong hindi nakatulog, at ang dahilan kung bakit hindi ako nakatulog, ay ang pagpapalit ko ng mga inilatag na planong panseguridad sa Agosto 26, ang araw kung kailan bubuksan ang planta sa Samar, at inaasahan na dadalo sa pagtitipon ang Gobernador ng Samar na si Eugene Hernandez. Nagtimpla na ako ng NanoCoffee, ang bagong caffeine. At ang isa sa mga tatak ng kape na sikat sa buong mundo ngayon ay ang TeaCof, gawa ng TeaCof S.a.r.l sa bansang Suwisa. Hindi ko na magawang bumili ng pan de sal sapagkat kailangan kong uminom agad-agad, o baka bumagsak na lang ako sa lapag, dahil sa ERROR CODE 15 na pinapalandakan sa akin ng BraimPlant-5. Hmmm, bakit hindi kaya manood ako ng telebisyon habang sumisipsip ng kape? Ginising ko ang telebisyon at ang hologram ay lumabas na, pinapakita sa screen ang nasasagap niyang signal mula sa transmitter ng istasyon ng TV. Inosanata News TV ang aking napapanood sa ngayon, at pinag-uusapan sa kasalukuyan ay ang mga spekulasyong tatakbo si Senador Grace Matiglao sa pagkapangulo. Kapag ginawa niya iyon, lalabanan niya si Solomon Genio sa halalan. “Sinasabi ng karamihan na tatakbo ka sa darating na halalan. Totoo po ba ang lahat ng ito, Senator Matiglao?” Tinanong ng babaeng taga-ulat ang tanong na alam na ng lahat ang sagot. Tinatanong pa ba iyan? Alam naman ng lahat na kapag matunog ang pangalan ng isang pulitiko, siguradong tatakbo iyan sa puwestong kung saan niya ninanais. At, katulad ng inaasahan, tinanggihan niya ang mga ulat at haka-haka na siya ay tatakbo bilang Pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2046. “Wala po. Maraming salamat.” Ulol. Hindi ibig sabihin, hindi na siya talaga tatakbo. Baka nga sa unang araw ng pag-file ng Certificate of Candidacy, kumaripas siya ng takbo at unang magpakita sa mga miyembro ng media na may hawak ng file na nabanggit at pirmado pa niya. Kung ako ay mali, iyan ay dahil matagal ko nang napapansin ang pagtanggi ng mga matunog na kakandidato, at sa mga susunod na buwan o taon, manunuyo na ng mga botanteng kanilang uutuin. Sunod-sunod na ang pagdaloy ng iba pang mga nagbabagang balita, at wala na akong panahon na tapusin ang mga natitira pa, sapagkat hinahanap na ng aking tiyan ang paru-parong lumilipad. Pinatay ko ang telebisyon at kinandado ang pinto. Kailangan ko nang patahimikin ang kumakalam kong sikmura.   * * * * *   30 minuto ang nakalipas   Maligayang pagdating sa YumMart, Samson. At ano pa ba ang aking aasahan? Sa haba ng pila at sa dami ng mga nagsisikain kada umaga, tinuturing ko na ito ang takbuhan ng mga trabahador at mag-aaral na hindi pa nag-aalmusal sa kanilang tahanan. Hinahabol nila ang oras ng kanilang trabaho, at dahil sa matinding trapik na matagal nang sakit sa ulo ng mga namumuno, pinapalipas na lang nila ang kanilang gutom sa biyahe at tatakbo rito upang punan ang pangangailangan nilang lakas na kanilang ibubuhos sa halos buong araw na paghahanap-buhay. Halos puno ang mga mesang inilaan para sa kainan, at ang kaherong si Isko, na nagtatrabaho rito, ay hindi maaaring tumigil sa pagbibigay ng pagkain na nagmumula naman sa kusina, kung saan naroon ang kanyang kasama, nagluluto. Sa bawat pagbigay niya ng anumang in-order, ipapalagay niya ang magkabilang hinlalaki sa sensor upang makapagbayad (kung SmartHuman). Kung hindi, magagamit ang smartphone app na WePay, na sa aking palagay, ay dahan-dahang mawawala sa konsensya ng mga tao. Limang tao pa ang nasa aking harapan bago ako asikasuhin. Kaya naman, halos idikit ko na ang aking mga mata sa menu ngayong araw. Hotdog na may sunny side-up, manok, at iba pang agahan ang maaari kong i-order. Hindi mawawala ngayon ang TeaCof, para lang mai-alis lang sa aking paningin ang pesteng Error Code 15 na kada tatlumpung minuto, lalaki na parang sasakupin na ang aking nakikita. Ilang minuto rin akong naghintay bago ako tuluyang maasikaso ni Isko. “Good morning! Welcome to YumMart! How can I help you?” Kada may bagong parokyanong makakaharap si Isko, palagi niyang binubuka ang kanyang bibig at nilalabas ang mga salitang binitawan niya sa aking harapan ngayon. “Pa-order ako ng manok na may kanin, saka ng TeaCof. Yung manok, may gravy.” Sapat na siguro iyon upang tumahimik na ang aking tiyan. “Gusto niyo po bang magdagdag ng sunny side up, para chicsilog na.” Hinandugan niya ako ng alok na kung aking tatanggapin, ay lalong magpapatahimik sa aking tiyan. “Sige. Dagdagan mo ng sunny side up.” “Ayan. Chicsilog. Ano po ang drinks? TeaCof, Big Brain Soda, IQ Pineapple... ano po, sir?” Pinapili niya ako sa kung ano ang aking gustong inumin. “TeaCof. Milk Coffee.” Ayan, lumaki na naman ang Error Code 15. Sandali, pakainin mo muna ako bago uminom! Pinili ko na ang TeaCof para sa’yo! “Wala na po ba kayong i-oorder? At dine-in o take-out?” “Wala na. Dine-in.” Iyon na ang aking kakainin dito. “Ilagay niyo na lang po ang inyong mga hinlalaki sa sensor.” Pakiusap niya sa akin. Ginawa ko ang kanyang pinagagawa at alas, dalawang libong Dyeneg agad ang nabawasan sa aking pitaka. Pero, kung ang kapalit naman nito ay ang aking pagkakabusog at ang magandang lasa ng manok na aking binili, sino pa ba ako para magreklamo? Naghintay nga lang ako ng limang minuto, at nasa harapan ko na ang tray, nakalatag ang mga pagkaing aking hiniling sa kahero. “Bon appetit!” Hinawakan ko na ang tray at binuhat, habang gumagala ang aking mga mata sa paghahanap ng mapagpupuwestuhan. Sa aking paghahanap, natagpuan ko ang isang mesa, kung saan kumakain ang mukhang pamilyar para sa akin. Kung hindi ako nagkakamali, nakasalamuhan ko lang siya kahapon sa bus, kung saan naiwaksi ko ang planong panghoholdap sa mga pasaherong mananakay. Lumapit ako sa kanya, at nanghingi ng permiso kung maaari ba akong umupo sa upuang nasa kanyang harapan. “Miss, pasensya na sa istorbo. Pero-” Sasabihin ko na sana ang aking layunin, ngunit hinadlangan niya na ako, at binanggit ang aking pangalan. “Samson, maaari ka nang umupo.” Binigyan niya na agad ako ng pahintulot na makikain sa mesa kasama niya. Ang kanyang ulam? Halos kaparehas din ng sa akin, at ang maganda nito ay kakasimula niya pa lang kumain. “Salamat.” Nakaupo na ako, at kaharap ko na siya ngayon. Sa aking gilid, makikita kung gaano katindi ang pagkabuhol-buhol ng trapiko sa labas. Sinimulan ko nang kumain kasama niya. Pagkatapos ng ikatlo kong pagsubo, nagsalita na siya, na naging mitsa ng kuwentuhan naming dalawa. “Kung hindi mo ako naaalala, ako si Svetlana. Svetlana Khasanova.” Khasanova ang kanyang apelydo, na hindi niya binanggit noong nasa bus kami. “Kung nagtataka ka kung bakit ako narito, iyan ay dahil sa aking trabaho bilang isang modelo ng kilalang cosmetic brand. Ikaw, ano ang trabaho mo sa BGC? Anong kompanya ang pinapasukan mo?” “Enzi Cosmetics ba ang sinasabi mo?” Iyon lang ang alam kong cosmetic brand, na halos lahat ng holographic at LED billboard, ay kanila nang binili. Natampok na kaya siya sa isa sa mga billboard na pinagmamayabang ng kompanya sa mga dumaraan sa bawat daang-bayan? “Enzi Cosmetics nga.” Sagot niya. “Nagtatrabaho ako bilang security chief ng Markus Industries.” Magandang sabihin kong isa akong ‘security chief’ sa Markus Industries. Ngunit, bagong kakilala ko pa lang siya, at malay ko, maaaring naglalaro lang siya ng mga barahang nasa ilalim ng ‘social engineering’, kung saan tatangkain ng ‘kaibigan’ ko na makipagkaibigan sa akin nang matalik at kapag nakuha niya na ang mga sensitibong impormasyon o gusto, parang bula na lang kung mawala. “Markus Industries? Malaki ang kompanyang iyan, at kahit sa bansa kung saan ako nanggaling, marami ang nagkakandarapa para lang makapagtrabaho.” Patagong nabigla si Svetlana nang malamang nagtatrabaho ako sa isa sa mga kompanyang nagbibigay-serbisyo sa mga nagnanais maging SmartHuman. Hindi pa SmartHuman ang aking kausap, kaya hindi siya matatanggap sa kahit anong puwesto sa Markus Industries. “Rusya?” “Oo. Sa Saint Petersburg ako nagmula.” Hindi ako pamilyar sa industriya ng transhumanistikong teknolohiya, pati na sa mga kompanyang sumasabak sa ganitong larangan. Pero, sa aking pagkakatanda, ang AO Mozgi ay mula sa kanilang bansa, at ayon sa ibinulalas ni Svetlana, mas marami ang gustong magtrabaho sa Markus Industries. Maaaring natatalo ni Markus Sanchez ang kung sinumang CEO ng karibal nila roon, ngunit maaari ring namamagnet lang sila ng malaking sahod. “Sankt-Peterburg, ya pravilna?” Pinakitaan ko siya ng aking kakayahang makipagtalastasan sa kanya sa wikang kanyang kinagisnan. “Da. Ti pravilna.” Sumagot din siya ng wikang aking binanggit. “Ty khorosho govorish po-russki.” “Spasibo. Isa sa mga libangan ko ay mag-aral ng mga wika kapag may libre akong oras.” Aking pagmamalaki. “Wow.” Pintado sa kanyang mukha ang ngiti ng paghanga sa akin, at sinabayan niya ito ng pagtanong. “Maliban sa Ruso, anu-ano pa ba ang mga inaaral mong mga wika?” “Espanyol, Hebreo, at Cantonese. Sinusubukan ko ring mag-Mandarin at Pranses, subalit ngayon, hindi ko na magawa dahil abalang-abala ako ngayon.” Aking tugon, na lalong nagpalipad sa kanyang ngiti na abot hanggang langit. Nag-demo pa siya ng ilang mga salita, na labis ko namang ikinangiti. “Marunong din ako mag-Espanyol. Tu sabes?” “No lo se, que tu puedo hablar Espanol.” Magaling ang aking kaharap ngayon, at maaaring nakuha niya ang galing na ito dahil napapadpad siya sa iba’t ibang bansa sa mundo. “Magaling, magaling.” Aking pag-kumplimento sa kanyang kakayahan. Habang dumadaloy ang usapan, hindi na namin napapansin na papaubos na ang aming kinakain, at pagkatapos huli kong subo para sa ulam kong chicsilog, paunti-unti kong sinisipsip ang TeaCoff Milk Coffee, pampuksa sa Error Code 15 na sinasabi ng system. “Saan ang punta mo pagkatapos nito?” Gusto niyang malaman kung saan ako pupunta. Mukhang may magandang kahihinatnan ang aming pag-uusap. “Trabaho.” Maikli kong sagot. “Ah sige. Ibibigay ko sa’yo ang numero ko sa smartphone, pero bago iyon, tumingin ka muna sa lente ng kamera, na aking ilalapit sa iyong mga mata.” Hinugot niya na ang kanyang smartphone mula sa bag na nasa kanang tabi niya, at may binuksan na app. Pagkatapos, nilapit niya na ang lente sa aking kanang mata, na akin namang tinitigan. Sinundan pa ito ng pagtingin sa kaliwang mata, at ipinakita na ang nagngangalang ‘Samson Fuerte’ ay nakasulat na sa listahan ng kanyang contacts. Lumabas rin ang smartphone number ni Svetlana Khasanova sa aking paningin. //HETO ANG NILALAMAN NG BAGO MONG CONTACT: //PANGALAN: SVETLANA KHASANOVA //KASARIAN: BABAE //EDAD: 24 TAONG GULANG //NAGTATRABAHO SA: ENZI COSMETICS PILIPINAS //CONTACT NUMBER: (+63) 951 902 4721 “Magkakaroon na tayo ng ugnayan sa isa’t isa. Kung libre ka, maaari mo lang akong kausapin at vice versa ang magiging turingan. Ano, Samson. Magkaibigan na ba tayo?” Nagalok siya ng pakikipagkaibigan, ngunit, kailangang patunayan niya na totoo siyang kaibigan. Hindi manggagamit, hindi mang-iiwan kapag nakuha na ang gusto. Inubos ko na ang natitira pa sa thermos ng TeaCof, at nagkasundo ako sa kanya na makipagkaibigan. “Kaibigan.” “Salamat sa oras ng ating pakikipag-usap, Samson. Sana, hindi ito ang huli.” Tapos na ang aming pagkain, at sabay kaming lumabas ng YumMart na parang estranghero sa isa’t isa, naglalakad sa kanya-kanyang landas. Salamat at naibigay niya sa akin ang kanyang contact number, kaya nakakasiguro ako na hindi iyon ang huli naming pag-uusap. Sana, maulit muli.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD