Chapter Four

2269 Words
"SIXTEEN," bilang ni Razz sa kadadaan ng trycicle. "Grabe! Ito lang ba ang gagawin mo? Ang magbilang ng dumadaang trycicle?" tanong ng katabi niyang si Josie. Habang nakakunot-noo ito at nakatitig sa kanya. "Eh sa tinatamad ako eh," sagot niya. "Bakit ba kasi wala pa tayong pasyente?" tanong pa ni Josie. Tumingin siya sa suot niyang wrist watch. "Tanghali pa lang naman, malay mo mamayang hapon may dumating kahit isa." Sagot pa niya. Ilang sandali pa ang lumipas ng dumating sina Marisse, Sam, Kim, Sumi at Jhanine. "Yo! Wassup?" bungad ni Marisse pagpasok sa clinic niya. "Tanghaling tapat para mang-asar kayo!" aniya. "'To naman! Yayayain ka lang naman namin mag-lunch." Sabi pa Kim. "Ah okay, akala ko pagti-tripan n'yo na naman ako eh." Sagot niya. "Hindi ah! Mamaya na, uunahin ko na muna ang tiyan ko." Ani Marisse. Binalingan niya si Josie. "Ikaw Jo? Sabay ka na sa amin!" yaya niya dito. "Hindi na, uuwi ako sandali. Doon ako kakain." Sagot nito. Sa kabilang Street lang ito nakatira kaya walking distance lang ito mula sa clinic niya. "Okay, lock mo na lang 'tong clinic paglabas mo. May duplicate key naman ako." Bilin pa niya. "Okay Doc," sagot nito. "GRABE! Ang sarap talagang magluto ni Sumi!" puri pa ni Razz sa bagong kaibigan. Ito ang nobya ni PO3 Miguel Despuig, ang pinsan ni Marvin. Saksi sila sa hirap ng pinagdaanan ng relasyon ng dalawa. Pero matapos ang lahat ng pinagdaanan ng mga ito. Masaya na ang dalawa sa piling ng isa't isa. "Narinig ko ang pangalan ko, ano 'yun?" sabad nito sa usapan, kagagaling lang nito sa kusina. "Sabi ko ang sarap mo magluto." Ulit niya sa naunang sinabi. "Teka nga, akala ko ba Manager ang magiging papel mo dito sa Jefti's. Bakit sa kusina ka na naman bumagsak?" tanong naman ni Marisse. "Malay ko kay Jefti. Nawili yata." Sagot nito. Matapos itong lumipat doon sa Tanangco. Sa restaurant ni Jefti na ito nagtrabaho. Balita niya, nag-aaral din ito ng Culinary Arts tuwing weekends. "Ambunan mo naman ako ng talent sa pagluluto, Sumi." Sabi pa niya. "Paano? Wala kasing alam kung hindi ang magkalkal ng ngipin ng may ngipin." Pang-aasar pa ni Kim sa kanya. "Ang bait mo, Kim." Aniya. "I know." Sagot naman nito. "Pero siyempre, Joke lang 'yun!" Nagtawanan sila, maging si Kim. "Gumaganti ka ah!" sabi pa ni Jhanine. Nagkibit-balikat lang siya, sabay kagat sa hawak niyang fried chicken. "Puwede ba kitang gawin kusinera ko? Dodoblehin ko ang bayad sa'yo!" nakangising wika niya habang nagmamantika pa nguso niya. "Hey! I heard that. I'll pay you ten times the price. Huwag ka lang sasama sa dentistang 'yan!" singit ni Jefti sa usapan. Kagagaling lang nito sa second floor. Kasunod nito ang mga pinsan nito. Mukhang katatapos lang mag-billiards ng mga ito. Parang may tumadyak sa dibdib niya ng makita niya na kasama sa grupo si Marvin. Wala sa loob na nilunok niya ang nasa bibig niya ng hindi pa nangunguyang mabuti. Kaya ang nangyari, nabulunan tuloy siya. Nanlaki ang mata niya pagkatapos ay hinampas niya ng hinampas ang dibdib para lumuwag ang paghinga niya. Ngunit nakabara pa rin ang pagkain sa lalamunan niya. Kinampay niya ang kamay. Alam niyang namumula na ang mukha niya. "Hoy Agapita! Nabulunan ka na diyan!" natatarantang tungayaw ni Marisse. "Inom ka ng tubig bilis! Baka iyan pa ikamatay mo!" sabi pa ni Sam. Mabilis na inabot nito sa kanya ang isang basong tubig. Nilagok niya lahat iyon. Sunod-sunod ang paghingang ginawa niya matapos mawala ang bara sa lalamunan niya. Natakot siya doon. Akala niya katapusan na niya. "Okay ka na?" nag-aalalang tanong ni Kim. Tumango siya, tapos ay nag-thumbs up pa. "Ang bilis ng karma," pang-aasar pa ni Jhanine sa kanya. "Salbahe," ganti naman niya dito. Humagalpak lang ito ng tawa. "Ang sabihin mo, nakita mo lang si Marvin nabulunan ka na!" pang-aasar din ni Sumi sa kanya. Kunot ang noo na binalingan niya ito. "Dati 'di ba tahimik ka lang?" puna niya dito. Gaya ni Jhanine ay tumawa lang ito. "Iyan na ba ang epekto ko sa'yo? Lakas pala ng dating ko!" sabad naman ni Marvin sa usapan. "Minsan, feelingero ka. Ewan ko sa'yo! Baka malas ka sa buhay ko, kaya nabulunan ako." Pambabara niya dito. Imbes na maasar ito ay tinawanan lang din siya nito. "Sabi ko na nga eh, may gusto ka sa akin." Panunudyo pa nito. "Sa bangungot, malamang." Sagot niya. "Huwag mo kasing kainin pati buto ng manok." Sabi pa ni Wayne. "Tigilan n'yo nga ako!" asik niya sa mga ito. "Baka hindi ako matunawan sa mga pang-aasar n'yo sa akin!" Nagulat pa siya ng biglang umupo si Marvin sa bakanteng silya sa harapan niya at mataman siyang tinitigan. "Ano ba? Umalis ka nga sa harap ko." Kunwa'y pagtataboy niya dito. Pero ang totoo, parang may mga dagang tumatakbo sa dibdib niya sa sobrang kaba. Dahil mas lalo nitong nilapit ang mukha nito sa kanya. Bahagya tuloy siyang napaatras. "Bakit ba? Ilayo mo nga ang mukha mo," sabi pa niya. Hindi ito nagsalita. Basta na lang nito dinampot ang table napkin, pagkatapos ay pinunasan ang labi niya. Natulala siya. Hindi niya maipaliwanag ang kakaibang kabang iyon at sayang hindi niya alam kung saan nanggaling. Ano nga ba ang emosyon na nababanaag niya sa mga mata ni Marvin sa tuwing natititigan niya ang mga iyon? "Para kang bata kung kumain. Hindi mo man lang pinupunasan ang bibig mo." Sermon pa nito. Pero mahina lang ang boses nito, hindi siya sigurado pero pakiramdam niya ay tumagos iyon sa puso niya. Kung hindi lang nito hawak ang table napkin, maaari niyang sabihin na simple nitong hinahaplos ang gilid ng labi niya. Bakit ganito kalakas ang kaba ko? Oh no! Ayoko! Erase! Erase! "Uhm, ah...thank you." Sabi na lang niya ng bigla siyang matauhan. "Ang sweet naman," tudyo pa ni Kevin. "Nagkatitigan na nga sila, mga kababayan!" dagdag pa ni Jester. Tumikhim siya ng malakas para mataboy niya ang pagkailang na nararamdaman. Sabay baling sa ibang direksiyon. Hindi na kasi niya matagalan ang pakikipagtitigan kay Marvin. Baka kasi kung saan pa mapunta ang damdamin na habang tumatagal ay hindi na nagpapatahimik sa kanya. "Layuan n'yo nga muna ako." Aniya. "Kumakain pa ako. Mamaya na kayo mang-istorbo." Hindi na niya pinansin ang mga ito. Lalo na si Marvin na naroon pa rin sa harapan niya at nakatitig pa rin sa kanya. Noong una ay hindi na niya ito pinapansin pero ng tumagal, hindi na siya nakatiis kaya sinita niya ito. "Ano ba? Wala ka bang gagawin diyan kung hindi panoorin akong kumain. Ikaw na lang kaya ang magsubo sa akin." Sa inis niya ay ngumiti lang ito. Agad siyang pumikit. Ayaw kasi niyang tingnan ang guwapong mukha nitong nakangiti. Baka kasi tuluyan na siyang mahulog dito. "You never fail to make me smile, Razz." Napadilat siya ng wala sa oras. Bakit kapag si Marvin ang nagsasabi ng pangalan niya ay tila nagiging musika sa pandinig niya? Lihim siyang napabuntong hininga. Malala na nga yata talaga siya. Pagkatapos ay napako ang mga mata nila sa isa't isa. Saka lamang siya natauhan ng may tumikhim. Napakurap sila pareho, sabay pa silang nag-iwas ng paningin. Nakita niya si Gogoy. Seryoso ito pero halatang may panunudyo sa mukha nito. Mayamaya ay nakuha ang atensiyon nila ng pumarada ang service vehicle ng barangay sa tapat ng restaurant. Bumaba doon ang may edad ng konsehal nila at dati nilang Filipino teacher noong high school. Si Misis Miriam Miranda. "Uy si Ma'am oh." Sabi pa ni Karl. "Hi Ma'am," bati pa niya dito pagpasok nito sa loob ng restaurant ni Jefti. "Mabuti at narito kayong dalawa," anang may edad na maestra nila. "Sino po?" tanong ni Marisse. "Si Marvin at itong si Agapita." Sagot naman ni Mrs. Miranda. Napangiwi siya ng marinig niya ang tunay niyang pangalan. Gusto na naman manindig ng mga balahibo niya. Kung hindi nga lang niya inaalala na baka biglang bumangon sa mga hukay nila ang dalawang Lola niya, baka nagmakaawa na siya sa mga magulang niya na palitan ang pangalan niya. "Razz po," pagtatama niya. "Bakit po Ma'am? May problema po ba?" tanong ni Marvin. "Kailangan ko kasi ng tulong. May fund raising event kasi ang barangay para sa mga bata na galing sa mga mahirap na pamilya. Naalala ko kasi kayong dalawa noong high school pa kayo. Ang stage play. Gusto kong magkaroon ng stage play sa susunod na buwan. Itatanghal natin iyon sa mismong covered court. Siyempre, magbebenta tayo ng mga ticket para sa stage play na iyon. Ang lahat ng magiging benta ay mapupunta sa mga kapus-palad natin ka-barangay." Mahabang paliwanag nito. "So, ano? Payag ba kayong dalawa?" "So, ibig n'yong sabihin..." "Kayo ang gusto kong maging lead characters sa stage play." Pakiramdam ni Razz ay namutla siya. Sabay tila isang ipo-ipo na bumalik sa alaala niya ang nangyari sa nakaraan. Sinubukan niyang ibuka ang bibig niya para tanggihan ang alok ng dating guro. Ngunit parang walang tinig na lumabas sa bibig niya. "I'm in," mabilis na sagot ni Marvin, sabay baling sa kanya. "Ikaw Agapita?" tanong ni Mrs. Miranda. "Oo daw po!" sabad ni Marisse. Umakbay pa ito sa kanya, saka nakangising tumingin sa kanya. "Ha? Wala naman—" "Umoo ka na! Wala ka rin naman choice eh." Sabi pa nito. "Walang magbabantay sa clinic ko," "Kami magbabantay," sagot ni Kim. "Hindi kayo marunong magbunot ng ngipin." Aniya. "May plais ako sa bahay, ipapahiram ko sa inyo!" sabad naman ni Miguel. "Hindi naman buong araw ang rehearsal, huwag mo akong echusin!" sabi pa ni Jhanine. "Tama," sang-ayon naman ni Sumi. "Oo na kasi!" pambubuyo pa ni Wesley sa kanya. "Ma'am, wala na po bang ibang gaganap sa stage play?" tanong pa niya sa dating guro. "Sa totoo lang hija, pinagtanong na namin sa mga bata dito kung sino ang gusto nilang gumanap sa play. Kayo ni Marvin ang gusto nila." Sagot nito. Wah! Patay! Wala akong kawala! Aniya sa sarili. "See? Kaya mo bang biguin ang mga bata?" tila pangongonsensiya pa ni Glenn sa kanya. "Tse! Turukan kita ng tranquilizer diyan eh!" biro niyang pagtataray dito. "Ano hija? Payag ka na?" tanong ulit ni Mrs. Miranda. "O sige po," pagpayag niya. My God! Gabayan po ninyo ang puso ko. Piping panalangin niya. Nakita niya sa mukha ng konsehal na tila ba nakahinga ito ng maluwag. Matapos nitong ipaliwanag ang ilang detalye tungkol sa fund raising ay umalis na rin ito agad. Siya naman ay mabilis na tinapos ang pagkain saka nagbayad kay Jefti. "Oy Jefti, bilis ang sukli. Akin na!" Sabi pa niya. "Teka, nagmamadali ka naman eh." Pagka-abot nito ng sukli ay nagmamadali siyang umalis. "Razz, bakit ba bigla kang parang sinilihan ang pwet?" pahabol na tanong ni Sumi. "Razz, sandali lang. Dito ka muna!" narinig niyang sigaw ni Marvin. Pero hindi niya pinansin iyon. "Naje-jebs na ako!" sigaw pa niya, saka lalong binilisan ang lakad palayo. "Yuck!" narinig niyang sabi ng mga kaibigan. Pero ang totoo, gusto lang talaga niyang makalayo kay Marvin. Napapansin niya, habang dumadaan ang mga araw. Tila hindi na niya nagugustuhan ang nararamdaman para dito. Delikado siya kung ganoon, lalo na ang puso niya. Isang bagay na pinangako na niya sa sarili noon na kakalimutan niya. "HINDI puwede!" hiyaw ni Razz habang palakad lakad siya sa loob ng clinic niya. Napapitlag si Josie na tahimik na nag-aayos ng record files ng mga pasyente nila. "Napa-praning ka na naman, doktora!" anito. "Hindi nga kasi puwede eh," ulit niya sa sinabi. "Alin ang hindi puwede?" tanong ni Josie. "Hindi ako puwedeng gumanap sa stage play na 'yun!" sagot niya. "Sus! Ikaw naman, kahit para na lang sa mga bata." Sabi pa nito. Naupo siya sa dental chair. Napapikit siya sa inis ng biglang pumasok ang imahe ng guwapong mukha ni Marvin. "Wala naman kasi sanang problema kung hindi si Marvin ang ka-partner ko. Kaso, siya ang kasama ko sa play. Kaya ayoko!" nagpa-panic na sabi niya. "Hoy," usal ni Josie, kinalabit pa siya nito. Nakatayo na ito sa tapat ng inuupuan niyang dental chair. "Ano ba talagang nangyari at ayaw mong makasama si Marvin? Todo iwas ka sa kanya lagi." seryosong tanong nito. Napabuntong-hininga siya. Kinuwento niya dito ang nangyari noong highschool pa lang sila. Paano nga ba niya makakalimutan ang araw na pinahiya siya nito sa harap ng mga classmates nila? Halos isumpa niya ang araw na minahal niya ito ng lihim. Kaya sa abot ng kanyang makakaya, pilit niyang kinalimutan ito. Maging ang ituring itong kaibigan ay hindi niya ginawa. "Grabe, nagawa niya iyon sa'yo?" hindi makapaniwalang tanong ni Josie pagkatapos niyang ikuwento ang lahat. "Huwag kang maingay ah," sabi pa niya. "Oo naman. Pero Doc, hindi ba masyado ng matagal 'yon para kimkimin mo pa ang sama ng loob mo sa kanya? Besides, mga bata pa kayo noon." "Pinilit ko naman palagpasin na lang ang nangyari. Pero hindi ko magawa, sa tuwina na lang nakikita ko si Marvin. Naaalala ko ang ginawa niya, ang kahihiyang inabot ko sa school namin ng kumalat ang balitang iyon." Paliwanag niya. "Unless, na hanggang ngayon ay may gusto ka pa rin sa kanya kaya affected ka pa rin." "Of course not!" mabilis niyang tanggi. "Hmmm? Defensive ka naman masyado, girl." Natatawang komento ni Josie. "Alam ko na!" aniya. "Anong alam mo na?" tanong nito. "Kakausapin ko siya, sasabihin kong humanap na lang siya ng makaka-partner niya." sagot niya. "Sa tingin mo, papayag 'yon? Duda ako." "Well, wala siyang choice kung hindi ang pumayag." Sagot niya, sabay halukipkip. Simula sa araw na iyon, iipunin niya ang lahat ng lakas niya para iwasan si Marvin. Hindi na nakakabuti ang lalaking iyon sa buhay niya, mas lalo na sa puso niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD