NANGUNOT ang noo ni Phylbert nang makita ang kumpulan ng mga babae sa isang bahagi ng hardin sa harap ng school building nila. Kararating lamang niya sa unibersidad at kasalukuyan niyang hinahanap ang kanyang kaibigan na si Penelope.
“You’re so cheap.”
“Dapat sa `yo pinapatalsik sa school na `to. Sayang naman ang reputation ng school kung sisirain lang ng isang katulad mo.”
“Akala mo maganda ka?”
“Ang kapal ng mukha mong landi-landiin si Coby.”
Napabuntong-hininga siya. Hindi kaagad siya lumapit sa kumpulan. Kahit hindi niya makita, nasisiguro niyang si Penelope ang pinalilibutan at inaalipusta ni Ciara at ng mga alipores nito. Hinintay muna niya kung ano ang gagawin ni Penelope. Tinuruan na niya ito kung paano sumagot at lumaban sa tropa ni Ciara.
Ngunit naghihintay lang siya sa wala. Nakita niyang sinikap ni Penelope na iwasan na lang ang gulo kagaya ng madalas nitong ginagawa. Naglalakad ito palayo nang patirin ito ni Ciara. Nagtawanan ang mga bruha nang nalugmok ang kaibigan niya sa lupa.
Kaagad na nag-init ang ulo ni Phylbert. Marahas ang mga hakbang na nilapitan niya ang mga ito. Walang sabi-sabing sinampal niya si Ciara. Akala yata ng mga ito ay palalampasin niya ang ginawa ng mga ito sa kaibigan niya. Matagal na siyang nagtitimpi sa mga bruhang ito.
Suminghap si Ciara at kaagad na sinapo ang pisnging nasaktan. Tila shocked ito at ang mga kasama nito sa ginawa niya. Nasanay na marahil ang mga ito na pulos pambabara lang ang ginagawa niyang pagganti para sa kanyang kaibigan. Naging pisikal ang mga ito kaya magiging pisikal din siya. Bago pa man makahuma ang mga alipores nito ay nabigyan na niya ng tig-iisang sampal ang mga ito. Hindi siya natatakot kahit na pagtulungan siya roon. Akala yata ng mga ito ay ang mga ito lang ang maldita. Puwes, mas maldita siya!
Handa na siyang makipagsabunutan nang bigla na lang may humila sa kanya at inilayo siya roon. Sinikap niyang kumawala sa pagkakahawak ni Penelope ngunit hindi siya nito hinayaan. Binitiwan lang siya nito nang makalayo na sila.
“Gaga ka talaga,” sabi nito. Nasasabi nito ang mga ganoong salita sa kanya ngunit hindi sa mga taong umaapi rito.
Mariin niyang pinisil ang pisngi nito. “Ikaw ang gaga. Sinabi ko na sa `yo na `wag mong hahayaan na ginaganoon ka ng mga babaeng `yon. Wala na silang ginawa sa araw-araw kundi apihin ka. Hindi talaga matanggap ng mga iyon na ikaw ang pinakamagandang babae dito sa school.”
Napakaganda ng kaibigan niya. Malaanghel ang maamong mukha nito. Maraming lalaki ang nagkakagusto rito at napakaraming babae ang naiinggit dito. Kahit na madalas itong nakayuko at naglalagi sa isang sulok nang mag-isa ay hindi maitatagong napakaganda talaga nito. Aminado naman siya na mas maganda ito sa kanya. Hindi nga lang siya katulad ng ibang babae na naiinggit na, in denial pa. Tanggap niya ang kalamangan ni Penelope sa kanya.
Sa semestreng iyon lang sila naging malapit na magkaibigan. Hindi na kasi niya matiis na hindi ito ipagtanggol sa mga babaeng masyadong matataas ang tingin sa sarili.
Naupo sila sa isang bench. May ilang minuto pa sila bago ang kanilang unang klase. “Alam mo namang ayoko ng gulo. Iiwas na lang ako hanggang kaya ko.”
“Hahayaan mo na lang silang pagsalitaan ka ng ganoon hanggang sa maka-graduate ka?” Alam naman niya kung bakit ayaw nito ng gulo. Hindi iyon dahil super-duper bait nito. Alam niya na nanggigigil na rin ito. No one deserved to be treated like that.
Penelope was a scholar. Galing ito sa isang simpleng pamilya. Simpleng empleyado ang ama nito sa isang maliit na kompanya. May maliit na tindahan ang ina nito sa harap ng munting bahay ng mga ito. Pangalawa ito sa tatlong magkakapatid. Masuwerte si Penelope na nakakuha ito ng scholarship sa eskuwelahan nila. Hindi kakayanin ng mga magulang nito ang mahal na matrikula roon kung wala ang scholarship nito. Nasa kolehiyo rin ang ate nito at nasa pribadong high school ang bunsong kapatid nitong lalaki. Nagkataong uncle ni Ciara ang dean ng department nila kaya malakas ang loob nitong apihin si Penelope.
Pabirong sinabunutan niya ang kaibigan niya. “Ready na akong makipagsabunutan kanina, eh.”
Umingos ito. “Sinabi ko naman sa `yo na hayaan mo na sila. Lalong sisige ang mga `yon kapag pinatulan mo, eh. Hihinto rin sila kapag hindi mo pinaglaanan ng pansin.”
“Wish mo lang. Sagad hanggang buto ang pagkainggit ng mga `yon sa kagandahan mo. Hindi ka titigilan ng mga `yon, lalo na ngayong nakipag-break na si Coby kay Ciara. Nililigawan ka na ng hambog na basketbolistang `yon, `di ba? Sinasabi ko sa `yo, sasakalin kita kapag sinagot mo `yon. Gusto lang n’on magpasikat sa mga kaibigan niya at makuha ang virginity mo. Nakipagpustahan siya na within this month, makukuha ka niya.”
“Hindi ko naman talaga `yon magugustuhan kahit na kailan.”
“Basta, `wag kang matakot na gumanti kung alam mong sobra na sila. Hindi kayang ipaalis ni Ciara ang scholarship mo. Dean lang ang uncle niya. Ninong ng kuya ko ang president nitong school. Mahal na mahal din ako ng ninong ni Kuya Joax. Isang sabi ko lang kay Daddy, puwedeng mawala rito ang dean na `yon.”
“Oo na. Pero sa susunod, `wag ka nang mananampal. Masama `yon.”
“Pinatid ka nila, eh. Gusto nila ng pisikalan, di ibibigay ko sa kanila.”
“Maldita ka talaga,” umiiling-iling na sabi nito. “Hindi ko alam kung paano kita naging kaibigan.”
Napangiti siya nang matamis. Noong hindi pa niya ito kaibigan, palagi niyang nahihiling na sana ay magkaroon siya ng girl best friend. Tuwing nagkukuwento si Mommy Bianca tungkol sa kalokohan at girl bonding nito at ng mommy niya ay naiinggit siya. Itinuturing niyang best friend ang Kuya Joaquin niya, ngunit may mga bagay pa rin siyang hindi nasasabi rito dahil lalaki ito at hindi siya nito maiintindihan. Madalas na pinagtatawanan lamang siya nito kapag sinasabi niya rito ang nararamdaman niya para kay Jace.
Hindi sa walang nakikipagkaibigan sa kanyang iba. Sa katunayan, napakarami ng nais na maging kaibigan niya. Ngunit iilan sa mga iyon ang masasabi niyang genuine. Ang ilan ay kinakaibigan siya dahil siya ang “adopted princess” ng mga Cipriano. Ang iba sa mga ito ay mabait lang kapag kaharap siya pero kung ano-ano naman ang sinasabi kapag nakatalikod na siya. Kesyo ang yabang-yabang daw niya, ampon lang naman daw siya. Kung hindi raw naawa sa kanya ang mag-asawang Hiram at Bianca ay wala rin naman siyang maipagmamalaki.
Hindi naman niya ikinakaila na ampon lang siya. Hindi niya maintindihan kung bakit big deal para sa ibang tao ang pagiging ampon niya. Kaya naman nagpapasalamat siya nang maging matalik na kaibigan niya si Penelope. May napagsasabihan na siya ng lahat ng saloobin niya.
Sabay na silang nagtungo sa kanilang klase. Nanlilisik ang mga mata ni Ciara na nakatingin sa kanilang dalawa. Belat ang naging ganti niya rito. Sinikap ni Penelope na pigilan ang bungisngis nito ngunit umalpas pa rin iyon. Alam ni Ciara na hindi siya nito maaaring kantiin dahil pareho nilang alam kung ano ang kaya niyang gawin.
Naging maayos naman ang buong araw nila ni Penelope. Hindi na sila inabala ni Ciara hanggang sa huling klase nila. Palabas na siya ng classroom nang makatanggap siya ng tawag mula kay Kuya Joaquin. Nasa malapit lang daw ito at niyaya siya nitong kumain sila sa labas. Malambing talaga ito sa kanya. Hindi ito katulad ng mga tipikal na kuya na bully sa nakababatang kapatid na babae.
“Sama ka,” yaya niya kay Penelope. “Bawal tumanggi,” agap niya nang akmang magbubuka ito ng bibig. Matagal na niya itong nais na ipakilala sa pamilya niya ngunit hindi niya matiyempuhan.
“Sige na nga,” napipilitang sabi nito.
“Magugustuhan mo ang kuya ko. Guwapo `yon, nagmana sa akin.”