Kung ako ang papipiliin...
Kasalanan ko ba?
Mahal ko naman si Celeste. Buong buhay ko, siya ang kasama ko. Iwanan man ako o pandirihan ng lahat, si Celeste lang ang laging nandiyan. Hindi niya ako iniwan, at hindi niya ako iiwan—kahit kailan.
Mahal ko si Celeste. Kung hindi dahil sa kanya, matagal na siguro akong sumuko.. nagpakamatay.
Celeste is my rock, my beacon. But...
She is also the bane of my existence.
Kung hindi dahil kay Celeste, masaya sana ako. Malaya sana ako. May mga kaibigan sana ako... normal sana ako.
Kasalanan ko ba?
Kasalanan ko bang gustuhin na mawala siya?
Kung ako ang papipiliin...
Wala akong social life.
Gusto ng mga magulang ko na pumasok ako sa normal na high school para makakilala ako ng mga kapwa estudyante—mga babaeng kaedad ko, kaparehas ko ng mga gusto. Alam kong it's all for me, pero nakakagalit sila. Wala silang alam kung gaano kahirap. All of this is happening to me just because of something I can't control.
"Problema mo na naman?" bulong niya.
"Manahimik ka," bumuntong-hininga ako at pinalo ang sarili kong tiyan, bago tumingin sa paligid, making sure na walang nakarinig.
Home-schooled ako since Grade 4, matapos kong daanin sa pag-iyak at pagwawala ang mga magulang ko. I won against their decision—nakuha ko ang gusto ko: to never step inside a school again. Sa batang edad ko, napagod na akong ma-bully, napagod na akong makarinig ng masasakit na salita tungkol sa akin.
Pero I am only human. I crave connection, I crave the outside. Finally, ngayong summer, nilabanan ko ang takot ko. I joined a group of volunteers na nag-initiate maglinis sa isang abandonadong amusement park located sa isang baryo, 2–3 hours ang layo mula sa amin.
The amusement park has been closed for decades, pero balak itong buksan ulit ng mayor para makatulong sa turismo. Because the park is within the woods, the place is almost reclaimed by nature. Kailangan nila ng maraming tao para maglinis bago simulan ng mayor ipaayos ang mga makina at iba pang pasilidad.
I don't know anyone here. Para sa iba, that is scary. But to me, it's the opposite. It's liberating—I feel like a new person.
Pero nawawala ang saya ko kapag naririnig kong magsalita si Celeste.
Speaking of...
"Kumain ka na, nagugutom na ako."
I hit my stomach again, harder this time. Napangiwi ako sa sakit.
"Shut the f**k up."
"Sisigaw ako o kakain ka?"
Umirap ako at bumuntong-hininga. At the end, ako nanaman ang talo.
"Fine."
Mula sa area kung saan ako naka-assign mag-linis, I walked to what was previously the amusement park's food court kung saan ko iniwan ang mga gamit ko. Siguradong masaya dito dati. Pero ngayon, halos walang laman ang lugar maliban sa ilang volunteers.
"Hi, Amara. Kakain ka na?" Lumapit sa akin si Lucian. Siya ang nag-post sa social media tungkol sa volunteer work. Anak siya ng mayor, at gusto niyang tumulong sa papa niya na mapalinis kahit paano ang amusement park dahil sa limited na pondo. Based sa post niya, gusto nila ilaan ang funds sa mga technician at construction workers na mag-aayos ng amusement park.
"O-Oo," tumikhim ako at umiwas ng tingin, pilit na hindi nagpapahalata ng kaba.
"Kayo ba?" Isinukbit ko ang bag ko sa likod at tumingin kay Lucian, nilalabanan ang kabog ng dibdib ko.
Nandito ako para subukang mabuhay ng normal. Hindi nila alam kung ano ako o kung ano ang itinatago ko. Wala akong dapat ikahiya.
"Kumain na kami. Kasabay ko si Isolde at 'yung iba pa naming kaibigan," sagot niya, sabay turo sa girlfriend niyang si Isolde, na nag-aayos ng pinagkainan kasama ang ibang volunteers.
"May iba pang hindi pa kumakain. Kung gusto mong sumabay, hintayin mo sila. Nasa dulo sila, naglilinis malapit sa CR."
"Ah, hindi na," tanggi ko. "Nagugutom na kasi ako, hindi na ako makakapaghintay." Nginitian ko siya, pilit pero magalang.
"Akyat lang ako sa rooftop. Medyo mainit dito. Tutuloy agad ako sa paglilinis pagkakain ko," sabi ko habang kumakaway at tumatalikod, hindi na hinintay ang sagot niya.
May kaba man sa dibdib, masaya akong tumakbo papunta sa bumper car arena kung saan ako naglilinis kanina. Mag-isa akong umakyat sa rooftop kung saan may nakapilang luma at kalawangin na lamesa at upuan. Mukhang ginamit ang lugar na ito bilang rest area dati.
Nakangiti kong tinawag si Celeste.
"Good mood ka, ah," pang-aasar niya.
"Siyempre. Nakuha ko ang gusto ko," sagot ko, inilalapag ang bag ko sa lamesa. "Sa wakas, nakipag-usap na ako sa ibang tao."
"Anong nararamdaman mo?" Tanong niya.
"Nakakakaba!" Hinawakan ko ang sarili kong pisngi. "Sobrang nakakakaba, pero ang saya ko! Sobra!"
"Good job. Proud ako sa'yo, Amara. Sana masaya ka."
Niyakap ko ang sarili ko nang mahigpit. Ngayon ko palang naranasang matanong kung kumain na ba ako, at ngayon ko lang din naranasang tumingin sa mata ng taong kumakausap sa akin. Gusto kong umiyak sa sobrang saya. Ramdam kong masaya rin si Celeste para sa akin.
"Tingin mo ba, kaya kong magsimula ng bagong buhay dito?" Nakangiti kong tanong. Binuksan ko ang balot ng baon kong sandwich at nagsimulang kumain, puno ang bibig habang nagsasalita.
Hindi sumagot si Celeste.
"Maybe I can convince our parents. Ma-appreciate siguro nila na gusto kong maging independent. Hindi na ako palaging magtatago sa bahay. Magkakaroon ako ng confidence na lumabas," masaya ko ulit na sabi.
"Paano ako?"
Bumagsak ang mga balikat ko matapos kong marinig ang mga salitang 'yon. This time, ako naman ang hindi sumagot.
"Paano ako, Amara?"
I stayed silent. Lahat ng excitement na naramdaman ko kanina ay nawala.
"Gusto mo akong manahimik habang buhay?"
"Celeste, pwede ba..." I palmed my face. Sawa na ako makaramdam ng ganito.
"Hindi! Ayaw kong manahimik, ayaw ko nang manahimik!"
"Shut up, Celeste!"
" Ayoko! Tao din ako, Amara, tulad mo. Parehas lang tayo!"
Inihagis ko ang sandwich ko sa inis. Tumayo ako at yumuko, sinigawan ko ang tiyan ko.
"Hindi tayo parehas!" sigaw ko, idinuro ang tiyan ko. Kung may nakakakita sa akin, malamang pagtatawanan ako. "Ako! Ako ang tao, Celeste! Hindi ikaw!"
"Iisa tayo, Amara!"
Matapos ang malakas na sigaw mula kay Celeste, nakaramdam ako ng matinding sakit sa sikmura. Ramdam ko ang inis ni Celeste. Tulad ng dati, pinaparusahan niya ako dahil hindi niya nakuha ang gusto niya.
"Tama na!" Iyak ko. Nawalan ako ng lakas sa mga tuhod ko. Natumba na ako sa sahig bago ko pa maabot ang upuan.
Sa pagkatumba ko, nakita ko si Isolde. Nakatayo siya sa likod ko, may hawak na bote ng tubig, bakas ang gulat sa mukha.
"A-Amara!" Nagmamadali siyang lumapit sa akin habang nakahandusay ako sa sahig, hawak ko ang tiyan kong sobra ang sakit.
"Amara, anong nangyayari?" Hinawakan niya ang mukha ko, halata ang panic sa boses at kilos niya.
Hinawakan ko ang kamay niya na nasa mukha ko habang patuloy akong umiiyak. Sa gitna ng sakit, nakaranas ako ng saya.
Ngayon lang may taong humawak at tumingin sa akin nang ganito—walang pandidiri, walang panghuhusga, puno ng pag-aalala. Ganito ba ang pakiramdam magkaroon ng kaibigan?
Mahal ko si Celeste. Importante siya sa akin. Pero kung ako ang papipiliin...
Gusto kong mawala na lang siya.