Tatica
DALAWANG araw bago ilibing si nanay ay nakalabas na si Kuya Jomel mula sa hospital. Naka wheelchair sya at hindi makalakad. Nasa tabi lang sya ng kabaong ni nanay at kung minsan ay umiiyak. Kaya naiiyak din ako. Ayaw nyang matulog dahil gusto nyang tingnan lang si nanay. Ayaw din nyang kumain minsan kung hindi pa namin sya pipilitin ni tatay.
"Anak matulog ka muna. Wala ka pang matinong tulog mula ng lumabas ka ng hospital." Sabi ni tatay kay Kuya Jomel.
"Hindi pa po ako inaantok tay. Dito muna ako sa tabi ni nanay." Ani Kuya Jomel na hindi inaalis ang tingin kay nanay sa kabaong.
"Anak, bukas libing na ng nanay mo. Pwede namang mamayang gabi ka magpuyat. Pero ngayon matulog ka muna."
"Yun na nga po tay, libing na bukas ni nanay. Hindi ko na sya makikita. Hindi na natin sya makikita. Kaya gusto kong sulitin ang mga oras na nandito pa sya."
Lumapit din ako kay Kuya Jomel at nakisilip na rin sa kabaong. Ililibing na nga bukas si nanay. Hindi rin ako matutulog mamayang gabi.
"Naiintindihan kita anak. Pero kalalabas mo lang ng hospital. Kung nabubuhay pa ang nanay mo papagalitan ka nun."
Umiyak si Kuya Jomel. "Sana nga po tay, buhay pa si nanay."
Naiyak na rin ako at yumakap sa braso ni Kuya Jomel. Niyakap naman kami ni tatay.
Sobrang mamimiss ko si nanay. Sana sa langit masaya na sya doon kasama ni Papa God at wala na syang sakit.
Kinabukasan araw ng libing ay maraming tao ang sumama para ihatid si nanay sa sementeryo. Suot ko ang puting bestida na binili sa akin ni nanay. Nakaputi kaming lahat. Si Kuya Jomel na nasa wheelchair ay tulak tulak ni Ninong Raul. Nakilibing ang halos lahat ng kapitbahay namin pati na rin ang mga kasama ni Kuya Jomel sa trabaho pati na rin mga katrabaho ni tatay. Sumama din si Iyek, Jonjon at Lester. Kasama din si Tita Marie at Tito Rodel.
Pagpasok ng kabaong ni nanay sa parisukat na lagusan na yari sa semento ay umiyak kaming tatlo ni tatay at Kuya Jomel. Hinagis na namin ang mga bulaklak na hawak namin sa loob bago ito tinakpan..
-
Nandito kaming tatlo ni tatay at ni Kuya Jomel sa maliit naming sala kaharap namin si Tita Marie at Tito Rodel. Paguwi namin kanina galing sementeryo ay malinis na ang bahay pati sa labas. Nagtulong tulong maglinis ang iba naming kapitbahay na naiwan.
"Ano ba ang gusto nyong sabihin Ate Marie?" Tanong ni tatay kay Tita Marie.
Bumuntong hininga si Tita Marie na tumingin pa sa akin. Humawak naman ako sa braso ni tatay at ngumuso.
"Nag usap kami ni Rodel, Elias. Gusto naming kunin si Tatica. Sa amin muna sya. Dadalhin namin sya sa Manila at pag aaralin." Sabi ni Tita Marie.
Nanlaki naman ang mata ko. "Isasama nyo po ako sa Maynila tita? Ayoko po." Iiling iling na sabi ko at humawak ng mahigpit sa braso ni tatay.
"Ate Marie, hindi ako makakapayag na kunin nyo sa akin ang bunso ko. Lalo na ngayon na kalilibing pa lang ni Loida." Pagtutol din ni tatay.
"Makinig ka muna sa akin Elias. Hindi ko naman literal na kukunin sayo si Tatica. Sa amin muna sya para maalagaan sya ng maayos. Doon sa Manila ay makakapag aral sya sa maayos na eskwelahan. Makakain sya ng maayos. Pag aaralin ko sya hanggang sa makatapos sya. Yun man lang ay maging tulong ko na sa kapatid kong namayapa na."
"Naiintindihan ko ang pagmamalasakit mo Ate Marie at nagpapasalamat ako. Pero nakakapag aral naman ng maayos dito si sa amin si Tati kahit public school lang ang eskwelahan na pinapasukan nya. Napapakain ko din sya ng maayos."
"At kuntento ka na sa ganoon Elias?" Nakataas ang kilay na tanong ni Tita Marie.
"Hindi naman sa ganoon Ate Marie. Ayoko lang mawala sa akin ang bunso ko."
Ngumisi si Tita Marie. "Yan ang hirap sayo Elias, inuuna mo yang damdamin mo. Kung nandito lang sa San Isidro si Tatica anong mararating nya? Saka paano mo sya maalagaan eh araw araw kang nasa palaisdaan para kumayod. Di mo naman pwedeng asahan tong si Jomel dahil kita mo naman di na makalakad. Sige nga! Paano mo matutustusan ang pangangailangan nitong bunso mo eh siguradong ngayong patay na ang kapatid ko ay lalo pa kayong magigipit. Pampagamot pa nitong si Jomel. O paano na?"
"Gusto mo bang magaya tong bunso mo sa panganay mo na hindi nakapag tapos ng pag aaral? Anong magiging trabaho nya pag laki nya? Tindera dyan sa bangketa o kaya maaga na lang syang mag asawa? Eh talagang walang mangyayari sa buhay nyo? Isipin mo na lang na at least kahit itong bunso mo ay makakapagtapos. Kapag nakagraduate sya sa kolehiyo eh di makakahanap sya ng magandang trabaho na malaki ang sweldo. Matutulungan pa nya kayo ni Jomel. Ikaw na nga ang tinutulungan ang dami mo pang arte. At saka para namang hindi babalik sayo ang anak mo. Mag aaral lang sya. Mag isip ka nga."
Napatingin ako kay tatay ng akbayan nya ako. Nakayuko sya at kita ang lungkot sa mukha nya.
Ayokong sumama kay Tita Marie sa Maynila. Dito ko lang gusto sa amin.
"Tama si Marie, Elias. Saka mapapaganda ang buhay ng anak mo sa amin sa Maynila. Mabibigay namin ang pangangailangan nya habang lumalaki sya." Sabi naman ni Tito Rodel.
Bumuntong hininga naman si tatay. Si Kuya Jomel ay hindi naman umiimik.
"Gusto mo ba yun Tatica? Sa Manila ka mag aaral. Magaganda ang mga eskwelahan doon. Mag aaral ka sa kaparehas na eskwelahan ni Meryl. Baka maging magkaklase pa kayo. Saka maraming laruan sa bahay si Meryl pwede kayong maglaro dalawa." Nakangiting sabi sa akin ni Tito Rodel.
Umiling iling naman ako. "Ayoko pa rin po. Dito lang ako kanila tatay at kuya." Yumakap na ako sa bewang ni tatay.
"Pag isipan mo ang sinabi ko Elias. Isang beses ko lang itong iaalok. Isipin mo ang kinabukasan ng anak mo. Kausapin mo rin sya." Tumayo na si Tita Marie at tumingin pa sa akin bago tumalikod at lumabas ng bahay. Sumunod naman si Tito Rodel.
Kaming tatlo na lang ang naiwan dito sa sala.
Pinagulong ni Kuya Jomel ang wheelchair nya at humarap sa amin ni tatay.
"Tay, wag po kayong pumayag na kunin ni Tita Marie at Tito Rodel si Tati. Wala na nga si nanay pati ba naman si Tati mawawala pa sa atin." Sabi ni Kuya Jomel.
"Hindi naman mawawala si bunso, Jomel. Saka tama naman ang Tita Marie mo. Magiging maayos ang buhay ng kapatid mo sa kanila sa Maynila."
Nataranta ako sa sinabi ni tatay. Mukhang payag na sya sa sinabi ni Tita Marie at Tito Rodel.
"Tay, ayoko nga po sumama sa kanila." Naiiyak na sabi ko.
"Tati anak, makinig ka kay tatay. Kapag sumama ka kay Tita Marie mo at Tito Rodel sa Maynila mas gaganda pa ang buhay mo. Malaki ang bahay nila don at may aircon pa. Marami silang pera at marami silang pagkain. Pag aaralin ka nila sa magandang ekwelahan."
"Pero maganda din naman po ang eskwelahan namin kahit masusungit yung mga teacher."
"Alam ko anak, pero doon sa Maynila mas maganda ang eskwelahan. Saka kaya kang pagtapusin ng pag aaral ng Tita Marie mo kesa sa akin. Magiging mas maganda ang buhay mo doon anak."
"Pero tay, a-ayoko pong malayo sa inyo ni kuya." Umiyak na ako at lalo pang yumakap kay tatay.
"A-Ako din naman anak ayoko ding malayo ka sa amin ng kuya mo. Pero kailangan natin magsakripisyo para sa magandang kinabukasan mo." Tumulo na rin ang luha ni tatay at niyakap ako ng mahigpit.
Lumapit din si Kuya Jomel sa akin at niyakap din ako.
Sa bandang huli ay napapayag din nila akong sumama kay Tita Marie sa Maynila. Nalulungkot ako pero iniisip ko na lang na gagawin ko ito para kanila tatay at Kuya Jomel. Mag aaral ako ng mabuti at kapag nakapag tapos na ako sa pag aaral maghahanap ako ng trabaho, tutulungan ko si Kuya Jomel magpagamot at hindi na magtatrabaho si tatay. Saka ang sabi naman ni tatay kapag nasa Maynila na ako ay dadawin din daw nya ako doon kaya magkikita pa rin kami.
"ANG lungkot naman iiwan mo na kami." Malungkot na sabi ni Iyek.
Nagpapaalam na ako sa kanilang tatlo na aalis na ako at sa Maynila na mag aaral. Mamaya ay susunduin na ako ni Tita Marie kaya nakabihis na ako.
"Babalik din ako dito sa San Isidro kapag nakapag tapos na ako ng pag aaral. Mamimiss ko kayo." Naiiyak na sabi ko.
"Mamimiss ka rin namin Tati. Mag iingat ka doon ha." Sabi ni Lester na malungkot din ang mukha.
"Basta wag mo kaming k-kakalimutan ha." Sabi naman ni Jonjon na naiiyak din.
Pinunasan ko ng kamay ang tumulong luha sa pisngi ko at tumango tango. "Kayo na ang bahala sa tatay at kuya ko ha. Lalo na si Kuya Jomel kasi hirap syang kumilos dahil hindi na sya nakakalakad." Bilin ko sa kanila.
Tumango tango naman sila. Nagyakapan kami at nagiyakan. Mamimiss ko silang tatlo. Sila ang best friend ko at hinding hindi ko sila makakalimutan kahit nasa Maynila na ako.
"Tati anak, nandito na ang Tita Marie at Tito Rodel mo." Tawag sa akin ni tatay.
Lumingon ako sa bahay. Nasa pinto si tatay at malungkot ang mukhang nakatingin sa akin. Nasa harap na ng bahay namin ang kotse nila Tita Marie at Tito Rodel.
Malungkot kong hinarap muli ang mga kaibigan ko na namumula ang mga mata dahil sa pag iyak.
"Babye na sa inyo, Iyek, Jonjon at Lester. Wag nyo kong kakalimutan ha." Malungkot na sabi ko.
"Hinding hindi ka namin makakalimutan Tati. Mag iingat ka sa Maynila ha. Saka magpromise ka babalik ka din dito." Sabi ni Iyek.
"Oo naman, babalik din ako dito. Pangako yan." Kumaway na ako sa kanila at tumakbo na pabalik ng bahay.
Binigay ni tatay kay Tita Marie ang bag na may lamang mga damit ko at isang brown envelope.
"Nandyan na ang lahat ng papel ni Tati sa school. Ikaw na ang bahala sa kanya Ate Marie. A-Alagaan mo sana ng mabuti ang anak ko." Naiiyak na sabi ni tatay.
"Wag kang mag alala Elias, hindi namin pababayaan ni Rodel si Tatica. Saka pwede mo naman syang dalawin sa Maynila."
Tumango tango si tatay. "Salamat Ate Marie. Tati anak." Tawag sa akin ni tatay.
Lumapit ako sa kanya at yumakap ng mahigpit. Narinig ko ang pagiyak ni tatay kaya naiyak na rin ako. Tiningnan ko si Kuya Jomel na nasa pintuan na umiiyak din habang nakatingin sa akin.
"Mamimiss ko po kayo ni Kuya Jomel tay."
"Kami din anak, mamimiss ka. Magpapakabait ka dun ha. Mag aaral ka din ng mabuti." Kumalas na ng yakap sa akin si tatay at pinunasan ng kamay ang luha ko sa pisngi.
Tumakbo ako kay Kuya Jomel at yumakap din sa kanya.
"Mamimiss kita bunso."
"Ako din kuya. Magpapalakas ka ha." Bilin ko sa kanya.
Tumango naman sya at hinaplos ang ulo ko.
"Tatica halika na. Baka gabihin na tayo sa daan." Tawag sa akin ni Tita Marie.
"Opo." Kumalas na ako ng yakap kay Kuya Jomel at lumapit na kay Tita Marie. Pinasakay na nya ako sa likod ng kotse at pinulupot sa katawan ko ang malapad na tali. Nanibago ako dahil ngayon lang ako nakasakay sa kotse at ang lamig pa dito sa loob. Puro jeep lang at traysikel ang nasasakyan ko.
Tumingin ako sa labas ng bintana ng kotse. Pinigilan kong umiyak at kumaway na lang kay tatay at Kuya Jomel. Kumaway din sila sa akin. Sumulpot din sa harap ng bintana sila Iyek, Jonjon at Lester. Kinawayan ko din sila.
Maya maya ay umandar na ang kotse. Tiningnan ko na lang sa labas ng bintana ang lugar namin na iiwan ko. Pero babalik din ako dito.
*****