Chapter Five

2635 Words
HUMUGOT muna ng isang malalim na hininga si Razz bago dumiretso sa katapat na Kid's Corner Candy Shop. Agad na hinanap ng mga mata niya si Marvin. Kailangan niyang makausap ito. Gusto niyang magback-out sa stage play. Ayaw niyang makasama ito. Hangga't maaari ay nais niyang lumayo dito. Delikado na kasi ang lagay ng puso niya, kaya mas mabuti pa kung aagapan na niya. "Hi Doktora. Good Afternoon!" magiliw na bati sa kanya ng mga babaeng crew ng Candy Shop. "Hi, Nandiyan ba si Marvin?" tanong niya. "Nandoon po sa Lolo niya. Mukhang may hinuhugasang kotse." Sagot naman nito. "Ah, sige. Puntahan ko na lang doon. Salamat." Aniya. Bago siya tumalikod ay napansin niya ang may panunudyong tingin sa mga tauhan ng Candy Shop. Palabas pa lang siya ay may pumasok na grupo ng mga Nanay, kasama ang mga anak nito. "Hi Doc," bati sa kanya nito. "Hi," "Balita po namin ay kayo ni Marvin ang gaganap sa stage play para sa fund raising sa barangay. Excited na po ang mga bata nang malaman na kayong dalawa ang gaganap." Anang isang Nanay. "Naku eh, hindi pa po sigurado 'yon." Wika niya. "Ay! Hindi kami manonood kapag hindi po kayo ang kapartner ni Kuya Marvin." Sabad ng isang batang babae. Lihim niyang nakagat ang labi niya. Patawarin sana siya ng mga batang ito pero hindi talaga niya puwede ipagsapalaran ang puso niya. Ngayon pa, alam niyang parang nasa dulo na ito ng bangin at anuman oras ay mahuhulog na ito. "Uhm, sige ho. May pupuntahan pa ako." Pagpaalam niya sa mga ito, saka mabilis na lumabas. Dumiretso siya sa Carwash ng mga Mondejar. Pagdating niya doon, abala ang magpi-pinsan sa paghuhugas ng kotse. Kasama na roon si Marvin. Gusto yatang biglang pumihit pabalik ni Razz ng makita si Marvin. Paano kasi'y wala na naman itong suot na t-shirt at tanging board shorts lamang ang suot nito. Tumambad na naman sa mga mata ang matipunong dibdib nito. Sana pala nagsuot ako ng shades. Nakakasilaw naman! "Marvin!" tawag niya dito. Kunot ang noo nito ng lumingon sa kanya. Pero agad din naman napalitan iyon ng ngiti. Mabilis siya nitong nilapitan. "Wow! This is a surprise! Dinalaw mo ako dito!" sabi pa nito. "Suit yourself! Tse! Mangarap ka! Hindi kita dinalaw dito. may sasabihin ako sa'yo kaya ako nagpunta." Pagtataray niya dito. "Sabi ko nga. Ano ba 'yon?" "Humanap ka ng kapalit ko na makakapartner mo para sa stage play." Walang gatol na sabi niya. Awtomatikong nawala ang ngiti nito. "What?" "You heard me," aniya. "Yes, I heard you. Pero bakit ka nagba-back out?" "Dahil ayoko," "Naka-oo ka na kay Konsehal." Sabi pa nito. "Alam ko, at na-kompromiso ako. Hindi talaga ako papayag." Katwiran niya. "The kids are expecting us." Anito. "Kausapin mo na lang sila, madali naman mapakiusapan ang mga bata eh." "Kaligayahan ng mga bata na makita tayo sa play na 'yon!" giit nito. "Ayoko nga sabi eh," "Sabihin mo nga sa akin. Bakit ka nagba-back out?" tanong nito sa kanya. Nawalan siya ng imik. Hindi niya alam ang dapat isagot. Hindi naman niya puwedeng sabihin ang dahilan niya. Baka pagtawanan lang siya nito. Pero tila ba nahulaan nito ang nasa isip niya. "Dahil ba ito sa nangyari noon?" tanong nito. "Basta, ayokong sumali. Marami akong ginagawa." Pagdadahilan niya. "Ako ng bahalang kumausap kay Konsehal." Hindi na niya hinintay itong sumagot, basta na lang siya tumalikod. Pero nahagip nito ang isang braso niya. "Huwag kang umiwas, Razz. Alam kong nasa isip mo. Kaya ayaw mong sumali sa stage play dahil sa nangyari noon. It's been years, matagal na masyado 'yon. Move on!" sabi nito. Nagsalubong ang kilay niya sa narinig. Kasabay ng pag-ahon ng galit na nakatago sa kanyang dibdib. "Move on? Ang dali para sa'yo na kalimutan 'yon! Dahil hindi ikaw ang napahiya! Hindi ikaw ang pinagtawanan at pinag-usapan ng buong campus! Hindi ikaw ang sinabihan ng easy-to-get, humahabol sa lalaki! Hindi ikaw ang naging tampulan ng tsismis hindi lang sa campus kung hindi hanggang dito sa lugar natin! Ngayon sabihin mo sa akin ulit na 'Move on!'" bulalas niya. Hindi namalayan ni Razz na tumulo na pala ang luha niya. "Razz," "Wala kang alam sa pinagdaanan ko, Marvin. Hindi mo alam kung paano ko tinanggap ang lahat ng iyon ng dahil sa kagagawan mo! Nang dahil sa walang kuwenta mong biro. Sinadya mong pahiyain ako noon. Iyon ang malinaw pa rin sa akin hanggang ngayon." "Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na hindi ko naman sinasadya 'yon. It was supposed to be a joke." Paliwanag nito. "Hanggang ngayon nagpapaliwanag ka pa rin, kahit hindi naman dapat. Dahil hindi naman ako maniniwala sa'yo." Sabi pa niya. "Dahil hanggang ngayon nasasaktan pa rin kita," puno ng emosyon na wika nito. "At pinagsisisihan ko ang araw na nakita kong lumuha ka." Pilit na tumagos sa puso niya ang sinabi nito. Hindi niya maintindihan ang sarili, tila ba, gustong madala ng damdamin niya sa sinabi nito. Pakiramdam niya ay totoo lahat ng sinabi nito. "Tama na ang usapang ito. Humanap ka na lang ng kapalit ko." Aniya, saka mabilis na lumayo sa lugar na iyon. Hindi niya alam kung bakit kailangan niyang maramdaman ulit ang sakit ng nakaraan. Parang sa isang iglap ay naging sariwang muli sa isipan niya ang tawa at halakhak ng mga kaklase niya noon. Ang bawat pangungutyang tinanggap niya mula sa mga ito. Gusto niyang pagsisihan ang araw na minahal niya si Marvin, pero bakit pilit na tumatanggi doon sa puso niya? "DAMN!" galit na binato ni Marvin ang hawak niyang basahan. Hindi niya akalain na hanggang ngayon ay dala pa rin ni Razz ang sama ng loob sa kanya. Ito marahil ang dahilan kung bakit palagi siya nitong sinusungitan. Sabagay, hindi rin naman niya masisisi ang dalaga. Razz was very much devastated that time. Kahit na halos labindalawang taon na ang nakakalipas, hindi pa rin niya makakalimutan ang araw na iyon. Kasalanan din niya, nag-kunwari kasi siyang binasa ang diary nito, at sinabi niya na nabasa niya na crush siya ni Razz sa harapan ng mga schoolmates nila. Hindi naman niya akalain na mapapahiya ito ng ganoon. At lalong hindi niya intensiyon na kumalat iyon sa buong campus. Sadyang may mga tao talagang tsismoso't tsismosa kaya nalaman ng lahat. Kung maaari nga lang niyang maibalik ang nakaraan ng sa gayon ay maitama niya ang pagkakamali. "Ayos ka lang ba, apo?" tanong ng Lolo Badong niya. Umiling siya. "Hindi po, 'Lo. I felt bad." "Mukhang may hindi kayo pagkakaunawaan ni Razz." "Opo, nagkasagutan kami. At kasalanan ko po." Aniya. "Alam mo, apo. Hindi na natin kayang maibalik pa ang mga nagawa natin pagkakamali sa ating nakaraan. May mga tao na tayong nasaktan. Pero ang mahalaga, maipakita mo sa taong nasaktan mo ang labis na pagsisisi. Naniniwala akong mabait na bata iyang si Doktora. Kapag lumamig na ang ulo niya, saka mo na siya kausapin." Payo sa kanya ng abuelo. Napangiti siya. Nawala kahit paano ang bigat sa dibdib niya. "Thanks Lolo," aniya, niyakap niya ito. Naramdaman din niya na tinapik nito ang likod niya. "Siya, tapusin na ninyo 'yan." Anito. "Opo," Tama ang Lolo niya. Kakausapin niya si Razz. Pupuntahan niya ito mamaya sa bahay nito. Kung kailangan niyang humingi ng tawad ng paulit-ulit. Gagawin niya. Mapatawad lamang siya nito. Kahit na ano, gagawin niya. Pumayag lang ito muli na maging ka-partner niya sa play. Dahil kung nalalaman lang nito, sa puso niya. May nakalaan espasyo doon para dito. "BAKIT wala kayong beef teriyaki?" maktol niyang tanong kay Sumi. Naroon siya sa Jefti's Restaurant ng mga oras na iyon. Habang nanonood kasi siya ng TV sa bahay niya, kinomercial ang beef teriyaki na produkto ng isang sikat na restaurant. Nanakam tuloy siya, eksakto naman na hindi pa siya kumakain ng gabihan kaya agad siyang pumunta sa Jefti's. Pero mukhang nahuli yata siya ng dating dahil naubos na daw ang beef teriyaki ng mga ito. "Sorry Girl, kakaubos lang. You're late." Sabi pa ni Sumi. Eksaheradong ngumuso siya, at kunwari'y nagmaktol. "Kainis naman!" "Sa Rio's Finest, tingnan mo. Baka mayroon sila doon." Suhestiyon ni Jefti. Nabuhayan siya ng loob. "Oo nga," nakangiting wika niya. Nagmamadali siyang lumabas at pumunta sa sinabing restaurant ni Jefti. Matatagpuan iyon sa may bungad ng Tanangco. "Welcome to Rio's Finest! Good Evening Ma'am!" masiglang bati sa kanya ng isa sa crew doon. Agad siyang lumapit sa magandang kahera para doon umorder. Kilala niya ito, gaya niya ay taga-doon din ito sa Tanangco. Actually, kapitbahay niya ito. Si Abby, asawa ito ni Victor na siyang kilalang modelo at big bike champion racer. "Doktora Razz, kumusta?" nakangiting tanong nito. "Okay lang, eto gutom na." nakangiti din na sagot niya. "What's your order?" tanong nito. "Beef Teriyaki," sagot niya. Parang lalo siyang naglaway ng makita niya ang mga ice cream desserts ng mga ito. "Saka isang banana split," pahabol niya. "Okay, dine in or take out?" "Dine in," sagot niya. Matapos nitong sabihin ang presyo ng na-order niya ay agad siyang nagbayad. Pagkatapos ay umupo siya sa isang bakanteng mesa sa di kalayuan. "Uy Doktora!" bati sa kanya ng may-ari ng Rio's Finest. Si Chef Rio Vanni Cruz. "Chef! Kumusta na?" tanong niya. "Ayos lang, ikaw? Mukhang nagawi ka dito sa palasyo ko!" anito. "Anong nagawi? Madalas pa rin naman akong kumain dito, no?" Tumawa ito. "Joke lang, alam ko naman 'yun. By the way, magpapa-appointment ako sa'yo next week. May sira 'yung ngipin ko sa bandang itaas dito sa left side. Medyo sumasakit na." anito. "Sure, punta ka sa clinic ko. Palagi naman ako nandiyan." "Hon," tawag ng esposa nito. Si Madi, pinsan din ito ni Olay ang may-ari ng convenience store na matatagpuan doon sa Tanangco. "Doktora, grabe! Nabalitaan ko ha? Kayo pala ni Marvin ang gaganap sa stage play sa fund raising." Walang prenong sabi nito. "Yeah, excited na ang Jasmine namin," sang-ayon ni Vanni na ang tinutukoy ay ang apat na taong anak na babae nito. "And in fairness, bagay kayong dalawa ni Marvin. Kayo na ba?" deretsang tanong ni Madi. Napalunok siya. Mas matindi palang magtanong ang mag-asawang ito. Sabagay, hindi na dapat siya magtaka. Ang mga tao nga naman sa lugar nila. Hindi nahuhuli sa balita pagdating sa usaping pampuso. "Hindi ah!" sagot niya. "Ay hindi pa, sayang naman." sabi pa nito. Mayamaya ay dumating na ang order niya. "Let's go, hon. Saka na natin siya intrigahin, hayaan na muna natin siyang kumain baka hindi siya matunawan." Yaya ni Vanni sa asawa. "Oo nga," birong sang-ayon niya. "Okay, bye! Enjoy your meal." Paalam ni Madi. Napapikit siya sa sarap ng beef teriyaki. Hindi niya maikumpara ang mga pagkain sa Jefti's at sa Rio's. Kapwa kasi may kakaibang lasa ang mga pagkain. May kanya-kanyang signature dishes ang dalawa. Sa Jefti's, specialty ng mga ito ang mga sizzling foods. Samantalang sa Rio's ay local at international dishes ay matatagpuan doon. Bukod doon, walang kompetisyon sa dalawang restaurant. Magkakilala kasi ang parehong may-ari niyon. Sa sobrang sarap ng kinakain niya, saglit lang ang lumipas ay naubos na agad iyon. Pagkatapos ay agad niyang hinarap ang dessert. Banana Split. Abala siya sa pagkain ng ice cream, nang magulat siya ng may umupo sa katapat na silya sa mesa niya. Agad na sinalakay ng kaba ang dibdib niya ng makitang si Marvin ito. At para siyang ice cream na natutunaw ngayon na nakatitig ito sa kanya. Pinilit niyang pigilan ang sarili na mapapikit ng nanuot naman ang mabangong amoy ng cologne nito ang ilong niya. Sa sandaling panahon, tila nakalimutan niya ang pagtatalo na naganap sa pagitan nilang dalawa kaninang hapon. Tumikhim siya. Saka lihim na pinakalma ang puso niya. "Anong kailangan mo?" seryosong tanong niya. "As you can see, kumakain ako. Kaya kung mang-iinis ka na naman. Spare me." "I'm sorry," sa halip ay sagot nito. Napatingin siya dito. "What?" "I said I'm sorry, for everything." Sagot nito. "I swear to God, hindi ko sadyang pahiyain ka sa harap ng mga kaklase natin noon. Hindi ko rin naman akalain na kakalat iyon sa buong campus noon. Hindi rin totoo na nabasa ko ang diary mo, I was just fooling around. Playing pranks on you before. My intention was, asarin ka lang talaga. I'm sorry, dahil sa kapilyuhan ko noon. Napahamak ka. Hindi ko naman akalain na ma-aapektuhan ka ng sobra. Kung alam mo lang kung gaano ko sinubukang lumapit sa'yo. Gusto kong mag-explain noon pero naunahan ako ng takot, kasi alam kong galit na galit ka sa akin." Mahabang paliwanag nito. Parang may kung anong humaplos sa puso niya. Sa isang iglap, parang natunaw ang lahat ng galit niya dito na matagal din niyang dinala. Hindi niya akalain na darating ang araw na iyon na kusa itong lalapit sa kanya para mag-sorry. Isang bagay na kaytagal niyang inasam. "Alam mo ba? Plinano ko pa nga noon na umalis sa school at mag-transfer na lang dahil sa sobrang kahihiyan ko. Pero hindi pumayag ang Mommy at Daddy ko. Hindi ko masabi sa kanila ang dahilan kung bakit ko gustong mag-transfer." Kuwento niya. "I'm so sorry, Razz. Please forgive me. Gagawin ko ang lahat para lang mapatawad mo ako." Tinitigan niya ang mga mata nito. Naroon ang sinseridad sa paghingi nito ng tawad sa kanya. At nararamdaman niya na totoo sa puso nito ang paglapit nito sa kanya. Kung tutuusin, puwede niyang hindi ito patawarin ng ganoon kadali. Pero hindi siya pinalaking ganoon ng magulang niya. Tinuruan siya nitong magpatawad at huwag magtanim ng sama ng loob. Marahil, kaya niya dinala ng mabigat sa dibdib ang pangyayaring iyon ng mahabang panahon ay dahil ang lalaking mahal niya ang naging dahilan ng pagluha niya. Isang bagay na hindi niya kayang tanggapin ng mga panahon na iyon. Her first love gave her first broken heart. "Ginawa mo na ang dapat mong gawin para mapatawad kita." Aniya. Ngumiti ito. "Matagal ko ng hinihintay na ma-realize mo ang ginawa mo noon dati. Sadya man iyon o hindi. Isa lang naman ang hinihintay kong gawin mo, ang humingi ng tawad." "Remember? Humingi ako ng sorry sa'yo dati?" pagpapaalala pa nito. Napangiti siya. "I know, pero siyempre, galit pa ako noon. Kaya hindi ko pinansin iyon." Nahigit niya ang hininga ng kunin nito ang isang kamay niya at ikulong nito iyon sa mga palad nito. "Thank you," anito. "Hindi mo alam kung gaano ito nakatulong sa akin. Isa pa, ayokong gawin ang play na iyon sa fund raising kung hindi ikaw ang magiging ka-partner ko." Anito. "Mas maraming mas maganda kaysa sa akin." Sabi niya. "Mas bagay silang maging prinsesa. Lalo na 'yung anak ni Congressman, si Gennie. Bakit ayaw mo sa kanila?" tanong pa niya. Sa kabila niyon, gusto niyang batukan ang sarili sa pagtutulak niya dito sa ibang babae. Hindi niya maintindihan. Bakit nga ba siya nakakaramdam ng ganoon? Hindi ba't pilit na niyang binaon sa limot ang dating damdamin niya para dito. Sumeryoso ang mukha nito at diretso siyang tinitigan sa mata. Kasabay ng bahagya nitong pagpisil sa kamay niya. "Dahil hindi sila ang babaeng gusto kong makasama," "Wow ha! Serious ka masyado! Sino ba 'yung babaeng 'yun?" pabiro pang tanong niya. "Ikaw," diretsong sagot nito. Daig pa ni Razz ang nasipa ng kabayo sa dibdib, sa lakas ng kabog niyon. "H-ha?" Ngumiti na ito, pagkatapos ay umiling. "Wala. Basta! Ikaw na ulit ang ka-partner ko sa play. Hindi ka na puwedeng umatras!" pag-iiba na nito sa usapan. Pinilit niyang ngumiti sa kabila ng mabilis na pagtibok ng puso niya. "Oo na!" sagot niya. Binitawan nito ang kamay niya, pagkatapos ay kinuha nito ang kutsarang hawak niya saka nakikain ng ice cream. Hindi maipaliwanag ni Razz ang sayang nararamdaman niya ngayon. Parang mas naging mas magaan ang dibdib niya. Umaasa rin siya na iyon na ang simula ng mas malalim na pagkakaibigan nila ni Marvin. Kahit na ang totoo'y hindi lang pagkakaibigan ang sinisigaw ng puso niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD