"Elias, magba-basketball kami sa kabilang baranggay, di ka sasama?" tanong sa akin ng bestfriend kong si Dominic
"Pass muna. Dadalaw ako kay tatay."
Sandali naman itong napaisip tapos ay napatango na lang sa tugon ko.
"Oh ayon na pala sila Robi. Sige tol ah." Tinapik pa ako nito sa balikat na sinuklian ko naman ng ngiti.
Noong mapag isa ay tinungo ko na ang kinaroroonan ng bisikleta ko at saka ako sumampa rito. Noong may madaanang sari-sari store ay huminto ako rito para bumili ng kandila at posporo.
Makalipas lang ang ilang minutong pagpadyak ay narating ko na ang isang pampublikong sementeryo. Alas kwatro pa lang ng hapon kaya naman ay tagaktak ang pawis sa katawan ko.
Sandali muna akong namahinga para magtuyo ng pawis. Gusto kong maging presentable sa harap ni tatay.
Noong kumalma na ako sa malalalim na paghinga ay nagsimula na akong maglakad patungo sa musileo ni tatay at lolo, habang tinutulak ang bisikleta ko. Mabuti naman at hindi ko nalimutan dalhin ang susi ng tarangkahan.
"Tay." nakangiting bati ko rito habang sinisindihan ko ang kandila, "Kumusta ka na riyan, tay?" Pinasadahan ko pa nang haplos ang pangalan niya. Eliseo V. Ramirez.
Ngayon na ang ika-isang taon noong walang awa siyang barilin ng pinsan ni Mang Gregorio. Ito ang kalaban ni tatay noong nagdaang eleksiyon.
"Tay, masaya ka ba sa kinaroroonan mo ngayon?"
Pinipigilan kong mabasag ang boses ko. Ayokong umiyak sa harap niya, kailangan maging matatag ako.
Napakalinaw pa sa isip ko kung paano siyang inagaw ng mga taong uhaw sa kapangyarihan. Hinding hindi mabubura sa isip ko ang mga huling sandali ni tatay, habang pilit binabanggit ang pangalan naming magkakapatid sa kabila ng paghahabol niya sa hininga.
"Tay, kolehiyo na ako sa susunod na taon. Pasensiya na Tay ah, hindi po talaga pagiging Arkitekto tulad niyo ang gusto ko. Desidido na po akong mag doctor."
Bukod kasi sa pagiging kapitan ay isa ring Architect si Tatay, kaya naman hindi na nakakapagtakang kami ang takbuhan para hingan ng tulong, lalo na kung usaping pinansiyal. Pero simula noong mawala si Tatay, unti-unti ring nawala ang masagana naming pamumuhay.
Nagpakawala ako ng buntong hininga. "Dadalaw po ulit ako sa makalawa kasama sila Nanay."
Tinapunan ko pa ito ng tingin bago ako tuluyang umalis sa puntod niya.
Noong makarating sa bahay ay naabutan ko si Eli na abala na sa paggawa ng mga assignments niya.
"Kuya, puwede mo ba akong tulungan sa math. Hindi ko kasi gaanong naintindihan ang turo ni ma'am kanina." Nanunulis ang ngusong salubong nito.
"Baka kasi abala ka makipag-huntahan sa katabi mo?" tugon ko sa tono ng panunukso
"Hindi ah." Tumaas pa ang kilay nito at mas lalong tumulis ang nguso.
Natawa na lang ako saka nagpatuloy sa pagpasok sa kwarto ko para makapagbihis. Inilabas ko na rin ang mga re-reviewhin at assignments ko.
Lumabas na ako sa silid at naupo sa tabi ni Eli na nangungunot na ang noo sa inaaral niya.
"Haynako, akin na nga." Kinuha ko ang notebook nito at tiningan ang hindi niya maintindihan. Talagang masakit sa ulo itong algebra.
"Buti na lang talaga may kuya akong matalino." Nangingiting sabi nito habang inaaral ko parin ang assignment niya.
"Next year, senior high kana hindi na kita itu-tutor."
"Eh? Bakit naman hindi? Mas lalo nga akong magpapa-tutor sa ‘yo dahil college kana next year." Pinitik ko nga ang noo nito. Pero tinawanan niya lang ako.
Matapos kong ipaliwanag sa kaniya ang hindi niya maintindihan ay nagkaniya-kaniya na kami ng aral. Mamaya pagkatapos namin ay pagtutulungan naman namin ang paglilinis at paghahanda ng hapunan.
Sa ganoong paraan ay hindi na kikilos si nanay pagkauwi niya galing sa aming maliit na restaurant sa sentro.
Gustuhin man namin ni Eli na tumulong sa restaurant matapos ang klase ay paniguradong kagagalitan lang kami ni nanay. Dumiretso na lang daw kami sa bahay at mag aral. Pero mainam na rin iyon para nababawasan rin namin ang gawain niya rito sa bahay.
Mag aalas siete na noong dumating si Nanay kasama si Kiel. Mababakas sa mukha nito ang pagod sa maghapong pagkayod para sa amin.
"Kuya tingnan mo may star ako oh!" salubong ni Kiel sabay pakita ng star niya sa kamay
"Wow! Very good ah, mana talaga kay Kuya." tugon ko sabay gulo sa buhok nito. Binalingan ko rin si Eli, saka nginisian ng may panunukso.
"Nay oh, si Kuya!" Matulis ang nguso na baling nito kay Nanay.
"Elias, wag mo nga inaasar ang anak kong maganda." saway nito. Iniunat pa niya ang kamay paharap kay Eli na mabilis naman lumapit nagbelat sa akin.
Bahagya na lang kaming natawa dahil sa ginawa nito. Itong si Elijah talaga ay feeling bunso parin. Palibhasa ay siyam na taon bago siya nasundan ni Kiel.
Matapos ang maikling asaran ay naghain na rin kami para maka-kain na. Ewan ko sa mga ‘to at tila atat na atat magsitulog.
Noong tapos na sa pagkain at pati na paghugas ay nagkaniya-kaniya na kaming pasok sa aming mga kwarto. Hindi talaga uso sa amin ang manuod ng telebisyon sa gabi. Lalo kung may pasok kinabukasan.
Dahil tapos na ako sa mga assignments at kailangan kong aralin ay pumwesto na ako para sa panonood ng anime. Ito talaga ang tuksong hindi ko kayang tanggihan.
Habang abala sa panunuod ay bigla na lang bumukas ang kwarto ko at pumasok si Eli. May bitbit pa itong kumot at bakas ang excitement sa mukha. Diba natulog na sila?
"Kuya, hindi ka ba sasama?"
Tiningnan ko ito ng may pagtataka saka ako tumayo at lumapit dito. Nananaginip ba ang batang 'to?
"Sasama saan? Eli, alas diyes na ng gabi. Hindi ba dapat natutulog kana–pati ikaw Kiel?" Binalingan ko pa si Kiel, na tila handang handa ng umalis.
Saan ba pupunta ang mga batang 'to ng dis oras ng gabi?
"Pupunta kami sa patag para manood ng meteor shower." tugon ni Eli sa excited na tono
Oo nga pala ngayong gabi na ang inaabangan ng lahat na Leonid Storm.
"Sabi ni ate, tutuparin daw ng shooting stars ang wish ko. Wala ka bang wish kuya?" inosenteng tanong naman ni Kiel
"Kiel, kung kayang tumupad ng hiling ng shooting star. Edi sana wala ng taong naghihirap ngayon."
"Ay, patulan ba ang anim na taon na bata." Natatawang sulpot ni Nanay. "Sasamahan ko sila kaya wag ka nang manermon diyan. Di ka ba talaga sasama?" dagdag pa nito
"Nay, wag mong sabihin na pati ikaw e naniniwala sa wish wish na iyan? At saka hindi ba dapat ay nagpapahinga na kayo? Saka itong dalawa, may pasok pa sila bukas."
Lumapit ito sa akin at kinuha ang kamay ko. "Elias, wala namang masamang maniwala. At isa pa, tatlumput tatlong taon pa ulit ang bibilangin bago mangyari ang ganitong phenomena. Malay mo ito na ang una't huling pagkakataon na masasaksihan ko iyon. Sayang naman."
"Nay. . ."
"Ah basta. Hayaan mo na ang mga kapatid mo, alas otso pa naman ang pasok ni Eli at si Kiel naman ay panghapon."
Napatango na lang ako rito. Sabagay, maganda rin sanang manood ng meteor shower, kaso ay bukod sa maaga ang pasok ko e baka ubusin lang ako ng lamok doon. Type O kaya ang dugo ko.
"Kuya, di ka talaga sasama?" tanong pa ni Eli
"Hindi na, idamay niyo na lang ako sa wish niyo." sarkastikong tugon ko
"Eh ano pong wish mo kuya?" tanong ni Kiel
"Ang wish ko?" sandali pa akong napaisip, "Ang wish ko, sana hindi kayo kainin ng lamok. At sana hindi tanghalin ng gising si ate Eli."
Napatulis naman ang nguso ni Eli dahil sa sinabi ko.
"Sige na, tama na kulitan at baka kulisap na lang ang maabutan natin. Elias, wag mo na kaming hintayin. Maaga ka pang gigising bukas." baling sa akin ni nanay na tinanguan ko naman
"Hatid ko na po kayo sa labas." tugon ko at inakay ko na silang palabas
Kumaway pa sila sa akin saka nakisabay sa mga kapitbahay naming magtungo sa patag.
Mukhang pati ang mga kapitbahay namin ay excited masaksihan ang Leonid Storm. Napatingala pa ako sa langit, napaka-aliwalas nito. Sa libo libong dadaan na comet ay paniguradong madami silang masasaksihan.
Napabuntong hininga ako. "Sa sunod na thirty three years na lang ako manunuod ng Leonid Storm." bulong ko
Napa-kibit balikat pa ako at bumalik na sa loob. At dahil ako na lang mag isa ay minabuti ko ng sa sofa sa sala na lang muna ako mahiga para hintayin sila. O pwede ring dito na ako matulog.
Umayos na ako sa pagkakahiga at muling binuksan ang cellphone ko para ipagpatuloy ang pinanunuod kong anime. Kahit humahapdi na ang mata ay desidido akong tapusin ang isa pang episode na pinapanuod ko.
"Sh– Aw!" Napabalikwas ako noong malaglag sa mukha ko ang cellphone.
11:11
Mag iisang oras na rin simula noong umalis sila. Ilang bulalakaw pa ba ang nais nilang makita?
Haaay. Napaunat pa ako ng kamay dahil sa paghikab. Hindi ko na talaga kayang labanan ang antok. Baka pauwi na rin iyon sila Nanay.
Tumayo na ako at sumilip pa sa bintana sa labas. Mukhang nag-eenjoy sila sa kanilang panonood. Isinara ko ng muli ang bintana't kurtina saka nagsimulang magmartsa patungo sa kwarto ko. Papagalitan lang din ako ni Nanay pag naabutan niya pa akong gising.
Malapit na ako sa kwarto ko noong may kung anong liwanag na nanggaling sa likuran ko. Otomatiko akong napaharap, puno ng pagtataka. Sobrang liwanag nito na kahit sa makapal na kurtina ay kayang lumusot.
Mabilis akong naglakad patungo sa pintuan at binuksan ang pinto. Agad akong napasangga ng palad sa mata ko dahil sa nakasisilaw na liwanag na iyon. Hindi ko alam kung saan ito nanggagaling ngunit napakalawak ng sakop nito. Pakiramdam ko ay bumaba ang araw para dalawin ang baryo—bayan namin. Pahakbang na akong palabas para makita ang kabuuan nito pero ganoon na lang ang unti-unting pagbigat ng talukap ng mga mata ko.