Ang pinag-uusapan ay ang ukol sa _magnetismo_, _espiritismo_, magia
at ibp., at ang mg̃a salitâ’y sumasahimpapawíd na gaya ng̃ mg̃a
sundáng at bola ng̃ mg̃a salamangkero: silá ang naghahagis at silá
rin ang sumásaló.
Nang taóng iyón ay pinagkákaguluhán sa peria sa Kiyapò ang
isáng ulo na dî bagay sa tawag na _esfinge_, na itinátanghál ni
Mr. Leeds, isáng amerikano. Malalakíng pabalità na makababalaghán
at nakapang̃ing̃ilabot na nakaaakit sa panonoód ang nang̃akadikìt
sa pader ng̃ mg̃a bahay. Ni si Ben-Zayb, ni si P. Camorra, ni si
P. Irene, ni si P. Salvi ay hindì pa nakakikita sa ulong yaón; si
Juanito Pelaez ang tang̃ing nakakita isáng gabí, at siyáng nagbabalità
ng̃ kaniyáng pagkahang̃à sa mg̃a magkakalipon.
Si Ben-Zayb, dahil sa kaniyáng pagkamámamahayag, ay nagpupumilit na
makatuklás ng̃ kalinawan; binábanggít ni P. Camorra ang diablo; si
P. Irene ay ng̃umíng̃itî; si P. Salvi ay walâng kaimík-imík.
--Ng̃unì’t, Padre, sa hindî na pumaparito ang diablo; tayo sa ating
sarili ay sukat na upang magkasala....
--Kung hindî gayón ay hindî makukurò....
--Kung ang karunung̃an....
--¡Ulit na namán ang karunung̃an! _¡puñales!_
--Ng̃unì’t making̃ig kayó, aking ihahayag. Ang lahát ay alinsunod
lamang sa paning̃in. Hindî ko pa nákikita ang ulo, ni hindì ko
batíd kung papano itinatanghal. Anang ginoo--itinurò si Juanito
Pelaez--ay hindî kagaya ng̃ mg̃a ulong nagsasalità na karaniwang
itinatanghal--¡kahi’t na! Ng̃unì’t ang sanhî ay yaon din; lahat ay
dahil lamang sa paning̃in; hintay kayó, ilalagay na paganitó ang isáng
salamín, ang isá pa’y sa likurán, ang malalarawan ay matatanaw...
anó, isá lamang suliranin ng̃ Písika.
At ibinabâ sa kinalalagyán ang isáng salamín, iniayos, ikiniling
at sa dahiláng hindî niyá mapalabas ang kalinawan ay tinatapos sa
wikàng:
--Gaya ng̃ sabi ko, walâng pinagibhán sa isang pagsirà lamang ng̃
paning̃in.
--Ng̃unì’t anóng salamín ang ibig pa ninyó, sa sinabi sa atin ni
Juanito na ang ulo ay nasa lóob ng̃ isáng kaha, na ipinapatong sa
isáng mesa.... Nakikinikinitá ko sa bagay na iyan ang espiritismo,
sapagka’t kailan man ay gumagamit ng̃ mesa ang mg̃a espiritista, at
sa akalà ko’y sapagka’t _gobernador eclesiástico_ si P. Salvi ay
dapat niyáng ipagbawal ang pagtatanghal.
Si P. Salvi ay walâng kasalisalità; hindî sumásagot ng̃ oo ni hindî.
--Upang maalaman kung may diablo ó espíritu sa loob--ang sabi ni
Simoun--ang mabuti’y paroonan ninyó’t tingnán ang bantóg na ulong
iyan.
Ang palagáy ay minabuti at tinanggáp, ng̃unì’t si P. Salvi at si
D. Custodio ay nagpakita ng̃ kaunting ng̃aníng̃aní. ¡Silá ay máparoon
sa isáng peria, makipagsiksikan sa mg̃a tao at manood ng̃ mg̃a
_esfinge_ at mg̃a ulong nang̃ung̃usap! ¿Anó na lamang ang wiwikàin
ng̃ mg̃a indio? Ariin siláng tao na may hilig at kahinàan ding tagláy
ng̃ ibá. Sa gayón, si Ben-Zayb, akay ng̃ kaniyáng pagkamamamahayag ay
nang̃akòng ipamamanhik kay Mr. Leeds na huwag magpapasok ng̃ manonood
samantalang silá’y nasa sa loob: nápakalaking karang̃alan ang ibibigáy
nilá sa kaniláng pagdalaw upang huwag sumangayon, at sakâ hindì pa
silá hihing̃an ng̃ upa sa pagpasok. At upáng mapang̃atwiranan ni
Ben-Zayb ang sinabi, anyá ay:
--¡Sapagkâ’t akalàin na lamang ninyó! ¡Kung mahuli ko ang dayà
sa haráp ng̃ mg̃a nanonood na indio! ¡Aalisán ko ng̃ kakanin ang
kaawàawàng amerikano!
Si Ben-Zayb ay isáng taong maling̃ap.
May labíng dalawá ang pumanaog, na kabilang ang ating mg̃a kilaláng
si D. Custodio, si P. Salvi, si P. Camorra, si P. Irene, si Ben-Zayb
at si Juanito Pelaez. Inihatíd silá ng̃ kaniláng mg̃a sasakyán sa
pagpasok sa liwasan ng̃ Kiyapò.
XVII
ANG PERIYA SA KIYAPO
Ang gabí’y magandá at ang anyô ng̃ liwasan ay lubháng masayá. Sa
pagsasamantalá sa masaráp na simoy at maníngning na buwan kung
Enero ay punông-punô ang periya ng̃ taong ibig makakita, mákita
at makapaglibáng. Ang mg̃a músika ng̃ mg̃a kosmorama at ang ilaw
ng̃ mg̃a parol ay siyang nagbibigáy galák at kasayahan sa madlâ.
Mahahabàng hanay ng̃ mg̃a tindahan, nagniningning̃ang aliyamás at
mg̃a pangkulay, lantad sa tíng̃ín ay may mg̃a kumpol-kumpol na
pelota, mg̃a máskarang nang̃akatuhog sa matá, mg̃a larùang lata,
mg̃a tren, karrong maliliít, kabayong maliliít na napagágalaw, mg̃a
sasakyán, mg̃a bapor na may kanikaniláng maliliit na kaldera, mg̃a
pingánpinganang maliliit, mg̃a beléng mumuntì na kahoy na pino, mg̃a
manikàng gawâ sa ibáng lupaín at gawâ dito, ang mg̃a una ay masasaya
at bulháw at ang mg̃a hulí ay mg̃a walâng katawatawa at mapagnilay
na warìng mg̃a maliliit na babaing may gulang, sa piling ng̃ mg̃a
batàng nápakalalakí. Ang tugtóg ng̃ mg̃a tambol na maliliít, ang
kaing̃ayan ng̃ mg̃a trompetrompetahang lata, ang tugtuging ng̃ong̃ò
ng̃ mg̃a kurdiyon at mg̃a organillo ay nagkakahalòng warì’y tugtugan
sa karnabal, at sa gitnâ ng̃ lahát ng̃ iyon ay paroo’t parito ang
makapal na tao na nang̃agtutulakán, nagkakabunggùang ang mukhâ’y
nang̃akaling̃ón sa mg̃a tindahan kayâ’t madalás ang untugan at
kung minsán ay katawatawa. Napipilitang pigilan ang takbó ng̃ mg̃a
kabayo ng̃ mg̃a sasakyán, ang _tabi! tabi!_ ng̃ mg̃a kotsero ay
nádiding̃íg na sunódsunód; nang̃agkakasalúsalubong ang mg̃a kawaní,
mg̃a militar, mg̃a nag-aaral, mg̃a insík, mg̃a dalagindíng na kasama
ng̃ kaniláng mg̃a iná at ali, nang̃agbábatián, nang̃agkikindatan,
masasayáng nagtutudyuhan.
Si P. Camorra ay nasa karurukan ng̃ kaniyang kaligayahan sa
pagkakita ng̃ gayóng karaming magagandáng dalaga; nápapatigil siya,
nápapaling̃ón, itutulak si Ben-Zayb, mapapapaaták, sumusumpa’t
aniya’y: at iyan, iyan, manghihitit ng̃ tintá? at doon sa isá ¿anó ang
masabi mo? Sa kaniyang kagalakan ay hindî na pinupupô ang kaniyáng
kalaban at katunggalî. Tinitingnán siyang maminsan minsan ni P. Salvi,
ng̃unì’t hindî niya pinápansín si P. Salvi, kundî bagkús pa ng̃âng
binubunggô ang mg̃a dalaga upang masagì silá, na kinikindatan at
tinititigan ng̃ titig na may palamán.
--¡Puñales! ¿Kailan kayâ akó magiging kura sa Kiyapô?--ang tanóng
sa sarili.
Si Ben-Zayb ay biglâng nakabitáw ng̃ isáng tung̃ayaw, nápalundág at
pinigilan ang kaniyang bisig; sa gitnâ ng̃ kagalakan ni P. Camorra
ay kinurot siya. Dumarating ang isáng nakasisilaw na binibining
pinagtitingnanan ng̃ lahát ng̃ taong nasa liwasan; dahil sa hindî
magkasiya sa kagalakan si P. Camorra ay pinagkámaláng bisig ng̃
dalaga ang bisig ni Ben-Zayb.
Ang binibini’y si Paulita Gómez, ang makisig sa madlâng makisig na
sinusundán ni Isagani; sa likurán ay sumusunod si aling Victorina.
Ang dalaga’y nagniningning sa kagandahan; ang lahát ay nápapatigil,
ang mg̃a liíg ay bumabaluktot, napapahintô ang mg̃a usap-usapan,
sinusundán ng̃ mg̃a paning̃ín at si aling Victorina ay tumatanggáp
ng̃ mg̃a magalang na batì.
Ang suot ni Paulita Gomez ay barò’t panyông pinyá na binurdahan, ibá
kay sa isinuot ng̃ umagang iyon sa pagparoón sa Sto. Domingo. Ang
nang̃ang̃aninag na habi ng̃ pinya ay nagbibigáy ng̃ lalòng gandá sa
kaniyáng ulo, at ang mg̃a pilipinong nakakamalas ay iginagaya siya
sa buwang nalilibid ng̃ maputî’t manipís na ulap. Isáng sayang sutlâ
na kulay rosa, na nagkakutonkutong mainam ang ayos sa pagkakápigil
ng̃ kaniyáng muntîng kamáy, ay nagbibigay dilág sa kaniyáng tuwíd
na ulo, na ang mg̃a kilos na inaayusan ng̃ malambót na liig ay
nagpapahayag ng̃ pananagumpay na lubós ng̃ kataasan at kalindîán. Si
Isagani’y warìng hindî nasisiyaháng loób; nayayamót siya sa gayóng
karaming matá, karaming mg̃a talogigì na tumatanáw sa kagandahan
ng̃ kaniyáng iniibig: ang mg̃a ting̃ín ay inaakalà niyang nakaw, at
ang mg̃a ng̃itî ng̃ dalaga’y inaarì niyang pagtataksíl.
Nang makita ni Juanito ang binibini ay pinaglalò ang kakubâan at
nagpugay: sinagót siya ng̃ pasumalá ni Paulita, at tinawag siya ni
aling Victorina. Si Juanito ang kaniyang kinikiling̃an at sa ganang
kaniya ay ibig pa itó kay sa kay Isagani.
--¡Anóng gandáng dalaga! ¡Anóng gandá!--ang bulóng ni P. Camorra na
sumilakbó ang kalooban.
--¡Padre ang tiyan mo pò ang kurutin at bayaan ninyó kamí!--ang
payamót na sabi ni Ben-Zayb.
--¡Anóng gandáng dalaga! anóng gandáng dalaga--ang ulit--at ang
lumíligaw ay ang nag-aaral na kilalá ko, ang nanulak.
--¡Mapalad siyá at hindî taga roon sa bayan ko!--ang patuloy
pagkatapos na iniling̃óng makailan ang ulo upang sundán ng̃ ting̃ín
ang binibini. Ibig ibig nang iwan ang kaniyáng mg̃a kasama at sundán
ang dalaga. Nahirapan si Ben-Zayb bago siyá napahinuhod.
Si Paulita ay patuloy sa paglakad at nakita ang kaniyáng magandáng
anyô at ang kaniyáng muntîng ulo, na mainam ang pagkakápusód, na
malindíng gumágaláw.
Ang ating mg̃a nagliliwalíw ay patuloy sa kaniláng paglakad na ang
parìng artillero ay nagbúbuntóng hining̃á, at nakasapit silá sa isáng
tindahang nalilibid ng̃ mg̃a nanonood na madalîng sila’y linuwagan.
Yaón ay isáng tindahan ng̃ mg̃a mumuntîng larawang kahoy, na gawâ
dito, na nagpapakilala sa sarìsarìng lakí at anyô ng̃ mg̃a ayos,
lahì at mg̃a paghahanap buhay sa kapulùan, mg̃a indio, kastilà,
insík, mestiso, prayle, klérigo, kawaní, kapitán sa bayan,
nag-aaral, sundalo at ibp. Dahil mandín sa ang mg̃a artista ay may
hilig sa mg̃a parì, na ang mg̃a kutón ng̃ mg̃a _habito_ ay siyáng
naaayos sa kaniláng mg̃a kagawìan sa pagyarì, ó dahil sa ang mg̃a
prayle, sa pakikihimasok nitóng lubhâ sa mg̃a lipunang pilipino’y
nakapagpapaulap sa pag-iisip ng̃ eskultor, magíng alín man sa dalawáng
kadahilanan, ang katunayan, ay marami ang kaniláng kawangkî, na
mabuti ang pagkakayarì, anyông anyô, at itinátanghál silá sa mg̃a
dakilàng sandalî ng̃ kabuhayan, baligtád kay sa ginágawâ sa kanilá
sa Europa, na doo’y inilálarawan siláng nákakatulog sa ibabaw ng̃
mg̃a barriles ng̃ alak, nang̃agsúsugál, tumútunggâ, nangaapung̃ot
ó hináhaplós ang sariwàng mukhâ ng̃ isáng dalaga. Hindî: ang mg̃a
prayle sa Pilipinas ay kaibá: mg̃a makikiyás, malilinis, mabubuti
ang bihis, ang anit sa tuktok ay mainam ang pagkakaputol, ang mg̃a
mukhâ’y ayós at maliwanag, ang matá’y mapagmasíd, anyông banal,
may kauntîng pulá sa pisng̃í, may tungkód na palasan sa kamáy at
sapatos na tsarol sa paa, na nakaaakit na sambahín silá at ilagáy
sa birina. Kapalít ng̃ mg̃a sagisag ng̃ katakawan at kahalayang
tagláy ng̃ kaniláng mg̃a kapatíd na nasa Europa, ang dalá ng̃ mg̃a
nasa Maynilà ay ang aklát, ang _crucifijo_, ang sang̃áng sagisag
ng̃ paghihirap; kapalít ng̃ panghahalík sa mg̃a mangmáng na babaing
tagá bukid, ang mg̃a nasa Maynilà ay nagpapahalík ng̃ kamáy sa
mg̃a batà, sa mg̃a taong may kagulang̃àn na nang̃akayukô’t halos
nakaluhód; kapalít ng̃ paminggalang punô ng̃ kakanín at mg̃a kakanán
na siyáng tanghalan nilá sa Europa, sa Maynilà ay mg̃a dálang̃inan,
mesang aralán; kapalít ng̃ prayleng marálitâ na lumalapit sa mg̃a
baháybaháy na dalá ang kaniyáng burro at ang supot upang manghing̃î
ng̃ limós, ang prayle sa Pilipinas ay nagsasabog ng̃ dakótdakót na
gintô sa mg̃a kaawàawàng indio......
--¡Tingnán ninyó, nárito si P. Camorra!--ang sabi ni Ben-Zayb na
dalá pa ang sing̃áw ng̃ _champagne_.
At itinuturò ang larawan ng̃ isáng payát na prayle, na warì’y
nag-íisíp, nakaupô sa piling ng̃ isáng dulang, ang ulo’y nakapatong
sa palad at sumusulat mandín ng̃ isáng sermon. May isáng lámparang
nakapagpapaliwanag sa kaniyá.
Ang pagkakaibayó ng̃ anyô’y ikinahalakhák ng̃ lahát.
Náramdamán ang tukoy ni P. Camorra, na nalimutan na si Paulita, at
siyá namáng tumanóng:
--At ¿sino namán ang kamukhâ ng̃ larawang itó, Ben-Zayb?
At tumawa ng̃ kaniyáng tawang _paleto_.
Ang larawan ay isáng matandâng babaing bulág ang isáng matá, gusgusin,
na nakalupasay sa sahig, gaya ng̃ mg̃a anito ng̃ mg̃a indio, na
namimirinsá ng̃ damít. Ang kasangkapan ay nagayahang mabuti; tansô,
ang ding̃as ay palará at ang alimpuyó ng̃ usok ay marurumí’t pinilipit
na bulak.
--¿Hoy, Ben-Zaib, hindî hang̃ál ang nakámunakalà, anó?--ang tanóng
na tumatawa ni P. Camorra.
--Hindî ko malaman ang ibig tukuyin!--ang sabi ng̃ manunulat.
--Ng̃unì’t _¡puñales!_ hindî ba ninyó nákikita ang pang̃alan, _la
prensa filipina_? Ang kasangkapang iyan na ipinamimirinsá ng̃
matandâng babai ay tinatawag ditong _prinsá_!
Lahát ay nagtawanan at si Ben-Zayb man ay humalakhák din.
Dalawáng sundalong guardia sibíl na may tandâng _mg̃a sibil_, ay
nálalagay sa likurán ng̃ isáng taong nakabalitì ng̃ matitibay na
tanikalâ at ang mukhâ’y natatakpán ng̃ sambalilo: ang pang̃alan ay
_Ang Lupaín ng̃ Abaká_ at warìng bábarilín.
Hindî naibigan ng̃ marami sa ating mg̃a dalaw ang tanghalan.
Pinag-uusapan ang tuntunin ng̃ Arte, humáhanap ng̃ pagkakatimbángtimbáng
ng̃ lakí, ang sabi ng̃ isá’y walâng pitóng ulo ang larawang gayón,
na ang mukhâ’y kulang ng̃ isáng ilóng, walâ kundî tatatló, bagay na
ikinapag-isíp ng̃ kauntî ni P. Camorra na dî makahulòng kung bakit,
upang magíng ayos ang isáng larawan ay, dapat magkaroón ng̃ apat na
ilóng at pitóng ulo; anáng isá’y kung bakit malitid, sa, ang mg̃a
indio ay hindî gayón; na kung yaón ay matatawag na _escultura_ ó
_carpintería_ lamang, at ibp.; balà na’y nagpahayag nang kaniyáng
panunuligsâ at upang huwag namáng mápahulí sa ibá si P. Camorra
ay nang̃ahás humanap ng̃ tatlóng pûng hità sa bawà’t manikà. Kung
makahihing̃î ng̃ ilóng ang ibá ay ¿bakit ng̃â namán hindî siyá
makahihing̃î ng̃ hità? At doon din nang̃agtatatalo kung ang indio’y
may katalinuhan sa pag-eeskultor, kung nárarapat palusugin ang
gayóng arte, at sisimulán na ang pagtatalong sabáy-sabáy na pinutol
ni D. Custodio sa pagsasabing ang mg̃a indio ay may katalinuhan,
ng̃unì’t ang paggawâ lamang ng̃ santó ang dapat harapín.
--Kahì’t sino ay magsasabi--ani Ben-Zayb na ng̃ gabíng yaón ay
nagíng mapanudyó--na ang insík na iyan ay si Quiroga, ng̃unì’t kung
pagwawarìing mabuti ay kamukhâ ni P. Irene.
--¿At anó ang masasabi ninyó sa indio-inglés na iyan? Náhahawíg
kay Simoun.
Umaling̃awng̃áw ang pamulîng halakhakan. Hinaplós ni P. Irene ang
kaniyang ilóng.
--¡Tunay ng̃â!--¡Tunay ng̃â!--¡Siyang siya!
--Datapwâ’y ¿násaan si Simoun? ¡Bilhín ni Simoun!
Si Simoun ay nawalâ, walâng nakakita sa kaniya.
--_¡Puñales!_--ang sabi ni P. Camorra--¡nápakakuripot ang amerikano!
Natatakot na pabayaran natin sa kaniyá ang kaupahán ng̃ lahát sa
pagpasok sa patanghalan ni Mr. Leeds.
--¡Hindî!--ang sagót ni Ben-Zayb--ang ipinang̃ang̃ambá ay ang magipít
siya. Nahuhulàan na ang masamâng biròng aabot sa kaniyáng kababayang
si Mr. Leeds, kayâ’t nagmamaangmaang̃an.
At nang̃agpatuloy ng̃ lakad, upang panoorin ang nábabantóg na ulo,
na walâng binilíng anománg kahì’t masamâng larùan.
Humandóg si Ben-Zayb na siyáng makikipag-usap: hindî maáarìng hiyaín
ng̃ amerikano ang isáng mámamahayág na mangyayaring maghigantí sa
pamagitan ng̃ isáng mapaniràng lathalà.
--Mákikita ninyó’t pawàng kagagawán lamang ng̃ salamín--aniya--sapagkâ’t
tingnán ninyó......
At mulîng nagsimulâ ng̃ isáng mahabàng pagpapaliwanag, at sa dahiláng
walâ siyang kaharáp na salamín na makasisirà sa kaniyáng sinasabi,
ay idinugtóng nang lahát ang kabulastugáng matuturan hanggáng sa
káhulihulihan ay hindî na matumpakán ang sinasabi.
--At mákikita rin ninyó kung hindî pawàng pagkasirà lamang ng̃
paning̃ín.
XVIII
MG̃A KADAYAAN
Sinalubong silá ng̃ lubhâng maling̃ap ni Mr. Leeds, isáng tunay
na yankee, na ang suót ay pulós na itím. Mabutíng magsalitâ ng̃
wikàng kastilà dahil sa nagtiráng malaon sa Amérika, sa Timog.
Hindî sumalansáng sa nasà ng̃ ating mg̃a dalaw; sinabing maaarìng
siyasating lahát lahát bago gawín at matapos ang pagtatanghál; sa
kasalukuyan ng̃ pagtatanyág ay ipinamanhík na manahimik lamang. Si
Ben-Zayb ay ng̃umíng̃itî at nilálasáplasáp na ang samâ ng̃ loob na
ibíbigay niya sa amerikano.
Ang loob na nababalot na buông buô ng̃ itím ay naiilawan ng̃ mg̃a
matatandâng lámpara na ang iláw ay aguardiente. Isáng halang na
natatakpán ng̃ tersiopelong itím ang siyáng humahatì ng̃ dalawáng
hatìng magkasinglakí sa loob na iyon; ang isá’y punô ng̃ mg̃a
luklukang laán sa mg̃a manonood, at ang isá, ay kinalalagyán ng̃
isáng tuntung̃an na ang alpombra ay pariparisukat. Sa ibabaw ng̃
tuntung̃ang itó, sa dakong gitnâ, ay nálalagáy ang isáng mesa na
natatakpán ng̃ isáng mainam na kayong itím na punô ng̃ bung̃ô at
ibá pang larawang mahiwagà. Ang _mise en scene_ ay malungkót kayâ’t
nakapang̃ilabot sa mg̃a masasayáng dalaw. Náhintô ang mg̃a birûán,
marahan ang mg̃a pag uusap at kahì’t na ibig magpatanáw ang ilán ng̃
dî nilá pagpapahalagá sa gayón ay hindî pumulás ang tawa sa mg̃a
labì. Ang damdám ng̃ lahát ay warìng nápasok sa isáng bahay na may
patáy. Isáng amóy suób at pagkít ay siya pang nakapagpaparagdág sa
gayón. Si D. Custodio at si P. Salvi ay marahang nagsanggunìang kung
nárarapat ó hindî na ipagbawal ang mg̃a gayóng pánoorín.