Chapter 7 - Lawa ng Imahinasyon

1489 Words
Aira Ang sabi nila, kung nais ko raw makabalik sa totoo kong daigdig, kailangan ko munang ayusin ang mundong ito. Kailangan kong makumpleto ang limang elemento, saka kuhain ang loob ng apat na hari upang mapapayag silang sumama sa akin na iligtas ang aking kapatid sa kamay ni Hadi. Ngunit paano ko gagawin iyon kung natatakot ako? Paano kung hindi kayanin ng mahina kong katawan ang mga bagay? Hindi naman ako maaaring umasa lamang kay Zeth sa tuwing kailangan ko siya. Paano kung mawala siya sa aking tabi? At paano kung siya naman ang mapahamak? Isang malalim na buntonghininga ang aking ginawa habang ang aking mata ay nakadungaw dito sa bintana. Kasalukuyan ako ngayong nasa aking silid dahil wala akong balak na lumabas. Nais ko sanang pumasok muna sa aking isip ang lahat ng mga nangyayari sa aking paligid. Ang sabi ng tatay ni Zeth, ang isang taon sa mundong ito ay katumbas ng isang oras sa aming mundo, kaya sa mga oras na ito, sigurado akong hindi pa alam nina mommy at daddy na nawawala kami ni Ate Faria. Muli na naman akong napabuntonghininga dahil sa malalalim na bagay na aking iniisip. Mahigit limang araw na rin ako sa lugar na ito at ilang araw na ring naghahanda si Zeth para sa aming paglalakbay. Ngunit ako, tila wala naman akong ginagawa. "Mahal na Reyna, nais nyo po bang magmiryenda?" narinig kong sabi ng tagapaglingkod na ngayon ay pumasok sa aking silid. Lumingon ako sa kanyang kinaroroonan, nakita ko ang nakayuko niyang ulo na tila nagbibigay pugay sa akin. Sumilay ang ngiti sa aking labi bago tumugon sa kanyang tanong. "Hindi na, pwede mo ba akong samahan sa labas? Gusto ko lang makalanghap ng sariwang hangin," saad ko sabay turo sa kagubatan na natatanaw sa likod ng bintanang kinadudungawan ko kanina. "Sige po, mahal na reyna," tugon niya. Mabilis akong nagpalit ng damit, nagsuot lang ako ng T-shirt at short na may above the knee ang haba. Hindi kasi ako komportable sa makalumang suot nila rito at nakakailang din magsuot ng gano'n. "Let's go," saad ko sa tagapaglingkod nang matapos akong mag-ayos. Tila nagtataka naman ang kanyang hitsura dahil sa aking kasuotan, ngunit hindi ko na lang pinansin ang bagay na iyon. *** Sa aming paglabas sa malaking palasyo, muling namangha ang aking mata dahil sa kagandahan ng lugar na ito. Ang mga bulaklak ay tila may higanteng laki at pakiramdam ko ay nasa Alice in wonderland ako. Ang mga paru-paro ay may kakaibang kulay. Hindi ito katulad ng nasa aking mundo dahil ang mga kulay nito ay tila bahaghari na halos hindi mo maiintindihan kung gaano karami. Wala ka ring makikitang ibon sa lugar na ito, dahil imbes na ibon, malalaking dragon ang nagsisiliparan sa himpapawid. Mabuti na lang talaga at ang mga dragon na ito ay hindi mababangis, tulad ng sabi ni Zeth. Kasalukuyang nakatapak ang aking paa sa bermuda grass na nakapalibot sa buong kaharian. Matatanaw mo sa dulo nito ang isang kakahuyang tila tinatawag ang iyong diwa. "Mahal na reyna, hindi na po tayo maaaring pumasok o lumagpas sa kakahuyan na iyan," paliwanag sa akin ng kasama kong babae. "Ah, gano'n ba? Sige, balik na tayo," tugon ko sabay ngiti. "Aira..." Napalingon ako sa kakahuyan nang makarinig ako ng isang tinig mula rito. At hindi ako maaaring magkamali, ito ay tinig ng aking Ate Faria. Mabilis akong tumakbo at sinundan ang tinig na tumatawag sa aking pangalan. Kahit na may pagkamasungit ang aking kapatid, kapatid ko pa rin siya at mahal na mahal ko si ate. Sa bilis ng aking pagtakbo, hindi ko na namalayan na patungo na pala ako sa loob ng kakahuyan. Hindi ko na rin napansin na iniwan ko na pala ang kasama kong tagapaglingkod, basta ang tanging bagay na nasa isip ko lang, nais kong makita si ate Faria. Patuloy ako sa pagtakbo, hanggang sa maya-maya lang, nakarating ako sa gitnang bahagi ng kagubatan at nakita ko ang isang malaking lawa. Nanlaki ang aking mga mata nang maalala ko ang sinabi ni Zeth sa akin, ito ang lawa ng imahinasyon, ang lawa na magpapakita sa 'yo ng bagay na nais mong makita at marinig. Nilingon ko ang aking ulo sa paligid at tanging malalaking puno lang ang aking nakikita na nakapaligid sa isang malawak na lawa. Tila kumikinang sa ganda ang lawa na ito. Tahimik at kulay bughaw ang lawa dahil sa reflection ng langit. Napakaganda. Sa pag-ikot ng aking paningin sa paligid, nanlaki ang aking mga mata nang may maaninag akong hugis na nakatayo sa gitna ng lawa. Kumikinang ito na animoy usok na hindi ko maintindihan ang hitsura. Sinubukan kong lumapit upang mas makita ko kung ano ang bagay na ito, hanggang sa mapagtanto ko na isa itong tao, isang babae na lumulutang sa tubig. Nakatalikod siya sa akin. Mabilis na nangilid ang aking luha nang mapagtanto ko kung sino ang taong ito. Likod pa lang niya ay kilalang kilala ko na. Mabilis na tumibok ang aking puso nang ihakbang ko ang aking mga paa palapit sa lawa. "A-Ate Faria?" nauutal kong bulong. Nang sabihin ko ang kanyang pangalan, nakita ko ang pagtaas ng kanyang balikat na animoy narinig ang aking pabulong na tinig. Dahan-dahan siyang humarap sa akin, saka ko tuluyang nakita ang kabuohan ng kanyang mukha. Tila isa siyang tao na hinulma sa tubig, ngunit siguradong sigurado ako na siya ang aking kapatid. "Aira..." Mahinahong tinig na nagmula sa aking Ate Faria. Naramdaman ko ang pagpatak ng aking luha nang marinig kong muli ang tinig ni ate. Mabilis akong tumakbo patungo sa kanyang kinaroroonan, hindi alintana na ang aking pupuntahan ay isang malaking lawa. Nang itapak ko ang aking paa sa tubig ng lawa na ito, mabilis akong lumubog. Pakiramdam ko ay may kung anong bagay ang humihila sa aking paa. Panay ang labas ng bula mula sa aking bibig habang pinipilit kong humingi ng tulong habang ako ay nasa ilalim ng tubig. Ang imahe ng babae na inakala kong si ate Faria ay bigla na lang nawala. Naging isang normal na lawa na lang ang aking kinaroroonan at sa lawang ito ay unti-unting lumulubog ang aking katawan. Naramdaman ko ang pagnipis ng aking hininga at halos wala nang hangin sa aking baga. Nagsimula akong makaramdam ng kawalang pag-asa at tinanggap na ito na ang aking katapusan. Nakataas ang aking kamay na animoy inaabot ang liwanag na mula sa araw na naka-reflect sa tubig, hanggang sa biglang lumabas ang isang pangalan mula sa aking bibig. "Zeth..." nabanggit ko gamit ang huling hangin sa aking hininga. Naramdaman ko ang pagbigat ng talukap ng aking mga mata, ngunit bago ko ipikit ito, may na aninag akong isang tao na lumalangoy patungo sa aking kinaroroonan. Mabilis ang kanyang paglangoy at agad niyang inabot ang aking kamay. Nang maramdaman ko ang mainit niyang palad, agad niya akong hinila at niyakap sa kanyang bisig. Isang malakas na liwanag ang biglang bumalot sa aming katawan, isang liwanag na animoy oxygen na nagbigay ng hangin sa akin. Muli kong naimulat nang malaki ang aking mga mata nang mapagtanto kong nakahihinga ako sa ilalim ng tubig, saka ko napagtanto na nakayakap ako sa katawan ni Zeth. Tinaas ko ang aking ulo upang makita ko ang kanyang mukha. "Ligtas ka na, Aira," saad ni Zeth sa akin. Ang tila bula na nagkukulong sa aming katawan dito sa ilalim ng tubig ay unti-unti kaming tinataas, hanggang sa marating namin ang ibabaw ng lawa. *** "Hindi ba sinabi ko naman sa 'yo na lumayo ka sa lawa na ito?" galit na bulyaw sa akin ni Zeth. "S-Sorry, kasi—" "Tama na, mula ngayon sa akin ka lang makikinig. Wala akong pakialam kung ikaw ang mahal na reyna dahil obligasyon ko ang protektahan ka!" sunod-sunod na bulyaw niya na akala mo ay aking ina. Kasalukuyan kaming nakaupo ngayon sa d**o na kalapit ng lawa. Basang basa ang aming katawan dahil sa nangyari. Ilang beses na rin akong humingi ng tawad sa kanya ngunit tila galit na galit talaga siya sa akin. "Nag-sorry na nga ako, eh," pagmamaktol ko. Ngumuso ako na animoy batang nagmumukmok. Nakita ko naman ang iritableng mukha ni Zeth na lumingon sa akin. Mariin akong napapikit nang makita ko ang pagtaas ng kanyang kamay. Akala ko ay babatukan niya ako ngunit nagkamali ako. Hinawakan niya ang aking ulo at marahang ginulo ang basa kong buhok, saka sumilay ang isang ngiti sa kanyang mga labi. "Tama na nga, basta mag-iingat ka lagi. Hindi ako laging nandito para protektahan ka," saad niya na tila tumunaw sa aking puso. "S-Salamat," tugon ko. At sa oras na iyon nakatingin lang ako sa kanya at pinupuri sa aking isip ang kagandahan ng kanyang mukha. "Sisimulan na natin bukas ang ating paglalakbay, Aira. Kailangan natin makumbinsi ang mga hari na tulungan tayo." Tumango ako bilang tugon, saka tumingin sa langit. Alam kong mapagtatagumpayan ko ang bagay na ito, dahil kasama ko ang lalaking si Zeth at may tiwala ako sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD