PROLOGUE - Battlefield
P.E. Class
February 14, 2003 (20 years ago)
Malalakas na kantiyawan at tawanan mula sa mga estudyante ang maririnig sa buong quadrangle.
Makikita nating naiilang si Alyson habang papalapit sa kanya ang patpating si Jared hawak ang isang teddy bear stuffed toy. Parang liliparin ng hangin sa laki ng suot na polo. Parang bagong ahon na kikyam sa mantika dahil sa pinahid na Chin Chun Su sa mukha. At dahil tres lang ang sachet ng Gatsby sa tapat, bakit nga naman hindi nya iki-kimpy ang maikli at kulot nyang buhok?
Nanginginig ang mga kamay ni Jared habang inilalahad ang stuffed toy. "A-Aly..." Hindi sya makatingin sa mga mata ng maganda at mahinhing dalaga.
"A-ano kasi, J-Jared..." Tinignan lang yon ni Alyson. Isang teddy bear na may hawak na puso na animo’y nakangiti sa kanya.
Higher section si Alyson. Lower section na naman si Jared. Parang langit at lupa ang pagitan nila. Parang sa mga uso at sikat na Mexican Novela sa TV.
"Kunin mo na, Alyson!" sigaw ng isang 4th year na nakadungaw sa second floor na lalo pang nagpalakas ng sigawan at panunukso ng ibang estudyante.
"A-Aly–" pagkaumid ni Jared.
Hinampas ni Alyson ang teddy bear sa kamay ni Jared at nahulog sa lupa.
Tumakbo si Alyson palayo. Naiwan si Jared sa gitna ng malalakas na panunukso’t tawanan.