Sa halip na sumampa sa bisikleta ay mas pinili kong itulak na lang ito. Pakiramdam ko ay madami pang misteryosong pagbabago ang masasaksihan ko.
"Oh, ayaw mo magbike?" takang tanong ni Christian
"A-Ah maaga pa naman."
Tumango ito at bumaba rin sa kaniyang bisikleta para sabayan ako.
Habang tulak ang bisikleta ay panay ang lingon ko sa mga nadadaanan namin.
"Moana habulin mo‘ko."
Napabaling ako sa batang si Erin na masayang nakikipaglaro sa aso niyang si Moana.
"Ang cute talaga ng dalawang ‘yan." bulong ni Tian habang nakangiting nakatanaw sa bata
Cute? Oo cute nga talaga, lalo na kung hindi nasagasaan at namatay noong nakaraang buwan itong aso ni Erin. Sinubok kong ipagkibit balikat na lang iyon, kung si tatay nga nagawang makabalik, hindi malabong mangyari din iyon sa isang aso.
"Oh?! Tian, diba dito nakatayo ang bahay ng pamilya Santos?" Nanlalaki ang mga mata ko habang sinisipat ang mala-mansion na bahay sa harapan ko.
"Oo. Balita ko nga nasa Singapore ang pamilya nila dahil birthday ni Aling Merian. Ibang klase talaga ang mayayaman ‘no?" Namamanghang paliwanag nito.
Hindi ko maiwasang mapanganga dahil sa mga nakikita at naririnig ko. Sa loob lang ng magdamag, ang dating pinaka-mahirap na pamilya sa barrio namin ay naging milyonaryo na. Ang kanilang tagpi-tagping tahanan noon ay mansion na ngayon. Grabe nakamamangha!
Kahit hindi pa ma-proseso ng utak ko ang mga nakita ko ay nagpatuloy na ako sa paglakad.
"Naku! Baka naman langgamin kayo niyan Lola Tes." Nakangising buska ni Tian sa dalawang matanda na nagsusubuan pa ng tinapay.
Napa-higpit ang hawak ko sa bike ko, ayokong bawian ng ulirat dito dahil sa gulat.
"Aba'y nais pa yata ng bunso nitong maganda kong misis." Natatawang tugon ni Lolo Felipe.
Ang matandang lalaking iyon na mag iisang dekada ng patay ay ito't bumalik ulit sa kaniyang asawa. Tinapunan ko na sila ng pekeng pagngiti saka mabilis na naglakad. Kinikilabutan na ako sa nakikita ko.
"Tian, mauna ka nang pumasok. Mukhang madami pa akong kailangang makitang multo–este tao."
"Sigurado ka?"
Tumango tango naman ako. Kahit naguguluhan ay sumang ayon rin ito at nagsimula ng pumadyak palayo. Sinundan ko ito ng tanaw at sa kabila ng misteryosong pagbabago ay kahit papaano ay masaya akong makita na maayos na ang dalawang paa nito.
Sinimulan ko na ulit lumakad kahit parang sasabog na ang utak ko sa lahat ng nangyayari.
"Oh, Elias may sira ba ang bisikleta mo at naglalakad ka?"
Natigilan ako sa lalaking humarang sa daraanan ko. Anong ginagawa ng taong ito rito?
"Gusto mo sumabay ka na lang sa mga tanod ko, sakto at tutungo rin sila sa sentro. Magpa-baba ka na lang sa eskwelahan."
Tanod niya? Imposible. Hindi pwede.
"I-Ikaw ang Kapitan?" tanong ko na may halong pakiusap na sana ay hindi ang isagot niya
"Oo. Nalimutan mo na ba?"
Hindi puwede. Ang taong dapat ay nasa kulungan dahil sa pag utos niyang patayin si tatay, ay malaya na at nanunungkulan pa bilang kapitan.
Sa halip na sagutin ay nilagpasan ko ito at kahit wala sa sarili ay sumampa na ko sa bike. Gusto ko nang makalayo agad sa taong iyon.
Ngayong buhay na si tatay ibig sabihin ay hindi na rin siya matatawag na utak sa pagpatay dito. Pero kahit na, hindi parin nun maaalis ang galit na nararamdaman ko sa nagawa niya—nila.
Pinalis ko muna ang pagkainis sa isip ko. Dahil paniguradong madami pa akong masasaksihan dito sa eskwelahan namin.
Nasa center ground pa lang ay kita ko na ang mga pagbabago sa mga ka-eskwela ko. Ang iba ay may hawak na latest smart phone, may tumangkad, may umunat ang buhok, at mayroon ding mga pumuti. Ang ilan nama'y bigla na lang nagkaroon ng karelasyon.
Pagpasok sa room ay ganoon din ang nadatnan ko. Pero teka– sa dami ng kaklase kong babae na fan ng kpop ay bakit wala akong makitang isang mukhang koreano rito? Hindi ba't self proclaimed silang asawa nung teyong? O nung bekyon? Ah ewan, basta.
"Oh my God! May The War album na ako!" sigaw ni Shane. Siya iyong kaklase kong ka itlog ang tawag sa mga katulad niyang fan ng ek-ekso? Ah basta!
Kung talagang kayang tumupad ng hiling ng liwanag na iyon. Talaga bang walang isa sa mga kaklase ko ang humiling na maging asawa nila ang kanilang mga idol? O may limitasyon ang kayang tuparin nito?
"Elias!"
Otomatiko akong napalingon sa pintuan at doon ay nakita ko ang matalik kong kaibigan ni si Dominic hawak ang kamay ni–
"Katerina Lopez?!" Napamulagat pa ako. Di nga?
"Tol, bakit naman parang ngayon mo lang nakita ang girlfriend ko?" Natatawang tanong ni Dom.
Potek! Dinga? Girlfriend ng loko na iyon ang pinaka-sikat na artista ngayon sa bansa. Alam ko namang sobrang crush niya si Kat, pero talagang iyon ang hiniling niya kagabi? Wow! Dinaig niya pa ang mg kaklase naming babae sa pagiging isang fan.
"Dom, p-paano mong naging girlfriend si Katerina Lopez?"
Rumihestro ang pagtataka sa mukha nito. "Ano ka ba tol? Eh kababata natin to si Kat e, at saka noon pa man patay na patay na 'to sa'kin. Diba Kat?" Tumango tango naman ang napakagandang babae sa harap ko.
Grabe! Walang panama ang kahit anong gayuma sa bisa ng misteryosong liwanag na iyon.
Napatango na lang ako sa dalawa at nagpanggap na nauunawaan ko sila. Sa isang iglap lang ay naging kababata at kaklase ko na ang isang artista. Nakakamangha pero nakakatakot din sa kabilang banda.
Hindi pa man nakakabawi sa gulat ay naupo na ako sa upuan ko. Ilang saglit lang ay dumating na si Ma'am Tine kasunod si Ma'am Salazar.
"Goodmorning Class." bati nito habang nakangiti
Gusto ko na lang talaga bawian ng ulirat. Paanong ang teacher naming pitong taon nang kasal pero bigong magkaanak ay papasok na lang sa room na malaking malaki na ang tiyan. Ano bang hindi kayang tuparin ng liwanag na iyon?
"Okay class, starting today si Ma'am Salazar niyo muna ang magha-handle sa inyo, okay?" ani ng adviser namin na sinang ayunan naman ng mga kaklase ko
"Cindy, ilang buwan ng buntis si ma'am?" mahinang tanong ko sa katabi ko
"Ka-buwanan na niya sa susunod na buwan."
Sa loob lang ng magdamag, bigla na lang siyang naging walong buwang buntis. Aahhh!
"Si Sir Guillermo ba ang tatay?" tanong ko pa
Napakunot pa ang noo nito saka tumango. "Sino pa ba? Loko ka."
Napabuntong hininga na lang ako. Sabagay, ano pa bang ibang hihilingin ni Ma'am Tine kung hindi ang magkaroon ng anak.
Buong klase sa umagang iyon ay nakatulala lang ako sa whiteboard kahit ang totoo ay wala talagang pumapasok sa ulo ko. Kahit naman siguro sinong tao sa katayuan ko ay masisiraan ng bait sa mga nangyayari. Sana magising na ako sa panaginip—bangungot na ito.
Habang kumakain ng tanghalian ay hindi ko mapigilang mapatingin kay Katerina na nasa harap ko. Masaya ako para kay Dom, pero sa kabilang banda naaawa ako para kay Kat. Parang ang daya naman ng hiling na 'to para sa kaniya. Napaisip tuloy ako, kung may mga hiling para sa ikabubuti, paniguradong mayroon ding iilan na humiling ng hindi maganda laban sa kapwa nila. O maaaring ang hiling na iyon ay mabuti para sa kanilang sarili pero hindi tama para sa iba. Tulad kay Katerina, at tulad kay Mang Gregorio.
"Dom, mauna na akong bumalik sa room sa inyo." Tumango naman ito kaya agad na akong tumayo at naglakad palabas ng canteen.
Noong nasa center ground na ay pinasya ko na munang maupo sa isang kahoy na upuan. Kahit anong gawin kong pag iisip ay ‘di talaga kayang iproseso ng utak ko ang nangyayari. Pakiramdam ko ay bida ako sa isang science fiction movie. Pero bakit nga ako lang ang hindi tinamaan ng pagbabago? Dahil ba hindi ako humiling kagabi? Ibig sabihin wala ring humiling para sa akin? Oo nga ‘no? Si Eli, nagkaroon ng laptop. Si Kiel, paniguradong ang pagbabalik ni tatay ang hiling niya. At si nanay, grabe pati si nanay ay hindi man lang humiling para sa akin. Sabagay. Simula noong biglaang inagaw sa amin si tatay ay halos magkayod kalabaw na siya, kaya di ko rin masisi kung bakit ang tila sampung taon na pagbata ang naging hiling niya.
Pero kahit na, wala man lang bang ni-isang babae rito na humiling na maging boyfriend nila ako? Akala ko ba madaming nagkakagusto sa akin. Tsk! Bakit kasi wala man lang humiling para sa akin? Edi sana hindi ako mag isang nasisiraan ng katinuan dito.
Napabuga ako ng hangin. Sa mga sci-fi movies palaging may partner ang bida. Sana naman may katuwang man lang akong unawain ang kahibangang ‘to.
Umayos ako sa pagkaka-upo at nagsimulang pagmasdan ang mga naglalakad na babaeng estudyante, hahanapin ko ang female lead sa kwentong ‘to. Sa dami ng misteryong nangyayari, hindi naman na siguro kahibangan ang isipin ko iyon. O, nagsisimula na akong mawala sa katinuan?
Bahala na.
Natanaw ko ang naglalakad na si Paula, ka-batch ko lang ito at siya ang tinanghal na Miss San Isidro kamakailan lang. Baka siya na–hindi. Nilapitan ito ni Makoy, na matagal ng may gusto sa kaniya.
Si Ivy, ang muse ng ABM B–hindi. May hawak itong latest na iPhone.
Baka si Gia– Sino ba ‘tong bigla na lang humarang sa harap ko.
"Excuse me, may tinitingnan ako." sabi ko habang na kay Gia parin ang mata
Mukhang hindi rin ito. Dahil napansin kong wala na ang malaking balat nito sa braso. Teka–bakit di parin umaalis itong–Jejemon?
Napa-tighim ako. "Oh Rigel, bakit?"
Seryoso lang itong naka-titig sa akin. Bakit kaya ang babaeng ‘to ay nananatili paring jejemon? Ano kayang naging hiling niya–teka. Huwag mong sabihin na. . .
"Iyong liwanag kagabi, nakita ko rin iyon."
Napatayo akong bigla. Sabi na e, hindi pwedeng nag iisa lang ako.
"Kung ganoon, alam mo ring kahibangan lang ang lahat ng ito?" paninigurado ko
Tumango naman ito sabay nagpakawala ng buntong hininga. Tama, talagang mayroon talaga akong katuwang na masiraan ng bait sa misteryong ‘to. Pero. . . bakit naman ang jejemon pang ito? Female lead?
Makailang ulit kong sinampal sa isip ang sarili ko. Hindi ako pinalaking mapanghusga ng magulang ko. At iyong female lead na sinasabi ko, biro lang iyon.
"Anong gagawin natin?" tanong niya
Natin? Partner na talaga kami?
"Ah. Hindi ko alam. Ni hindi ko pa nga ma-proseso sa utak ko ang lahat. Ikaw, may naiisip ka bang paraan para maayos ‘to?"
"Wala." Mabilis niyang sagot. "Mag usap na lang tayo pag may naisip ka ng paraan." aniya sabay tinalikuran ako at iniwan
Napanganga na lang ako sa inasta nito. Akala mo namang–ah. Mali ang iniisip ko. Hindi ako ganoon pinalaki ng magulang ko.
Pabagsak akong napaupo sa kahoy na upuan. Ano bang dapat kong gawin sa sitwasyong ito?