chapter 3

2971 Words
Si P. Irene, si don Custodio at si P. Fernández ay nagpamalas ng̃ kaniláng pagsang-ayon sa pamagitan ng̃ tang̃ô ng̃ ulo.   --Ng̃unì’t ang mg̃a indio ay hindî nárarapat mátuto ng̃ wikàng kastilà ¿batíd bagá ninyó?--ang sigaw ni P. Camorra--hindî dapat mátuto, sapagkâ’t pagkatapos ay nakikipang̃atuwiranan sa atin, at ang mg̃a indio ay hindî dapat mang̃atuwiran kundî sumunód lamang at magbayad.... hindî dapat manghimasok sa pagsurì ng̃ sinasabi ng̃ mg̃a kautusán at ng̃ mg̃a aklát ¡napakamatatalas at mg̃a mapag-usáp! Pagkaalám ng̃ wikàng kastilà ay nagiging kalaban ng̃ Dios at ng̃ España.... basahin ninyó ang kabuhayang “Tandâng Basio Makunat” at kung hindî gayón; ¡iyán ang aklát! ¡May mg̃a katotohanang ganganitó!   At ipinakita ang mabibilog niyáng kamáy na pasuntók.   Hinaplós ni P. Sibyla ang kaniyáng anit na bilang tandâ ng̃ pagkainíp.   --¡Isáng salitâ!--aniyá na umanyô ng̃ anyông lalòng mapayapà sa gitnâ ng̃ kaniyáng pagng̃ing̃itng̃ít--hindî ang pagtuturò lamang ng̃ wikàng kastilà ang pinag-uusapan dito, dito’y may isáng piping pagtutunggalî ng̃ mg̃a nag-aaral at ng̃ mg̃a parì sa Unibersidad ng̃ Sto. Tomás; kung masusunód ng̃ mg̃a nag-aaral ang kaniláng hang̃ád ay manghihinà ang pananalig sa amin, sasabihing kamí’y dinaíg at mang̃agmamataás, at walâ na ang paniniwalà, walâ na ang lahát! Pagkaguhô ng̃ unang sagkâ ¿sino pá ang makahahadláng sa kabatàang iyan? Sa aming paglagpák ay walâ kamíng gágawín kun dî ang ipakilala namán ang paglagpák ninyó! Matapos kamí ang pamahalàan namán.   --¡Iyan ang hindî mangyayari, _puñales_!--ang sigáw ni P. Camorra--¡tingnan muna natin kung sino ang may malakás na pangsuntók!   Sa gayón ay nagsalitâ si P. Fernández, na sa boong pagtatalo ay nanirá lamang sa kang̃ing̃itî. Lahát ay nakimatyág sapagkâ’t kilaláng siya’y may mabuting ulo.   --Huwag sumamâ ang loób ninyó sa akin, P. Sibyla, kung hindî ninyó akó káisá sa paghuhulòng ukol sa bagay na itó, ng̃unì’t nápakatang̃ìng kapalaran ang sa akin, na kailán man halos, ay kasalung̃át akó ng̃ aking mg̃a kapatíd. Ang sabi ko ng̃â’y hindî tayo dapat mabaklá. Ang pagtuturò ng̃ wikàng kastilà ay mangyayaring pahintulutan ng̃ walâng anománg kapang̃aniban, at upang huwag lumabás na isáng pagdaíg sa Unibersidad, ay nárarapat na tayong mg̃a dominiko ay magpáuná sa pagkagalák ng̃ dahil sa bagay na iyan; iyan ang _política_. ¿Bakit tayo makikipaglabanán tuwî na sa bayan, sa tayo ay kakauntî at silá ay marami, sa kailang̃an natin silá at tayo’y hindî nilá kailang̃an?--¡Hintáy muna kayó, P. Camorra, hintáy muna kayó!--Payagan na nating ng̃ayón ay mahinà ang bayan at walâng maraming nálalaman, ako mán ay gayón din ang akalà ko, ng̃unì’t bukas ay hindî na gayón, ni sa makalawá. Bukas makalawá ay silá ang magiging malakás, mababatíd ang kaniláng mg̃a kailang̃an at hindî natin mapipigil, gaya rin namán ng̃ hindî mangyayaring mapigil, na, pagdatíng ng̃ batà sa iláng gulang ay makaalám ng̃ maraming bagay... Ang sinasabi ko ng̃â ay ¿bakit hindî natin samantalahín ang kalagayang itó sa kamangmang̃án upang magpalít ng̃ paraan sa pamamalakad at itatág sa matibay na batayán, na hindî mapapawì, sa batayáng katwiran, sa halimbawà, at huwag sa batayáng kamangmang̃án? Sapagkâ’t walâ nang kagaya ng̃ magíng makatwiran, gaya ng̃ sinabi ko sa tuwi na sa aking mg̃a kapatid, ng̃unì’t ayaw akóng dinggín. Ang indio, gaya rin ng̃ alín mang bayang batà pá ay mapag-usig ng̃ katwiran; humíhing̃î ng̃ parusa kung nagkasala, at námumuhî pag hindî kinamít ang gayón. ¿Marapat ang hinihing̃î? Ipagkaloob, ibigáy natin sa kanilá ang lahát ng̃ páaraláng kailang̃an, mapapagod din silá: ang kabatàan ay bulagbol na talagá, ang nag-uudyók lamang sa kanilá sa pag-uusig ay ang ating pagsalung̃át. Ang ating panilòng karang̃alan ay lumà na, P. Sibyla: gumawâ tayo ng̃ ibá, ang panilòng pagkilala ng̃ utang na loób, sa halimbawà. Huwag tayong magsamangmáng, gayahan natin ang mg̃a hesuita......   --¡Oh, oh, P. Fernández!   Hindîng hindî: matitiis na lahát ni P. Sibyla, liban na lamang sa pagayahan sa kaniyá ang mg̃a hesuita. Namumutlâ’t nang̃ing̃iníg na nagbubusá ng̃ mg̃a matalas na wikà.   --Magpransiskano na muna.... ¡Kahit na anó, huwag lamang hesuita!--ang sabing walâng patumanggâ.   --¡Oh, oh!   --¡Eh, eh! Padre P.....!!   Ang sumunód ay isáng pagtatalong panabáy ng̃ lahát, na nalimot na ang General; nagsasalitâng sabáysabáy, nagsisigáwan, hindî mang̃agkalinaw, nang̃agtatalo; si Ben Zayb ay kaharáp ni P. Camorra at nag-uumang̃án ng̃ suntók, binábanggit ng̃ isá ang mg̃a gansâ at ang isá’y ang mg̃a manghihitít ng̃ tintá, tinutukoy ni P. Sibyla ang kapítulo at si P. Fernández namán ay ang sa _Summa_ ni Sto. Tomás, at ibp., hangáng sa pumasok ang kura sa Los Baños at sinabing nakahandâ na ang pananghalìan.   Tumindíg ang Capitan General at sa gayó’y naputol ang pagtatalo.   --¡Siya, mg̃a ginoo!--ang sabi--ng̃ayó’y marami tayong nagawâ, gayóng tayo’y nasa kapanahunan ng̃ pagpapahing̃á! May nagsabing ang mg̃a maseselang na bagay ay dapat pag-usapan sa pagtatapós ng̃ pagkáin. Akó’y lubós na sang-ayon sa sabing iyón.   --Bakâ masirà ang tiyán natin--ang sabi ng̃ kalihim, na ang tinutukoy ay ang init ng̃ salitàan.   --Kung gayón ay ipagpabukas na natin.   Nagtindigang lahát.   --Aking General--ang sabing marahan ng̃ mataás na kawaní--ang anák na babai ni kabisang Tales ay nagbalík na mulî’t hinihing̃î ang paglayà ng̃ kaniyáng nunòng may sakít na hinuling bilang kapalít ng̃ amá......   Tiningnán siyáng masamâ ang loób ng̃ General, na hinaplós ang malapad na noó.   --Putris yatàng ¡hindî na babayàang ang tao’y makapananghalìng mapayapà!   --Ikatlóng araw na ng̃ kaniyáng pagparito; isáng kaawàawàng dalaga...   --¡Ah, demonio!--ang bulalás ni P. Camorra--sinasabi ko na ng̃âng mayroón akóng bagay na sasabihin sa General; kung kayâ ng̃â akó naparito ay...... upang katigan ang kahiling̃an ng̃ binibining iyán!   Kinamot ng̃ General ang kaniyáng taing̃a.   --¡Siyá!--ang sabi--padalhán ng̃ sulat ng̃ kalihim ang teniente ng̃ guardia sibil upang pakawalán. ¡Hindî masasabing hindî akó maawâín at mahabagin!   At tuming̃ín kay Ben Zayb. Ikinisáp ng̃ mamamahayag ang kaniyáng matá.         XII   PLÁCIDO PENITENTE     Masamâ ang loób at halos ang mg̃a matá’y lumuluhà ng̃ lumalakad sa Escolta si Plácido Penitente upang tumung̃o sa Universidad ng̃ Sto. Tomás.   May mg̃a iláng linggó lamang na kararatíng na galing sa kaniyáng bayan at makálawá nang sumulat sa kaniyáng iná na ang iniuukilkil ay ang kaniyáng nasàng iwan ang pag-aaral upang umuwî at maghanap buhay. Sinagót siyá ng̃ kaniyáng iná na magtiístiís, makuha man lamang ang pagka _bachiller en artes_, sapagkâ’t sayang namáng iwan ang pag-aaral, matapos ang apat na taóng paggugugol at paghihirap ng̃ isá’t isá sa kanilá.   ¿Saán buhat ang pag-ayáw ni Penitente sa pag-aaral, gayóng siya’y isá sa mg̃a masumigasig at bantóg sa paaraláng pinamamahalàan ni P. Valerio sa Tanawan? Doon ay nábibilang si Penitente na isá sa mg̃a lalòng mabuti sa latin at matalas sa pakikipagkatwiranan, na marunong gumusót at maghanay ng̃ mg̃a paguusap na lalòng magàan at walâng kahirapan; siyá ang inaarìng lalòng pinakamatalas ng̃ kaniyáng mg̃a kababayan, at dahil sa kabantugang iyon, ay ibinibilang na siyáng pilibustero ng̃ kaniyáng kura, katunayang lubós na hindî siyá hang̃ál ni táong walâng namumuwang̃an. Hindî máwatasan ng̃ kanyáng mg̃a kasama ang gayóng nasàng pag-uwî at iwan ang pag-aaral; walâ namáng nililigawan, hindî mánunugal, bahagyâ ng̃ marunong ng̃ hungkìan at kapang̃ahasan na sa kaniya ang pakikilarô ng̃ isáng _rebesino_; hindî naniniwalà sa payo ng̃ mg̃a prayle, kinukutyâ ang _tandáng Basio_, may salapîng higít sa kailang̃an, may mahuhusay na damít; ng̃unì’t gayón man, ay masamâ ang loób kung pumasok at kinasusuklamán ang mg̃a aklát.   Sa tuláy ng̃ España, na ang tang̃ìng bagay na tagláy na ukol sa España ay ang pang̃alan lamang, sapagkâ’t sampû ng̃ kaniyáng mg̃a bakal ay galing sa ibáng lupaín, ay nákatagpô ng̃ mahabàng hanay ng̃ mg̃a binatàng tung̃o sa loób ng̃ Maynilà upang pumasok sa kaníkaniláng páaraláng pinápasukan. Ang ilán ay suót tagá Europa, matutulin ang lakad, na dalá ang mg̃a aklát at kuaderno, may iniisip, inaalaala ang kaniláng mg̃a lisyón at mg̃a sinulat na iháharáp; ang mg̃a itó’y tagá Ateneo. Ang mg̃a tagá Letrán ay nápupuná sapagkâ’t lahát halos ay suot pilipino, silá ang lalòng makapál at walâng maraming aklát. Ang bihis ng̃ mg̃a tagá Universidad ay lalòng maayos at makisig, mararahan ang lakad at madalás pang tungkód ang dalá at hindî aklát. Ang kabatàang nag-aaral sa Pilipinas ay hindî mapangguló at mapag-ing̃áy; nang̃aglálakád na warì’y may iniisip; ang sino mang makakita sa kanilá ay magsasabing sa haráp ng̃ kaniláng mg̃a matá ay walâng anó mang pag-asang nátatanáw, ni magandáng kinábukasan. Kahi’t na sa mg̃a ilan iláng dako’y nakapagpapasayá sa hanay ang matalagháy at makulay na anyô ng̃ mg̃a nag-aaral na babai sa Escuela Municipal, na may mg̃a sintás sa balikat at bitbít ang kaniláng mg̃a pinag-aaralang aklát at kasunód ang kaniláng mg̃a alilà, ay bahagyâ nang máding̃ig ang isáng tawa, bahagyâ nang máding̃ig ang isáng aglahì; walâng mg̃a awitan; walâng masasayáng parunggít; kung bagá man ay mabibigát na birò, awayán ng̃ maliliit. Ang mg̃a malalakí ay karaniwan nang walâng kibô at maayos ang kagayakan na gaya ng̃ mg̃a nag-aaral na alemán.   Si Plácido ay naglálakád sa liwasan ni Magallanes upang pumasok sa butas--dating pintô--ng̃ Sto. Domingo nang biglâng tumanggáp ng̃ isáng tampál sa balikat na siyáng nakapagpaling̃ón sa kaniyáng biglâ, na masamâ ang ulo.   --¡Hoy, Penitente, hoy, Penitente!   Ang tumampál palá ay ang kasama niyáng si Juanito Pelaez, ang mapaglang̃ís at minámahal ng̃ mg̃a gurô, walâng kapara sa kasamâán at kalikután, may ting̃íng mapanuksó at ng̃itîng mapagbirô. Anák ng̃ isáng mestisong kastilà, mayamang máng̃ang̃alakál ng̃ isá sa mg̃a arrabal, na umaasa sa katalinuhan ng̃ binatà; dahil sa kaniyáng pagkamakulabíd ay hindî náhuhulí sa ibá, may ugalìng mapagbirô ng̃ masamâ sa lahát at pagkatapos ay magkakanlóng sa likurán ng̃ mg̃a kasama at may katang̃ìtang̃ì siyáng kakubàan na lumálakí kailan ma’t may panunuksóng ginagawâ at nagtátawá.   --¿Nakapag-alíw ka bang mabuti, Penitente?--ang tanóng na kasabáy ang mg̃a malakás na pagtampál sa balikat.   --Ganoon, ganoon--ang sagót na may kamuhîán ni Plácido--¿at ikáw?   --¡Mabuting mabuti! Sukat ba namáng anyayahan akó ng̃ kura sa Tiani, na sa kaniyáng bayan akó magpahing̃á; naparoón akó........ kaibigan! ¿Kilalá mo ba si P. Camorra? Siyá’y isáng kurang mapagpaumanhín, mabuting kaibigan, matapát, lubhâng mapagtapát, kagaya ni P. Paco.... At sa dahiláng maraming dalagang magagandá doón, ay nanapatan kamíng dalawa, ang pigil niyá’y gitarra at kumakantá ng̃ mg̃a peteneras at akó namá’y biolin.... Masasabi ko sa iyó, kaibigan, na gayón na lamang ang sayá namin; walâng bahay na hindî namin inakyát.   Bumulóng sa taing̃a ni Plácido ng̃ iláng salitâ at pagkatapos ay nagtawá. At sa dahiláng nagpakita ng̃ pagkakámanghâ si Plácido, ay idinagdág pang:   --¡Maisusumpâ ko sa iyó! At walâng hindî pangyayari, sapagkâ’t sa pamag-itan ng̃ isáng utos ng̃ pamahalàan ay maaarìng pawìin ang amá, asawa ó kapatíd at tapús ang salitàan! Gayón man ay nakátagpô kamí ng̃ isáng ung̃ás, katipán mandín ni Basilio sa akalà ko. Nápakaulól niyóng si Basilio! Magkaroón ba namán ng̃ niligawang hindî marunong ng̃ wikàng kastilà, walâng yaman at nagíng alilà pa! Masung̃it na masung̃ít ng̃unì’t magandá. Isáng gabí’y hinambalos ni P. Camorra ang dalawáng nanapatan sa kaniyá at salamat na lamang at hindî nang̃ápatáy. Ng̃unì’t gayón man ay masung̃ít pá rin ang babai. Datapwâ’y susukò rin siyá na gaya ng̃ ibá.   Si Juanito Pelaez ay malakás na humáhalakhák na warì’y ikinaliligaya niyáng lubós ang gayón. Minasdán siyáng masamâ ang loób ni Plácido.   --Hintáy ka palá ¿anó bá ang iniulat kahapon ng̃ katedrátiko?--ang tanóng na inibá ang sálitàan.   --Kahapon ay walâng pasok.   --¡Oho! At kamakalawá?   --¡Tao ka, Huebes, e!   --Siyá ng̃â palá ¡napakahayóp akó! ¿Alám mo Plácido na nagíging hayop akó? At noong Miérkoles?   --¿Noong Miérkoles? Hintáy ka.... niyóng Miérkoles ay umambón.   --¡Mainam! at noong Martés?   --Noong Martés ay pistá ng̃ katedrátiko at hinandugán namin siyá ng̃ isáng orkesta, kumpól ng̃ mg̃a bulaklák at ilán pang handóg....   --¡Ah, putris!--ang bulalás ni Juanito--nakalimutan ko ng̃â palá, ¡napakahayop akó! At ¿itinanóng bá akó?   Kinibít ni Penitente ang kaniyáng balikat.   --Ayawán ko, ng̃unì’t ibinigáy sa kaniyá ang tálàan ng̃ mg̃a may gawâ ng̃ pista.   --¡Putris!.... at noong Lunes ¿anó ang nangyari?   --Sa dahiláng siyáng unáng araw ng̃ pasukán ay binasa ang tálàan ng̃ mg̃a pang̃alan at itinakdâ ang lisyon: ang ukol sa mg̃a salamín. Tingnán mo; mulâ rito hanggáng doon, isasaulo, walâng labis walâng kulang.... tátalunán ang kaputol na ìtó at itó ang isúsunód. At itinuturò ng̃ dalirì sa písika ni Ramos ang mg̃a dakong pag-aaralan, ng̃ bigláng sumalipadpad sa hang̃in ang aklát dahil sa isáng tampál na papaitaas na ibinigáy ni Juanito.   --Siyá bayàan mo ng̃â ang lisyón, mag _ipít na araw_ na tayo.   Tinatawag na _ipít na araw_ ng̃ mg̃a nag-aaral sa Maynilà, ang araw na napapagitnâ sa dalawáng kapistahan, na inaalís at pinapawì sa kaibigáng sarili ng̃ mg̃a nag-aaral.   --¿Alám mo bang nápakahayop mo ng̃â?--ang tugóng pagalít ni Plácido samantalang pinupulot ang kaniyáng aklát at mg̃a papel.   --Halinang mag _ipít na araw_--ang ulit ni Juanito.   Ayaw si Plácido: hindî dahil sa pagkukulang ng̃ dalawá’y hindî itútulóy ang klase ng̃ mahigít sa isáng daa’t limang pû. Naaalaala ang mg̃a paghihirap at pag-iimpók ng̃ kaniyáng iná na siyáng nagbibigáy ng̃ ginugugol niyá sa Maynilà at siyáng nagsasalát.   Nang mg̃a sumandalîng iyón ay pumapasok silá sa butas ng̃ Sto. Domingo.   --Maalala ko palá--ang bulalás ni Juanito ng̃ mákita ang liwasan sa haráp ng̃ bahay-aduana--¿alám mo bang akó ang nátungkuláng mang̃ilak ng̃ ambágan?   --¿Anóng ambagan?   --Ang sa monumento.   --¿Anóng monumento?   --¡Alín pá! ang sa kay P. Baltazar ¿hindî mo ba nálalaman?   --¿At sino ba ang P. Baltazar na iyán?   --¡Abá! ¡isáng dominiko! Kayâ’t lumapit ang mg̃a parì sa mg̃a nag-aaral. ¡Sulong na, magbigáy ka na ng̃ tatló ó apat na piso upang mákitang tayo’y hindî maramot! Upang huwag masabing sa pagtatayô ng̃ isáng estátua ay ang alapót nilá ang dinukot. ¡Sulong na Placidete! hindî mawawalâng kabuluhán ang salapî mo!   At sinabayán ang salitâng itó ng̃ isáng makahulugáng kindát.   Naalaala ni Plácido iyong isáng nag-aaral na nakalalampás sa pagsusurì dahil sa paghahandóg ng̃ kanario, kayâ’t nagbigáy ng̃ tatlóng piso.   --Tingnán mo, isusulat kong maliwanag ang iyong pang̃alan upang mábasa ng̃ propesor, ¿nákikita mo bá? Plácido Penitente, tatlóng piso. ¡Ah! ¡tingnán mo! Sa loób ng̃ ikalabíng limang araw ay pistá ng̃ propesor sa _Historia Natural_.... Alám mong napakamasayá, na hindî naglalagáy ng̃ pagkukulang at hindî tumátanóng ng̃ lisyón. ¡Kaibigan, dapat tayong gumantí ng̃ utang na loób!   --¡Siyá ng̃â!   --¿Anó, dapat ba nating handugán ng̃ isáng pistá? Ang orkesta ay dapat na magíng kaparis ng̃ dinalá ninyó sa katedrátiko sa Písika.   --¡Siyá ng̃â!   --¿Anó sa akalà mo kung gawín nating tigalawang piso ang ambagan? Sulong Placidíng, magpáuna ka sa pagbibigay, sa gayón ay máuuna ka sa talàan.   At sa dahiláng ibinigáy ng̃ walâng gatól ni Plácido ang hiníhing̃îng dalawáng piso, ay idinagdág ang:   --Hoy, apat na ang ibigáy mo, at sakâ ko na isasaulì sa iyó ang dalawá; upáng magíng pain lamang.   --Kung isasaulì mo rín ¿anó’t ibíbigay ko pá sa iyo? Sukat nang ilagáy mong apat.   --¡Ah, siyá ng̃â palá! nápakahayop akó! ¿alám mong nagiging hayop akó ng̃ayón? Ng̃unì’t ibigáy mo na rin sa akin upang ipakita ko sa ibá.   Upang huwag pabulaanan ni Plácido ang kura na naglagáy sa kaniyá ng̃ pang̃alan, ay ibinigáy ang hiníhing̃î sa kaniyá.   Dumatíng silá sa Universidad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD