--¡Malakí! Bagót na akó sa kádiding̃íg ng̃ mg̃a usapang tungkol sa
mg̃a kabaitan at nasà kong maipong lahát, ang lahát ng̃ nákakalát
sa mundo, na nakapasok sa isáng supot upang itapon sa dagat kahi’t
na kailang̃aning pamataw ang lahát ng̃ aking brillante.
--¡Sumpóng din iyán!--ang bulalás na tumatawa ni P. Irene--¿at anó
namán ang gágawín ninyó sa mg̃a pagpapatapon at pagpapapatáy?
--Upang linisin ang bayan at pawìin ang lahát ng̃ masasamâng budhî.
--¡Ah! hanggá ng̃ayó’y may galit pá kayó sa inyóng mg̃a tulisán,
gayóng mangyayaring hing̃án sana kayó ng̃ lalòng malakíng tubós ó
kinuha sana ang lahát ng̃ inyóng alahas. ¡Huwag namán kayóng walâng
utang na loob!
Ipinamarali ni Simoun na siya’y hinarang ng̃ mg̃a tulisán, na
pagkatapos siyáng mapigíng na isáng araw, ay pinabayàan siyáng
magpatuloy ng̃ lakad na walâng hining̃îng tubós kundî ang dalawá
niyáng rebolber na Smith at ang dalawáng kahang punglô na kaniyáng
dalá. Idinugtóng pang ipinakukumustá raw sa kaniyá ang Capitan
General.
Dahil doon at sa dahiláng ibinalità ni Simoun na ang mg̃a tulisán ay
maraming _escopeta_, baril at rebolber at sa gayóng mg̃a tao’y hindî
maaarìng makalaban ang nag-íisá kahi’t na may sandata, ay lalagdâ
ng̃ bagong utos ang Capitang General na ukol sa mg̃a “pistolas de
salón” upang maiwasan na ang mg̃a tulisán ay magkaroon ng̃ armás.
--¡Huwag, huwag!--ang tutol ni Simoun--sa ganáng akin, ang mg̃a
tulisán, ay siyáng mg̃a taong lalòng may karang̃alan sa lupaíng itó;
silá ang tang̃ìng kumikita ng̃ ikabubuhay sa mabuting kaparaanan......
¿Inaakalà ba ninyóng kung akó’y nahulog sa mg̃a kamáy...... ninyó
sa halimbawà, ay pakakawalán ba ninyó akó ng̃ hindî kukunin ang
kalahatì man lamang ng̃ aking mg̃a hiyas?
Tututol sana si Dn. Custodio; tunay ng̃âng isáng amerikanong _mulato_
na walâng pinag-aralan ang Simoun na iyon, na sinásamantalá ang
pakikipag-ibigan niyá sa Capitan General upang alimurahin si P. Irene.
Tunay ng̃â kung sa bagay na kung si P. Irene ang nakádakíp sa kaniyá
ay hindî siyá nakawalà ng̃ dahil sa gayóng kaliit na bagay.
--Sa ang kasamaán ay walâ sa pagkakaroon ng̃ tulisán sa mg̃a bundók
at kaparang̃an--ang patuloy ni Simoun--ang kasamâan ay nasa sa mg̃a
tulisáng bayan....
--Na gaya ninyó--ang dugtóng na tumatawa ng̃ kanónigo.
--Oo, gaya ko, gaya natin, tayo’y mang̃agtapát; dito’y walâng indio
na nakadiding̃íg sa atin,--ang dugtóng ng̃ mag-aalahás--ang kasamâan
ay nasa pangyayaring tayong lahát ay hindî mg̃a tulisáng hayág:
kung ito’y mangyari at manirahan na tayo sa gubat, sa araw na iyan,
ay ligtás na ang bayan, sa araw na iyá’y sisibol ang isáng bagong
kalipunán na siyá na sa sarili ang mag-aayos.... at sa gayón ay
matiwasáy nang makapaglalarô ng̃ _tresillo_ ang Capitan General, na
hindî siyá kailang̃ang linlang̃ín ng̃ kalihim....
Nang mg̃a sandalîng iyón ay naghihikáb ang kalihim at nag-iinát na
itinataás sa ulo ang mg̃a kamáy at iniunat sa ilalim ng̃ mesa ang
mg̃a paa niyang nagkakapatong.
Ang lahát ay nagtawanan ng̃ siyá’y mákita. Pinutol ng̃ General ang
pag-uusap at matapos na bitiwan ang barahang kaniyang sinúsuksok ay
nagwikàng:
--¡Siyá, siyá! Siyá na ang birûan at sugalan; gumawâ tayo, pagbutihin
natin ang gawâ, kalahatìng oras pá ang kúlang sa oras ng̃ pagkain.
¿Marami bagáng bagay ang kailang̃ang lutasín?
Lahát ay naking̃íg. Sa araw na iyón pagtatalunan ang ukol sa pagtuturò
ng̃ wikàng kastilà, kayâ’t may iláng araw nang nároroon si P. Sibyla
at si P. Irene. Batíd nang ang una, sa dahiláng siya’y Vice-Rector,
ay laban sa panukalà, at ang pang̃alawá ay kumakatig at kinakatigan
namán ng̃ _condesa_.
--¿Anó, anó?--ang tanóng na naíiníp ng̃ General.
--Hang hunghol ha maha hama he halon--anáng kalihim na tinimpî ang
isáng paghihikáb.
--¡Ipinagbabawal mulâ ng̃ayón!
--Ipagpatawad pô ninyó, aking General,--ang sabi ng̃ mataás na
kawaní--Ipahintulot po sa akin ng̃ inyóng karang̃alan na sabihing
sa alin mang bansâ sa Sangsinukob ay hindî ipinagbabawal ang mg̃a
“armas de salón”.
Ikinibít ng̃ General ang kaniyáng balikat.
--Hindî tayo nakikigaya sa alín mang bansâ sa mundó--ang matigás na
sabi ng̃ General.
Kailán ma’y nagkakatalo ang General at ang mataás na kawaní, at sukat
na ang isáng pahiwatig nitó upang ang una’y magmatigás sa kaniyáng
balak.
Humanap ng̃ ibáng daan ang mataás na kawaní.
--Ang mg̃a “armas de salón” ay sa mg̃a dagá at inahíng manók lamang
nakasásakit--ang wikà--masasabi......
--¿Na tayo’y mg̃a inahíng manók?--ang dugtóng ng̃ General na kinibít
ang balikat--at anó sa akin? Ipinakilala ko náng hindî akó gayón.
--Ng̃unì’t may isáng bagay--ang hiwatig ng̃ kalihim--may apat na
buwan lamang ng̃ayón, nang ipinagbawal ang paggamit ng̃ armas, na
pinatibayan sa mg̃a máng̃ang̃alakal na tagá ibáng bayan, na ang mg̃a
armas de salon ay may pahintulot.
Ikinunót ng̃ general ang noo.
--Datapwâ’y may kagamutan ang bagay na iyan--ani Simoun.
--¿Papaano?
--Walâng kaliwágan. Hálos lahât ng̃ “armas de salon” ay may anim na
milímetro ang lakí ng̃ punglô, tang̃ì lamang kung may ibáng lakí na
ipinagbíbilí. Pahintulutang ipagbilí ang lahát ng̃ mg̃a walâng anim
na milímetro.
Pinuri ng̃ lahát ang náisip ni Simoun, tang̃ì ang mataas na kawaníng
ibinulóng kay P. Fernandez na iyon ay hindî tuwíd, ni hindî pamamahalà.
--Ang gurô sa Tiani,--ang patuloy ng̃ kalihim samantalang binabasa
ang iláng papel--humíhing̃îng bigyán siyá ng̃ lalòng malakíng bahay
upang......
--¿Anó pang malakíng bahay, sa mayroon na siyáng sariling isáng
kamalig?--ang putol ni P. Camorra na nalimutan na ang tresillo at
lumapít sa usapan.
--Sirâ daw ang bubung̃án--ang sagót ng̃ kalihim--at sa dahiláng
bumilí siyá ng̃ mg̃a _mapa_ at _cuadro_, sa sariling gugol, ay hindî
mapabayàang ulani’t arawin......
--Ng̃unì’t walâ akóng pakialam sa mg̃a bagay na iyan--ang bulóng
ng̃ General--sa Namamahalà sa Pang̃asiwàan huming̃î, sa Pang̃ulong
Pulong lalawigan, sa Nuncio.....
--Ang masasabi ko sa inyó--ang sabi ni P. Camorra--ang _maestrillong_
iyan ay isáng _filibusterillo_ na masamâ ang loob; akalain ba ninyóng
ipinagsásabí ng̃ ereheng iyan na ang inilílibíng daw ng̃ mainam na
paglilibíng at ang hindî ay magkaisá din kung mabulók! ¡Balàng araw
ay pagkukukutusán ko iyán, eh!
At inianyông pasuntók ni P. Camorra ang kaniyáng kamáy.
--At sadyâ namán,--ang wikà ni P. Sibyla na warìng walâng kinakausap
kundî si P. Irene--na ang ibig mag-turò ay maaarìng magturò kahì’t
saang dako, sa walâng bahay: si Sócrates ay nagturò sa mg̃a
lansang̃ang bayan, si Platón ay sa mg̃a halamanan ng̃ Akademo at si
Cristo ay sa mg̃a kabundukan at karagatan.
--Marami akong karaing̃an ng̃ _maestrillong_ iyán--ang sabi ng̃
General na nakipagsulyapan kay Simoun--inaakalà kong ang lalòng
mabuti ay alisín siyá.
--¡Alisín!--ang ulit ng̃ kalihim.
Ikinalungkót ng̃ mataás na kawaní ang kapalaran ng̃ sawîng taong
iyón na humíhing̃î ng̃ abuloy at ang nákamit ay ang pagkaalís sa
katungkulan, kayâ’t tinangkâng saklolohan.
--Ang katotohanan ay--ang sabing may pang̃ang̃anib--na ang pag-aaral
ay hindî naáarugâng mabuti.....
--Nagtakdâ na akó ng̃ maraming halagá na ipamímilí ng̃ mg̃a
kailang̃an--ang sabing mataás ng̃ General, na warìng ang ibig turan
ay: ¡Gumawâ na akó ng̃ higít sa nárarapat!
--Ng̃unì’t sa dahiláng walâng bahay na sadyâ ay nang̃asisirà ang
mg̃a kasangkapang biníbilí....
--Hindî magagawâng sabáysabáy na lahát--ang biglâng putol ng̃
General--Hindî mabuti iyang paghing̃î ng̃ mg̃a gurô dito ng̃
mabubuting bahay gayóng ang mg̃a gurô sa España ay namamatáy ng̃
gutom. Kalabisán na iyang ibig pang humigít kay sa mg̃a nasa
Ináng-bayan.
--¡Filibusterismo!....
--¡Una muna sa lahát ang Inang-bayan! ¡una muna ang ating
pagkakastilà!--ang dugtóng ni Ben Zayb na ang matá’y kumíkináng
dahil sa busóg ng̃ pag-ibig sa tinubùang lupà, at námulá ng̃ kauntî
dahil sa nákitang siya’y napag-isá.
--Magmulâ ng̃ayón--ang sabi ng̃ General--ay alisín sa tungkól ang
bawà’t dumaíng.
--Kung ang munakalà ko lamang ay tatanggapín--ang pasumaláng sabi
ni don Custodio, na warìng kinákausap ang sarili.
--¿Ukol sa mg̃a bahay páaralán?
--Magaán, magágawâ at walâng gugol, na gaya ng̃ lahát ng̃ aking
munakalà, anák ng̃ mahabàng pagkamalas sa mg̃a bagaybagay at
pagkakilala sa lupaíng itó. Ang mg̃a bayan ay magkákaroon ng̃ páaralán
na hindî paggugugulan ng̃ pamahalàan.
--Batíd na ang bagay na iyan--ang pakutyâng sabi ng̃ kalihim--ipag-utos
sa mg̃a bayang itayô sa tulong ng̃ kaniláng sariling gugol.
Ang lahát ay nagtawanan.
--Hindî pô, hindî pô--ang sigáw ni Don Custodio na nang̃upinyó at
namulá--ang mg̃a bahay ay nakatayô na at nag-áantay lamang na gamitin.
Mabuti sa katawán, walâng kapintasan at maaliwalas......
Ang mg̃a prayle ay may pang̃ambáng nagting̃inan. ¿Ipalálagay kayâ ni
Don Custodio na gawíng páaralán ang mg̃a simbahan at mg̃a kombento
ó bahay-parì?
--¡Tingnán natin!--anáng General na ikinunót ang noo.
--Nápakadalî, aking General--ang tugón ni Don Custodio na umunat
at ginamit ang malakíng boses na kagamitán niyá sa mg̃a tang̃ìng
pagpupulong--ang mg̃a páaralán ay bukás lamang sa mg̃a araw na
iginágawâ at ang mg̃a sabung̃án ay sa mg̃a araw lamang ng̃ pistá....
Gawíng páaralán ang mg̃a sabung̃án kahì’t sa loob man lamang ng̃
sanglinggóng araw.
--¡Bah, bah, bah!
--¡Pumuslít na rin!
--Ng̃unì’t ¡kung anó anó ang naiisip ninyó Don Custodio!
--¡Isáng kahalákhalák na panukalà!
--¡Ang lahát ay nalulusután nitó!
--Ng̃unì’t mg̃a ginoo--ang sigáw ni D. Custodio ng̃ máding̃íg ang
gayóng mg̃a pabulalás--magpakatinô ng̃â tayo, ¿alín pa ang bahay na
lalòng agpáng kay sa sabung̃án? Malalakí, mabubuti ang pagkakayarì,
at walâ namáng kapararakan sa loob ng̃ sanglinggó. At magíng sa dako
man ng̃ maayos na ugalì tingnán, ang aking panukalà ay matatanggáp;
magiging isáng panglinis at pagsisisi sa lingguhan ng̃ sabung̃án.
--Ng̃unì’t maminsánminsán ay may sabong sa boong sanglinggó--ang
pahiwatig ni P. Camorra--at hindî dapat na yamang ang may pasabong
ay nagbabayad sa Pamahalàan ay......
--¡Oh, siyá...... sa mg̃a araw na iyan ay huwag magpaaral!
--¡Bah, bah!--anáng General--¡ang ganiyáng kakilákilabot na bagay ay
hindî mangyayari samantalang akó ang namamahalà! ¡Hindî magpapaaral
dahil sa nagsasabong! ¡Bah, bah, bah! ¡magbibitíw na muna ako ng̃
tungkól!
At ang General ay lubhâ ng̃â mandíng nasusulukasok.
--Ng̃unì’t aking General, mabuti na ang mawalâ sa iláng araw kay sa
buwanang mawalâ.
--¡Iyan ay laban sa mabuting ugalì!--ang dugtóng ni P. Irene na lalò
pa mandíng bugnót kay sa General.
--Lalòng laban sa mabuting ugalì, ang pagkakaroon ng̃ maiinam na
bahay ang sugalan at ang páaralán ay walâ...... Magpakatinô tayo mg̃a
ginoo at huwag tayong paakay sa mg̃a udyók ng̃ kalooban. Samantalang
sa paggalang sa katauhan ay ibinabawal natin ang pagtataním ng̃
apìan sa mg̃a lupàng ating nasasakop ay binábayàan namán natin ang
paghitít, ang nangyayari’y binabaka natin ang masamâng hilig at
namumulubi tayo......
--Ng̃unì’t unawàin ninyóng iyan ay nagbíbigáy sa pamahalàan ng̃ may
apat na raa’t limáng pûng libong piso na walâng anomang gawâ--ang
tugón ni P. Irene na lalò’t lalò pang kumakampí sa pamahalàan......
--Siyá, siya na, mg̃a ginoo--ang sabi ng̃ General na pinutol ang
pagtatalo--mayroon akóng balak tungkol sa bagay na iyan at iniuukol
ko ang aking pagninilay sa katalinuhang bayan. ¿Mayroon pá bang
bagay na pagpapasiyahán?
Warì’y natatakot na tiningnán ng̃ kalihim si P. Sibyla at si P. Irene.
Ang pinakamalakí’y lálabas na. Ang dalawá’y humandâ.
--Ang kahiling̃an ng̃ mg̃a nag-aaral na humihing̃îng pahintulot
upang magbukás ng̃ isáng Akademia ng̃ wikàng kastilà--ang sagót ng̃
kalihim.
Nápuna sa lahát ng̃ nasa salas ang pagkaguló, at matapos siláng
makapagting̃inan ay nápatitig sa General upang mákilala ang ipapasiya.
May anim na buwan nang ang kahiling̃an ay nag-aantáy doon ng̃ isáng
kapasiyahan at nagíng isáng warì’y _casus belli_ na tulóy ng̃ iláng
lupon. Ang General ay nakatung̃ó na warìng upang huwag mákilala ng̃
ibá ang kaniyáng iniisip.
Bumíbigát ang anyô ng̃ pananahimik at ang gayón ay nahalatâ ng̃
General.
--¿Anó ang pasiyá ninyó?--ang tanóng sa mataás na kawaní.
--¡Anó pá ang ipasisiyá ko, aking General!--ang sagót ng̃ tinanóng
na kinibít ang balikat at ng̃umitî ng̃ ng̃itîng malungkót--¡anó ang
ipasisiyá ko kundî ang kahiling̃an ay karapatdapat at ipinagtátaká
ko ang pagtatagál ng̃ anim na buan upang ang bagay na iyan ay
mapasiyahán!
--Hindî’t may napapagitnâng mg̃a bagaybagay--ang malamíg na tugòn
ni P. Sibyla na ipinikít ng̃ kauntî ang matá.
Mulîng ikinibít ng̃ mataás na kawaní ang kaniyáng balikat na warìng
hindî niyá batíd kung anó ang mg̃a bagaybagay na iyon.
--Bukód sa walâ sa panahón ang ninanasà,--ang patuloy ng̃ dominiko--bukod
sa tagláy niyáng laban sa aming kapangyarihan....
Hindî nakapagpatuloy si P. Sibyla at tuming̃ín kay Simoun.
--Ang kahiling̃an ay may anyông dapat paghinalàan--ang dugtóng nitóng
hulí na nakipagting̃inan sa dominiko.
Itó’y makálawáng pumikít. Nang mákita ni P. Irene ang gayón ay
nahalatâ na niyang ang kaniyáng usap ay talo na halos, sapagkâ’t
kalaban si Simoun.
--Isáng payapàng pagtakwíl, isáng pagbabang̃ong ang gamit ay papel
sellado--ang dugtóng ni P. Sibyla.
--¿Pagbabang̃on, pagtakwíl?--ang tanóng ng̃ mataás na kawaní, na
nápating̃ín sa madlâ na warìng walâng maantiluhan.
--Ang nang̃ung̃ulo ay mg̃a binatàng kilalá sa pagkamakabago at
napakalalò, kundî pang̃ang̃anlán ng̃ ibá pang tawag;--ang dugtóng ng̃
kalihim sa dominiko--ang isá sa kanilá’y nagng̃ang̃alang Isagani,
ulong hindî matinô...... pamangkín ng̃ isáng klérigo......
--Isá sa mg̃a tinúturuàn ko--ang sagót ni P. Fernández--at akó’y
nasisiyaháng loob sa kaniyá.
--¡Puñales, kasiyahán din namán iyán!--ang bulalás ni P. Camorra,--kamuntî
na kamíng magpanuntukan sa bapor: sapagkâ’t nápakawalâng galang,
¡itinulak ko siyá at itinulak namán akó!
--Mayroon pang isáng nagng̃ang̃alang Makaragui ó Makarai......
--Makaraig,--ang sagót ni P. Irene na nakihalò sa usapan,--isáng
binatàng nápakagandáng ugalì at nakalúlugód.
At ibinulong sa General.
--Iyan ang sinabi ko sa inyó, mayaman...... iniluluhog ng̃ _condesa_
na inyóng tingnán.
--¡Ah!
--Isáng nag-aaral sa panggagamót na nagng̃ang̃alang Basilio.
--Sa Basiliong iyan ay walâ akóng masasabi--ang tugón ni P. Irene
na itinaás at ibinuká ang mg̃a kamáy na warìng mag _dodominus
vobiscum_;--sa ganáng akin iyan ay tubig na hindî kumikilos. Kailán
ma’y hindî ko naunawà ang ninanasà ni ang iniisip. ¡Sayang at hindî
natin kaharáp ng̃ayón si P. Salvi upang magpakilala sa atin ng̃
pinagmulán ng̃ binatàng iyan! Náaalala kong aking náding̃íg na
sinasabing niyong kaniyáng kabatàan ay may ipinakialám sa kaniyá
ang guardia sibil.... ang kaniyáng amá’y nápatay sa isáng guló na
hindî ko na maalaala....
Si Simoun ay napang̃itîng malumanay, walâng kalatís, ipinatanáw
lamang ang kaniyáng ng̃iping mapuputî’t mabuti ang pagkakahanay....
--¡Ahá, ahá!--anáng General na tumang̃ô tang̃ô--¿gayón palá? ¡Italâ
ninyó ang pang̃alang iyán!
--Ng̃unì, aking General,--ang sabi ng̃ mataás na kawaní ng̃ makitang
masamâ ang tung̃o ng̃ salitâan--hanggáng sa ng̃ayón ay walâ pang
nababatíd na bagay na laban sa mg̃a binatàng iyán; ang kaniláng
kahiling̃an ay matuwid at walâ tayong karapatáng huwág dinggín dahil
sa panunuláy lamang sa mg̃a hakàhakà. Sa akalà ko ay nárarapat
na sang-ayunan ng̃ Pamahalàan ang kahiling̃an at sa gayón ay
magpapamalas ng̃ kaniyáng pagkakátiwalà sa bayan at ng̃ katibayan
ng̃ kaniyáng pagkakatatag; at siya’y may kalayàang bawìing mulî ang
pahintulot kung mákitang dahil sa kaniyáng mabuting kalooban ay
nagpapakalabis. Mg̃a sanhî at paraán sa pagbawì ay hindî mawawalán,
mababantayán natin silá.... ¿Anó’t pasasamâín ang loób ng̃ iláng
binatà, na mangyayaring magdamdám pagkatapos, gayóng ang kaniláng
hiníhilíng ay nálalagdâ sa mg̃a utos ng̃ harì?