Chapter 2

1903 Words
Ayon sa kasaysayan, si Queen Regina ng Peridious Kingdom ang nagmamay-ari sa limang elemento na humahawak at nagsasagawa ng balanse sa daigdig. Ngunit dahil sa pagkakagulo at inggit ng mga lahi ng mortal at hindi ordinaryong tao, bumuo siya ng parallel world upang maghiwalay ang dalawang mundo. Matapos iyon, Hinabilin niya ang pamamalakad sa iba’t ibang kaharian ng parallel world sa mga haring namumuno sa Hilaga, Timog, Silangan, at Kanluran. At pinaniniwalan na sa oras na ang Reyna ay namatay, muli siyang mabubuhay sa katawan ng isang mortal. *** Aira Samaras Kasabay ng aming paglalakad papasok sa isang malaking stadium, isang tugtong ng graduation march ang maririnig sa buong paligid. Sa wakas, graduate na ako ng high school at panahon na upang pumasok ako sa mundo ng pagiging senior high. Hindi ko alam kung kakayanin ko ang bagong hamon ng buhay at malaking adjustment sa pagbabago ng aking pag-aaral. Ngunit alam kong sa tulong ng aking mga magulang, kakayanin ko ang lahat. Kinuha ko mula sa principal ang diploma na inabot niya sa akin dito sa stage, saka ako nagsimulang maglakad patungo sa gitnang bahagi ng malawak na entablado. Hawak ang diploma na nagsasagisag sa aking pagtatapos. Yumuko ako sa harap ng maraming tao at naluluhang ngumiti. Natanaw ko ang aking mga magulang na nakaupo sa harapang bahagi ng mga manonood. Kitang-kita ng aking mga mata ang ngiti sa labi ng aking ama at ang nangingilid na luha ng aking ina. Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiiyak. Kung maka-react naman kasi sila mommy, kala mo nakapasa ako sa isang licensure exam. Ngunit isang tao lang ang tila hindi hindi masaya sa pagtatapos ko, ang aking nakatatandang kapatid — si ate Faria. Nakaupo lamang siya sa upuang kalapit ng aming mga magulang. Nakatutok siya sa kanyang cell phone at nagta-type rito, hindi man lang niya ako nagawang tingnan o ngitian. Masaya kaya siya para sa akin? Iniling ko ang aking ulo upang maalis ang agam-agam sa isip ko, saka muling ngumiti at nagsimula nang maglakad pababa ng entablado. *** Matapos ang graduation ceremony, isa-isa nang nagpapaalam ang mga estudyante at mga dumalo sa okasyon. Kami naman ay patungo na rin sa parking lot kung saan naroon ang aming sasakyan. Pero sa aming paglalakad, nakasalubong namin ang aking professor at bumati siya sa amin. "Napakaswerte nyo sa inyong anak, Mr. and Mrs. Samaras. Congratulations dahil siya ang valedictorian ng eskwelahan," saad ng aking guro habang nakikipagkamay sa aking magulang. "Nakaka-proud siguro magkaroon ng anak na may angking ganda at talino," dugtong niya. "Siyempre naman, proud na proud ako sa anak kong ito." Inakbayan ako ni daddy at dinikit ang aking ulo sa kanya. Ngumiti ako upang ipakita ang saya sa aking puso. Ramdam ko kung paano nila ako ipagmalaki sa mga taong bumabati sa amin ngayon. Masaya ako dahil proud na proud sa akin ang aking mga magulang. Nilipat ng aking professor ang kanyang tingin sa aking ate na si ate Faria. “Balita ko nagtapos na rin ng senior high itong panganay mo?” “Ah, Oo. Nitong lumipas na araw lang.” “Siguradong matalino rin ang anak nyong panganay.” Isang malakas na tawa ang ginawa ni daddy at alam kong dahil dito nagbago ang ekspresyon ng mukha ni ate. “Alam mo itong si Faria-“ "Dad, let's go. I'm tired," pagsingit ni ate Faria sa paguusap nila. Matapos iyon, mabilis na naglakad palayo si ate patungo sa sasakyan at sumandal sa kotse. Tila naintindihan naman ni daddy ang gusting sabihin ni ate. "Sige na, Sir Fernandez. Mauna na kami at pupunta pa kami ng Banaue. Nangako kasi ako sa aking mga anak na doon kami mag-ce-celebrate," saad ni daddy sa aking professor, sabay tapik sa balikat nito. Tumango lang ang aking guro at ngumiti, saka kami nagtungo sa kotse at isa-isang sumakay. *** "Hindi ko nagustuhan ang ugali mo kanina, Faria," saad ni daddy habang nagmamaneho at pasulyap-sulyap sa rare mirror ng kotse. Kami naman ni ate Faria ay nakaupo lamang sa likuran. Lihim kong sinulyapan si ate at nakita ko ang malalim niyang buntong hininga, saka kinuha ang kanyang earphone at inilagay sa kanyang tainga na tila hindi interesado sa mga sasabihin ni daddy. Tiningnan ko naman ang mukha ni daddy na nakasulyap sa salamin, kitang-kita ko ang disappointment sa kanyang mga mata. Nagsimula akong makaramdam ng kalungkutan dahil sa mga kilos nila. Ngunit wala naman akong magawa. Simula nang nangyari ang trahedyang iyon, nagbago na ang masayang samahan ng aming pamilya. Pati ang pinakamamahal kong ate ay nagbago. Ang ate Faria ko na madalas kong kalaro noon, madalas kong katawanan noon, at madalas na pumupunas sa luha ko noon ay unti-unti nang lumalayo sa akin. Pakiramdam ko tuloy, kasalanan ko ang lahat. Sana hindi na lang ako nabuhay. Sana hindi na lang ako nakaligtas sa trahedyang iyon. Kinuha ko ang cell phone sa aking bag saka nag-unlock ng screen. Bumungad agad sa akin ang wallpaper ng aking cell phone. Ang litrato ng aming pamilya. Si mommy, daddy, at ate Faria. Tinitigan ko ang mukha ni ate Faria. Ibang-iba ang hulma ng aming mukha. Nilipat ko ang aking tingin sa aking mukha na nasa litrato. Namana ko ang bilugang mata ng aking ina at ang mapula at manipis kong labi naman ay namana ko sa aking ama. Maitim, makintab, at may habang hanggang balikat ang aking buhok, samantalang si ate Faria naman ay may maiksing buhok, may matulis at singkit na mata, maayos ang kanyang kilay, hindi tulad sa akin na sabog-sabog. Sa madaling salita mas maganda sa akin si ate Faria. Dalawang taon ang agwat namin at nang makapagtapos ako ng high-school siya naman ay nakapagtapos na ng senior high. Kaya naman naisip nila mommy na ipagsabay na lang ang selebrasyon ng aming pagtatapos sa pag-aaral. "What the!" Naputol ang aking mga iniisip at nanlaki ang aking mata nang maramdaman ko ang mabilis na paghinto ng sasakyan. At dahil hindi ko ugaling maglagay ng seat belt. Mariin akong napapikit nang tumama ang aking ulo sa upuan ng driver seat na nasa aking harapan. Ngunit wala akong naramdamang sakit. "Ayos lang ba kayo, mga anak?" sigaw ni mommy habang nakatanaw sa amin ni ate Faria. Marahan kong minulat ang aking mata at napagtanto ko na kaya pala hindi ako nasaktan ay dahil sa kamay ni ate Faria na nakasalo sa aking noo. Nang nilayo ko ang aking ulo, sinulyapan ko ang kanyang mukha. "Mag-seat belt ka kasi!" bulyaw sa akin ni ate, sabay bawi ng kanyang palad. "Ayos lang kami, mom. Ano po bang nangyari?" saad ni ate Faria habang nakatuon na ang atensyon kanila mommy at daddy. "May lalaking naka-itim ang biglang tumawid. Pero bigla rin namang nawala," paliwanag ni daddy habang tinatanaw kung may tao sa labas. Ngunit wala talaga. Dala ng gulat, nanatili lang akong nakatingin kay ate. Hindi ko mapigilan ang sayang nararamdaman ko dahil sa pagligtas niya sa akin, na kahit paano, alam kong concern pa rin sa akin si ate. Hindi ko napansin na nakangiti lamang ako habang nakatitig kay ate Faria. "What?" tanong niya sa akin na pumutol sa lumilipad kong diwa. "Salamat, ate," saad ko sabay ngiti. Nakita ko ang pag-ikot ng kanyang mata. Pero hindi ko naramdaman ang pagkamataray niya. Sabay-sabay kaming tumingin sa paligid upang makita kung may tao nga ba talaga. Ngunit wala kaming nakita, tanging kagubatan lang ang nakapalibot sa aming kinaroroonan. Malapit na kasi kami sa Banaue at halos kaunti na rin ang mga sasakyan na dumadaan. Nang masigurado ni daddy na wala talagang tao at namalikmata lang siya. Nagsimula siyang magmaneho. Ngunit nang umandar ang kotse, tila may nakita ako sa peripheral view na isang lalaki. Nakasilip siya mula sa isang malaking puno, itim ang kanyang suot at nakatago ang kanyang mga mata sa ilalim ng hooded jacket. Agad ko itong nilingon sa bintana ng kotse, ngunit bigla siyang nawala. Guniguni ko lang ba ang bagay na 'yon? Makalipas ang ilang sandali, maayos naman ang naging byahe namin at nakarating sa isang Lodge na ni rentahan ni daddy, Napakaganda ng overlooking na tanawin dito at payapa ang paligid, maaliwalas ang hangin dahil sa mga puno at likas na yaman. Matatanaw mo mula sa isang bahagi ng lodge ang berdeng paligid, mga puno, at kagubatan. Pati ang magandang rice terraces ay kita rito. Simple lang din ang mga silid, probinsya feels talaga siya. *** Pagsapit ng gabi, nagsimulang mag-set-up nila mommy at daddy ng video karaoke at nag-order ng maraming pagkain. "Cheers!" Sabay sa pagputok ng confetti ang sigaw namin nila mommy. Ininom ko ang mango juice na inorder ko at si ate naman ay orange juice. Masaya kaming nagkakantahan nila mommy at daddy. At si ate naman ay patuloy lang sa paglaro ng kanyang cell phone habang nasa harap ng lamesa. Pagbaba ko ng baso at pagkaubos ng laman nito. Tumayo ako mula sa table namin nila mommy, saka ako naglakad patungo sa kahoy na balcony upang muling makita ang ganda ng tanawin sa gabi. Hindi ko alam kung ilang degree pa ang temperatura sa lugar na ito, pero masasabi kong malamig sa kinaroroonan namin. Umupo ako sa isang kahoy na upuan. Ngunit isang bagay ang kumuha sa aking atensyon. Isang malakas na ilaw ang nanggagaling sa isang kagubatan mula sa baba. Iniisip ko na baka may mga taong may hawak na flashlight lamang ang nandoon. Pero bakit napakalakas naman ng ilaw? Tinitigan ko itong Mabuti at sa pagtitig ko rito, tila nasilaw ang aking mata kaya napapikit ako. Ngunit sa aking pagpikit, isang imahe ng babae ang nakita ko, nawala rin ito bigla nang makaramdam ako ng isang kamay sa aking balikat. Mabilis kong minulat ang aking mga mata. At paglingon ko sa tanong nakahawak sa aking balikat, nakita ko si ate Faria. "Anong problema?" saad ni ate Faria. "Ate, mayro'n kasing-" Naputol ang aking sasabihin nang binalik ko ang tingin sa kagubatan na tinitingnan ko kanina. Wala na ang malakas na ilaw na nanggagaling dito. "What?" pagpapatuloy ni ate. Guniguni ko lang ba iyon? P-Pero. "Hoy, Aira!" "W-Wala, ate. Pasok na tayo sa loob, ang lamig kasi." Isang tawa na may alinlangan ang aking ginawa, saka hinila si ate papasok. Pero ano kaya talaga ang nakita ko? *** Aira Isang malambing na tinig ng isang babae ang tumatawag sa aking pangalan. Aira, pag-ulit niya sa aking pangalan. Sino ka? tugon ko. Ako ay ikaw at ikaw ay ako... Biglang dumilat ang aking mata. Isang panaginip? Marahan akong bumangon at tumingin sa aking paligid. At nakita ko si ate na natutulog sa kabilang kama, saka ko muling naalala ang aking panaginip. Sino kaya ang babaeng iyon? malabo ang mukha niya pero parang ang ganda niya. Tumaas ang aking mga balahibo nang maramdaman ko ang malamig na hangin. Gamit ang aking kamay, niyakap ko ang aking sarili at kinuskos ang aking braso. "Ang lamig!" nanginginig kong saad. Saka ko nakita ang nakabukas na bintana ng silid. Kahit nanginginig, pinilit kong tumayo at maglakad patungo sa bintanang ito, saka ko marahang sinara upang hindi ko maistorbo ang natutulog kong kapatid. Ngunit sa paglingon ng aking ulo. Nanlaki ang aking mga mata at nabalot ng matinding takot ang aking puso. Tila paralisado ang aking katawan habang nakatulala ang aking mga mata sa isang nakaitim na lalaki, nakatayo siya sa tabi ng aking kama at nakatingin sa direksyon ko. Siya yung lalaking nakita ko kanina sa kagubatan bago kami dumating dito. Ang misteryosong lalaking naka-hooded jacket.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD