--Dapat magtiwalà sa kanilá, ibíbigáy niláng lahát.
--May isáng sáwikàíng likás na kastilà, na ang sabi’y: ang hindî
umíiyak ay hindî nakasususo. Ang hindî hiníhing̃î ay hindî
ipinagkakaloob.
--¡Baliktád!--ang sagót ng̃ abogado na tumawang pakutyâ--sa pamahalàan
ay pasaliwâ ang nangyayari......
Datapwâ’y biglâng nápahintô na warì’y nakapag-wikà ng̃ higít sa
nárarapat at tinangkâng gamutín ang kaniyáng pagkábulalás.
--Pinagkalooban tayo ng̃ pamahalàan ng̃ mg̃a bagay na hindî natin
hinilíng, ni hindî natin mahihilíng.... sapagkâ’t ang paghilíng....
ang paghilíng ay nagpapakilalang may pagkukulang at dahil doon ay
hindî gumáganáp sa kaniyáng katungkulan.... pagpayuhan siya ng̃
isáng paraan, tangkâíng ibunsód siyá, huwag nang siya’y tunggalìin,
ay isáng pagsasapantahàng siya’y mangyayaring mámalî, at sinabi ko
na ng̃â sa inyóng ang mg̃a gayóng paghahakà’y laban sa kabuhayan
ng̃ mg̃a pamahalàang ukol sa nasasakop.... Ang bagay na itó’y hindî
batíd ng̃ karamihan at hindî alám ng̃ mg̃a binatàng nagdadalosdalos,
hindî nilá kilalá, ayaw kilalanin ang lubhâng káibayóng ibubung̃a
ng̃ paghing̃î.... ang kasagwâáng tagláy ng̃ panukalàng iyan......
--Ipagpatawad po ninyó--ang putol ni Isagani na namuhî sa mg̃a
pang̃ang̃atwirang ginamit sa kaniyá ng̃ abogado--pag sa makatwirang
paraan ang isáng bayan ay humihing̃î ng̃ anó man sa isáng pamahalàan
ay sapagkâ’t inaakalàng mabuti at nálalaáng pagkalooban siyá ng̃
isáng kabutihan, at ang kagagawáng itó, ay hindî dapat makamuhî sa
kanyá kundî bagkús pa ng̃âng dapat makagalák; humihing̃î sa iná, sa
inainahan ay hindî, magpakailán man. Ang pamahalàan sa ganáng pahát
kong pag-aakalà, ay hindî isáng may laganap na paning̃ín na nakikita’t
napaglalaanan ang lahát ng̃ bagay, at kahì’t na magíng gayón, ay hindî
mangyayaring mamuhî, sapagkâ’t naririyan ang Pananampalataya na walâng
ginágawâ kundî maghihing̃î sa Dios na nakakikita at nakakikilala
ng̃ lahát ng̃ bagay, at kayó man ay humíhing̃î at humíhilíng ng̃
maraming bagay sa mg̃a hukuman ng̃ pamahalàan ding iyan, at ni ang
Dios, ni ang pamahalàan hanggáng sa ng̃ayón ay hindî pa nagpapahalatâ
ng̃ kamuhîán. Nasa sa budhî ng̃ lahát na ang pamahalàan, dahil sa
siya’y itinatag ng̃ mg̃a tao, ay nang̃ang̃ailang̃an ng̃ tulong ng̃
ibá, nang̃ang̃ailang̃ang ipakita at iparamdám sa kaniyá ang katunayan
ng̃ mg̃a bagay bagay. Kayó na sa sarili ay hindî naniniwalàng
lubós sa katotohanan ng̃ inyóng mg̃a ikinatwiran; kayó sa sarili’y
alám ninyóng marahás at dî nátutungtóng sa matuwid ang pamahalàan,
na, upang makapagparang̃al ng̃ kalakasán at pagkamapagsarilí, ay
nagkákaít ng̃ lahát ng̃ bagay sa katakután ó sa kakulang̃áng tiwalà,
at ang mg̃a bayan lamang na dinádahás at inaalipin ay siyá lamang
may katungkulang huwág huming̃î ng̃ kahì’t anó magpakailán man.
Ang isáng bayang nasúsuklám sa kaniyáng pamahalàan ay walâng dapat
hiling̃ín dito kundî ang iwan ang pamamahalà.
Ang matandâng abogado ay ng̃umíng̃iwî at pinaíilíng-ilíng ang ulo,
tandâ ng̃ dî kasiyaháng loob at hináhaplos ng̃ kamáy ang kaniyáng
upaw; pagkatapos, sa isáng pananalitâng mapag-ampón na warì’y may
pagkahabág ay nagsabing:
--¡Hm! masamâng aral iyán, masamâng palagáy, ¡hm! ¡Napagkikilalang
kayó’y batà at walâ pa kayóng pagkatalós sa ukol sa kabuhayan! Tingnán
ninyó ang nangyayari sa Madrid sa mg̃a binatàng walâng muwáng na
humíhing̃î ng̃ maraming pagbabago: lahát silá’y pinararatang̃ang
mg̃a nag-uusig ng̃ paghiwaláy, marami ang hindî makapang̃ahás na
umuwî, ng̃unì’t gayón man ay ¿anó ang kaniláng mg̃a hiníhing̃î? Mg̃a
banal na bagay, matatandâ na’t hindî makasásamâ sapagkâ’t lubós nang
kilalá.... Datapwâ’y may mg̃a bagay na hindî ko maipaliliwanag sa
inyó, mg̃a lubhâng maselang.... siyá.... ipinagtátapat ko sa inyóng
may ibá pang katwiran, bukód sa mg̃a tinuran na, na naguudyók sa
isáng matinóng pamahalàan upang kailán mán ay huwág duming̃íg sa mg̃a
kahiling̃an ng̃ isáng bayan...... hindî.... mangyayari ding makatagpô
tayo ng̃ mg̃a pinunòng palalò at mahang̃in ang.... ng̃unì’t mayroón
díng ibáng katwiran.... kahì’t na ang hiníhing̃î ay yaóng lalòng
nararapat.... ang mg̃a pamahalàan ay may ibá ibáng palakad......
At ang matandâ’y nag-aalinlang̃ang nakatitig kay Isagani, at
pagkatapos ay tumalagá na sa isáng bagay, ikinumpáy ang kamáy na
warì’y may inilálayông paghahakà sa kaniyáng pag-iisip.
--Nahuhulàan ko ang inyóng ibig sabihin--ang patuloy ni Isagani na
ng̃umitîng malungkót--ibig ninyóng sabihin na ang pamahalàang ukol
sa nasasakupan, yamang natatatág ng̃ hindî lubós na wastô at sa
dahiláng nananáng̃an sa mg̃a palápalagáy......
--¡Hindî, hindî, hindî iyan, hindî!--ang biglâng hadláng ng̃ matandâ
na nagpakunwarîng may hinahanap sa kaniyáng mg̃a papel--hindî, ang
ibig kong sabihin.... ng̃unì’t ¿násaán kayâ ang aking salamín sa
matá?
--Hayán pô--aní Isagani.
Ikinamá ni G. Pasta ang kaniyáng salamín, warìng may binasang iláng
kasulatan, at ng̃ mákitang inaantáy siyá ng̃ binatà ay nagwikàng
pautal-utal:
--May ibig akóng sabihing isáng bagay.... ibig kong sabihin, ng̃unì’t
nakalimutan ko na.... kayó sa inyóng kapusukán, ay pinigil ninyó
akó.... isáng bagay na walâng malakíng kabuluhán.... Kung alám lamáng
ninyó kung papaano ang ulo ko, ¡napakarami kasí ng̃ aking gagawín!
Náramdamán ni Isaganing siyà’y iniaabóy na.
--Kung gayón,--ang sabing sabáy tindíg--kamí ay......
--¡Ah!.... mabuti pang bayàan na ninyó sa kamáy ng̃ pamahalàan ang
bagay na iyan; siyá na ang bahalàng magpapasiyá diyan ng̃ alinsunod
sa kaniyáng máibigan.... Sinasabi ninyóng ang Vice-Rector ay laban sa
pagtuturò ng̃ wikàng kastilà, marahil ng̃â’y gayón, ng̃unì’t hindî sa
panukalà kundî sa paraan ng̃ panukalàng iyan. Sinasabing ang Rector
na páparito ay may daláng panukalàng pagbabago ng̃ pagtuturò....
magantáy kayó ng̃ kauntî, bigyán ninyó ng̃ panahón ang panahón,
mang̃agaral kayó, sapagkâ’t nálalapít na ang _examen_ at ¡putris
yatà! kayóng mabuti nang magwikàng kastilà at maluwag na magsalitâ
¿anó’t nakikihimasok pá sa guló? anó pa ang hang̃ád ninyóng bukód
na iturò? ¡Matitiyak na si P. Florentino ay káisa ko sa pasiyá!
Ipakikumustá ninyó......
--Kailán pa man ay kabilinbilinan sa akin ng̃ aking amaín--ang sagót
ni Isagani--na alalahanin ko ang ibá gaya ng̃ pag-aalaala ko sa
sarili.... hindì akó naparito ng̃ dahil sa akin, naparito akó sa
ng̃alan ng̃ mg̃a nasa sa kalagayang lalò pang abâ.....
--¡A, putris! gawín nilá ang ginawâ ninyó, sunugin nilá ang kaniláng
kilay sa pag-aaral at magíng upawin siláng gaya ko sa pagsasaulo ng̃
boô boông salaysáy.... At inaakalà kong kung kayâ kayó nakapagsásalitâ
ng̃ wikàng kastilà ay sapagkâ’t pinag-aralan ninyó; ¡kayó’y hindî
tagá Maynilà ni anák ng̃ kastilà! Pag-aralan nilá ang pinag-aralan
ninyó at gawín nilá ang ginawâ ko.... Akó’y nagíng alilà ng̃ lahát
ng̃ prayle, ipinaglutò ko silá ng̃ _chocolate_, at samantalang ang
kanan ko’y ipinanghahalò sa _batidor_ ay pigil ko sa kaliwâ ang
gramátika, nag-aaral akó at, salamat na lamang sa Dios, hindî akó
nagkailang̃an ng̃ ibá pang mg̃a gurô, ni ibá pang akademia, ni mg̃a
pahintulot ng̃ pamahalàan.... Paniwalàan ninyó akó; ¡ang ibig na
mag-aral ay nakapag-aaral at natututo!
--¿Ng̃unì’t ilán na sa mg̃a ibig na matuto ang makaaabot sa inabot
ninyó? Isá sa isáng libo, at yaón pa man!
--¡Psch! ¿at anó pa ang kailang̃an ng̃ higít pa roon?--ang sagót ng̃
matandâ na ikinibít ang balikat--Ang mg̃a abogado’y labis na, ang
marami’y pumapasok na lamang na tagá sulat. ¿Mg̃a médiko? silá silá’y
nagmumurahán, nag-uupasalàan at nagkakamatayan dahil sa pag-aagawán
sa isáng gágamutín.... ¡Bisig, ginoo, ang kailang̃an natin ay bisig
na ukol sa pagtataním!
Nákilala ni Isagani na nag-aaksayá siyá ng̃ panahón, ng̃unì’t tumugón:
--Tunay ng̃â--ang sagót--maraming abogado at médiko, ng̃unì’t hindî
ko masasabing lumalabis, sapagkâ’t mayroon tayong mg̃a bayang walâ
ng̃ isá man sa kanilá; ng̃unì’t kung marami man sa bilang, marahil ay
kulang sa mabuti. At yayamang hindî mapipigil na mag-aral ang kabatàan
at dito’y walâ na namáng ibáng _carrera_ ¿bakit babayàang masayang
ang kaniláng panahon at pagsisikap? Kung ang kasiràan ng̃ pagtuturò
ay hindî makahadláng na ang marami’y magíng abogado ó médiko, kung
tayo’y magkakaroon din lamang ¿bákit hindî pá mabubuti? at gayón man,
kahì’t na ang nasà’y gawíng lupaín ng̃ mg̃a mánananim ang lupaíng
itó, isáng lupaín ng̃ mg̃a manggagawà sa lupà, at patayín sa kaniyá
ang lahát ng̃ gawàing isip, ay hindî ko maunawà ang kasamâan ng̃
patalinuhin ang mg̃a mánananim at mg̃a manggagawàng lupàng iyán,
bigyán man lamang silá ng̃ isáng pinag-aralang magpahintulot sa
kanilá, pagkatapos, na máwastô at magwastô ng̃ kaniláng mg̃a gawàin,
na ilagáy bagá silá sa kalagayang máwatasan ang maraming bagay na
hindî batíd sa ng̃ayón.
--¡Bah, bah, bah!--ang bulalás ng̃ abogado na ikinumpay ng̃
palikawlikaw sa hang̃in ang kamáy na warìng ibig bugawin ang mg̃a
paghahakàng nábanggít--upang maging mabuting mang-aani ay hindî
kailang̃an ang maraming _retórica_. ¡Pang̃arap, malîng akalà, buko
ng̃ pag-iisip! ¡Siya! ¿ibig bagá ninyóng sumunód sa isáng hatol?
At tumindíg, masuyòng ipinatong ang kamáy sa balikat ng̃ binatà, at
nagpatuloy:
--Bíbigyan ko kayó ng̃ isáng lubhâng mabuti, sapagkâ’t nakikita kong
kayó’y matalino at ang hatol ay hindî mápapagayón lamang. ¿Magaaral
kayó ng̃ panggagamót? Kung gayón ay magkasiyá kayó sa pag-aaral
ng̃ kung papaano ang paglalagáy ng̃ tapal at pagpapasigíd ng̃
lintâ at huwag ninyóng panghimasukan ang pagpapabuti ó pagpapasamâ
ng̃ kalagayan ng̃ inyóng kapuwâ. Pag kayó’y _licenciado_ na, ay
mag-asawa kayó sa isáng dalagang mayaman at mapanata, pagpilitan
ninyó ang makapanggamót at makasing̃il na mabuti, layûán ninyó ang
lahát ng̃ bagay na may pakialám sa kalagayan ng̃ bayan, magsisimbá
kayó, magkumpisál at makinabang pag ang ibá’y gumágawâ ng̃ gayón,
at makikita ninyóng pagkatapos ay pasasalamat kayó sa akin at ang
gayó’y makikita ko kung akó’y buháy pa. Palagì ninyóng aalalahanin
na ang lalòng wastông pagling̃ap ay ang ling̃apin muna ang sarili;
walâng dapat hanapin ang tao sa mundó kundî ang lalòng malakíng
kaligayahan ng̃ kaniyáng sarili, gaya ng̃ sabi ni Bentham; pag
kayó’y nanghimasok sa mg̃a kaululán, ay hindî kayó magkakaroón ng̃
_carrera_, ni hindî kayó magkakaasawa, ni hindî kayó magiging anomán.
Pag-iiwananan kayó ng̃ lahát at ang una unang magtátawá sa inyóng
kalinisang ugalì ay ang inyó ring mg̃a kababayan. ¡Maniwalà kayó sa
akin, akó’y maaalaala din ninyó at sasabihin ninyóng may katwiran
akó pag kayó’y nagkaroon na ng̃ ubang kagaya ko, mg̃a ubang kagaya
nitó!
At hinipò ang iilan niyáng buhók na putî ng̃ matandang abogado na
ng̃umitî ng̃ malungkót at inilíng-ilíng ang ulo.
--Pag nagkaroon na akó ng̃ mg̃a ganiyáng uban, ginoo,--ang sagót na
malungkót dín ni Isagani--at pag iniling̃ón ko ang aking paning̃ín sa
nakaraan at mákita kong walâ akóng ginawâ kundî ang ukol sa sarili,
na hindî ginawâ ang mangyayaring gawín at dapat kong gawíng ukol sa
bayang nagbigáy sa akin ng̃ lahát ng̃ bagay, ukol sa mg̃a namamayang
tumutulong sa aking kabuhayan, ang bawà’t uban ay magiging isáng
tiník sa akin, at hindî ko silá ikadadang̃al kundî bagkus ikahihiyâ!
At masabi itó ay yumukô at umalís.
Nápatigil ang abogado sa kaniyáng kinalalagyán, na ang matá’y
susulingsuling. Náding̃íg ang mg̃a yabág na lumalayông untîuntî at
mulîng umupô na bumúbulóng:
--¡Kaawàawàng binatà! Ang mg̃a ganiyán ding hakà ay sumagì isáng araw
sa aking pag-iisip! ¿Maanong ang lahát ay makapagsabing: ginawâ ko itó
ng̃ dahil sa aking bayan, iniuukol ko ang aking buhay sa ikabubuti
ng̃ lahát....? ¡Putong na laurel, na pigtâ ng̃ katás ng̃ kamansá,
mg̃a dahong tuyô na nagkakanlóng ng̃ mg̃a tiník at mg̃a uód! ¡Hindî
iyan ang kabuhayan, iyan ay hindî nagbibigáy ng̃ kakanin, ni hindî
nagdudulot ng̃ karang̃alan; ang mg̃a laurel ay bahagyâ nang mágamit
sa isáng sawsawan.... ni hindî nagbibigáy ng̃ katiwasayán.... ni
hindî nagpapanalo ng̃ mg̃a usap, kundî tiwalî pa ng̃â! Ang bawà’t
bayan ay may kaniyáng hilig, gaya rin ng̃ kaniyáng sing̃áw ng̃ lupà
at kaniyáng mg̃a sakít, na ibá sa sing̃áw ng̃ lupà at mg̃a sakít
ng̃ ibáng bayan!
At idinugtóng pagkatapos:
--¡Kaawàawàng binatà!.... Kung ang lahát sana’y nag-iisip at gumágawâ
ng̃ gaya niyá, ay hindî ko sinasabing hindî.... ¡Kaawàawàng binatà!
¡Kaawàawàng Florentino!
ANG MG̃A KAPIGHATIAN NG̃ ISANG INSÍK
Nang kinagabihán ng̃ Sábado ring yaón, ang insík na si Quiroga na
nagnanasàng makapagtatag ng̃ isáng _consulado_ ng̃ kaniyáng bansâ,
ay naghandâ ng̃ isáng hapunan sa itaás ng̃ kaniyáng tindahan na nasa
daang Escolta. Maraming dumaló sa kaniyáng pistá: mg̃a prayle, mg̃a
kawaní, mg̃a militar, mg̃a mang̃ang̃alakal, lahát ng̃ kaniyáng mg̃a
sukì, mg̃a kasamá ó mg̃a ninong, ay pawàng nang̃aroroon; ang kaniyáng
tindahan ay siyáng kinukunan ng̃ lahát ng̃ kailang̃an ng̃ mg̃a kura
at ng̃ mg̃a kombento, tumatanggáp ng̃ _vale_ ng̃ lahát ng̃ kawaní,
mayroon siyáng matatapát na alagád na masunurin at masisipag. Ang
mg̃a prayle ay hindî nang̃ang̃aníng̃aníng dumaan ng̃ mg̃a buô buông
oras sa kaniyáng tindahan, magíng sa pook na tanáw ng̃ madlâ, magíng
sa mg̃a silíd na nasa loob, na, may mg̃a kaayaayang kapulong....
Nang gabí ng̃âng iyon, ang kabahayán ay may katang̃ìtang̃ìng anyô.
Namumunô sa mg̃a prayle at mg̃a kawaní na nang̃akaluklók sa mg̃a
uupáng Viena at mg̃a mumuntîng bangkông maitím ang kahoy at ang uupán
ay marmol na galing sa Cantón, sa haráp ng̃ mg̃a mumuntîng dulang
na parisukat, at nang̃aglalarô ng̃ tresillo ó nang̃ag-uusap usap,
sa tulong ng̃ maníngníng na liwanag ng̃ mg̃a ginintûáng lámpara ó
ng̃ kukutakutatap na ilaw ng̃ mg̃a parol insík na may matitingkád na
palamutìng borlas na sutlâ. Sa mg̃a dingdíng ay magulóng nagkakahalò
ang mg̃a pánooríng payapà at bugháwin na gawâng Cantón at Hongkong,
na kasama ng̃ mg̃a _cromo_ ng̃ mg̃a babaing naglilingkód sa mg̃a
sultán, mg̃a babaing halos hubád, mg̃a larawan ng̃ Cristo na mukhâng
babai, ng̃ kamatayan ng̃ banal at ng̃ makasalanan, na pawàng yarì
sa mg̃a pagawàang hudio sa Alemania upang ipagbilí sa mg̃a bayang
katóliko. Naroroón din ang mg̃a larawang insík na nasa puláng
papel na may isáng lalaking nakaupô na ang anyô’y kagalanggalang,
mapayapà at nakang̃itî, sa likuran nitó’y may nakatayông aliping
napakapang̃it, na ang pigil ay isáng sibát na ang talím ay malapad
at matalas: tinatawag na Mahoma ng̃ mg̃a taga roon at tinatawag na
Santiago ng̃ ilán, hindî namin maalaman kung bakit; ang mg̃a insík
namán ay hindî nagpapaliwanag tungkol sa pagkakakilalang iyon sa
dalawáng pang̃alan. Mang̃a putók ng̃ botella ng̃ Champagne, bunggûan
ng̃ mg̃a kopa, tawanan, usok ng̃ tabako at isáng tang̃ìng amóy ng̃
bahay insík, na may halòng pebete, apian at mg̃a imbák na bung̃ang
kahoy ang nagiging kabuôan ng̃ lahát ng̃ iyon.
Suot warì’y mandarín, na bugháw ang _borlas_ ng̃ kopià, ay
nagpapalakadlakad sa mg̃a silíd, si insík Quiroga, na tuwíd at
unát na unát, na pasulyápsulyáp na warìng sinisiyasat kung walâng
nangduduwit ng̃ anó mán. Datapwâ’y kahì’t na tagláy ang gayóng dî
pagtitiwalàng likás sa kaniyá ay nakikipagkamayan, binabatì ang ilán
sa tulong ng̃ mg̃a masuyò at pakumbabâng ng̃itî, at ang ilán ay
batìng mapag-ampón, at ang ibá’y batìng palibák na warìng ang ibig
sabihin ay:
--¡Alám ko na! hindî kayó naparito ng̃ dahil sa akin kundî dahil
sa aking hapunan.
May katwiran si insík Quiroga. Yaong matabâng ginoo na pumupuri sa
kaniyá at nagsasabi ng̃ pang̃ang̃ailang̃an ng̃ isáng _konsulado_
ng̃ insík dito sa Maynilà, na ang ibig mandíng sabihin ay walâng
makagaganáp sa katungkulang iyón liban na kay Quiroga, ay si
G. Gonzalez na pumipirmang _Pitilí_ kung tinutuligsâ sa mg̃a tudlíng
ng̃ pahayagan ang pagparito ng̃ insík. Yaóng isá na may kagulang̃an na
at sinisiyasat na malapit na malapit ang mg̃a bagay bagay, ang mg̃a
lámpara, at mg̃a _cuadro_, at ibp., at ng̃umíng̃iwî at bumubulalás
ng̃ padustâ, ay si G. Timoteo Pelaez, amá ni Juanito, máng̃ang̃alakál
na nang̃ang̃alandakan ng̃ laban sa pakikiagáw ng̃ mg̃a insík na
naghahapay sa kaniyáng kalakal. At ang isá, ang nasa dako pa roon,
iyóng kayumanggíng ginoo, payát, na ang paning̃ín ay magasláw at
banayad ang ng̃itî, ay yaón ang bantóg na may kagagawán ng̃ ukol sa
mg̃a pisong mehikano na nagbigáy ng̃ dî kakauntîng samâ ng̃ loob sa
isáng kinakalong ni Quiroga; ang kawaníng iyon ay kilalá sa Maynilà
dahil sa katalasan! Ang nasa malayòlayô pa, yaóng kung tuming̃ín ay
pairáp at hindî husáy ang bigote ay siyang kawaníng kiníkilalang
lalòng karapatdapat sapagkâ’t nagkaroón ng̃ katapang̃ang magsalitâ
ng̃ laban sa pang̃ang̃alakal ng̃ mg̃a billete sa lotería na ginágawâ
ni Quiroga at ng̃ isáng babaing bantóg sa mg̃a lipunán sa Maynila.
Sadyâ ng̃âng kung hindî man ang kalahatì ay ang dalawá ng̃ katlông
bahagi ng̃ mg̃a billete ay dinádalá sa kainsikán at ang nálalabíng
kauntî sa Maynilà ay ipinagbíbilíng may patong na sikolo. Lubós ang
pananalig ng̃ tinurang ginoo na sa balang araw ay mápapasa-kaniyá ang
pinakamalakíng tamà, kayâ’t muhîng muhî sa mg̃a gayóng kagagawán.
Samantala namá’y nagtatapós ang hapunan. Mulâ sa kakainán ay
umaabot sa kabahayán ang mg̃a bahagi ng̃ talumpatì, tawanan,
mg̃a pagsalangsáng, halakhakan.... Ang pang̃alan ni Quiroga ay
paulit-ulit na nádiding̃íg, na kahalò ng̃ mg̃a salitâng _consul_,
pagpapantáypantáy, mg̃a karapatán....