Kabanata 2

1142 Words
"Joeuanna apo! Halika dito at may ibabalita ako sa'yo!" Napalingon si Joe sa katapat na bahay at nakita si Lola Sally na kumakaway. Nakaupo ito sa bangko na ginawa ng mga tiyuhin niya sa  lilim ng punong mangga. Napakamot  siya ng ulo habang nilalapitan ito. "Lola Sally naman, ilang ulit ko na bang sinabi sa inyo...Joe. Joe po ang itawag niyo sa'kin, ang haba ng pangalan ko. Hindi ba kayo nahihirapan? Kayo lang din ang inaalala ko..." "Ay sus, di hamak naman na mas maganda ang Joeuanna kaysa sa Joe na tunog pangalan ng lalaki," anito at pinagpag ang bakanteng pwesto sa tabi nito. "Ano po iyong ibabalita niyo sa'kin?" aniyang umupo sa tabi nito. "Iyong apo ko, babalik na dito, makikita ko na din siya sa wakas!" masayang bulalas ng matanda. Natigilan siya. Iisa lang naman ang apo ni Lola Sally — si Blake. Ngumiti siya dito pagkaraan. "Talaga po? Magandang balita nga po iyan, lola. Sa wakas!" "Ilang taon na bang hindi nakabalik iyong nag-iisa kong apo na iyon? Alam mo ba....." Napangiwi siya dahil mukhang mahaba-habang kwentuhan na naman ang mapapakinggan niya. Kung ang ibang mga bata ay lumaki na mga magulang ang story-teller, siya, si Lola Sally ang gumanap ng papel na iyon.  Kaya kahit hindi niya nakasama si Blake, parang kilalang-kilala na rin niya ito.  Napangiti siya ng mag-angat ito ng tingin, "Hindi ka na yata nakikinig e...Hindi ka ba excited para sa'kin?" "Syempre naman po excited po ako para sa inyo Lola. Sobrang excited. Promise." Halos mangapos na nga ang hininga niya at tila gusto pang tumalon ng puso niya sa antisipasyon. Kinurot niya ang sarili at sinikap makinig sa matanda. Kalma ka lang, Joe. Pagkatapos nilang mag-usap ni Lola Sally ay umuwi siya diretso sa bahay nila. Tinungo niya ang kwartong tinutuluyan at wala sa loob na inilabas ang isang kahon mula sa ilalim ng papag. Hinalungkat niya iyon habang hindi maipaliwanag na kinakabahan. Excited ba siya? Natutuwa ba siya? "Ikaw?" tanong niya sa hawak na larawan, "excited ka ba na makita ako?" Napailing siya. "Tsk..." "Joe apo, ano ang napag-usapan niyo ni Sally at ginabi ka na naman? Oh...naghalungkat ka ulit ng baul mo?" bungad ng Lola Jacinta na buti na lang ay hindi siya naabutang nakikipag-usap sa sarili. Itinabi ni Joeuanna ang ilang abobot at larawan na hindi niya alam kung bakit itinatago pa niya. May sa daga nga yata talaga siya kaya kahit basura binibigyan niya ng importansiya. "Iyong paborito niyang apo lang naman lola." Natawa ang lolaniya, "Naku, mukhang lumalala ang kakulitan niya habang tumatagal, ano apo? Tsaka ano bang paboritong apo ang sinasabi niya, eh iyon lang naman ang nag-iisa niyang apo." Tumawa na rin siya. "Kaya nga lola e, pero okay lang po, love ko naman po si Lola Sally e. Kagaya po kung paanong love ko kayo..." aniya at niyakap ang lola niya. "Ay...bitiwan mo nga ako at basa pa ako ng pawis," saway nito at tinulak siya palayo. Natatawa na lang siyang bumitaw. Ito na ang tumayong magulang niya, kasama ang lolo at tatlong tiyuhin niya na may balak yatang magpakatandang binata. Ang mga magulang niya, wala na siyang naging balita simula pagkabata. Basta ang sinabi sa kanya, bumalik ang mga ito ng Manila pagkatapos siyang iwan sa probinsya. Hindi na ito bumalik pa. Napabuntung-hininga siya. Minsan talaga, inaatake siya ng pagka-emo at kung anu-ano ang pumapasok sa kukute niya.Pumunta siya sa likod-bahay, kung saan may maliit na kubo ang lolo niya. Doon ito tumatambay pagkatapos ng tanghalian, mahangin daw kasi doon, maganda ang tanawin at hindi nito nakikita ang matanda at makulubot na si Jacinta. Naalala pa niyang mamatay-matay sila sa kakatawa noon dahil hinambalos ito ng lola niya ng hawak na walis tingting bago hinabol ng espading. Humiga siya sa papag na nandodoon at tinitigan ang kalangitan mula sa bintana. Ayon sa nabasa niyang dyaryo, may meteor shower daw mamayang alas dose y medya ng madaling araw. Kaya naman mag-aabang siya dahil matagal na niyang pangarap na makanood ng meteor shower at gumawa ng maraming hiling. Ipinikit niya ang mga mata. Sa ngayon, iidlip muna siya. "Joe!" Napabalikwas siya ng bangon at napahaplos sa balikat. Ang lamig. Nakita niya ang tiyuhing si Jack na nakatayo sa pintuan, kunut-noo habang tinitingnan niya. "Huwag mo sabihing dito ka na naman natulog?" "Eh, Tito..." napasinghap siya ng maalala ang meteor shower. "Tanginang iyan!" Hindi niya napigilang bulalas. Nakatulugan na naman niya! "Awww!" "Sinong minumura mong bata ka, ha?" anitong binatukan  siya. "Hala, ayos na at ikaw muna ang magtricycle ngayon. May lakad kaming tatlo." "Talaga po?" aniyang hinahaplos ang batok niya. Nangawit pa yata. "Ay hindi, si Nanay ang sinasabi ko na magta-tricycle. Tingnan natin kung may sumakay..." sarkastikong sabi nito na tinawanan niya. "Sige Tito. Ako pong bahala." Hindi na bago sa kanya ang pamamasada. Noong una, gusto lang talaga niyang matuto, pero kinalaunan, kinulit na niya ang mga tiyuhin na payagan siyang magmaneho at mamasada. Doon kasi nagkaka-extrang ipon siya. Paano? Syempre bukod sa komisyon niya, may dukot pa siya. Pagkatapos niyang kumain at maligo, suot ang oversize white T-shirt, kulay lumot na baggy pants, at kinumpletuhan ng sombrero na sinusuot niya ng patalikod, nagpaalam siya sa lolo at lola niya. "Mag-ingat at huwag kaskasero sa pagdrive, ha apo..." paalala ng lola niya na naghihimay ng dahon ng malunggay. "Pero kapag nagmamadali ang pasahero, sige. Patikmin mo ng overspeeding," dugtong ng lolo niya.Sa mag-asawa, ito ang medyo maloko. Seryoso daw kasi ang lola niya. "Opo, tatandaan ko po," sagot niya at nangingiting kinuha ang susi ng tricycle at lumabas ng bahay. Hindi niya alam kung bakit wala itong kasawaan sa pagpapaalala. Lagi naman na siyang bumibyahe. "Magandang umaga, Joeuanna!" Napangiwi siya sa tawag ni Lola Sally. Kulit talaga. Dahan-dahan niyang nilingon  ang matanda na noon ay nagdidilig ng mga halaman gamit ang hose. "Good morning po, Lola Sally!" "Ikaw ba ang mamamasada ngayon?" "Opo, may lakad sila Tito e..." "Ganoon ba, aba'y tamang-tama at ngayon ang dating ng apo ko. Sana sa iyo siya makasakay." "Naku Lola, malabo po iyan. Alam niyo naman po ang regulasyon sa pilahan," sabi niya pero tila wala itong narinig. Parang teenager pa itong kinikilig ng muli siyang tingnan. "Gusto ko iyon, parang girlfriend ka lang na sumundo sa boyfriend niya." Malawak pa ang ngiti nito na ayaw man niyang aminin ay nakakahawa. Kung madevelop man siya kay Blake, kasalanan iyon ni Lola Sally. Lakas maka-build-up ng apo nito e. Tumawa na lang siya, "Hayaan niyo, lola. Sisikapin ko pong maihatid ang apo niyo sa inyo. Kung kailangang makipag-agawan ako sa pila, sige. Ipu-push ko po para sa inyo," pambobola niya para makaalis na siya. "Talaga? Hay salamat apo!" Niyakap pa siya nito. "Kaya naman gustung-gusto kita...kung pwede ka nga lang maging totoong apo..." Ngumiti lang siya at nagpaalam, "Sige po lola Sally at kailangan pong maaga ako sa pila." "Ay oo nga pala. O siya, sige. Mag-ingat sa pagmaneho." "Opo," sabi niya at pinaandar na ang tricycle. Ang t***k na puso niya ay humaharurot na sa bilis sa ideyang makikita na nga niya ang lalaki. Paano pa kaya kung siya mismo ang maghahatid?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD