3

1381 Words
PAALIS na sana si Jace patungo sa unibersidad nang maisipan niyang bisitahin muna ang kanyang ina sa silid nito. Tuwing weekend ay pumupunta siya sa unibersidad para sa kanyang master’s. Tuwing weekdays naman ay empleyado siya ng kanyang ama sa malaking kompanya nito.       Nakahinga siya nang maluwag nang makita niya ang kanyang mama na nakaupo sa harap ng dressing table at abala sa paglalagay ng makeup.       Nginitian siya nito mula sa salamin. “Good morning, son. Don’t worry, your mother is sober. Hindi ako tumikim ng alak buong araw kahapon. I can’t promise you I’ll be sober today though. Depende sa ama mo kung hindi niya pasasamain ang kalooban ko.”       Bumuntong-hininga siya. Nilapitan niya ito at hinagkan sa ulo. “Have a good day, Mama,” sabi niya.       “Are you going to school today?” tanong nito habang ipinagpapatuloy ang paglalagay ng makeup.       Tumango siya. “Magkikita rin po kami ni Joax mamaya kaya baka gabihin po ako ng uwi.”       “Go ahead. Have fun with your friend. Sabado naman ngayon at hindi mo kailangang magtungo sa unibersidad bukas. `Wag mo na akong alalahanin. I’m okay.  As long as your father behaves, I should be fine.”       Nahilot niya ang kanyang batok. Mahal na mahal niya ang kanyang ina, ngunit minsan ay napapagod na siya sa ganoong ugali nito. Hindi niya malaman kung bakit hindi pa ito napapagod sa pagiging ganoon, kung bakit hindi pa nito natatanggap ang pangyayari. Hindi niya alam kung aasa pa siyang magbabago ito o susuko na lang siya. Palagi na lang kasi siyang nabibigo tuwing umaasa siya. He was tired of disappointment, of taking care of her, and of indulging her.       His mother was an alcoholic. Ilang beses na nitong sinubukan ang mag-counseling. Ilang beses na nitong ipinangako na magbabago at titigilan na ang alak. Ngunit binabalik-balikan pa rin nito ang pag-inom. Binabali nito ang mga pangako nito sa kanya.       Napagod na rin siyang sisihin ang kanyang ama. Nakakapagod magalit.       “Magkikita na naman ba kayo ng anak-anakan nina Bianca at Hiram? Sinabi ko na sa `yo na huwag kang masyadong magdididikit sa babaeng iyon.”       “Mama, best friend ko po si Joax at kapatid po niya si Phylbie.” Sa araw-araw na lang na ginawa ng Diyos ay palagi nitong sinasabi iyon sa kanya. Alam naman nito na hindi niya kayang lumayo kay Phylbert. Bukod sa matalik niyang kaibigan ang kuya nito, matalik ding kaibigan ng kanyang ama si Tito Hiram. Noong bata pa siya ay ang mag-asawang Hiram at Bianca ang nagbigay ng kalinga sa kanya dahil abala sa trabaho ang kanyang ama at abala rin sa sarili nitong mundo ang kanyang ina. Tila pangalawa na niyang ina si Tita Bianca. Masyadong lango ang mama niya sa alak upang alagaan siya.       At isa pa, walang nagawang masama sa kanya si Phylbert upang layuan niya ito. He met her when he was fifteen. He had always wanted a sister. Natuwa siya na gusto siya nito. Phylbert was adorable despite everything. Kahit na makulit ito, masaya naman kapag nasa paligid ito. Mabait ito at palangiti. Lahat yata ng tao ay napapalambot nito. Madali itong kagiliwan at mahalin. Mahal niya ito kagaya ng pagmamahal dito ni Joaquin.       Ayaw niyang isipin ang ilang mga bagay na nakapagitan sa kanila ni Phylbert. Mga bagay na hindi pa nito alam. Nakaraan iyon ng mga magulang nila at wala na silang kinalaman pa roon. Ngunit ayaw siyang tantanan ng kanyang ina. Nais yata nitong masiguro na hindi siya iibig sa anak ng babaeng unang inibig ng kanyang ama.       Kung iniiwasan man niya nitong mga nakaraang linggo si Phylbert, hindi iyon dahil sa kanyang ina. Iyon ay dahil nag-aalala siya na baka obsession na ang nararamdaman nito para sa kanya. Tila kumbinsido ito na in love na ito sa kanya. Oo, at eighteen na ito ngunit masyado pa rin itong bata. Hindi dapat iyon ang iniisip nito. Hindi dapat sa kanya umiikot ang mundo ni Phylbert.       Ang sabi sa kanya ni Joaquin ay tila siya lamang ang lalaking nakikita ng kapatid nito sa romantikong paraan. Hindi ito humahanga sa ibang lalaki, kahit pa sa mga artista. Tila seryoso na raw ang kapatid nito sa nararamdaman ni Phylbert sa kanya at hindi na basta infatuation lang.       Iginiit niyang crush lamang iyon at mawawala rin. Ngunit napapaisip na rin siya. Mula noong trese ito ay vocal na ito sa pagsasabi sa kanya at sa lahat na mahal siya nito at siya ang nais nitong maging asawa pagdating ng panahon. Kahit paano ay na-flatter siya pero naisip din niya na hindi magtatagal ay lilipas din ang crush na nararamdaman nito. Makakakilala ito ng ibang mga lalaki at makakalimutan din nito ang kalokohan nito sa kanya.       Ngunit sa paglipas ng mga taon ay tila mas sumisidhi ang nararamdaman ni Phylbert. Mas nagiging makulit ito. Napapadalas na ang pagsasabi nito sa kanya ng “I love you.” Noong debut party nga nito ay inianunsiyo pa nito sa lahat ang pag-ibig nito sa kanya. Ang tingin tuloy sa kanila ng lahat ay engaged couple na kahit wala naman silang relasyon.       Tila inaasahan na ng lahat ngayon na silang dalawa ang magkakatuluyan balang-araw. Sa katunayan, tila ibinubuyo siya ng kanyang ama sa anak-anakan ng matalik nitong kaibigan at alam niya kung bakit.       Iyon marahil ang dahilan kaya naiinis siya. Ayaw niya ng pinipilit. Ayaw niyang masaktan ang kanyang ina. Lalong ayaw niyang isipin ng kanyang ama na magkakaroon ng katuparan ang isang pag-ibig na naudlot sa pamamagitan nila ni Phylbert.       Ayaw rin naman niyang mainis kay Phylbert ngunit minsan ay sobra na ito. Tila confident na confident ito na pareho sila ng nararamdaman kahit na ilang beses na niyang sinabi rito na hindi niya ito makita sa romantikong paraan.       Hanggang maaari ay hindi siya lumalapit dito ngayon. Naisip niya na kailangan niyang dumistansiya nang kaunti. Tila hindi siya gaanong nagtatagumpay dahil napakakulit ni Phylbert at sa totoo lang ay madalas na hindi niya ito matiis. Kahit na ganoon ito ay masarap itong kausap. Naiibsan nito ang pagod niya sa opisina at sa pag-aaral kahit na nakikinig lang siya rito. Tuwing magkasama sila, pakiramdam niya ay walang ng mas espesyal pa sa kanya para dito. She always managed to make him feel great inside. She managed to make him feel so special, so loved.       Kahit na ano ang mangyari, ayaw niyang mawala si Phylbert sa kanya. Nais niyang maging mabuti silang magkaibigan habang-buhay. Hindi nga lang niya alam kung kailan ito matatauhan sa ilusyon nitong sila ang nakatakda para sa isa’t isa.       “Maghanap ka ng girlfriend, hijo,” payo ng kanyang ina. “Kahit na sinong babae ay tatanggapin ko, huwag lang ang anak ni Yoanna. Muchacha o kahit na p********e, tatanggapin ko. Kahit pa may karay na anak. Huwag na huwag lang si Phylbert.”       “I have to go. I’ll see you later,” paalam niya bago pa mapunta sa kung saan ang usapan nilang iyon. Mabanggit lang nito ang pangalan ni Yoanna ay nanlilisik na ang mga mata nito. Hindi niya gustong ma-upset ang mama niya at baka alak na naman ang pagbalingan nito.       Lumabas na siya ng silid nito at nagtuloy sa garahe. Agad siyang lumulan sa kanyang sasakyan at nagtungo sa unibersidad.       Hindi niya maintindihan kung bakit hindi mapakawalan ng kanyang ina ang galit nito. Hindi ba ito nahihirapan o napapagod? Beinte-tres na siya at ganoon na rin katagal itong kasal sa kanyang ama. Sampung taon nang namayapa ang babaeng pinagseselosan nito. Wala silang kinalaman ni Phylbert sa anumang history na mayroon ang mga magulang nila. It all happened before they were born.       Naghahanap siya ng parking space malapit sa building ng graduate school nang walang ano-ano ay may lumitaw na babae. Hindi ito nakatingin sa direksiyon ng kanyang sasakyan kaya hindi nito alam na masasagasaan na ito. Maigi na lang at mabagal ang takbo niya at kaagad niyang natapakan ang preno. Bumusina siya.       Halos mapatalon ang babae. Nanlalaki ang mga matang tumingin ito sa direksiyon niya. Natigilan naman siya nang makita ang mukha nito. Nawala ang iritasyon na nararamdaman niya kanina. She was the most beautiful woman his eyes ever laid on.       Bumaba siya ng sasakyan niya. “Are you okay, Miss?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD