Ang may pigíng, na hindî kumakain ng̃ lutòng Europa, ay nakikitunggâ
na lamang maminsánminsán sa kaniyáng mg̃a panaohin, at nang̃ang̃akòng
makikisabáy sa pagkain ng̃ mg̃a hindî nakadulóg sa unang hain.
Nakapaghapunan na si Simoun ng̃ dumatíng at nakikipag-usap, sa
kabahayán, sa iláng máng̃ang̃alakál na nang̃agsisidaíng dahil sa
kalagayan ng̃ paghahanap buhay: masamâ ang lakad ng̃ lahát, náhihintô
ang pang̃ang̃alakal, ang pakikipagsuklîan sa Europa ay nápakataás ang
halagá; nang̃agsisihing̃î ng̃ liwanag sa mag-aalahás ó inuudyukán
siyá ng̃ iláng paraan sa pag-asang sasabihin sa Capitan General.
Sa bawà’t kaparaanang ipalagáy ay tinutugunán ni Simoun ng̃ isáng
ng̃itîng pakutyâ’t paglibák. ¡Ba! ¡kaululán! hanggáng sa nang mamuhî
na ang isá, ay itinanóng ang kaniyáng hakà.
--¿Ang aking hakà?--ang tanóng--pag-aralan ninyó kung bakit lumulusog
ang ibáng bansâ at gayahan ninyó silá.
--¿At bakit nang̃agsisilusog, G. Simoun?
Kinibít ni Simoun ang kanyáng balikat at hindî sumagót.
--¡Ang mg̃a gawàin sa daong̃an na nakabibigát sa pang̃ang̃alakal
at ang daong̃ang hindî mayarìyarì!--ang buntonghing̃á ni G. Timoteo
Pelaez--ay isáng kayo ni Guadalupe, gaya ng̃ sabi ng̃ anák ko, na
hinahabi at kinakalás.... ang mg̃a buwis....
--¡At dumadaíng kayó!--ang bulalás ng̃ isá--¡At ng̃ayóng kapapasiyá
pa lamang ng̃ General ng̃ pagpapagibâ ng̃ mg̃a bahay na pawid!
¡Kayóng may maraming _hierro galvanizado_!
--Oo--ang sagót ni G. Timoteo--¡ng̃unì’t ang nagugol ko namán sa
kapasiyaháng iyán! At sakâ ang pagpapagibâ’y hindî pa gágawin kundî
sa loob ng̃ isáng buwán, hanggáng dumatíng ang kurismá; mangyayaring
may dumatíng pang ibá.... ang ibig ko sana’y ipagibâ ng̃ayón din,
datapwâ’t.... Bukód sa rito, anó ang ibíbilí sa akin ng̃ mg̃a may
arì ng̃ bahay na iyán sa pawàng marálitâ?
--Mangyayari ding mábilí ninyó ng̃ murang mura ang kaniláng mg̃a
bahay....
--At pagkatapos ay lakaring pawalâng bisà ang kautusán at ipagbilíng
mulî, na ibayo ang halagá....! Naiyan ang isáng kalakal!
Si Simoun ay ng̃umitî ng̃ ng̃itî niyang malamlám, at sa dahiláng
nákitang sumásalubong din si insík Quiroga ay iniwan ang mg̃a
madaing̃ing mang̃ang̃alakál upang batìin ang magiging _consul_.
Bábahagyâ pa lamang siyang nakita nitó ay nawalâ na ang anyông may
kasiyahang loob at ang mukhâ’y iginaya sa mg̃a máng̃ang̃alakál, at
yumukô ng̃ bahagyâ.
Iginagalang na lubhâ ng̃ insík na si Quiroga ang mag-aalahás,
hindî lamang sa dahiláng kilalá niyang mayaman, kundî dahil
sa mg̃a bulungbulung̃ang umanó’y kaututang dilà ng̃ Capitán
General. Nababalitàng inaayunan ni Simoun ang mg̃a hang̃arin ng̃
insík, kasang-ayon sa ukol sa _consulado_, at sa gitnâ ng̃ mg̃a
banggitin, mg̃a parunggít at mg̃a _puntos suspensivos_ ay tinukoy
na siyá ng̃ isáng pamahayagang laban sa insík, sa isáng nábantóg
na pakikipagsagutan sa isáng kasamang kampí sa mg̃a may buhók.
Idináragdág pa ng̃ ilán kataong malumanay na iniúudyók sa Capitán
General ng̃ Eminencia Negra na gamitin ang mg̃a insík sa pagsugpô
sa matibay na karang̃alan ng̃ mg̃a tagá rito.
--Upang magíng masunurin ang isáng bayan--aniyá--ay walâng paraang
gaya ng̃ duhagihin at ipakilala sa kaniyá ang sariling kaabàan.
Madalîng nagkaroón ng̃ isáng pagkakátaón.
Ang mg̃a balang̃ay ng̃ mg̃a _mestiso_ at ng̃ mg̃a _naturales_ ay
nang̃agmamanmanan at ginagamit ang kaniláng katapang̃an at kasipagan
sa paghihinalà at dî katiwalàan. Isáng araw, sa misa, ang kapitan
sa naturales na nakaupô sa bangkông nasa dakong kanan at lubhâng
payát, ay nakaisip na pagpatung̃in ang kaniyáng mg̃a paá, na anyông
_nonchalant_, upang lumakílakí sa warì ang kaniyáng mg̃a pigî at
maipamalas ang kaniyáng mainam na sapatos; ang sa mestiso namáng
náluluklók sa kabiláng ibayo, sa dahiláng may _juanete_ at hindî
mapagpatong ang paa dahil sa katabâán at buyunin ay umanyô namáng
ibinikakâ ang kaniyáng mg̃a hità upang málantád ang tiyang nakukulong
ng̃ isáng _chaleco_ na walâng kakutón kutón na napapalamutihan ng̃
isáng magandáng tanikalâng gintô at brillante. Ang dalawáng pangkatin
ay nagkapakiramdaman at nagsimulâ na ang paghahamok: sa sumunód na
pagsisimbá, ang lahát ng̃ mestiso, patî ng̃ mg̃a lalòng payát, ay
pawàng may mg̃a buyon at ibinikakàng mabuti ang mg̃a hità na warìng
nang̃ang̃abayo: lahát ng̃ naturales ay pinagpatong ang kaníkaniláng
paa, sampû ng̃ lalòng matatabâ, kayâ’t may kabisa tulóy na umarinkín.
Ang mg̃a insík na nakakita sa kanilá, ay gumamit namán ng̃ kaniláng
anyô: nang̃agsiupông gaya ng̃ kung nasa sa kaniláng tindahan, ang
isáng paa’y baluktót at nakataás, ang isá’y nakabiting kukuyákuyakoy.
Nagkaroón ng̃ mg̃a tutulán, mg̃a kasulatan, mg̃a _expediente_, at
ibp., ang mg̃a kuadrilyero ay matuling nang̃agsipanandata upang
pasimulán ang paghahamok ng̃ magkakababayan, ang mg̃a kura ay galák
na galák, ang mg̃a kastilà’y nasasayahán at ang lahát ng̃ itó’y
pinagkakakitàan ng̃ salapî, hanggáng sa pinigil ng̃ General ang
kaguluhan sa pamagitan ng̃ pag-uutos na silá’y mang̃ag-upùang kagaya
ng̃ insík, sa dahiláng ang mg̃a itó’y siyáng bumabayad ng̃ lalòng
malakí, kahì’t hindî siyáng lalòng katóliko. At dito nangyari ang
kagipitan ng̃ mg̃a mestiso at naturales, na, sa dahiláng makikipot
ang salawál ay hindî makagaya sa insík. At upang ang nasàng duhagihin
silá’y mabunyág, ay ginanáp ang kautusán ng̃ boong karing̃alan at
ginamitán ng̃ mg̃a sangkáp, nilibid ang simbahán ng̃ isáng pulutóng
na kábayuhan, samantalang ang lahát ng̃ nasa loob ay pinapawisan.
Ang usapín ay nakaratíng sa España, ng̃unì’t doo’y náulit ding sa
dahiláng ang nagbabayad ng̃ lalóng malakí ay ang mg̃a insík ay
mangyayaring pairalin ang kaniláng ibigin sampû sa mg̃a _ceremonias
religiosas_, kahì’t pagkatapos ay tumakwíl sa pananampalataya at
libakín ang pagkakristiano. Nasiyaháng loob ang mg̃a naturales at
mestiso at pinag-aralan nilá ang hindî pag-aaksayá ng̃ panahón sa
mg̃a gayóng bagay na walâng kabuluhán.
Sinuyòsuyò ni Quiroga si Simoun sa tulong ng̃ kaniyáng haluang
pananalitâ’t ng̃itîng napakamakumbabâ; ang kaniyáng ting̃ig ay
nápakamahimok, paulit-ulit ang kaniyáng yukô, ng̃unì’t pinutol ng̃
mag-aalahás ang kaniyáng pang̃ung̃usap at itinanóng sa kaniyáng
biglâ:
--¿Náibigan bagá ang mg̃a galáng?
Sa tanóng na ító’y napawìng warì’y pang̃arap ang siglá ng̃ kalooban
ni Quiroga; ang ting̃ig na dating mahimok ay nagíng mahinagpís, lalò
pang nagpakáyukôyukô at matapos pinapagdoop ang mg̃a kamáy na itinaas
na pantáy mukhâ, anyông pagbatì sa kainsikán, ay dumaíng ng̃:
--¡Uu, sinyó Simoun! ¡akieng lugí, akieng hughóg!
--¿Bakit, insik Quiroga, kayó’y lugi at hughóg? ¡at ganyáng karami
ang botella ng̃ _champagne_ at mg̃a panaohin!
Ipinikít ni Quiroga ang kaniyáng mg̃a matá at ng̃umiwî. ¡Hss! Ang
nangyari ng̃ hapong iyon, ang nagíng hanggán ng̃ mg̃a galáng, ay
nakapaghughóg sa kaniyá. Si Simoun ay ng̃umitî: kapag ang isáng
mang̃ang̃alakál na insík ay dumádaíng ay sapagkâ’t mabuti ang lagáy;
kapag ang ipinamalas ay warìng mabuting mabuti ang kaniyáng lakad ay
sapagkâ’t nakikinikinitá ang isáng pagkalugi ó magtatanang tung̃o
sa kanyáng bayan.
--¿Kayó mo hienne alam akieng lugi, akieng hughóg? ¡A, sinyó Simoun,
akieng hapay!
At upang lalòng maipabatíd ng̃ insík ang kaniyáng kalagayan ay
sinabayán ang salitâng hapay ng̃ anyông pagpapatimbuwang.
Ibig ibig ni Simoun na siya’y pagtawanán, ng̃unì’t nagpigil at
sinabing walâ siyáng anó máng nalalaman, walâ, walâng walâ.
Dinalá siyá ni Quiroga sa isáng silíd, na inilapat na mabuti ang
pintô, at ipinaliwanag sa kaniyá ang sanhî ng̃ kasawîán ng̃ insík.
Ang tatlóng galáng na brillante na hining̃î kay Simoun upang ipakita
sa kaniyáng asawa, ay hindî sadyáng para rito, kaawàawàng india na
nakukulóng sa isáng silíd, na warìng isáng babaing insík, kundi para
sa isáng magandá at kaayaayang babaing kaibigan ng̃ isáng mataás
na tao, na kailang̃an niyá ang tulong, dahil sa isáng kalakal na
pagtutubùan niyá ng̃ mg̃a anim na libong piso. At sa dahiláng ang
insík ay walâng kabatirán sa mg̃a máiibigan ng̃ babai at nasà niyáng
magpakita ng̃ garà, ay hining̃î ang tatlóng pinakamabuting galáng
na mayroón ang mag-aalahás, na tatló ó apat na libo ang halagá ng̃
bawà’t isá.
Ang insík ay nag-anyông walâng malay at sa tulong ng̃ kaniyáng mahimok
na ng̃itî ay sinabi sa babaing pumilì ng̃ máibigan; ng̃unì’t ang
babai, lalòng walâng muwang at lalò pa mandíng mahimok, ay nagpahayag
na ibig niyá ang tatló, at kinuhang lahát.
Si Simoun ay humalakhák.
--¡A, sinyolia! ¡akieng lugi, akieng hoghóg!--ang sigáw ng̃ insík
na sabáy ang pagtatampál sa sarili ng̃ kaniyáng malíliít na kamáy.
Patuloy din ang mag-aalahás sa katatawa.
--¡Huu! ¡masamâ tao, sigulo híenne tutô sinyola!--ang patuloy ng̃
insík na ginágaláw ang ulong masamâ ang loob--¿Anó? bo hiyâ, kahi
insiek sa akieng akó tao, ¡A, sigulo hienne tutô sinyola; kung
sigalela belong pa kontî hiyâ!
--Náhuli kayó, náhuli kayó--ang bulalás ni Simoun na sabáy sa
pagtumbók ng̃ marahan sa tiyán ng̃ insík.
--At lahát tao hieng̃e utang at hienne mayad ¿anó iyán?--at binilang
sa kaniyáng dalirìng may mahahabàng kukó--impelealo, opisiá, tinienti,
sunnalo, ¡a, sinyó Simoun, akieng talô, akieng hapay!
--Siyá, siyá na ang kádadaíng--ang sabi ni Simoun--iniligtás ko kayó
sa maraming opisyal na humíhing̃î sa inyó ng̃ salapî.... Silá’y
pinautang ko ng̃ huwág na kayóng gambalàin at batíd kong hindî nilá
akó mababayaran......
--Ng̃unì, sinyó Simoun, kayó pautang sa opisiá, akó pautang sa mamae,
sinyola, malinelo, lahát tao......
--¡Masising̃íl din ninyó!
--¿Akieng makásing̃íl? ¡A, sigulo hienne pô ikaw alam! ¡Pagtalo sa
sugá walâ na mayad! Mamuti sa inyó melon konsu, maalì habol, akieng
walâ....
Si Simoun ay nagiisíp.
--Tingnán ninyó insík Quiroga,--ang sabing warì’y natatang̃á--akó ang
manining̃íl ng̃ utang sa inyó ng̃ mg̃a opisiyal at mg̃a marinero,
ibigáy ninyó sa akin ang katibayan ng̃ pagkakátanggáp nilá.
Mulîng namighatî si Quiroga; hindî siyá binibigyán kailán man ng̃
katibayan.
--Pag nang̃agsiparitong hihing̃î ng̃ salapî, ay paparoonin ninyó sa
akin; ibig kong iligtás kayó.
Napasalamat ng̃ lubós si Quiroga, ng̃unì’t nábalik na namán sa
kaniyáng mg̃a pagdaíng, tinukoy ang mg̃a galáng at inulit-ulit ang:
--¡Kung sigalela belon pa hiyà!
--¡Putris!--ang sabi ni Simoun na tinitingnang pasulyáp ang insík na
warìng ibig hulàan ang nasa kalooban--nang̃ang̃ailang̃an pa namán
akó ng̃ salapî at inaakalà kong mababayaran ninyó akó. Ng̃unì’t ang
lahát ay may kagamutan, ayaw kong mahapay kayó ng̃ dahil lamang
sa walâng kabuluháng bagay na iyan. Siyá, isáng utang na loob at
gágawin kong pitó ang siyám na libong utang ninyó sa akin. Kayó’y
nakapagpapasok sa aduana ng̃ lahát ng̃ lámpara, mg̃a bakal, mg̃a
pinggán, tansô, mg̃a pisong mehikano; ¿nagbíbigáy kayó ng̃ armas sa
mg̃a kombento?
Napaoo ang insík sa tulong ng̃ tang̃ô; ng̃unì’t kailang̃an niyáng
sumuhol sa maraming tao.
--¡Lahát akieng bigáy sa Pale!
--Kung gayón ay tingnán ninyó--ang marahang patuloy ni Simoun--kailang̃an
kong ipapasok ninyó ang iláng kaha ng̃ pusíl na dumatíng ng̃ayóng
gabí.... ibig kong itagò ninyó sa inyóng tindahan; hindî magkakasiyáng
lahát sa aking bahay.
Si Quiroga’y nagulumihanan.
--Huwág kayóng masindák, hindî kayó maaanó: ang mg̃a baril na iyán
ay untî untîng itatagò sa iláng bahay, at pagkatapos ay gágawâ ng̃
pagsisiyasat at marami ang ibinibilanggô.... marami tayong kikitain
sa paglakad na makawalâ ang mg̃a nápipiít. ¿Batíd na ninyó?
Si Quiroga ay alinlang̃an; takót siyá sa mg̃a armas. Sa kaniyáng
mesa ay mayroon siyáng isáng rebolber na walang punlô na hindî niyá
hinihipò kailan man kundí liling̃on munang nakapikít ang matá.
--Kung hindî ninyó magagawâ ay hahanap akó ng̃ ibá, ng̃unì’t
kailang̃an ko kung gayón ang aking siyam na libong piso upang
padulasín ang mg̃a kamáy at ipikit ang mg̃a matá.
--¡Siyá, siyá!--ang sa hulí’y sabi ni Quiroga--¿ng̃unì’t huli ba
malami tao? ¿utos lekisa, ha?
Nang bumalík sa kabahayán si Quiroga at si Simoun ay nátagpûán ang
mg̃a galing sa paghapon na nang̃agtatalo: pinatabil ng̃ _champagne_
ang mg̃a dilà at nagpapagalaw sa mg̃a utak ng̃ ulo. Nang̃ág-uusapang
walang kakimìkimì.
Sa isáng pulutóng na may maraming kawaní, iláng babai at si
D. Custodio, ay pinag-uusapan ang isáng pasugò sa India upang
pag-aralan ang ukol sa paggawâ ng̃ mg̃a sapatos ng̃ mg̃a sundalo.
--¿At sinosino ang bumubuô?--ang tanóng ng̃ isáng babaing malakí.
--Isáng koronel, dalawáng opisyal at ang pamangkin ng̃ General.
--¿Apat?--ang tanóng ng̃ isáng kawaní--¡ganyán na lamang ang lupon!
¿at kung magkahatì sa kapasiyahán? ¿may pagkabatíd man lamang kayâ
sa bagay na iyon?
--Iyán ng̃â ang tanóng ko--ang dugtóng ng̃ isá--ang sabi ko’y dapat
pumaroon ang isáng hindî kawal sa hukbo, isáng walâng hilig sa
pagkamilitar.... sa halimbawà, isáng manggagawâ ng̃ sapatos.
--Iyan ng̃â--ang sagót ng̃ isáng manghahang̃ô ng̃ sapatos--ng̃unì’t
sa dahilang hindî bagay na magpadalá ng̃ isáng indio ni ng̃ isáng
makáw at ang tang̃íng magsasapatós na kastilà ay humihing̃î ng̃
malaking sahod....
--Datapuwâ’y ¿anó pa’t pag-aralan ang sapín sa paa?--ang tanóng ng̃
isáng babaing malakí--¡marahil ay hindî iuukol sa mg̃a artillerong
kastilà! Ang mg̃a indio ay maaring waláng sapatos gaya nang kung
nasa kaniláng bayan.
--Siyang dapat ¡at ang kabáng bayan ay lalòng makapag-titipíd!--ang
dugtong ng̃ isáng señorang balò na hindî nasisiyahán sa kaniyáng
sinasahod na _pensión_.
--Ng̃unì’t unawàin namân ninyó--ang sagót ng̃ isa sa mg̃a kaharáp, na
kaibigan ng̃ mg̃a opisial na magsisiyasat--tunay ng̃âng ang maraming
indio ay walâng sapín kung lumakad sa kaniláng bayan, ng̃unì’t hindî
ang lahát, at hindî magkaisá ang lumakad nang alinsunod sa sariling
kaibigán kay sa nasa paglilinkód: hindî napipilì ang oras, ni ang
dáraanan, ni hindî nakapagpapahing̃á kung kailan ibigin. Tingnan
ninyó, ali, na kung katanghalian ay nakalulutô ng̃ tinapay ang init
ng̃ lupà. At maglakád pa kayó sa buhang̃inan, doon sa may mg̃a bató,
araw sa itaas at apóy sa ibabâ, at punglô sa haráp....
--¡Sa sanayán din lamang iyan!
--¡Gaya ng̃ hayop na burro na nasanay sa hindî pagkain! Sa
kasalukuyang labanán, ang lalòng marami sa nasasawî sa atin ay gawâ
ng̃ mg̃a sugat sa talampakan.... ¡Inuulit ko ang sa _burro_, ali,
ang sa _burro_!
--Ng̃unì’t anák ko--ang tutol ng̃ babai--isip-isipin ninyóng
napakaraming salapîng magugugol sa katad. Sukat nang maibuhay sa
maraming ulila’t balo upang mapagtibay ang karang̃alan. At huwag
kayóng ng̃umitî, hindî ko sinasabi nang dahil sa akin na mayroon namán
akong pensión, kahi’t kakauntî, lubhâng kauntî sa mg̃a ipinaglinkód
ng̃ aking asawa, tinutukoy ko ang ibá na may napakamarálitâng
kabuhayan ng̃ayón: hindî nárarapat na matapos ang maraming kahihing̃î
upang máparito at matapos na makapaglakbáy dagat ay maging katapusán
ang mamatáy dito ng̃ gutóm.... Ang sinasabi ninyóng ukol sa mg̃a
sundalo ay totoo marahil, ng̃unì’t ang katunayan ay kahi’t mahigít na
akong tatlong taón dito ay hindî pa akó nakakikita ng̃ pipiláypiláy.
--Sa bagay na iyan ay kasang-ayon akó ng̃ aling kuan--ang sabi ng̃
isáng babaing kalapít--¿ano pa’t bibigyan ng̃ sapatos sa walâ namán
silang sapatos ng̃ sumipót sa maliwanag?
--¿At anó pa ang kailang̃an ng̃ barò?
--¿At anó pa ang kailang̃an ng̃ salawal?
--¡Isipisipin ninyó ang mápapalâ natin sa pagkakaroón ng̃ isáng
hukbóng hubô’t hubád!--ang tapós ng̃ nagtatanggol sa mg̃a sundalo.
Sa isáng pulutóng ay lalòng mainit ang pagtatalo. Si Ben-Zayb ay
nagsásalitâ’t nananalumpatì, gaya ng̃ dati’y hináhadlang̃án siyá
sa bawà’t sandalî ni P. Camorra. Ang manunulat na prayle, kahì’t
niya iginagalang na lubhâ ang mg̃a taong may satsát, ay palaging
nakikipagtalo kay P. Camorra na inaarì niyáng isáng praylepraylihang
mangmang; sa gayó’y ginagamit ng̃ anyông malayà at dinudurog ang
mg̃a sabisabihan ng̃ mg̃a tumatawag sa kaniyáng Fray Ibañez.
Kinalulugdán ni P. Camorra ang kaniyáng katunggalî; iyon lamang ang
tang̃ìng nagpápalagáy na may katuturán ang kaniyáng mg̃a tinatawag
na pang̃ang̃atwiran niya.