Naputol ang pagbabalik-tanaw ko nang magring ang cellphone ko. Agad kong tiningnan kung sino ang tumatawag.
Nanay calling…
Agad ko itong sinagot.
"Hello po, Nay. Bakit po kayo napatawag? May nangyari po ba?" Medyo nag-aalala kong tanong kay Nanay.
"Wala naman, anak. Namiss lang kita. Itatanong ko lang kung tutuloy ka bang umuwi dito bukas." Ani ni Nanay sa kabilang linya. Nakahinga ako ng maluwag sa sinabi ni Nanay.
"Opo, Nay. Diretso na po ako dyan pagka-out ko sa office bukas. May gusto ka po bang ipabili?"
"Wala naman, anak. Mag ingat ka sa pagmamaneho mo ha. Wag kang magmabilis." Bilin ni Nanay sa akin.
"Opo, Nay. Mag iingat po ako. Hindi naman po ako kaskasero."
"O, sige na, anak. Bukas na lang tayo magkwentuhan pag uwi mo. Matulog ka na at may pasok ka pa bukas." Ani ni Nanay.
"Sige po, Nay. Bukas na lang po. Bye, Nay. Love you po." pagpapaalam ko kay Nanay.
"Love you din, anak. Bye." At narinig kong nag end call na si Nanay.
Humiga na ako sa kama ko. Hawak ko pa din ang sulat ni Dondon sa akin na mahigit sampung taon na ang nakakaraan.
***********
Nagising ako na may humihimas sa mukha ko. Nang magmulat ako ng mga mata ko ay nakita ko na nakaupo sa gilid ng kama ko si Nanay at si Ate Lori. Nakapasok sila ng kwarto ko. Kagabi kasi nung magising ako bandang hatinggabi ay lumabas ako ng kwarto ko para mag CR. Hindi ko na pala naibalik ulit ung pagkakawit sa loob. Nahirapan akong idilat ang mga mata ko dahil sa sobrang mugto nito. Ramdam ko din na masakit ang ulo ko.
Umupo ako at niyakap agad si Nanay. Naiiyak na naman ako.
"Ano ba nangyari sayo kagabi? Nag alala kaming lahat sayo." ani ni Ate Lori sa akin habang hinihimas niya ang likod ko.
Hindi ako sumagot. Hindi ko pa kayang magkwento sa kanila.
"Pati si Dondon ay nag aalala sayo. Tinatanong naman namin siya kung ano nangyari pero ayaw naman niyang sabihin. Sorry lang ng sorry sa amin." Kwento ni Ate Lori. "Kanina ay maagang maaga palang andiyan na din sa tindahan si Dondon. Tinatanong kung gising ka na daw ba or kung lumabas ka na daw ba sa kwarto mo. Halatang wala ding tulog ung isa na yon. Naka-ilang balik na nga. Kailangan ka daw niyang makausap."
"Ayoko ko siyang makausap. Ayoko na din siyang makita. Ayoko na sa kanya." Ani ko kay Ate Lori habang umiiyak ako.
"Anak, hindi naman pwedeng ganoon na lang na hindi kayo basta basta maguusap ni Dondon. Kung anuman ung nangyari, pag usapan ninyo. Kung anuman ung problema nyo, mas mabuting mag-usap kayo. Kung ayaw mo na talaga sa kanya, makipaghiwalay ka sa kanya ng maayos." Saad ni Nanay habang umiiyak ako na nakayakap sa kanya.
"Nay, ayoko po. Please po, Nay. Wag niyo po akong ipakausap sa kanya. Wag niyo po siyang hayaan na puntahan ako dito. Kayo na lang po magsabi sa kanya na tapos na kami." Lalo akong umiyak habang sinasabi yon.
"Sige na. Sige na. Tumahan ka na, Mariel. Kung iyan ang gusto mo. Kami na bahalang kumausap kay Dondon." Pagpapatahan sa akin ni Nanay.
Mahigit isang linggo din akong nagkulong sa kwarto ko. Lumabas man ako ay para lang mag CR at kumuha ng pagkain ko. Sa kagustuhan kong maiwasan si Dondon ay kumukuha lang ako ng pagkain ko sa kusina at sa kwarto ko ito kinakain. Tuwing lumalabas naman ako ng kwarto ay sinisigurado ko muna na wala si Dondon sa tindahan o sa loob ng bahay namin. Lagi ding nakalock ang kwarto ko sa loob. Buti na lang bakasyon pa sa eskwela kaya hindi ako obligadong lumabas ng bahay at hinayaan din ako nina Nanay na mag kulong sa kwarto ko. Si Ate Lori na lang din muna ang pinaluwas ni Nanay para macheck ung boarding house na tutuluyan ko.
Isang linggo bago magstart ang review classes para sa board exam ni Dondon ay nakatanggap ako ng sulat galing sa kanya. Napag-usapan namin un dati kaya aware ako sa schedule niya. Kay Ate Lori niya ipinaabot ang sulat para ibigay sa akin.
Nakaupo ako sa kama ko ng kumatok at pumasok sa kwarto ko si Ate Lori. Hindi na ako naglalock noon ng kwarto ko.
"Pinabibigay ni Dondon. Iniabot sa akin kanina." Bungad ni Ate Lori sa akin. Hindi ako kumibo. Ni hindi ko inabot ang sulat kaya inilapag na lang ni Ate Lori sa side table ko ung sulat ni Dondon. Ilang saglit niya akong pinagmasdan na tila may gusto siyang sabihin sa akin. Mayamaya ay naglakad na palabas si Ate Lori sa kwarto ko.
Medyo naguilty ako sa naging behavior ko kaya nagsalita ako bago pa marating ni Ate Lori ung pinto ng kwarto ko. "Salamat, Ate Lori. Pasensya ka na."
Nginitian niya ako. "Mariel, alam mo naman na higit pa sa magkapatid na ang turing natin sa isat isa. Pwede mo namang sabihin sa akin yang nasa sa loob mo para mabawasan yang bigat na dinadala mo sa dibdib mo." Ani ni Ate Lori.
Iniunat ko ung dalawang braso ko. "Pwedeng payakap, Te?" Tanong ko kay Ate Lori.
Agad lumapit siya sa akin at niyakap ako ng mahigpit. Umupo na din siya sa kama ko sa tabi ko.
"Ok ka na ba?" Tanong niya sa akin.
"Oo, Te, Ok na ako." Nakangiti kong tugon kay Ate Lori.
"Dinaig mo pa ako sa sobrang drama ng lovelife mo ah.” Medyo natatawang biro sa akin ni Ate Lori. “Gusto mo na bang ikwento sa akin ung nangyari?”
Tumango ako at sinimulan ko nang magkwento sa kanya tungkol sa nangyari nung hapon na yon.
"Mahal na mahal ko si Dondon, Ate Lori. Kahit ilang buwan pa lang ung relasyon namin, alam ko at sigurado ako sa sarili ko na siya na ung gusto kong mapangasawa din. Pero paano naman ang mga pangarap ko kung limang taon lang yung ibibigay niya sa akin? Gusto ko din namang maging proud kayo sa akin ni Nanay at nina Tita. May mga gusto din akong matupad para sa inyo ni Nanay at nina Tita at higit sa lahat para sa sarili ko. Saka paano kung maulit ung ganoon? Baka kasi sa susunod, hindi ko na din makontrol ang sarili ko dahil sa pagmamahal ko kay Dondon." Ani ko kay Ate Lori pagkatapos kong magkwento sa kanya.
Pareho kaming natahimik. Ilang saglit pa ay nagsalita na si Ate Lori. "Gusto mo bang marinig ung saloobin ko tungkol diyan sa nangyari sa inyo ni Dondon?"
Tumango ako.
"Para sa akin, tama naman yong natakot ka sa maaaring mangyari kung hindi mo napigilan yang kapusukan nyo ni Dondon dahil sabi mo nga may mga pangarap ka na gusto mo ding tuparin. Isinaalang alang mo din ung mararamdaman namin nina Nanay Minda. Proud ako sayo dahil pinakita mo na hindi ka mapusok gaya ng ibang kabataan ngayon na nabubuntis dahil sa maling desisyon at dahil sa kapusukan nila. Bata ka man sa paningin namin pero pinakita mo sa akin na matured ka ng mag isip dahil alam mo na kung ano ang gusto mong mangyari sa buhay mo. Aware ka sa mga magiging consequences ng mga ginagawa mo. Siguro kung ako ang nasa katayuan mo baka hindi ko napigilan ung sarili ko.” Medyo natawa na naman si Ate Lori dun sa huli niyang sinabi. “Pero may mali ka ding ginawa. Ung hindi mo binigyan ng pagkakataon si Dondon na makausap ka. Sana binigyan mo siya kahit sa huling pagkakataon na makapag sorry sayo ng personal at maghiwalay kayo ng maayos. Gustuhin mo man o hindi na kausapin si Dondon ngayon e wala na ding saysay. Kasi umalis na siya. Nagpaalam siya sa amin kanina. Umalis na din siya sa apartment niya. Pero ang bilin niya ibigay ko daw sayo ung sulat dahil andyan daw lahat ng gusto niyang sabihin sayo."
Umalis na siya? Iniwan na niya ako? Bakit ang bilis naman niyang bumitaw? Akala ko ba mahal niya ako? Bakit hindi niya man lang inintay na makapag isip isip ako ng maayos? Ang daming tanong ng puso at isip ko. Agad kong kinuha ang sulat na nasa side table ko at agad agad kong binasa ito. Si Ate Lori naman ay lumabas na ng kwarto ko.
Mahal kong Mariel,
Siguro kapag binasa mo itong sulat ko ay nakaalis na ako ng Bulacan. Nagdesisyon na akong lumayo sayo para hindi ka na maguluhan pa at masaktan lalo dahil nang minahal kita ay un ung ipinangako ko sa sarili ko na hinding hindi ko gagawin sayo, ang saktan ka. Pero naging makasarili ako. Naging mapusok. Nagpatalo ako sa init ng katawan na naramdaman ko nung kasama kita sa apartment ko. Hindi ko din naisaalang alang ang damdamin mo. At dahil dun, nasaktan kita. Nasaktan ko ang babaeng pinakamamahal ko. I am really sorry, Mariel. Sana mapatawad mo ako sa nagawa ko. Wag mong isipin na hindi kita mahal kaya nagpasya na akong lumayo muna sayo. Mahal na mahal kita, Mariel. Pero ayoko nang dagdagan pa ang bigat ng dinadala mo sa dibdib mo sa tuwing naiisip mo na andyan lang ako malapit sayo o kung sakaling nakikita mo ako. Hindi mo deserve na malagay sa ganitong sitwasyon. Ayokong mapalitan ng takot ung pagmamahal sa puso mo na inilaan mo para sa akin. Kaya nagdecide ako na lalayo na muna ako. Mahirap man pero pilit kong kakayanin alang alang sa ikapapanatag ng loob mo dahil mahal na mahal kita, Mariel. Ayokong maging dahilan ng paghihirap ng kalooban mo. Maraming salamat sa pagmamahal na pinadama mo sa akin. Maraming salamat sa pagkakataong ipinaranas mo sa akin na maging masaya sa piling mo. Maraming salamat sa pagkakataong binigay mo sa akin para mahalin ka at maging parte ng buhay mo. I am really sorry, Mariel, at tandaan mo lagi na mahal na mahal na mahal kita. Ikaw lang ang babaeng mamahalin ko hanggang mabigyan tayo ng pagkakataong magkitang muli. When that time comes, I will make sure that you will be proud of me at sana ay napatawad mo na ako. Sana andyan pa din ung pagmamahal mo para sa akin. I hope you could love me again pag nagkita ulit tayo.
Dondon
*************
Kung gaano kasakit noong una kong nabasa ang sulat ni Dondon para sa akin ay ganun pa din kasakit ang nararamdaman ko tuwing binabasa ko ulit ito. Muli na naman akong naiyak dahil hindi ko siya binigyan ng pagkakataon na makapausap kami ng maayos. Ilang taon na nga ba ng huli kong nakita si Dondon? Mag 11 years na pala un.
Tumayo ako para kunin ang isang wooden box na may nakaengrave na D heart M na nasa drawer ko kung saan ko tinatago ang mga alaala sa akin ni Dondon. Kahit saan ako pumunta ay bitbit ko ang wooden box na ito. Isinama ko ang sulat niya sa iba pang mga bagay na nakakapagpaalala kay Dondon sa akin. Andun ung mga balat ng chocolates na binigay nya sa akin. Ilang piraso ng pinatuyong petals ng bulaklak na bigay niya sa akin na ipinaplastic laminate ko. Mga ballpen at iba pang mga bagay na niregalo niya. Ang pahina ng dyaryo kung saan andoon ang kanyang pangalan nung pumasa siya sa Board Exam ay andun din. Naging CPA din siya gaya ko. Bukod sa mga bagay na nasa wooden box, meron pa akong inilalaan para sa kanya. Ang puso ko na hanggang ngayon ay umaasang makikita ko siyang muli at magmamahal muli sa kanya.