Naiwang nakaawang ang aking mga labi sa aking narinig mula kay Gob. Sebastian. Hindi ko inasahan na magiging ganito kalaki ang matatanggap ni Juancho oras na makipagsundo siya kay Gob. Sebastian upang magapi ang kampo ng Katipunan. Ngayon, balot na balot na ng dugo ang buong paligid at ilang bangkay na ang nakahandusay sa lupa. Kahit na nakikita nilang wala ng buhay ang mga Katipunero, wala pa rin silang tigil sa pagbibigay rito ng mga saksak. Umalingawngaw ang kanilang mga halakhakan sa buong paligid at pumapantig ito sa aking tainga. Nakaririndi. Nakasusuklam. Ang tanging hiling ko ay sana hindi mabuglag si Juancho sa mga matatamis na pangako ni Gob. Sebastian kahit na ang kapalit pa nito ay ang kaayusan ng buhay ng kaniyang pamilya. Kilala ko si Juancho at hindi siya basta basta magde

