Katatapos lang nyang maligo at magbihis nang may kumatok uli sa kwarto nya. Akala nya ay ang Nana Minda nya at may nakalimutan lang. Binuksan nya agad ang pinto. Nagulat siya nang ang daddy nya ang napagbuksan nya.
“ Are you ready to talk now, my princess?” malumanay na tanong nito.
Ngumiti siya nang tipid at inawang ang pinto. Nakangiting pumasok ito at hinila siya sa kamay paupo sa kama.
“ Nakapagpahinga ka na bang mabuti?” agad na tanong nito at hinawakan ang basang buhok nya.
Tumango siya.
Ilang minutong katahimikan din ang namagitan bago ito nagsalita.
“ If hindi ka pa ready na tanggapin si Adrianna ay ipagpapaliban muna namin ang kasal at ihahatid ko sila bukas sa Cebu,” mahinang sabi nito.
Nagulat na napatitig sya sa mukha ng ama. Hindi nya inaasahan iyon.
“ Of course, you will always be my priority, princess. Hindi kita pipilitin sa ngayon but sana unti-unti mong tanggapin then you can just tell me when you are ready,” nakangiting sabi ng ama nya pero nakikita nya ang lungkot sa mga mata nito.
Agad na namuo ang mga luha sa mga mata nya. Mabilis na yumakap sya sa ama nya at humagulgol ng iyak.
“ Daddy,” tanging nasabi nya habang patuloy sa pag-iyak.
“ Sshh, I don’t want to see you crying,” hinahagod nito ang likod nya para patahanin siya.
“ Alam ko na kasalanan ko rin dahil binigla kita. Dapat ay hindi ko iyon ginawa,” dugtong pa nito.
Mas lalo siyang naiyak sa sinabi ng daddy nya. Ramdam nya ang laki ng pagmamahal nito sa kanya. Hinayaan lang siya nitong umiyak nang umiyak at nang mapagod ay bumitiw na siya sa pagkakayakap dito at pinahid ang mga luha. Tinulungan siya ng ama nyang pahirin ang mga luha nya sa mukha.
Pasinghot-singhot pa siya nang tumingin dito.
“ Papayag na ako, Dad,” sabi nyang nakatingin pa rin sa mukha nito.
Naguguluhang nakatitig lang ang ama nya sa kanya na parang pilit inuunawa ang sinabi nya. Nang makuha ang ibig nyang sabihin ay biglang lumiwanag ang mukha nito.
“ Really, iha?” hindi pa rin makapaniwala ang mukha nito.
Nakangiting tumango siya sa ama. Bigla ay niyakap na siya nito nang mahigpit.
“ Thank you, anak,” sabi nito habang nakayakap sa kanya.
Parang gumaralgal pa ang boses nito. Agad na bumitiw siya sa yakap nito para kumpirmahin ang hinala. Nakita nyang mamasa-masa ang mga mata nito.
“ Daddy, why are you crying?” nababahalang tanong nya.
“ Wala, anak. Masayang-masaya lang ang daddy,” nakangiting sabi nito na parang maluluha pa rin.
Niyakap uli siya nito at matagal bago siya binitiwan. Gumanti na rin sya ng yakap dito. Damang-dama nya ang kasiyahan ng ama sa pagsang-ayon nya sa desisyon nito.
Maaga siya laging nagigising dahil nakasanayan na nya iyon dahil alas-sais ng umaga laging nagbi-breakfast ang daddy nya. Gusto nyang laging saluhan ito. Nakita nya ang ama na nakaupo na sa hapag-kainan habang umiinom ng kape. Napakunot-noo siya nang may nakaupo na sa dating pwesto nya sa tabi nito. Katabi nitong nakaupo doon ang magiging asawa nito.
Saka lang nya naalala ang tungkol sa mga ito.
“ Good Morning, princess!” nakangiting bati ng daddy nya nang makita siya.
“ Good Morning, Shant!” nakangiting bati din ng babae sa kanya.
Lihim na napangiwi sya sa pangalang itinawag nito sa kanya.
“ Good Morning, Daddy,” lumapit sya sa ama at hinalikan ito sa pisngi.
Babalik na sana siya sa upuan nang pigilan ng ama.
“ Can you give your Tita a good morning kiss too?” pakiusap ng daddy nya.
Atubiling tumingin siya sa mukha ng babae. Nakangiti pa rin ito pero andun na naman iyong pagtaas ng kilay. Alanganing lumapit siya dito at humalik sa pisngi nito pero hindi pa man nakakasayad ang halik nya ay maagap na nakaiwas ito na hindi nakita ng daddy nya.
“ Oh, what a sweet girl,” malambing ang boses nito nang sabihin iyon.
Biglang parang kumunot din ang noo nya sa ginawi nito pero dumiretso na rin sya ng upo sa upuan sa harap ng daddy nya.
“ Nasaan na ba iyong batang iyon? Hindi pa ‘ata bumabangon,” narinig nyang sabi ng babae.
Agad na lumapit sa kanya si Nana Minda para lagyan siya ng pagkain sa plato nya. Ito lagi ang gumagawa noon kapag kumakain na sila. Pero bago pa man nito nalagyan ng pagkain ang plato nya ay inutusan ito ng girlfriend ng daddy nya.
“ Minda, puntahan mo nga si Wendy sa kwarto nya at baka natutulog pa iyon,” pautos ang tono ng boses nito sa yaya nya.
“ Ay, okay po, Maam,” pero bago pa ito sumunod ay nilagyan muna nito ng kanin ang plato nya.
“ Minda, Shant can take care of herself na. Huwag mo nang i-baby, okay?” dugtong nito na parang nainis na hindi ito sinunod agad.
Natigilan ang yaya nya pati na rin siya. Parang gusto nyang mag-tantrums pero natigilan nang makita ang mukha ng daddy nya na parang humihingi ng pasensiya kay Nana Minda.
“ Sige na, Minda. Gisingin mo na muna si Wendy. Baka naman napuyat iyong bata, Hon, dahil namamahay pa? Hayaan mo na muna kayang matulog iyon?” baling ng daddy nya dito.
Nakita nya nang hawakan ng magiging stepmom nya ang kamay ng daddy nya at ngumiti ito ng matamis na tumingin sa daddy nya.
“ It’s okay, Hon. Kailangang masanay na iyong magising ng ganitong oras para sabay-sabay tayo sa pagkain,” malambing na sabi nito.
Nakaramdam uli ng paghihimagsik ang batang puso nya. Hindi siya sanay na may nakikihati sa atensiyon ng daddy nya pero imbes na magsalita ay tahimik na sinimulan na nya ang pagkain.
“ Oh, Good Morning, baby! Halika dito ka sa tabi ng daddy mo,” agad na tumayo ang girlfriend ng daddy nya at pinaupo sa kabilang side ng ama nya ang anak nito.
“ Good Morning, Mommy. Good Morning, Daddy,” tumayo uli ang ang bata para halikan sa pisngi ang Mama nito saka ang daddy nya.
Nanatiling nakatitig lang siya sa tatlong pawang nakangiti. Mukha silang isang masayang pamilya. May gumuhit na munting kirot uli sa puso nya. Naalis lang ang tingin nya sa mga ito nang kausapin siya ng Nana Minda nya.
“ Bakit konti lang ang nilagay mo sa plato mo? May iba ka bang gustong kainin?” tanong nito sa kanya.
“ Okay na po, Nana,” sagot nya dito.
Masayang nagkukwentuhan ang tatlo sa harap nya. Paminsan-minsan ay sinasali siya ng ama sa usapan pero matipid lang ang mga sagot nya.
Walang pasok dahil bakasyon kaya’t nagkulong lang siya sa kwarto nya. Nakahiga siya at naglalaro sa phone nya nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto nya. Pumasok ang anak ng magiging stepmom nya. Nagtatakang napatitig lang siya dito. Hindi nya kasi ugaling mag-lock ng pinto. Nakita nya nang inilibot ng batang babae ang tingin nito sa kabuuan ng kwarto nya.
“ Ang laki naman ng kwarto mo. Bakit maliit iyong sa akin?” tanong nito na di naman nakatingin sa kanya.
Agad na bumangon siya at hinarap ito.
“ Ano’ng ginagawa mo dito? Di ka ba marunong kumatok?” inis na tanong nya.
Saka ito tumingin sa kanya.
“ Magiging ate mo na ako. Matanda ako saiyo ng dalawang taon pero ayokong tawagin mo akong ate. Kadiri kaya,” bigla ay binuksan nito ang kabinet nya at tiningnan ang mga damit nya.
“ Wow! Andaming damit. Mukhang mamahalin lahat. Ang swerte talaga namin ni Mommy!” mabilis na kumuha ito ng isang damit at isinukat.
Inis na lumapit siya dito at pilit na kinuha ang damit na hawak nito.
“ Bakit ka ba nangingialam ng gamit ng iba?” inis na tanong niya dito.
“ Alam mo ang damot mo. Andami ng mga damit mo. Akin na lang itong iba,” agad na namili ito sa mga damit nya.
Pinigilan nya ito at kinuha uli ang mga damit na pinakialaman nito. Nakita nya nang titigan siya nito nang masama.
“ Madamot ka pala, ha?” galit na sabi nito.
Nagtaka pa siya nang bigla nitong punitin ang damit na suot nito saka ginulo ang buhok saka biglang sumigaw.
“ Aray ko! Tigilan mo ako, Shantel! Aray!” pumalahaw ito ng iyak.
Natulalang napatitig lang siya dito habang hinila-hila nito ang sarili nitong buhok. Nakarinig siya ng mga yabag na papalapit.
“ Wendy! Bakit ganyan ang hitsura mo?” nakita na lang nya nang lapitan ito ng ina nito at inayos ang buhok.
“Ano’ng nangyari?” napalingon siya nang marinig ang boses ng daddy nya na nasa pinto na din ng kwarto.
“ Ano’ng ginawa mo sa anak ko?” nanunumbat na tanong ng babae.
Bumuka ang bibig nya pero walang salitang namutawi. Napahumindik na napatitig din ang ama nya kay Wendy na punit-punit na ang damit.
“What have you done, Shauntel?” hindi makapaniwalang tanong nito sa kanya.
“ Sabi ko na nga ba, Rodrigo, hindi kami tanggap ng anak mo. Mabuti pang ihatid mo na kami bukas sa Cebu. Baka kung ano pa ang magawa ng anak mo kay Wendy kung mananatili kami dito,” tiningnan pa siya ng masama nito bago bumaling sa ama nya.
Litong-lito siya sa nangyayaring kaguluhan. Gusto nyang sabihin ang totoo sa daddy nya.
“ D-dad, she did it on purpose,” sumbong nya.
Tinitigan siya nang matagal ng ama.
“ Gusto ko lang naman pong tingnan ang mga damit nya tapos bigla na lang nya akong sinabunutan saka pinunit iyong damit ko. Sabi pa nya wala daw akong karapatan tumira dito,” humihikbi pang sumbong ni Wendy.
“ D-dad…” susubukan nya sanang magpaliwanag uli pero sinaway siya ng ama.
“Stop it, Shauntel. I’m so disappointed in you. You stay here at huwag kang lalabas ng kwarto hangga’t di ko sinasabi,” nagpipigil sa galit ang boses ng daddy nya.
Lumapit ito kay Wendy saka inalo ang umiiyak pa rin na bata. Tinapunan pa siya ng isa pang masamang tingin ng ina nito saka lumabas ng kwarto nya kasama ang anak. Hinarap siya ng ama at napailing-iling ito sa kanya. Nang tingnan nya ang papalayong mag-ina ay nakita pa nyang lumingon si Wendy at ngumiti sa kanya. Isa iyong ngiti ng tagumpay.
Hindi siya pinalabas ng ama ng isang linggo sa kwarto Hinahatiran lamang siya ng pagkain ng Nana Minda nya. Iyon iyong unang beses na pinarusahan siya ng ama nya.
Tumatak sa batang isip nya na kailangan nyang huwag magpaalipin sa mga ito kung hindi ay siya ang magiging kawawa sa mismong bahay nila. Kaya’t kung maldita ang mga magiging kasama nya ay dapat higitan nya ang mga iyon. Mananatili siyang prinsesa sa teritoryo nya, iyon ang isinumpa nya sa sarili.