Nag-umugong ang masisigabong pagakpakan; naniniwalà na ang lahát sa
pananalo at ang marami sa _condecoración_.
--¡Dapat mákilala, mg̃a ginoo,--ang sabi ni Juanito Pelaez--na ako’y
isá sa mg̃a unang nagmunakalà!
Ang dî mapaniwalaíng si Pecson ay hindî nagagalák.
--¡Pag hindî nagkaroon tayo ng̃ _condecoración_ sa bintî!--ang sabi.
Salamat na lamang at hindî náding̃íg ni Pelaez ang banggít na iyon,
dahil sa lakás ng̃ pagakpakan. Nang mahintóhintô ng̃ kauntî, ay
sinabi ni Pecson, na:
--Mabuti, mabuti, mabuting mabuti, ng̃unì’t isáng palagáy.... ¿kung
sa lahát ng̃ iyán, ang General ay sumanggunì rin, sumanggunì at
sumanggunì, at pagkatapos ay ipagkaít sa atin ang kapahintulutan?
Ang palagáy ay bumagsák na warì’y tubig na malamíg.
Ang lahát ay nápating̃ín kay Sandoval; itó’y natubigan.
--Kung gayón....--ang sabing paurongsulong.
--¿Kung gayón?
--Kung gayón--ang bulalás ni Sandoval na sumúsulák pa ang dugô dahil
sa mg̃a pagakpakan at sa isáng udyók ng̃ sigabó--sa dahiláng sa mg̃a
kasulatan at sa mg̃a limbág ay ipinahahayag na iniibig niyá ang
inyóng ikatututo ng̃unì’t pinipigil at ipinagkakaít ang gayón pag
sumapit na ang pagsasagawâ, kung gayón, mg̃a ginoo, ang inyóng mg̃a
pagsusumikap ay hindî nasayang, nátuklás ninyó ang hindî natuklás
ng̃ sino man, na maalís ang balatkayô at kayó’y hamunin!
--¡Mabuti, mabuti!--ang masigabóng sigawan ng̃ ilán.
--¡Purihin si Sandoval! ¡Mabuti ang ukol sa paghamon!--ang dagdág
ng̃ ibá.
--¡Hamunin tayo!--ang sagót ni Pecson na hindí binibigyáng kabuluhán
ang gayón--¿at pagkatapos?
Sa gitnâ ng̃ kaniyáng pananagumpáy ay nápatigil si Sandoval, ng̃unì’t
sa katalasang tagláy ng̃ kaniyáng lipì at dahil sa kaniyáng dugông
mánanalumpatî ay agád nakabalikwás.
--¿Pagkatapos?--ang tanóng--pagkatapos, kung walâng pilipinong
makapang̃ahás tumugón sa hamon, ay akó, si Sandoval, sa ng̃alan ng̃
España ay sasaluhín ko ang _guantes_, sapagkâ’t ang gayóng paraan
ay isáng pagpapabulàan sa mabuting hang̃ád na kailan ma’y tinagláy
ng̃ España sa kaniyáng mg̃a lalawigan, at sa dahiláng sa gayóng
asal ay sinasalaulà ang katungkulang ipinagkatiwalà sa kaniyá at
nagpapakalabis sa kaniyáng walâng sagkâng kapangyarihan, hindî siyá
karapatdapat sa pag-aampón ng̃ inang bayan ni sa pagkupkóp ng̃ sino
mang mámamayáng kastilà.
Ang kagalakán ng̃ mg̃a nakiking̃íg ay halos nagíng kahibang̃án.
Niyakap ni Isagani si Sandoval, bagay na ginayahan ng̃ ibá;
nabanggít-banggít doon ang ináng bayan, ang pagkakáisa, ang
pagkakapatiran, ang pagkamatapát; anáng mg̃a pilipino’y kung walâ
kundî pawàng Sandoval sa España, ang lahát ng̃ tao sa Pilipinas ay
magiging Sandoval na lahát; nagníningníng ang mg̃a matá ni Sandoval
at mapapaniwalàang kung sa mg̃a sandalîng iyón ay hinagisan siyá ng̃
sino man ng̃ isáng _guantes_ na tandâ ng̃ paghamon, ay sumakáy sana
sa kahì’t aling kabayo upang magpakamatáy ng̃ dahil sa Pilipinas.
Ang tubig na malamíg lamang ang nagwikàng:
--Mabuti, mabuting mabuti, Sandoval; akó man ay makapagwiwikà ng̃
ganiyán kung ako’y taga España; ng̃unì’t sa dahiláng hindî gayón,
kung akó ang nagsabi ng̃ kalahatì man lamang ng̃ sinabi ninyó, kayó
mán ay magpapalagay na ako’y pilibustero.
Nagsimulâ na si Sandoval ng̃ isáng talumpatìng táganás na pagtutol,
nang mapigil.
--¡Matuwâ na tayo, mg̃a kaibigan! ¡Tagumpáy!--ang sigáw ng̃ isáng
binatàng pumasok at niyakap ang lahát.
--¡Matuwâ na tayo, mg̃a kaibigan! ¡Mabuhay ang wikàng kastilà!
Isáng maugong na pagakpakan ang sumalubong sa balità; ang lahát ay
nagyayakapán, ang lahát ay maningníng ang matá dahil sa luhà. Si
Pecson ang tang̃ìng nagtatagláy ng̃ kaniyáng ng̃itîng mapagmakatang̃ì.
Ang dumatíng na may dalá ng̃ mabuting balità ay si Makaraig, ang
binatàng nang̃ung̃ulo sa kilusán.
Ang tinitirahán ng̃ nag-aaral na itó sa bahay na iyon ay dalawáng
silíd na napapalamutihang mabuti para sa kaniyang mag-isá lamang,
mayroon siyang alilà at kotsero na nag-aarugâ sa kaniyáng sasakyáng
_araña_ at sa kanyáng mg̃a kabayo. Ang tindíg niya’y makiyas, ugalìng
banayad, magarà’t mayamang mayaman. Kahì’t nag-aaral ng̃ pag-aabogado
upang magkaroon lamang ng̃ isáng _título académico_, ay may kabantugan
siyá sa pagkamasipag mag-aral, at kung sa pagsasalitâ ng̃ alinsunod
sa turòng páaralán ay hindî na máhuhulí sa ibáng mapaghamón sa
pagtatalo sa loob ng̃ Unibersidad. Hindî rin namán náhuhulí sa mg̃a
akalà’t bagong mg̃a pagkasulong; sa tulong ng̃ kaniyáng salapî’y
nagkákaroón siya ng̃ mg̃a aklát at pamahayagan na hindî mapigil ng̃
_previa censura_. Dahil sa mg̃a tagláy na itó, sa kaniyáng kabantugan
sa katapang̃an, sa kaniyáng mapalad na pakikitunggalî noóng kaniyáng
kabatàan, at sa kaniyáng magandâ’t mabuting ugalì, ay hindî dapat
pagtakhán na panuntán siya ng̃ kaniyáng mg̃a kasama at siyang máhalál
upang máisagawâ ang gayóng kahirap na balak na pagtuturò ng̃ wikàng
kastilà.
Makaraán ang mg̃a unang silakbó ng̃ kagalakán, na sa kabatàan ay
nagkákaroón kailán man ng̃ kasagwâan dahil sa ang kaniyáng malas sa
lahát ng̃ bagay ay magandá, ay siniyasat kung papaano ang nangyari.
--Kang̃inang umaga’y nakipagkita akó kay P. Irene--ang sabi ni
Makaraig na warì’y palihím.
--¡Mabuhay si P. Irene!--ang sigáw ng̃ isáng nagagalák na nag-aaral.
--Inihayág sa akin ni P. Irene--ang patuloy ni Makaraig--ang lahát
ng̃ nangyari sa Los Baños. Tila isáng linggó siláng nagtatalo,
ipinaglaban at ipinagtanggól niyá ang ating usap ng̃ laban sa lahát,
laban sa kay P. Sibyla, sa kay P. Fernandez, sa kay P. Salvi, sa
General, sa Segundo Cabo, sa mag-aalahás na si Simoun......
--¡Ang mag-aalahás na si Simoun!--ang putol ng̃ isá--¿ng̃unì’t anó
ang ipinanghihimasok ng̃ hudyóng iyán sa mg̃a bagay bagay ng̃ ating
bayan? At pinayayaman natin iyán sa pagbilí......
--¡Tumigil ka ng̃â!--ang sabi ng̃ isá, na naíiníp sapagkâ’t
ibig mabatíd kaagád kung papaano at tinalo ni P. Irene ang mg̃a
nakasísindák na kalabang iyón.
--Mayroón pa mandíng matataás na kawaníng laban sa ating panukalà,
ang Namamahalà sa Pang̃asiwàan, ang Gobernador Civil, ang insík na
si Quiroga......
--¡Ang insík na si Quiroga! Ang bugaw ng̃ mg̃a....
--¡Tumigil ka na, tao ka!
--Sa kahulihulihan--ang patuloy ni Makaraig--ay itatago na sana ang
kahiling̃an at babayàang mákatulog doon ng̃ iláng buwan, ng̃ maalala
ni P. Irene ang Kataastaasang Lupon ng̃ Paaralan at ipinalagáy
niyáng ang kasulatan ay mahulog sa Lupong yaon upang magbigáy ng̃
munkahìng nárarapat yamang ang ukol sa pagtuturò ng̃ wikàng kastilà
ang pinag-uusapan......
--Ng̃unì’t ang Lupong iyan ay malaon ng̃ hindî kumikilos--ang tukoy
ni Pecson.
--Iyan din ng̃â ang isinagót kay P. Irene--ang patuloy ni Makaraig--at
sinagót niyáng mabuti ng̃âng pagkakataón upang mulîng mabuhay,
at sinamantalá ang pagkakáparoon ni Don Custodio, na isá sa mg̃a
kasanggunì, at nagpalagáy noon din ng̃ isáng lupon, at sa dahiláng
kilalá ang kasipagan ni D. Custodio ay siyáng tinakdâáng magpalagáy
ng̃ ipapasiyá, kayâ’t ng̃ayó’y nasa kamáy niyá ang kasulatan.
Ipinang̃akò ni D. Custodio na lulutasín niyá sa loob ng̃ buwang itó.
--¡Mabuhay si D. Custodio!
--¿At kung ang ipasiyá ni D. Custodio ay laban?--ang tanóng ng̃ dî
mapag-asáng si Pecson.
Iyan ang hindî nilá naáalaala, dahil sa kahibang̃án sa akalàng mabuti
ang lakad ng̃ usap. Lahát ay nápating̃ín kay Makaraig upang mabatíd
kung anó ang sasabihin.
--Ang bagay ding iyan ang sinabi ko kay P. Irene, ng̃unì’t sinabi sa
akin, na kasabáy ang kaniyáng palabirông tawa, na: Malakí na ang ating
tinamó, nagawâ nating ang usap ay makaratíng sa isáng kapasiyahán,
mapipilitan ang kalaban na tanggapín ang pakikihamok.... Kung
mangyayaring mapakiling natin si D. Custodio, upang sa pag-alinsunod
sa kaniyáng malayàng hilig, ay magpasiyà ng̃ sang-ayon, ay nanalo
na tayo; ang General ay nagpapakilalang walâng kikiling̃an.
Si Makaraig ay humintô.
--¿At papaano ang pagpapakiling?--ang tanóng ng̃ isáng iníp.
--May sinabi sa aking dalawáng paraan si P. Irene....
--Ang insík na si Quiroga!--ang sabi ng̃ isá.
--¡Ba! Hindî pinupuná si Quiroga......
--¡Isáng mabuting handóg!
--Lalò pa, ipinagmamalakí ang katigasán niyá sa mg̃a handóg.
--¡Ay, nálalaman ko na!--ang bulalás na tumatawa ni Pecson--ang
mánanayaw na si Pepay.
--¡A, oo ng̃â! ¡ang mánanayaw na si Pepay!--ang sabi ng̃ ilán.
Ang Pepay na itó’y isáng makiyas na dalaga na kilaláng matalik na
kaibigan ni D. Custodio: sa kaniyá lumalapit ang mg̃a tumatanggap
ng̃ mg̃a pagawâ, ang mg̃a kawaní at ang mg̃a mapaglaláng kung may
nasàng tamuhín sa bantóg na Konsehal. Si Juanito Pelaez na kaibigan
din ng̃ mánanayaw ay humáhandóg na siyáng lalakad ng̃ usap; ng̃unì’t
si Isagani’y umilíng at nagsabing sukat na ang pagkakagamit kay
P. Irene at magiging kasagwâán ang lapitan si Pepay sa ganitóng
bagay.
--¡Tingnán ang isá pang paraan!
--Ang isá ay lumapit sa abogadong pinagsanggunìan, si G. Pasta,
tánung̃ang pinang̃ang̃ayupapàan ni D. Custodio.
--Ibig ko pa iyán,--ang sabi ni Isagani--si G. Pasta ay pilipino,
at nagíng kasama sa pag-aaral ng̃ aking amaín. Ng̃unì’t ¿papaano
ang gágawin upang mapakiling?
--Nariyán ang _kid_--ang sagót ni Makaraig na tinitigan si
Isagani--si ginoong Pasta ay may isáng mánanayaw, itóng.... may
isáng mangbuburdá......
Inailíng na mulî ni Isagani ang kaniyáng ulo.
--Huwág kayóng nápakamaselang--ang sabi sa kaniyá ni Juanito
Pelaez--ang mg̃a layon ay siyáng naglíligtás sa mg̃a kaparaanan!
Kilalá ko ang mangbuburdá, si Matea, na may isáng pagawàang
pinápasukan ng̃ maraming dalaga.....
--Huwág, mg̃a ginoo,--ang putol ni Isagani--unahin muna natin ang
mg̃a paraang hindî mahalay.... Paparoón akó sa bahay ni G. Pasta at
kung walâ akóng mápalâ, ay saká na ninyó gawín, ang ibig gawín sa
mg̃a mánanayaw at mg̃a mangbuburdá.
Napahinuhod silá sa palagáy at nagkásundông si Isagani ay makipag-usap
kay G. Pasta sa araw ding yaón at sa kinahapunan ay ipababatíd sa
Unibersidad, sa kaniyáng mg̃a kasama, ang nangyari sa pakikipagkita.
XV
SI G. PASTA
Si Isagani ay naparoón sa bahay ng̃ abogado, isá sa mg̃a may tang̃ìng
katalinuhan sa Maynilà na pinagtátanung̃an ng̃ mg̃a prayle sa kaniláng
malalakíng kagipitan. Nag-antáy ng̃ kauntî ang binatà, sapagkâ’t
maraming ipinagtátanggol ang nároroon, ng̃unì’t dumatíng din ang
taning na ukol sa kaniyá at pumasok sa gawàan ó _bufete_ gaya ng̃
karaniwang tawag sa Pilipinas.
Tinanggáp siyá ng̃ mánananggol-usap sa pamagitan ng̃ isáng mahinàng
ubó at tinítingnang palihím ang kaniyáng mg̃a paá; hindî tumindíg ni
hindî man lamang siyá pinaupô at nagpatuloy sa pagsusulat. Nagkaroón
si Isagani ng̃ panahón upang matyagán siyá at kilalanin. Malakí ang
itinandâ ng̃ abogado, ubanin na at ang kaniyáng upaw ay halos laganap
sa boong tuktók. Ang kaniyáng mukhâ’y pasumang̃ót at matigás.
Sa gawàan, ang lahát ay tahimik; walâng nadiding̃ig kungdî ang
anasan ng̃ mg̃a tagasulat ó nang̃agsasanay na gumágawâ sa kanugnóg
na silíd: ang kaniláng mg̃a panitik ay gumágaralgal na warì’y
nakikipagtunggalî sa papel.
Natapos din ang mánananggól sa sinusulat, binitiwan ang panitik,
itinaás ang ulo, at ng̃ mákilala ang binatà, ay nagliwanag ang mukhâ,
at malugód siyáng kinamayán.
--¡Abá, binatà!.... ng̃unì’t umupô kayó, patawarin ninyó.... hindî
ko nápunang kayó palá. ¿At ang inyóng amaín?
Lumakás ang loob ni Isagani at inakalàng mapapabuti ang kaniyáng
lakad. Isinalaysáy niyáng lahát ang nangyari, na pinag-aaralang
mabuti ang nápapalâ ng̃ kaniyáng sinasabi. Pinakinggáng walâng
katigatigatig ni G. Pasta ang simulâ, at kahì’t batíd niyá ang lakad
ng̃ mg̃a nag-aaral, ay nagmamaangmaang̃an upang ipakilala na walâ
siyáng pakialám sa mg̃a kamusmusáng iyón, ng̃unì’t ng̃ maramdamán
ang pakay sa kaniyá at náding̃íg na natutukoy sa Vice-Rector,
mg̃a prayle, Capitáng General, panukalà at ibp., ang mukhâ niyá’y
untîuntîng nagdilím at nagtapós sa pagbulalás ng̃:
--¡Itó ang lupaín ng̃ mg̃a panukalà! Ng̃unì’t itulóy, itulóy ninyó.
Hindî nanglupaypay si Isagani: sinabi ang kapasiyaháng ibíbigay
at nagtapós sa pagpapahayag ng̃ pagkakatiwalà ng̃ kabinatàan na
siyá, si G. Pasta, ay mamámagitnâ ng̃ sang-ayon sa kanilá sakalìng
si D. Custodio ay sumanggunì sa kaniyá, gaya ng̃ maáasahan. Hindî
nang̃ahás si Isaganing sabihin na _pagpayuhan_ dahil sa ng̃ibít na
ipinamalas ng̃ mánananggol.
Ng̃unì’t may takdâ ng̃ gagawín si G. Pasta, na dilì ibá’t ang huwag
manghimasok sa bagay na iyón, ni sumanggunì, ni pagsanggunìan. Alám
niyá ang nangyari sa Los Baños, batíd niyáng may dalawáng pangkát
at hindî si P. Irene ang tang̃ìng bayani na nasa dako ng̃ mg̃a
nag-aaral, ni hindî siyá ang nagpalagáy ng̃ pagdaraán ng̃ kasulatan
sa Lupong ng̃ Paaralan, kundî lubós na kaibá. Si P. Irene, si
P. Fernandez, ang _condesa_, isáng mang̃ang̃alakál na nakakikiníkinitá
nang makapagbibilí ng̃ kagamitáng ukol sa bagong Akademia at ang
mataás na kawaníng nagtukóy ng̃ iba’t ibáng kapasiyaháng-harì ay
mang̃agtatagumpáy na sana, ng̃ ipinaalaala ni P. Sibyla, upang
magkapanahón, ang Kataastasang Lupon. Ang lahát ng̃ bagay na itó’y
nátatalâ sa alaala ng̃ abogado; kayâ’t ng̃ matapos makapagsalitâ si
Isagani, ay tinangkâng lituhín itó sa pariway na mg̃a pang̃ung̃usap,
guluhín at ilipat ang usapan sa ibáng bagay.
--¡Oo!--ang sabi na inilawít ang labì at kinamot ang upaw--walâng
mang̃ung̃una sa akin sa pag-ibig sa tinubùan at paghahang̃ád ng̃
pagkakasulong, datapwâ’y.... hindî akó makasugbá.... hindî ko masabi
kung batíd ninyó ang aking kalagayan, isáng kalagayang lubhâng
maselang.... marami akóng pag-aarì.... kailang̃an akong kumilos sa
loob ng̃ isáng masusìng pagkatarós.... isáng pagsugbá....
Ibig lituhín ng̃ abogado ang binatà sa pamag-itan ng̃ maraming salitâ
at nagsimulâ ng̃ pagtukoy sa mg̃a batás, sa mg̃a kapasiyahán, at
napakarami ang nasabi, na hindî ang batà ang naguló kundî siyá sa
sarili ang halos naguló sa isáng pasikot sikot na kábabanggít.
--Hindî pô mangyayaring háhang̃arín naming ilagáy kayó sa
kagipitan--ang mabanayad na sagót ni Isagani--¡Iligtás kamí ng̃
Lumikhâ sa pagbibigáy gambalà sa mg̃a taong ang kaniláng buhay ay
lubhâng kailang̃an ng̃ ibáng pilipino! Datapwâ’y kahì’t napakauntî
ang nababatíd ko tungkól sa mg̃a batás, mg̃a kautusáng harì, mg̃a
lathalà at mg̃a kapasiyahang umiiral sa ating bayan, ay hindî ko
inaakalàng magkaroón ng̃ kasamaán ang makitulong sa mg̃a adhikaín ng̃
pamahalàan, ang punyagìin ang siya’y maalinsunod na mabuti; iisáng
layon ang aming inuusig at sa kaparaanan lamang kamí nagkakaibá.
Ang manananggól ay nápang̃itî: ang binatà’y napadadalá sa ibáng
landás at doon niyá lilituhín, litó na ng̃â.
--Diyán ng̃â naririyan ang _kid_, sa karaniwang sabi; hindì ng̃a
ba kapuripuri ang tumulong sa pamahalàan pag ang pagtulong ay sa
pamag-itan ng̃ pang̃ang̃ayupapà, alinsunurin ang kaniyáng mg̃a
kapasiyahan, ang tuwíd na katuturán ng̃ mg̃a batás na katugón ng̃
tuwid na paghahakà ng̃ mg̃a namamahalà at hindî málalaban sa unang
una at karaniwang paraan sa pagkukurò ng̃ mg̃a ginoong may hawak ng̃
ikaaanyô ng̃ mg̃a taong bumubuô ng̃ isáng kapisanan. At dahil dito
ay masamâ, karapatdapat parusahan, sapagkâ’t nakahahalay sa batayán
ng̃ kapangyarihan, ang gumawâ ng̃ isáng bagay na laban sa kaniyáng
mg̃a munakalà kahì’t na inaakalàng mabuti kay sa nanggagaling sa
pamahalàan, sapagkâ’t ang gayóng kagagawán ay makasusugat sa kaniyáng
katibayan na siyáng batayán ng̃ alín mang pamamahalà sa mg̃a bayang
sákop.
Ang matandâng abogado, sa pananalig na ang mg̃a tinurang iyon ay
nakalitó kay Isagani, ay nagpakabuti sa kaniyáng silyon ng̃ walâng
kaimík-imík, kahì’t na sa loob niyang sarili ay nagtatawá.
Gayón man, ay tumugón si Isagani.
--Inakalà ko, na ang mg̃a Pamahalàan ay dapat humanap ng̃ ibáng
batayáng lalòng matibay kailan pá man at nadadawal.... Ang
pinagbabatáyang lakás ng̃ mg̃a pamahalàang ukol sa nasasakop ay
siyáng pinakamahinà sa lahát, sapagkâ’t walâ sa kanilá kundî nasa
mabuting kalooban ng̃ mg̃a nasasakupan samantalang ibig kilalanin
ang gayón.... Ang batayáng katwiran ay siyang inaakalà kong lalòng
matibay.
Itinaás ng̃ abogado ang ulo; ¡anó! ¿ang binatàng iyón ay nang̃ang̃ahás
tumutol at makipagtalo sa kaniyá, siyá, si G. Pasta? ¿Hindî pá litó
sa kaniyáng mabigkás na pang̃ung̃usap?
--Binatà, nararapat iwan sa isáng dako ang mg̃a hakàng iyan, sapagkâ’t
mapang̃anib,--ang hadláng ng̃ mánananggol na ing̃iniwî ang mukhâ--Ang
sinasabi ko sa inyó ay dapat na bayaang gumawâ ang pamahalàan.
--Ang mg̃a pamahalàan ay itinatag upang ikagalíng ng̃ mg̃a bayan,
at upang makatupád ng̃ lubós sa layunín niyá ay dapat umalinsunod
sa kahiling̃an ng̃ mg̃a namamayan na siyang lalòng nakababatíd ng̃
kaniláng mg̃a kailang̃an.
--Ang mg̃a bumubuô ng̃ pamahalàan ay mg̃a mámamayán dín at yaong
mg̃a may lalòng kasapatán.
--Ng̃unì’t sa dahiláng silá’y tao, ay maaarìng magkámalî, at hindî
nárarapat na huwag pansinín ang sa ibáng hakà.