Jared
Napalakas ang tawa ko habang nakahawak sa manibela. Nakakatawa, kasi walang kaide-ideya si Aly na ako ang Jared na tinuktukan niya ng bunot. Wait, that's not even funny. Masakit yon.
Natatawa ako dahil hindi nya alam na ako 'yong Jared na ikinukwento niya. Kwela talagang balikan ang mga nangyari no'ng high school, lalo na't wala na lang sa 'kin ang mga 'yon. Aly is just someone who reminds me of my comic past... nothing more.
"Pinagtatawanan mo ba ako, Sir?"
"Siyempre," pang-iinis ko.
Sumimangot siya, nag-cross arm at nagpaling ng tingin sa labas ng kotse. "Hindi ko na nga nasabi no'ng time na 'yon kay Bryan na gusto ko siya dahil do'n sa Jared na 'yon."
"So, what happened next?" sabik kong tanong. "Nagkita pa ba ulit kayo ni Jared sa school pagkatapos?"
"Yeah. Paminsan-minsan nagkakasalubong sa corridor."
"Nagkausap ba kayo ulit?"
"Hindi, e. I've been avoiding him."
"O, bakit?"
"Ayoko kasi sa manyak."
Napakunot ako ng noo. "Manyak ka d'yan."
"Oo. Feeling ko talaga manyak siya. Tska, basagulero."
"Basagulero?"
"Oo. Nakita ko kasi siya minsan na nanuntok ng estudyante sa canteen."
"T-Talaga?"
"Yup."
***
Alyson Dimaano
Canteen
August 26, 2002 (20 Years Ago)
Pumila kami ni Tere sa counter. Medyo maraming tao ngayon kasi break time.
"Anong kakainin mo, Bes?" tanong ni Tere.
Tumingkayad ako para silipin kung ano ang meron sa loob ng salamin. "Uhm. Pansit na lang," sabi ko. "Ikaw?"
Tumingkayad din siya. "Uhm. Ham sandwich na lang ako sa labas."
"Okay."
"Balik ako," sabi niya bago naglakad palayo at iniwan akong nakapila. Nag-cross arm lang ako at nagkagat ng labi labang hinihintay ang pagkakataon ko sa unahan–nang kalabitin ako ng isang lalaking sa likuran ko.
"Miss, nahulog 'yong panyo mo, o," sabi niya habang itinuturo ang panyo ko ko sahig.
"Ay." Yumuko ako at dinampot ang panyo bago ipinagpag. "Thank you, kuya," nakangiti kong sabi.
Ngumiti rin siya. "No, problem."
Ngumiti ako ulit bago muling humarap sa unahan ng pila. Mabuti na lang at ang bait ni kuya. Nag-cross arm ulit ako at naghintay.
Ilang sandali pa, nang makarating ako sa unahan ng pila, nakarinig na lang ako bigla ng mga sigawan sa isang sulok ng canteen. Nakita ko 'yong payat na lalaking medic na sinuntok 'yong mabait na kuya sa likod ko kanina. Napatihaya si kuya at nakita kong nagdugo ang ilong. Napasapo ako ng bibig sa gulat. Susuntukin pa sana niya ulit ang kawawang si kuya nang awatin na siya ng napadaang teacher.
Lumapit sa akin si Tere. "Shocks, Aly, anong nangyari do'n?"
"Hindi ko rin alam," kako.
Nakangising lumapit ang kaklase kong si Kenneth kay Eugine na nasa tabi lang din namin. "Pota, nakita mo? Sinapak ni Jared si Jomar," ganado niya pang sabi na iminu-muwestra pa na animo'y boksingero.
"Gago amputa. Kengkoy 'yong pagkakasapak," komento naman ni Eugine.
"Warfreak ang lokong Jared," iling ni Kenneth.
Napabuntung hininga na lang ako.
***
Jared
"Sobrang turn off," iling ni Aly. "Ayaw na ayaw ko pa naman sa mga basagulero."
Tamang-tama namang nagpula ang ilaw sa traffic light kaya't inihinto ko ang kotse.
Natahimik ako sandali at napaisip habang nakatingin sa pulang ilaw ng kotse sa harap namin. "Baka naman may dahilan 'yong tao," kako. "You know, minsan may two sides ang isang kwento."
"Sir, kitang-kita kaya ng lahat na siya 'yong unang sumuntok do'n sa tao. Kawawa naman."
Huminga lang ako ng malalim at nagpaling lang ng tingin sa nakahintong jeep sa gilid ko. Natapunan ko ng tingin ang dalawang estudyanteng lalaki na nakaupo sa harap ng jeep–nagpi-picture picture.
"Ikaw, Sir? Siguro palaaway ka rin no'ng high school."
Napapaling ako ng tingin sa kaniya. "Ako?"
"Hindi, 'yong baboy sa supot," biro niya.
Ngumiti lang ako. "Hindi. Tahimik lang ako no'n. Pero, yeah. Nakipag-away na rin ako, minsan."
***
Jared Cruz
Canteen
August 26, 2002 (20 Years Ago)
Hopia. Softdrinks. Tsitsirya.
Tsitsirya. Hopia. Softdrinks.
Softdrinks. Tsitsirya. Hopia.
Paulit-ulit lang ang kinakain ko. Halos lahat na ng kombinasyon nasubukan ko na. Parang combo sa nilalaro kong fighting game. Nakakasawa na.
Nagbuntunghininga ako habang nakaupo sa mesa sa isang sulok ng canteen. Kasama ko ang kaklase kong si Lui. Hindi siya mahilig sa Playstation pero siya lang ang nakasasabay sa trip ko... tska pumupogi ako kapag kasama siya. So, why not?
Dumukot ako ng isang hopia sa supot bago kinagat. Dinampot ko ang bote ng softdrinks sa mesa at ambang sisipsip sa straw nang matapunan ko ng tingin sa 'di kalayuan 'yong babaeng dinala sa HQ, may kasamang butanding.
Hindi ko na nainom ang softdrinks at napatitig na lang sa kaniya. Ngayon ko lang nakitang nakalugay ang buhok niya. Madalas, palagi siyang nakapusod.
"Dude!" Hampas ni Lui sa balikat ko. "Bakit mo tinitignan si Aly?"
Nabitiwan ko 'yong softdrinks sa mesa, bahagyang natapon 'yong laman pero mabilis ko ring itinayo.
"Aly?"
"Oo. 'Yun o." Nguso niya. "Alyson ang pangalan nya."
"Dinala lang siya no'ng nakaraan sa HQ. Di ba nga, Medic ako?"
"Dude, me d**k din ako."
"Gago," iling ko sabay sipsip sa straw at paling ng tingin kay Alyson.
Alyson pala ang pangalan niya.
Nakapila sila sa harap ng counter. Nakita kong umalis 'yong butanding... teka, estudyante rin 'yata 'yon. Naka-uniform, e. Tsk. Kala ko butanding. Kahugis kasi, e.
"Alyson Dimaano ang buo niyang pangalan," ani Lui. "Ang ganda niya, 'no? Transferee. Matalino 'yan. Higher section."
Napangiti ako. "Alyson Dimaano..."
"Nyak. Bakit ganyan ang ngiti mo?"
"Ha?"
"Hala!" Duro nya sa mukha ko. "May gusto ka kay Alyson?"
"Oy, wala, a!" tanggi ko.
"Tsk. Nako, dude. Huwag mo nang balakin."
"Bakit? May boyfriend na ba siya?"
"Ang alam ko wala. Pero, hindi ka no'n magugustuhan."
"Bakit naman?"
"Ang payat mo kaya. Tska ang haba ng mukha mo from all angles. Nakakasura tignan. Tska 'yong tagyawat mo parang elevator, pabalik-balik."
"Tangina, dude, salamat, a." Irap ko sa kaniya. 'Yong Irap para sa mahirap.
Napapaling ulit ako ng tingin kay Alyson habang sumisipsip sa bote. Napansin ko 'yong lalaki sa likod niya. Pasimpleng dinudukot 'yong panyo niya sa bulsa ng palda niya tapos inihulog sa sahig. Napakunot ako ng noo at natigilan sa pagsipsip.
Kinausap ng lalaki si Aly at itinuro ang panyo sa sahig. Yumuko si Aly para damputin ang panyo nang pasimpleng niyang pinicturan si Aly gamit ang isang digital camera.
Ibinaba ko ang hawak kong bote sa mesa at napaayos ng upo.
"Bakit, Jared?" tanong ni Lui pero hindi ko na siya nasagot.
Naglakad ang lalaki palayo kay Aly habang nakangiting tinitignan ang hawak na digi-cam. Lumapit ang lalaki sa katabi naming mesa at doon naupo, kasama ang apat na lalaki na nakangising naghihintay sa kaniya.
"Ano, dude, nakuhaan mo?" atat na tanong ng isa habang halos mapunit na ang bibig sa laki ng ngiti.
"Gago, ang laki ng pwet ni Aly," sabi ng nag-picture sabay harap ng digi-cam sa mga kasama.
Parang nagpanting ang tainga ko sa narinig ko. Hindi ko nagustuhan ang ginawa niya kay Alyson.
Tumayo ako.
Napatingin sa akin si Lui. "Oy, Jared, sa'n ka pupunta?" Hindi ko siya pinansin at dumiretso ng lakad sa table nila.
"Burahin mo," sabi ko ng may otoridad.
Napatingin silang apat sa akin.
"Ano kamo?" pagtataka ng nag-picture.
"Nakita ko yung ginawa mo, burahin mo." Matalim kong titig sa kaniya.
Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa bago nagpaling tingin sa mga kasama at natawa.
"Hindi ko na uulitin. Burahin mo."
Tumayo siya sa harap ko at napakunot ng noo. "Tangina mo, payat, a?! Ba't ka ba nakikialam?!"
Tinawag ba niya akong payat?
"Papalag ka ba, ha, payat?!"
Okay, tinawag niya akong payat.
"Ano, ha, payat?!"
Lintek. Inulit pa.
Inilapit niya ang katawan niya sa akin at binangga ako ng isang balikat. Nagsigawan ang mga estudyante sa paligid. Dito na nagdilim ang paningin ko. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Isinara ko nang mahigpit ang kamao ko bago bumuwelo. "Shiiiir–yuuu–keeeeeen!!"
Isang malakas na suntok ang pinakawalan ko sa baba niya na agad nagpatihaya sa kaniya sa malawak na sahig ng canteen.
Pakiramdam ko ako si Ryu sa Street Fighter. Parang umalingawngaw pa sa loob ng ulo ko ang malalim na boses ng narrator sa game.
K.O. Jared Wins!