HINDI pinlano ni Phylbert na ireto si Penelope kay Joaquin. Ang tanging nais niya ay magkakilala ang mga ito. Wala siyang ulterior motive kaya natatawa siya dahil hindi maalis ng kuya niya ang mga mata nito sa kanyang kaibigan. Noon lamang niya ito nakitang tumingin sa isang babae nang ganoon. Puno ng paghanga.
Tila na-love at first sight ang guwapo niyang kuya samantalang tila nahihiya naman si Penelope sa hayagang paghanga ni Joaquin. Hindi man lang nag-effort ang kuya niya na itago iyon. Ganoon naman talaga si Joaquin. What you see is what you get. Manang-mana raw kay Daddy hiram na hindi marunong magtago ng nararamdaman.
Si Phylbert lang yata ang nakakain nang maayos. Parang nakalimutan na siya ni Joaquin at inasikaso nito nang husto si Penelope. Mukhang nahihiya at naiilang naman ang kaibigan niya kaya hindi ito gaanong nakakain. They looked so cute together. Bagay na bagay ang mga ito sa paningin niya.
Na-excite siya bigla nang maisip niya na posibleng magiging sister-in-law niya si Penelope. Maraming nakapaligid na babae sa kuya niya at aminado siyang may pagka-playboy ito, ngunit alam niyang iba si Penelope sa lahat. Iba ang nababasa niyang paghanga sa kuya niya. Alam niyang in love na ito.
Inihatid nila hanggang sa bahay ng mga ito si Penelope. Sa backseat siya sumakay at ito naman ang naupo sa tabi ng kuya niya. Idinahilan niyang mas madali nitong maituturo ang direksiyon patungo sa bahay ng mga ito kung nasa harap ito, ngunit ang totoo ay nais lang niyang pataasin ang tensiyon sa pagitan ng dalawa.
“Ilakad mo naman ako sa kaibigan mo,” sabi ni Joaquin habang nasa daan sila pauwi.
Bumunghalit siya ng tawa. “Neknek mo. Ayoko nga. Kaibigan ko `yon, `no. Hindi puwedeng lokohin `yon. Hindi puwedeng paglaruan.”
Inihilamos nito ang malaking kamay sa mukha niya. “Ilalakad din kita kay Jace,” panunuhol nito.
Pinitik niya ang ilong nito. “Hindi `yon ang gusto kong marinig, tange. Ang sasabihin mo dapat, hindi mo siya lolokohin at paglalaruan. Dapat sabihin mong seryoso ka at tinamaan ka talaga. Kahit na sandali lang kaming magkaibigan ni Pen, mahalaga `yon sa `kin.” Napanguso siya. “`Kala mo naman papatusin ko kaagad `yang ideya mo por que ginamit mo ang pangalan ni Jace.” Bigla siyang napangisi. “Deal! Ilalakad kita kay Pen at inilakad mo naman ako kay Jace. Kailangan maging boyfriend ko siya bago matapos ang buwan na ito.”
Humalakhak ito. “Basta pagdating kay Jace, papayag ka sa kahit na ano. Ilalaglag mo ang kaibigan mo kung kinakailangan.”
“Hoy, seryoso ako na mahalagang kaibigan si Pen. Nagkataon lang na kapatid kita at mahal kita at pinagkakatiwalaan kita. Kung may isang babae na gugustuhin ko para sa `yo, si Pen `yon. Pero kapag pinaiyak mo siya, hindi na kita kakausapin kahit na kailan, tandaan mo `yan. Walang magagawa kahit na si Jace.”
He sighed dreamily. “I don’t know, Phyl. Hindi ko gaanong maipaliwanag. Basta, iba kanina nang makita ko siya. Iba `yong t***k ng puso ko. Iba siya sa mga babaeng nakilala ko. Basta, iba!”
Marahan siyang natawa. “In love ka, Kuya. Geez, love at first sight. Parang si Daddy kay Mommy.”
Tumawa na rin ito. “Love at first punch naman `yon, eh.”
Humalakhak silang dalawa. Bata pa lang siya ay madalas nang ikuwento sa kanya ng kanyang ina ang love story nina Mommy Bianca at Daddy Hiram. Siga raw si Daddy Hiram sa unibersidad na pinag-aaralan ng mga ito noon. Typical bully ito at kaya nitong kalabanin ang lahat. Tipikal din itong spoiled brat na nakukuha ang lahat ng gusto. Si Mommy Bianca ay simpleng matapang na babae na suwerteng nakakuha ng scholarship sa university. Hindi na raw nakaya ni Mommy Bianca ang pagiging bully ni Daddy Hiram kaya pinatikim na nito ng suntok. Mula raw noon ay hindi na nilubayan ni Daddy Hiram si Mommy Bianca hanggang sa maging mag-asawa na ang mga ito.
Pareho sila ni Joaquin na naniniwala sa one true love at happy ever after. Dahil marahil nakikita nila kung paano magmahalan ang mga magulang nila. Hangad nilang makatagpo rin ng ganoong klase ng pag-ibig. Siya ay wala nang problema dahil natagpuan na niya si Jace. Sana ay si Penelope na ang babaeng nararapat para sa kuya niya.
“SO WHO’S this special girl?” nakangiting tanong ni Jace kay Joaquin habang nasa isang flower shop silang dalawa. Hinihintay nila ang ipina-arrange nitong bulaklak para daw sa isang babaeng “nililigawan” nito.
“You’re laughing at me,” he accused him in a mild tone. Nakangiti rin ito at tila masaya at excited.
Natawa siya. “Hindi ko lang inaasahan na makikita kitang ganito. Flowers and chocolates? This is so not you.”
Hindi kinakailangang manligaw ni Joaquin. Ang mga babae ang nanliligaw rito. Sanay na ito sa mga babaeng nagkakandarapa rito. He just had to smile and women would be swooning at his feet. Sa kanilang dalawa, ito ang mas kilala hindi lamang sa mga babae. He was outgoing and fun to be with. Ang tingin naman sa kanya ng lahat ay dull at boring. Palagi raw siyang seryoso kaya nangingilag ang iba na lapitan siya.
Ang tingin ng iba kay Joaquin ay playboy. Hindi ito ganoon. Hindi nito sinasadyang manakit ng babae. Hindi ito nakikipagrelasyon nang sabay-sabay. Nagkakataon lang na natutuwa ito sa atensiyong ibinibigay rito ng mga babae. Nagkakataon din lang na hindi nito gusto ang gusto ng ibang babae. May ilan na sinasakal ito at pilit na pinagbabago.
Maraming beses nang nakita ni Jace na nagkainteres ang kaibigan sa isang babae, ngunit ngayon lamang niya ito nakita na ganoon ka-excited. Hindi rin ito nagbigay ng bulaklak sa mga babaeng naging girlfriend nito. Ayaw raw nitong magmukhang tanga habang hawak-hawak ang bungkos ng bulaklak. At hanggang maaari ay ayaw nitong bumabalik sa unibersidad. He hated school. Binigyan ito nang tatlong taon ni Tito Hiram na mag-full time sa photography, ngunit pagkatapos niyon ay mas paglalaanan na nito ng panahon ang family business ng mga ito.
Nitong mga nakaraang araw ay madalas itong nagtutungo sa unibersidad upang manligaw. Talagang interesado ang kaibigan niya sa kaibigan ni Phylbert. Hindi pa niya nakikilala si Penny, ngunit madalas itong naikukuwento ni Joaquin sa kanya. His friend couldn’t stop talking about her. Tila tinamaan itong talaga.
Dahil sa curiosity at dahil na rin may klase siya para sa master’s niya ay magtutungo rin siya sa unibersidad. Makikilala na niya sa wakas ang babaeng dahilan kung bakit nagkakaganoon si Joaquin.
“She’s beautiful and delicate just like a flower,” nakangiting sabi nito habang inaabot ang ipina-arrange nitong bulaklak. They were beautiful.
Sumagi sa isip niya ang isang babaeng mas maganda pa sa bulaklak. Napangiti siya nang matamis. He would see her again today. Alam niyang nakaupo na naman ito sa paborito nitong bench at nagbabasa ng libro.
Should I get her some flowers, too? Napailing siya sa kanyang naisip. He didn’t want to freak her out. She might run and avoid him. Ayaw niyang madaliin ang lahat sa pagitan nila. They were just starting to get to know each other.
Ramdam na ramdam ni Jace ang paggapang ng pananabik sa kanyang buong pagkatao. He would see her serene shy smile again. Ang totoo, mas excited siyang makita ang kanyang Penelope kaysa sa Penny ni Joaquin. Bahagyang nagsalubong ang mga kilay niya nang mapagtanto na pareho ang pangalan ng dalawang espesyal na babae sa buhay nilang magkaibigan.
Nagkibit-balikat siya. Nagkataon lang marahil iyon. Nasisiguro niya na mas maganda at mas espesyal ang kanyang Penelope kaysa sa Penny ni Joaquin. He imagined another Phylbert—cute, adorable, and slightly irritating. Hindi ganoon si Penelope. She was the loveliest of all.
“Kailan mo ipapakilala sa `kin ang babaeng sinasabi mong nakakuha ng atensiyon mo?” tanong ni Joaquin sa kanya habang nasa daan na sila patungo sa unibersidad.
“Kapag masasabi kong malapit na kami sa isa’t isa. Medyo ilag pa siya sa ngayon.” Naikuwento niya rito na may nakilala siyang espesyal na babae na muntik na niyang masagasaan. Hindi niya gaanong naikukuwento ang pagtatagpo nila ni Penelope sa likod ng graduate school building at ang masaya nilang kuwentuhan dahil nag-aalala siyang masabi nito kay Phylbert ang bagay na iyon.
Alam niya na hindi nito gustong nakikialam sa kanila ng kapatid nito, ngunit alam rin niya kung gaano nito kamahal si Phylbert. Alam nito ang totoong nararamdaman niya para sa kapatid nito. Ang sabi ni Joaquin ay naiintindihan siya nito at hindi siya nito pipilitin, ngunit alam niyang kahit na paano ay nalulungkot ito para sa kapatid. He cared so much for the brat.
Sandali siya nitong sinulyapan at nginitian. “Don’t worry about Phylbie. She’ll get over you in time. Malay mo, may bigla na lang dumating para sa kanya. Bata pa kasi siya kaya iniisip niyang ikaw na. Ganoon naman talaga ang mga babae sa kanilang first love. You can tell me anything. Hindi makakarating kay Phylbie, makakaasa ka. In the first place, wala siyang karapatang magalit at magselos. You’re my friend and I’ll support you if you think this girl is already the one.”
“Phylbie is your sister,” nakangiting tugon niya. “She can annoy the hell out of anyone,” pagbibiro niya. “Don’t get me wrong. I so adore the brat. I can’t wait for her to get over me. But the thing is, she’s your sister.”
Natawa ito. “And you’re almost a brother, my twin. Ang hirap ngang magkunwari na inilalakad ko siya sa `yo para lang tulungan niya ako sa panliligaw sa kaibigan niya.”
His eyes narrowed. Ngayon lamang niya nalaman ang bagay na iyon. Bumalik sa kanya ang ilang pagkakataong inimbitahan siya nitong lumabas at palagi ay bitbit nito si Phylbert. Pinapalabas nito na wala itong laban sa kakulitan ng dalaga.
“Inilalakad mo siya sa akin?”
He smiled guiltily. “I know how you feel about her, Jace. I’m just indulging her for a short while.”
“Bakit mo kailangan ng tulong niya? Surely, baliw na baliw na sa `yo ang babaeng ito ngayon.”
Nakangiting umiling ito. “She’s not into me. Not at all. That’s why I like her a lot.”
“Masama yata ang tama mo, bro.” Deep down, he was happy Joaquin finally found one special woman. Nakakasawa rin namang makita ito na kung sino-sino ang kasama ngunit alam niyang hindi naman nito gaanong gusto. Panahon na upang magseryoso ito sa isang babae.
“Hindi ko talaga malaman kung ano ang mayroon siya para magkaganito ako. Hindi nga ako makapaniwala na magiging excited ako nang ganito sa isang babae. I’m willing to do everything for her. Kahit na magmukha akong corny at tanga, okay lang.”
“I really should meet this woman.”
“You’d love her.”