LUMIPAS ang isang linggo, nasa Cruz Industries ako at ipinatawag ako ng personal na abogado ni daddy. Babasahin na raw nito ang Last Will and Testament ni daddy. Nagulat ako na andoon din ang mga Perez at mukhang kanina pa sila maghihintay sa akin.
Naupo ako na kaharap ko ang mga ito. Binigyan ko ng payak na ngiti ang mag-asawang Perez. Napipilitan lang akong batiin sila. Pero dahil sa respeto sa matatanda ay binati ko ng ngiti bilang paggalang. Natuon ang mga tingin nila sa akin. Present din si Mauro na katabi ang ina nito. Puro panakaw lang ang mga tingin nito sa akin. 'Di ko naman siya papansinin.
Nagpapakiramdaman kaming lahat at ni isa sa amin ay ayaw magsalita. Masama pa rin ang loob ko sa ginawa nila sa akin. Pinapangunahan nila ako sa responsibilidad na dapat ay ginagawa ko para sa mga magulang ko.
Pumasok sa loob ng conference room si Mr. Abbas, ang personal na abogado ni daddy. At pumunta ito sa gitna.
Tumikhim ito saka tumingin sa aming lahat.
"Magandang umaga, Miss Cruz at pamilya Perez. Ipinatawag ko kayo upang basahin ang Last Will and Testament ni Mr. Ceejay Cruz. Isang linggo na rin simula 'nong mawala ang mag-asawa," panimula ni Mr. Abbas saka bumaling sa akin ng tingin. "Kaugnay, Miss Cruz. Ikinalulungkot ko ang malagim na pangyayari sa mga magulang mo."
Tinanguan ko ito at pilit na ngumiti.
"Ako si Ceejay Cruz, may asawa at nasa wastong kaisipan. Si Celestine Cruz ang aking nag-iisang anak. Mahal na mahal namin siya ng aking asawang si Laura. Ginawa namin ang lahat para mabigyan siya ng maginhawang buhay. Ayaw kong maranasan niya ang kahirapan.
Ang aking kinatatakutan ay kung mawawala na kami ni Laura, maiiwan siyang mag-isa. At sa araw na ako ay bawian ng buhay, nais kong ipamana ang lahat ng aming ari-arian sa kanya. Ang Cruz Industries, Cruz Private School, sampung sasakyan, at iba pang mga ari-arian.
Makukuha lamang niya ang lahat ng iyon kung ikasal siya kay Mauro Perez. Ito ay kusa kong nilagdaan at pirmado rin ng aking asawang si Laura Cruz."
Nanlaki ang aking mga mata sa narinig. Napasulyap ako sa gawi ng mga Perez at may mga magagandang ngiti sila sa labi. Lalo na si Mauro na nakatingin din sa akin na nababanaag ang matagumpay na ngiti.
"Mr. Abbas, I can't accept what is written in the Last Will and Testament of my father," mariing pagtutol ko. Parang hindi naman makatarungan ang mga nakasulat d'yan sa hawak nitong papel. Iniisip nila ang magiging kinabukasan ko pero ipapakasal naman nila ako sa lalaking hindi ko gusto.
"Hija, ang mga nakasulat dito ay kusang loob na pinirmahan ng iyong ama. Wala akong magagawa kung hindi mo matutupad ang huling habilin ni Mr. Cruz. Mapipilitan ako na ipa-frezee lahat ng iyong nakukuha sa Cruz Private School. At ang mga ari-arian niyo ay ilalagak ko sa foundation ng iyong ama," tugon ni Mr. Abbas na ikinaguho ng mundo ko.
Nagawa ang lahat ng 'yon ng sarili kong ama?
Mas pinahirapan nila ako. Akala ko ba kapakanan ko ang iniisip nila at mahal nila ako. Bakit parang mas pabor pa rin ang lahat ng ito sa kung ano ang gusto nila para sa akin?
"Baka po may iba pang puwedeng gawin para makuha ko kahit na ang Cruz Private School. Ako ang naghirap na palaguin ang eskwelahan na 'yon at mahal ko ang mga batang nag aaral doon."
Sunod sunod na umiling si Mr. Abbas. "I'm sorry, Miss Cruz. Pero wala nang ibang paraan kundi ang pakasalan mo si Mauro Perez. Nakita ni Mr. Cruz na magiging maayos ka kung magiging kabiyak mo si Mauro."
Hindi ako makapaniwalang ganoon ang iniisip nila tungkol kay Mauro. Magiging maayos ako sa lalaking hindi ko kilala? Saan banda? Itsura palang 'non parang hindi na gagawa ng maganda. Sa ginawa palang niya noong nawala sila ay pumalpak na kaagad.
"P-Pero mayroon na po akong boyfriend," pagsisinungaling ko. Ayokong maikasal sa sira-ulong Mauro na 'yon.
"Miss Cruz, I really can't do anything about it. Hihiwalayan mo ang boyfriend mo o magpapakasal ka kay Mauro, 'yan lamang dalawa ang pagpipiliian mo."
Gusto ko ng magmura. Nagngingitngit ako sa galit ng kalooban ko. Paano nila nagawa sa 'kin 'to?
Umuwi ako sa condo ko na masama pa rin ang loob dahil sa nangyari kanina sa kompanya. Ibinigay din pala ni daddy ang pamamahala ng Cruz Industries kay Mauro. Hindi niya kasi ako nakitaan ng interes sa pagpapatakbo ng kompanya. Mas gusto ko talaga ang magturo ng mga bata.
Napabuntong hininga ako na ibinagsak ang katawan sa malambot na kama ko. Natigilan ako nang biglang may biglang may doorbell.
Istorbo naman, matutulog na sana ako. Sa susunod na linggo ay papasok na ako muli sa eskwelahan. Nag-leave ako ng isang buwan pero dahil nababagot na ako ay dalawang linggo na lang ang kukunin ko.
Lumabas ako ng kuwarto ko at pinagbuksan ang taong nasa labas ng unit ko.
Parang nabato balani ako nang makita ko si Ninong Lauren. Ipinakita pa niya sa akin ang dalang dalawang pizza at soft drinks.
"Puwede ba akong pumasok?" tanong niya na ikinabalik ng ulirat ko.
"A-Ah, oo naman po." Niluwagan ko ang pagkakabukas ng pinto at pumasok sa loob si ninong.
"Nakabakasyon ka pa naman, di ba? Kaya pinasyalan kita." Napansin ko ang paggala ng mata nito. "Wala ang kaibigan mo?"
"Baka po may pasok sa trabaho," sagot ko. Napatingin ako sa pizza na dala niya. Bigla akong natakam sa pepperoni. "Kainin na natin 'yang dala mo, ninong. Tamang tama hindi pa ako kumakain."
"Ha? Alas una na, Celestine. Bakit hindi ka pa kumakain?"
"Nawalan po kasi ako ng ganang kumain kanina. Buti na lang po dumating kayo."
"Alisin mo na nga ang po at opo mo. Para namang akong nagmumukhang matanda. Hindi naman nalalayo ang edad ko sa'yo."
Napaismid ako at tinawanan ang sinabi ni Ninong. "Nong, higit sampong taon kaya ang tanda mo sa akin."
"Ipinagdiinan pa. Kumain ka na nga." Nagpapakamot ng ulo si Ninong. Tinawanan ko lang siya na hiyang hiya sa sinabi ko.