Pupungas-pungas pa ako habang kinakapa sa kama ang cellphone kong walang tigil sa pag-alarm.
Matapos kong i-off ang alarm ay para akong lantang gulay na bumangon. Kasarapan pa sana ng tulog ang alas sais, pero kailangan ko ng maghanda sa pagpasok sa eskwela.
Pumasok na ako sa banyo at nagsimulang tumapat sa malamig na tubig mula sa shower. Dahil sa ginaw ay halos sampung minuto lang ang nagawa kong ligo. Okay na iyon, atleast tipid sa tubig.
Nagsimula na akong isuot ang uniform kong light blue polo na sinusunan ng itim na vest, habang ang pangbaba ay itim na pantalon at sapatos.
Pinasadahan ko pa sa salamin ang itsura ko bago nagsimulang maglakad palabas. Ang gwapo mo talaga, Elias!
"Oh, anak halika na saktong sakto kakatapos ko lang maghanda ng almusal." Nakangiting salubong sa akin ni tatay.
Si tatay talaga. . .
Tatay?!
"Tay. . .patay! Tay. ."
"Anong patay? Sinong patay?" naguguluhang tanong nito saka humakbang palapit sa akin
Kahit nangangatog ang mga tuhod ay nagawa ko pang humakbang paatras. At iharang ang kamay ko para tumigil siya sa paglapit.
"Tay. . tay, b-bakit ka nandito?"
"Bakit ayaw mo bang nandito ang tatay mo? Ikaw talaga, Elias." sabat ni Nanay na galing sa kanilang kwarto
Teka–nanay ko ba talaga 'to?
"Nay, b-bakit ang ganda mo?"
Papalit palit ang tingin ko kina nanay at tatay. Jusko! Kung panaginip ito, gisingin niyo na ako.
"Anak naman, lagi naman talagang maganda itong nanay mo." natatawang sabi ni tatay sabay akbay dito. Hindi ko mapigilang mapangiwi sa nakita ko.
Ano bang nangyayari? Bakit nasa harap ko ang tatay kong mag iisang taon ng patay? At si nanay, tila bumalik sa pagka-dalaga ang kaniyang mukha.
Panaginip lang 'to.
Sinubukan kong sampalin ang sarili ko pero napangiwi lang ako sa sakit nun. Pero hindi ako nakuntento at kinurot ko pa ang kanang braso ko.
Ang sakit!
"Elias, ano bang nangyayari sa'yo? Bakit para kang nakakita ng multo?" tanong pa ni tatay
Eh multo naman talaga itong nakikita ko e. Ano bang nangyayari?
"N-Nay, hindi po ba panaginip 'to? Bakit nandito si tatay? Saka bakit bumata ang itsura niyo? A-Anong petsa ngayon?"
"Kuya, ano bang panaginip pinagsasabi mo?"
"Ahhh!" Napasinghap pa ako sa kirot noong kurutin ako ni Elijah.
"Today is August 11, 2021, wednesday." tugon pa nito at prenteng naupo sa mesa, bitbit ang–
"Eli, saan mo nakuha iyang laptop na hawak mo?" istriktong tanong ko
"Eto?" nagtataka niyang tanong, ". . .regalo sa 'kin ni tatay noong birthday ko, nakalimutan mo na agad?"
Anong pinagsasabi niya? Bukod sa wala na si tatay noong birthday niya noong nakaraang buwan. Eh wala namang nagreglo sa kaniya ng laptop, tanging pansit nga lang ang handa niya noon.
"Hay nako Elias, baka may sakit ka lang. Mabuti pa ‘wag ka na lang pumasok. Dadaan na lang ako sa eskwelahan para abisuhan ang guro mo." litanya ni tatay
"Huwag!" mabilis na pagkontra ko
Baka himatayin sa takot si Ma'am Tine pag nakiya niya ang tatay kong matagal ng patay.
"Tay!" sigaw ni Ezekiel, ang anim na taon kong bunsong kapatid. Mabilis itong tumakbo kay tatay, at pinupog ito ng halik.
Napapangiwi na lang ako habang pinagmamasdan ko sila.
Bakas ang labis na galak sa mukha ng papa's boy kong kapatid. Nakakatuwang pagmasdan.
Hindi.
Hindi iyon nakakatuwa, kundi nakakatakot.
"Oh, pumasok ka na sa kwarto mo at magpahinga." saad ni nanay
"H-Hindi po. Okay lang po ako. Papasok na po ako." Nagsimula na akong maglakad palabas.
"Elias, mag almusal ka muna." tawag pa ni tatay pero hindi ko na ito nilingon. Baka tuluyan na akong himatayin sa takot pag ginawa ko iyon.
"Elias, sabay na tayong pumasok!" sigaw sa akin ni Christian habang nakasakay sa bisekleta niya
Ayos ah, ang astig ng bike–Potek!
"Labas mo na iyong bike mo, tara na." aya pa nito
Muli, ay napa-atras na naman ako. Paanong si Christian ay nakakapag-bike?
"Tian, kailan ka pa nakalakad?" nanlalaki ang matang tanong ko, sabay sipat sa kaliwang paa niya
Itinaas ko pa ang pantalon niya at nakita kong hindi na maliit ang kaliwang paa nito katulad noon. Pero paanong nangyari iyon?
"Bakit naman ako di makakalakad? Eh pareho pa nga tayong track and field athlete noong elementary at highschool." natatawang tugon nito
Paanong magiging atleta eh may polio ka nga at maliit ang kaliwang paa. Jusko masisiraan na talaga ako ng bait.
"Tian, batukan mo nga ako. . .aray!" Napakadali namang kausap nito. Pero, hindi nga talaga panaginip 'to? "Tian, anong petsa na ngayon?"
"August 11, 2021. Bakit ba? Para kang nakakita ng multo ah? May lagnat ka ba?" Inilapat pa nito ang palad sa noo ko. "Wala ka namang lagnat ah."
Hindi ko pinansin ang sinabi nito, sa halip ay lumakad ako sa kalsada upang tanawin ang paligid ko. Ito parin ang lugar na kinalakihan ko, wala namang nagbago. Pero paanong–
Shooting star.
Meteor shower.
Hindi e, may iba pang nangyari kagabi.
Tama! Iyong liwanag. Sigurado akong may kinalaman ang matinding liwanag na iyon sa nangyayaring misteryo ngayon.
***
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events, locales, and incidents are either the products of the author’s imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
© All rights reserved 2021