"May kasalanan ba iyang manok sa iyo, ha apo?" tanong ni Lolo Jaime sa apo na nakatingin sa labas ng bahay. Nanggigigil nitong kinagat-kagat ang ulam.
"Opo," wala sa sariling sagot ni Joe na umani ng tawa mula sa lolo at lola niya.
"Kawawa naman, kaya pala nagilitan ng leeg ng wala sa oras," napapalatak na sabi ng matanda.
"Sino ba iyong dumating at nagkakandahaba ang leeg mo diyan?" pansin ni Lola Jacinta habang nagtutupi ng mga sinampay.
Sumimangot si Joe at pabagsak na binitiwan ang litid ng manok na kanina pa niya pinagbubuntunan ng inis. "Iyong apo po ni Lola Sally."
"Oh, e ba't ka naman naiinis? Hindi ba dapat matuwa ka, may bago ng makukulit si Sally. Tsaka hindi ba siya iyong-"
"Eh lola..." napapadyak siya sa lupa para hindi nito ituloy ang sasabihin. "Nakakainis pa din kasi...si...si Lola Sally. Dumating lang iyong apo niya hindi na ako napansin." Hindi niya lang maamin sa mga ito na naiinis siya sa pagka antipatiko ni Blake.
Nagkatinginan ang dalawang matanda. Napailing si Lolo Jaime at nangiti naman si Lola Jacinta. "Ay naku, kumain ka pa at hayaan mong magsama naman ang dalawa. Ilang taon din silang hindi nagkita kaya sigurado akong matagal pa bago ka ulit tawagin ni Sally."
Iyon din ang akala ni Joeuanna. Pero noong palubog na ang araw at nag-umpisa ng mag-umpukan ang mga lasenggo sa katabi nilang may tindahan, pinatawag siya nito.
"Joe, tawag ka ni Lola Sally. Nagsumbong yata ang apo dahil sa pagdadrive mo!" dinig niyang sigaw ng Tito King niya na sinundan ng tawanan.
Napapikit siya at tinampal ang sariling mukha. "Ikaw kasi, bakit mo ba naisipang ganunin ang tao..." parang timang na sita niya sa sarili. Naalala niyang napanganga pa siya ng makitang parating ito. Isa sa mga nakakatuwang bagay kapag parating ang pyesta, bumabaha ang mga naggagandahan at naggagwapuhang mga dayo. Nakakatakaw pansin naman talaga kasi ang tangkad at kaputian nito. Idagdag pa ang suot nito na akala mo ay kagagaling lang sa pahina ng panlalaking magazine.
Higit pa niya ang paghinga ng mag-angat ito ng tingin at magtama ang mga mata nila. Ang ganda ng kulay ng mga mata nito! At isa iyon sa mga kahinaan niya bilang babae. Oo, lalaki pa din ang gusto niya. Babae naman siya kahit totomboy-tomboy ang porma niya. Inayos niya ang sarili kahit alam niyang hindi na siya gaganda pa.
Akala pa niya ay kilala siya nito at may nalalaman pang, "Ikaw?" Napailing siya ng maalala ang kasunod noon. Uminit ang ulo niya ng sitahin siya nito at lumabas ng tricycle. Porke babae siya at walang naglalakihang muscle ganoon na ang tingin nito? Wala ng tiwala? Pati tuloy si Boyet nabatukan niya sa inis, buti na lang vibes sila noon kaya hindi minasama ang nagawa niya.
Pasimple niya itong sinusulyapan ng marinig niyang binaggit nito ang 'Lola Sally'. Hindi makapaniwalang tiningnan niya ito. Ito ba talaga ang apo ni Lola Sally? Iwinaksi niya ang naisip. Malaki-laki naman ang lugar nila, baka ibang Lola Sally ang pupuntahan nito. Pero hindi na siya nakatiis ng makitang init na init ito. Naghubad pa ng polo. Pinaandar niya ang tricycle at poker face na tinanong kung sa Lola Sally nga na kilala niya ang tungo nito. At ang bastos ay tinanguan lang siya! Naiiling siya habang kinokontrol ang sarili. Pero hindi rin siya nakatiis kaya sinadya niyang bilisan ang pagdrive, ni hindi niya iniwasan ang mga lubak. Pigil ang ngisi niya ng sigawan siya nito.
"Joe!" sigaw ulit sa labas na boses naman ng Tito Speed niya.
"Saglit lang!" taranta siyag nagsuklay. Ewan kung bakit nag-e-effort pa siya e buhaghag pa din naman ang buhok niya. Itinali niya iyon at huminga ng malalim bago tuluyang lumabas ng bahay.
"Ayan, apo, andito na si Joeuanna," malawak ang ngiti ni Lola Sally at tila tuwang-tuwa talaga sa pagdating niya.
"Joeuanna, huh..." sabi noong lalaki at pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa.
Kinuyom niya ang mga palad sa tabi niya. Kung wala si Lola Sally sa harap nila, kanina niya pa ito nasapak sa pangmamata nito. Akala mo naman kung sinong perpekto. Pasimpleng nairolyo niya ang mga mata sa sagot na ibinigay ng isip niya. Mukha nga namang perpekto si Blake.
Mula sa may kulay nitong buhok, sa bilugang mga mata, sa matangos na ilong, sa manipis ngunit pulang mga labi, sa kulay nitong mahihiyang itabi ang morena niyang kutis. Idagdag pa ang height nito na kahit yata mag-limang inches na takong siya ay hindi siya papantay dito. Kung bakit kasi, 5'4" lang ang inabot niya at tumigil na sa pagfunction ang growth hormones niya. Napabalik ang ngiti sa labi niya ng tingnan siya ulit ng matanda.
"Apo, salamat sa paghatid sa apo kong si Blake, ha? Hindi pa daw kasi siya nakakabayad kaya pinatawag kita," anang matanda at may inabot sa palad niya. Gaya ng dati, andoon sila sa bangko sa tabi ng punong manga.
Ibinalik niya ang inabot nitong pera. "Lola, huwag na po. Alam niyo naman, malakas kayo sa'kin," sabi niya na ikinataas ng kilay ng lalaki. Hindi siguro nito alam na hindi lang niya kilala ang lola nito, close pa. Tinaasan din niya ito ng kilay bago nag-iwas ng tingin.
Niyakap pa siya ng matanda. "Iyan din ang sinasabi ko kay Blake. At alam kong hindi mo ako tatanggihan kapag hiniling kong ipasyal-pasyal mo siya tutal wala pa namang pasok ngayon."
"Basta kayo, lola..." sagot niya sa matanda at tinugon ang yakap nito. Natutuwa talaga siya kapag niyayakap siya ng matanda. Pakiramdam niya, niyayakap na rin siya ng sariling ina.
"Sigurado ka?" tanong ni Blake.
"Huh?" maang siyang napatingin ulit sa lalaki.
"Tsk. Sigurado kang gusto mong maging tour guide ko?" nakataas ang kilay pati sulok ng labi nito na tila inaasar siya.
Nalaglag ang panga niya ng maintindihan kung ano ang inu-ohan niya. Lalo at hindi niya na kaya pang bawiin iyon.