Chapter 6

1815 Words
Tatica SUMISINGHOT na tinitingnan ko si nanay na nasa loob ng puting kabaong. Hindi ako naniniwalang patay na sya kahit yun ang laging sinasabi nila Iyek at ng mga kapitbahay namin. Natutulog lang sya. Pero bakit ang tagal nyang gumising. Kahapon pa sya nakahiga dyan at may make up pa, suot nya ang paborito nyang damit. "Nay, nanay gising ka na po. Tanghali na po. Nay.. Nanay.. N-Nanay ko.." Umiiyak na sabi ko habang niyuyugyog ang puting kabaong. "Tati anak, wag mong yugyugin ang kabaong ng nanay mo baka malaglag yan." Mahinahon na saway sa akin ni tatay. Hinawakan nya ang braso ko at marahan akong hinila palapit sa kanya. Pinunasan ko ng kamay ang luha kong lumandas sa pisngi. "Tay, si nanay hindi pa gumigising." Sumisinghot na sabi ko. "Anak, w-wala na si nanay mo. P-Patay na sya i-iniwan na nya tayo." Pumatak ang luha ni tatay sa pisngi pero mabilis din nya iyong pinunasan. Umiling iling ako. "Hindi po totoo yan tay. Hindi pa patay si nanay. Natutulog lang po sya." Niyakap ako ni tatay ng mahigpit at narinig ko ang pag iyak nya. Marami ang mga kakilala namin ang nakiramay. Ang mga kapitbahay namin ay tinutulungan kami sa pag aasikaso sa mga bisita. Kami lang kasi ni tatay ang nandito. Si Kuya Jomel ay nasa hospital pa at nagpapagaling. Ang sabi pa nga ng doctor may posibilidad daw na baka hindi na sya makalakad. Kawawa din ang Kuya Jomel ko. Iyak nga sya ng iyak ng malamang patay na si nanay. Sinisisi nya ang sarili nya pero wala naman syang kasalanan. Ang malungkot pa ay hindi pa sya pwedeng makalabas. "Pareng Elias nakikiramay ako." Sabi ni Ninong Raul na bagong dating. Kasama nya ang mga kasamahan ni Kuya Jomel sa trabaho na nagpahatid ng pakikiramay. Nangamusta din sila kay Kuya Jomel. "Heto pare, kaunti lang yan. Pero sana makatulong." Inabot ni Ninong Raul ang isang puting sobre kay tatay. Kinuha naman yun ni tatay. "Salamat pare." Naiiyak pang sabi ni tatay. Tumingin sa akin si Ninong Raul at hinimas ang ulo ko. "Magpakatatag ka pare, kailangan ka ng mga anak mo lalo na itong bunso mo." Suminghot si tatay. "Hindi ko lang kasi matanggap pare, na iniwanan na kami ni Loida. Ang sakit." Humagulhol si tatay. Pati ako ay umiyak na rin. "Biglaan naman kasi ang nangyari. Maging ako ay nabigla at hindi pa rin makapaniwala. Noong isang araw lang nakita ko pa syang naglalakad at may dalang pinamili sa palengke. Malakas na malakas pa sya at malusog. Sinong mag aakala na isang iglap ganun ang mangyayari. Hindi mo talaga masasabi ang hinaharap." Sabi ni Ninong Raul at tinapik tapik si tatay sa balikat. Ngayong wala na si nanay wala ng magbubunganga sa akin, wala ng magkukuto sa akin, wala ng mag aayos ng uniporme ko, wala ng magsusuklay at magtatali ng buhok ko. Paano na ako? Hindi naman marunong si tatay at Kuya Jomel magtali ng buhok ko. At higit sa lahat wala ng yayakap sa akin kapag may sakit ako. Lalo akong napasibi sa lungkot. Mahal na mahal ko si nanay. Sana hindi na lang totoo ang lahat ng ito. Dumating din ang mga kasamahan ni tatay sa palaisdaan. Nag abot din sila ng kaunting tulong kay tatay. Dumating din sila Iyek, Jonjon at Lester. Kauuwi lang nila galing eskwelahan. Ako naman ay hindi muna pumasok. "Wag ka ng umiyak Tati." Pagaalo sa akin ni Iyek. Malungkot ang mga mukha nilang tatlo habang nakatingin sa akin. "Paano akong hindi iiyak? Patay na si nanay, wala na akong nanay." Sumisibing sabi ko. Tumabi ng upo sa akin sa bangko si Iyek. "Pwede mo namang maging nanay ang nanay ko. Magkumare naman sila ni Aling Loida saka hindi naman sila nagkakalayo dahil parehas silang mabunganga." "Yung mama ko din pwede mong maging nanay. Yun mga lang mataba ang mama ko parang ako." Sabi naman ni Jonjon. "Si nanay ko din pwede mo ring maging nanay. Kaibigan sya ni Aling Loida at parang anak din ang turing nya sayo. Hayun nga sya o pinupunasan yung kabaong ni Aling Loida." Ani Lester na tinuro ang nanay nya na si Aling Mercy na nasa harap ng kabaong ni nanay at pinupunasan ito. Isa sya sa mga tumulong sa amin ng dalhin si nanay sa hospital. Pinahid ko ng damit ang luha ko. "Salamat sa inyo." Kahit papaano ay nababawasan ang lungkot ko dahil nandito silang mga kaibigan ko. Lalo na si Iyek na lagi akong sinasamahan. Dumarami pa ang mga bisitang dumarating. Halos mapuno na nga ng tao ang bakuran namin. Dinudumog din kasi ng mga nakikiramay ang saklaaan. Pero may isang bisita ang dumating na hindi ko inaasahan. Si Boss Conrad kasama ang mga alalay nya. "Elias, nandyan si Conrad." Untag ni Mang Timo na tatay ni Iyek kay tatay. Sabay kaming lumingon ni tatay sa pintuan. Napasimangot ako ng makitang papasok si Boss Conrad na bahagya pang yumuko dahil mauuntog sya sa pinto namin. Tumayo pa ang mga bisita namin na nasa loob ng bahay at binati sya. Tumingin sya sa direksyon namin ni tatay at lumapit. Tumayo naman si tatay. Tumayo din ako at kumapit sa braso ni tatay. "Nakikiramay ho ako Mang Elias." Sabi ni Boss Conrad kay tatay at nilahad ang kamay. "Salamat Conrad, sinurpresa mo naman ako sa pagbisita mo dito sa lamay ng asawa ko." Sabi ni tatay at tinaggap ang palad ni Boss Conrad. Ako naman ay masama lang na nakatingin kay Boss Conrad. "Nabalitaan ko ho kasi ang nangyari kanina lang sa baranggay kaya pumunta ho ako dito para makiramay." May dinukot si Boss Conrad sa likod ng bulsa ng pantalon nya. Isa iyong puting sobre at medyo makapal ang laman. Inabot nya iyon kay tatay. "Heto ho Mang Elias, tanggapin nyo ang tulong ko." Kinuha ni tatay ang puting sobre at bahagyang sinilip ang laman. Nanlaki ang mata ni tatay. "Naku Conrad, hindi ko yata matatanggap ito. Masyado yata itong malaki." Sabi ni tatay at inabot ulit ang puting sobre kay Boss Conrad pero tinulak lang nito ang kamay pabalik kay tatay. "Alam ko hong malaki ang kailangan nyo para sa pampalibing ni Aling Loida kaya tanggapin nyo na ho yan. Kung kulang pa wag ho kayong mahiyang lumapit sa akin." "Nakakahiya talaga sayo Conrad, may atraso na nga ang anak ko sayo tapos tutulungan mo pa kami." Nahihiyang sabi ni tatay. "Wala ho yun Mang Elias, yung tungkol sa ginawa ng anak nyo kinalimutan ko na yun. Magkakabaranggay ho tayo kaya dapat tayo ang magtulungan." Ani Boss Conrad na tumingin pa sa akin at bahagyang ngumiti. Nginusuan ko naman sya at sinimangutan sabay irap. Hindi imporket nagbigay sya ng tulong ay mapapatawad ko na sya sa pambubugbog nya sa Kuya Jomel ko. Galit pa rin ako sa kanya. Kung wala nga lang si tatay sinigawan ko na sya eh. "Maraming maraming salamat Conrad, napakalaking tulong nito. Balang araw makakabawi din ako sayo. Di ko nga lang alam kung kailan at kung sa paanong paraan." Tinapik tapik ni Boss Conrad ang balikat ni tatay. "Wag nyo na hong intindihin yun Mang Elias." Bumitaw muna ako kay tatay ng samahan nya si Boss Conrad na silipin si nanay sa kabaong. Naiwan naman ang mga alalay ni Boss Conrad na umupo pa sa bangko. "Hoy bata, nakikiramay kami." Sabi sa akin ng lalaking mukhang palaka. Sinimangutan ko sya. "Salamat. Pero sana multuhin kayo ni nanay." "Aba't -- " "O Pancho, wag mo ng patulan ang bata. Malungkot yan dahil patay ang nanay. Intindihan mo na lang." Awat ng isang alalay sa lalaking mukhang palaka. "Maldita eh. Nakikiramay na nga nagmamaldita pa." "Hayaan mo na, bata yan. Bata pagpasensyahan mo na tong kaibigan naming palaka -- este si Pancho." Siniko ng lalaking mukhang palaka ang kasama nya. "Isa ka pa eh." Hindi ko na lang sila pinansin at lumabas na ng bahay para puntahan sila Iyek. Nakita ko sya sa saklaan kasama si Jonjon at si Lester. Dumating din sa burol ni nanay ang kapatid nyang taga Maynila, si Tita Marie kasama ang asawa nyang si Tito Rodel. Umiiyak si Tita Marie habang nakatingin kay nanay sa kabaong. "Loida, kapatid ko. Bakit naman bigla kang nawala. Ang bata bata mo pa." Humahagulhol na sabi ni Tita Marie. Tumingin sya kay tatay. "Elias, bakit naman pinabayaan mo ang kapatid ko?" "P-Pasensya ka na Ate Marie, hindi ko ginusto ang nangyari. Biglaan ang nangyari. Check up nya sana noong isang araw pero hindi sya nakapag pacheck up kasi wala kaming pera. Inatake sya sa puso ng malaman nyang sinugod sa hospital si Jomel. Noong dinala ko sya sa hospital deniklara na syang dead on arrival ng doktor." Paliwanag ni tatay. Rumehistro ang inis sa mukha ni Tita Marie. "Kasalanan mo to eh. Kung hindi sana ikaw ang pinatulan ng kapatid ko hindi sana mangyayari sa kanya to. Sana yung ibang manliligaw na lang nyang mayaman ang pinatulan nya na kaya syang ipagamot. Hindi kagaya mong.." Umikot ang mata ni Tita Marie sa loob ng bahay namin. "Mahirap pa sa daga." "Grabe ka naman magsalita Ate Marie." "Bakit totoo naman ah! Nakita mo nga ang nangyari sa kapatid ko? Dahil wala kang perang pampacheck up sa kanya hayan! Namatay sya ng maaga." Galit na sabi ni Tita Marie. "Nagmamahalan kami ni Loida Ate Marie. Kahit mahirap lang kami masaya ang pamilya namin." "Masaya? Masaya ba yang patay na sya ha?" "Marie huminahon ka nga. Wag kang mag eskandalo nakakahiya sa ibang nakikiramay." Saway ni Tito Rodel kay Tita Marie. Nakatingin na nga sa amin ang ibang mga nakikiramay at mga kapitbahay namin na nagbubulungan na. Malamang pagtsitsismisan na naman kami. "Wala akong pakialam! Mabuti nga para malaman ng mga tao dito kung gaano kamalas ang kapatid ko na ang lalaking ito ang napangasawa nya. Kita mo nga tong bahay nila. Ang liit liit! Mainit! Walang palitada ang dingding at wala pang kisame ang bubong. Linoleum lang ang sahig. At kita mo tong pamangkin ko. Ang payat payat! Madungis! Malamang puro tilapya lang ang pinapakain dito. Yung isa ko namang pamangkin hayun nasa hospital dahil naaksidente sa pagtatrabaho. Dapat nag aaral sya ngayon ng kolehiyo. Pero dahil sa lalaking to na wala namang tinapos at mas mahirap pa sa daga hayan! Damay ang asawa at mga anak sa kahirapan nya." Nakita kong yumuko na lang si tatay dahil sa mga sinabi ni Tita Marie. Humawak ako sa kamay ni tatay. Mahigpit din nyang hinawakan ang kamay ko. Ang alam ko may kaya si Tita Marie at sa Maynila sya nakatira. May sasakyan nga sila na nasa labas eh. May anak din sila na babae na kasing edad ko, Meryl ang pangalan nya. Di nila ito kasama ngayon. Bibihira lang pumunta dito sa amin si Tita Marie. Si nanay lang ang lagi nyang kinakausap noon at hindi pinapansin si tatay. Di rin kami malapit ni Kuya Jomel sa kanya kasi mataray sya. *****
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD