"Dalian mo, bro!!! Baka di na natin maabutan." Hinila ni Wessley ang kamay ko paakyat, habang binabagtas namin ang mataas, at madamong burol. Kanina pa niya hila hila ang kaliwang kamay ko.
Di ko alam ang lugar na aming patutunguhan, kaya hinahayaan ko na lang siyang akayin ako, dahil sa pagod at paghahabol ng aking hininga. Gabi na at tanging liwanag mula sa kakalitaw na buwan ang aming tanging ilaw sa damuhang tinatahak namin ngayon.
"Pagod na ako, bro! Pahinga muna tayo," reklamo ko sabay upo sa damuhan, habang pinapahid ng palad ko ang pawis na tumutulo sa noo. Napatigil naman siya sa paglakad, pero hawak pa rin niya ang aking mga kamay.
"Ay ano ba yan! Baka di na natin maabutan." Inis na maktol niya sa akin. Nangunot pa yung noo niya dahil sa inis. Tagaktak na din yung pawis niya sa pisngi at hinihingal pa.
"Ano ba naman kasi ang ipinupunta natin dito Wess? Kung alam ko lang na mag alay lakad lang pala tayo dito sa mataas na burol na ito, ay sana di na ako sumama sa iyo. Nangangati na nga itong paa at binti ko dahil sa d**o," saad ko. Walang anu- anoy pinatayo niya ako, saka naman siya umupo paluhod sa damuhan.
"Uy, ano ba 'yang ginagawa mo, ha?" takang tanong ko sa kanya.
"Dami mong arte. 'Lika, angkas ka na sa balikat ko."
"Ha? Ayaw ko nga!"
"Ano ba naman yan, Trei! Ginagawan ka na nga ng pabor. Sasakay ka, o itulak kita hanggang sa gumulong ka pababa dito sa burol." See?! Galit na siya niyan. "Dali na, at mahaba haba pa yung lakarin natin bago tayo makarating sa tuktok."
Matagal tagal din ang aming pagtatalo, pero napaoo na rin ako sa huli. Wala na nga talaga akong nagawa, kundi ang sumakay na lamang sa balikat niya. Saka naman siya nagpatuloy sa paglalakad. Ewan ko ba sa bro kong ito. Ano kayang masamang d**o ang nakain niya, bakit naisipang mag alay lakad kami ngayon pataas sa burol na ito. Eh, sa nakakaloka na man talaga! Alas syete na ng gabi! Ang walang hiya ay dinamay pa ako sa kaadikan niya!
" Kumapit ka ng maigi sa ulo ko, baka mahulog ka. Di kita masalo."
"Opo, bossing," ani ko."Matagal na nga akong nahulog sayo di mo lang ramdam."
"May sinabi ka?"
"Wala."
'Yan.., 'yan si bro, Wessley. Bespren ko yan. Magkasama na kaming lumaki mula noong ipinanganak kami. Mas matanda nga lang siya ng dalawang buwan sa akin.
Ganito 'yun. Mag bestfreind kasi yung mama ko, at yung nanay niya, kaya naging close din kami ni Wessley. Naging matalik na magkaibigan kami mula pa noong magkamuwang kami sa mundo. Sabay kaming lumaki. Kaklase ko siya mula kinder, hanggang ngayon na kapwa na kami nasa kolehiyo.
Mula pagkabata kaming dalawa na ang laging magkasama. Ika nga nila, para kaming magkapit tuko na di mapaghiwalay sa isa't isa. Kung nasaan siya,dapat naroon din ako. At higit sa lahat mahal na mahal namin ang isa't isa. Magkasama kami sa lahat ng kalokohan, at kapwa pinagtanggol ang isat isa sa sinumang mang mang-aagrabyadu sa amin.
Kasabay kong lumaki si bro, datapwat hindi lingid sa aking kaalaman na hindi kami nagmula sa iisang laman ngunit hindi ito hadlang upang hindi ko siya ituring bilang isang tunay na kapatid at kaibigan. Ramdam ko ang pagmamahal at pagpapahalaga niya sa akin at ganoon din ako sa kanya. Sabay naming hinarap ang bawat hirap ng buhay at magkasangga sa hirap at ginhawa hanggang sa kasalukuyang ito. Hindi ko alam kung kaya kung tumayo sa sarili kong mga paa kung mawala siya sa akin. Siya ang naging sandalan ko sa lahat gayong nariyan siya palagi para sa akin. Ni isang minsan ay hindi niya naisip na iwanan ako at tumalikod sa akin sa gitna ng kahirapan ng aming mga buhay. Tuwing nakikita ko siyang ngumingiti ay tila ba ay nakikita ko rin ang pag asa upang hindi sumuko sa laban ng buhay.
Gwapo 'yang si bro. Oo, ubod ng gwapo. Matangos ang ilong niyan,mapupula ang labi saka ang lalim ng dimples na bumabagay sa maamo niyang mukha. Japanese ang tatay niyan, kaya medyo singkit ang kanyang mga mata, at sobrang nipis pa ng labi na mamula mula. Kaya nga siguro maraming babae ang naghahabol sa kanya, pero ewan ko ba hanggang ngayon wala 'yang girlfreind.
Noong minsa'y tinanong ko siya, bakit wala siyang girlfreind? Eh, sa dami ba namang babae ang nagkakandarapa para mapansin lang niya. Alam mo ba kung anong isinagot niya? Hindi daw niya kailangan ng girlfreind. Ako lang daw sapat na. Ayaw daw niyang ma left behind daw ako. Baka raw mawalan siya ng time para sa akin, at maghanap ako ng ibang bro. See?! Mahal na mahal ako niyan. Kala ko nga bakla 'yang si Wess, pero straight 'yan peksman. Eh, regional player nga yan ng basketball sa school namin eh noong hayskul pa kami.
At ako naman si, Trei. Ako ang kaliwang paa niya. Kung saan siya ay dapat naroon din ako. Kung tutuusin ay daig pa namin ang kasabihang kambal tuko dahil sa labis na closeness mayroon kaming dalawa. Kung maari lang na magkainan kami ng palad ay pwede na. Walang madamot sa amin. Bawat sandali ng aming nga buhay ay naroon ang pagbibigayan. Kung luluha ako ay luluha rin sita. Kung masaya ako masaya rin siya. Kapag siya naman ang nasa ganoong kalagayan ay ganoon rin ang gagawin kong pagdamay sa kanya.
Ngunit sa kabila ng lahat ng iyon ay isa akong mapagbalat kayo. Isa akong traydor na balang araw sisira sa relasyon naming dalawa. Ako ang bro niya, na tanga. May lihim akong pagtingin sa kanya. Hindi ko alam kung kailan 'to nagsisimula, pero gumising nalang ako isang araw na nahuhulog na sa kanya.
Naguguluhan ako, kung bakla na ba ako? Pero sa tingin ko ay hindi. Lalaki naman ang galaw at kilos ko. Tanging ang kakaiba lang talaga sa akin, kahit isang minsan ay di ako nagkaroon ng interes sa mga babae. Tanging si Wessley lang talaga ang crush ko simula pa noon. Isang sikreto na itinatago ko pati na rin sa kanya. At kagaya nga ng iba isa ako sa mga lihim na may pagtingin kay Wessley. Pero hanggang doon lang yun. Sapat na sa akin na mahal niya ako bilang kaibigan, kesa naman sa wala talaga. Siguro takot lang ako. Straight kasi 'yang bro ko. Eh sa umpisa palang, alam kong talo na ako sa larong ito. Siguro, hayaan ko nalang 'tong sarili ko na ibigin siya ng patago, hanggang sa mapagod at kusang susuko ang puso ko.
Bakit sa dinami daming tao bakit siya pa? At isa pa, kung may pagkakataon mang gusto din niya ako, alam kong hindi pwede. Bawal sa paningin ng iba, at higit sa lahat bawal sa paningin ng Diyos. Kaya kahit mahirap pilitin ko nalang siguro yung puso ko na palihim na iibig sa kanya.
"Bro." Sambit niya kaya natauhan ako bigla."Bro naman nakikinig ka ba? "
"Oo naman bro nakikinig, ako,'' Tugon ko naman.
"Di ka naman nakikinig eh. Sabi ko bumaba ka! Ang bigat mo, di ko na kaya!" nahihirapang saad ni Wess, kaya natawa ako. Ang epal kasi. Eh hindi pa nga yata siya nakahakbang ng sampu buhat noong umangkas ako sa balikat niya! Patalon akong bumaba. Nang makababa ako ay napaluhod at naglupaypay siya sa damuhan. Mas lalo tuloy akong natawa.
"Kapagod. Ang bigat mo na pala." Natatawang sabi niya sa akin. Kaya naman napasimangot ako ng bahagya. Pero nagdiwang yung puso ko sa ginawa niyang yun. Abay libre chansing din yun.
"Eh sino bang maysabi na buhatin mo ako ha?" Angal ko pabalik. Kunwari nainis ako sa tinuran niya. Pero sinuklian lamang niya ako ng kindat dahilan para maramdaman ko ang kilig. Pero hindi ko iyon pinahalata sa kanya. Shet! Pogi niya talaga. Nalaglag ata brief ko sa pagkindat niyang iyon.
Nagpatuloy naman siya sa paglalakad habang nakasunod naman ako sa kanya.
Nagpatuloy kami sa pag-akyat nang muli siyang nahsalita. "Ito yung lugar na sinasabi ko sayo noon pa. Yung secret place ba na lagi kong sinasabi sayo na pagdadalhan ko ng babaeng mamahalin ko balang araw." Sabi niya sa akin. Parang kinurot ang puso ko sa tinuran niyang iyon. See malabo ngang magkagusto ito sa akin dahil kahit kailan hindi maghahanap ng talong ang bro ko na ito kundi talaba. Nakaramdam ako ng lungkot dahil doon
Tanda ko nga yung lagi niyang kinukwento sa aking secret place daw niya na pagdadalhan daw niya ng babaeng mamahalin niya balang araw ito pala yun. Lol. Wala naman akong nakitang maganda dito ah kundi mga d**o at mga puno sa paanan ng burol.
"Ang pangit naman dito bro. Ano ba yan. Pinapagod mo lang ako eh." Reklamo ko.
"Sandali nalang malapit na tayo sa tuktok. Wag ka ngang atat diyan. Malapit na tayo." Hingal na sa sabi niya.
Nagpatuloy pa kami sa paglalakad hanggang sa marating namin ang pinakatuktok nito at ganun nalang ang pagkamangha ko nang makita ko na sobrang patag pala ang tuktok ng burol na ito at talagang napa wow ako ng pagtingin ko sa ibaba ay namasdan ko ang kumikinang na city lights at ang mga mumunting ilaw mula doon sa dagat. Malamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat at isinasayawsayaw nito ang ilang hibla ng aking buhok. Napatingala ako sa mga bituin na ngayoy nagkikislapan sa himpapawid at ang buwan na lumiliwanag sa madilim na gabi. Napangiti ako sa kaloob looban ko. Ang ganda.
Napalingon ako sa kanya na ngayoy matamis na nakangiti habang mariin na nakatitig sa akin. Napalunok ako para kasing tinutunaw niya ang kalooban ko sa paraang pagtitig niyang iyon.
"Bakit?" Takang tanong ko sa kanya."Para kang ulol diyan.
Napatawa naman siya ng bahagya saka itinuon ang tingin sa dagat.
"Ang ganda dito no. Nagustuhan mo ba?" Tanong niya sa akin habang may kung anong bagay siyang kinuha mula doon sa backpack na kumot pala at inilatag sa damuhan saka siya umupo. Napatango naman ako.
"Bakit nakatayo ka lang diyan? Lika na upo ka na dito." Sabi niya saka naman ako umupo katabi niya.
"Bakit mo nga pala ako dinala dito? Diba sabi mo na yung babaeng mamahalin mo lang ang dadalhin mo dito?" Tanong ko sa kanya. "Mahal mo na ba ako bro?" Pabirong tanong ko sa kanya. Umaasang oo ang isasagot niya.
"Ulol! Walang ganun. Di tayo talo bro." Diritsong sagot niya saka ako binatukan sa ulo. Mas ramdam ko pa yung sakit dito sa puso ko kesa doon sa batok niya. Napangiti ako ng pilit.
Hahaha. Ganito pala yung pakiramdam kapag sasampalin ka ng katotohanang abot kamay mo lang yung mahal mo pero anlayo naman ng pagkakataon mahalin ka rin niya sa paraang gusto mo. Umpisa pa lang talo na talaga ako. Ang sakit pala.