Chapter Three

2777 Words
"DOC, ano pong kailangan gawin sa ngipin ng anak ko?" tanong kay Razz ng Nanay ng pasyente niya. "May butas po ang ngipin sa kanan bagang ni Kate, kaya madalas na sumasakit. Subukan po natin pastahan. Hindi naman kasi bulok eh, ngayon kapag sumakit ulit pagkaraan ng ilang linggo. Ibalik n'yo po kaagad sa akin." Paliwanag niya. "Sige po," pagpayag ng Nanay ng batang pasyente niya. "Josie, pakihanda ng mga gamit." Utos niya sa Assistant niya. Mabilis naman itong tumalima. "Umupo ka na doon, hija." Sabi niya sa bata. Sumunod naman ito sa kanya. Nagsuot muna siya ng mask at gloves bago humarap sa pasyente niya. Binaba niya ng kaunti ang dental light para mas madali niyang makita ang ngipin nito. "Ah," sabi niya dito. Ngumanga naman ito. "Huwag kang matatakot ah? Pasta lang naman ito." Pag-aalo pa niya dito. May mga batang takot kasi sa kagaya niyang dentista. Tumango naman ito. Dahil isang ngipin lang naman ang kailangan niyang pastahan, kaya saglit lang ang nakalipas ay tapos na agad ito. Ini-inspeksyon pa niya ang ngipin ni Kate ng biglang tumunog ang wind chime na nakasabit sa pinto. Ibig sabihin, may bago siyang pasyente na dumating. "Okay na po, Misis." Aniya. "Sige Doc, Salamat po." Anang Ginang. "Thank you Doctor Razz." Sabi pa ni Kate sa kanya. "You're Welcome! Don't forget, kapag kakain ng sweets toothbrush agad para hindi sumakit ulit ang ngipin." Bilin pa niya. "Opo," Matapos magbayad ng Mommy ni Kate kay Josie, ay agad na lumisan ang dalawa. "Doc, may pasyente ka ulit." Sabi pa ni Josie. Paglabas niya para makilala ang bagong pasyente ay agad naman din siyang napakunot-noo. Anong ginagawa ni Marvin dito? Hinubad niya ang suot niyang mask at gloves. "Anong ginagawa mo dito?" tanong pa niya. Sinuksok pa nito ang dalawang kamay sa bulsa ng suot nitong maong na pantalon. Nagkibit-balikat ito, pagkatapos ay nginitian siya. Naroon na naman ang kakaibang pagsikdo ng puso niya. "Magpapa-cleaning ako." Sagot nito. "Marami naman ibang dental clinic diyan, bakit dito ka pa pumunta?" pagsusuplada pa niya dito. "Bakit naman? Pasyente mo ako. Saka dito ko gusto ko magpa-cleaning." Katwiran pa nito. "Ayoko sa'yo." Pabulong na sabi niya. "Ano?" inosenteng tanong nito. "Wala!" asik niya. "Grabe ka! Ang suplada mo talaga pagdating sa akin. Kaya kita lalong nagiging crush eh. Mas gumaganda ka kapag salubong ang kilay mo." Nakangising wika ni Marvin. Gustong umusok ng bumbunan niya. Ang lakas ng loob kasi nitong mang-asar, at sa harapan pa talaga ni Josie. "Hay naku Marvin, kung pumunta ka lang dito para sirain ang araw ko. "Puwede ba? Baka gusto mong lumayas na lang?" aniya. "Seryoso nga, magpapalinis ako ng ngipin." Giit pa nito. "May carwash kayo, 'di ba? Doon ka na lang magpalinis." Pagtataboy niya dito. "Ano naman palagay mo sa ngipin ko may gulong?" ganti naman nito. Napabulanghit ng tawa si Josie. "Oo nga naman, 'te." sang-ayon pa nito habang tumatawa. "Kapag hindi mo ako nilinisan ng ngipin, ire-reklamo kita sa barangay. Sasabihin ko, biased ang dentista dito. Namimili ng pasyente. Ayaw sa mga pogi." Pagbabanta pa nito. "Tse! Oo na! Kapal talaga ng mukha." napilitan niyang sagot. Mahirap na, baka kasi totohanin nito ang sinabi. Kilala niya ang karakas ng lalaking ito, kapag sinumpong ito ng topak. Siguradong tototohanin nito ang banta. "Alam mo? Malapit na akong magpapalit ng pangalan. Gagawin ko ng Marvin Tse." Sabi pa nito. "Tutal lagi mo akong sinasabihan ng "tse"." "Ewan ko sa'yo." Pagsusuplada niya. Pero hindi niya mapigilan ang mapangiti, napansin pala nito na palagi niya itong sinasabihan ng "tse". "Ayan! Maganda ka lalo kapag nakangiti ka." Puna nito sa kanya. Agad na pinalis niya ang ngiti, at kunwa'y muling sumeryoso ang anyo ng mukha niya. "Sige na, sige na! Doon ka na sa loob." Napilitan niyang sabi. Muli niyang sinuot ang mask, pagkatapos ay nagpalit siya ng gloves. Agad naman ngumanga ito pagkalapit niya dito. Napakunot-noo siya ng makita ang mga ngipin nito gamit ang mouth mirror. Bukod sa maputi ang mga iyon, malinis na malinis ito. "Malinis naman ang ngipin mo ah!" komento pa niya. "Madumi, maraming tartar." Sabi pa nito. "Baliw ka ba? Sinabi ng malinis nga eh." Giit pa niya. "May tartar nga eh." Giit din nito. "Nasaan?" tanong niya. Ngumanga ito, saka may tinuro sa loob na bahagi ng ngipin nito. Mas lalo niyang nilapit ang mukha para mas makita ang tinuturo nito. "Pengkum ka, Marvin. Wala kang tartar!" sabi pa niya. Ganoon na lang ang pagsalakay ng malakas na kaba sa dibdib niya ng magtama ang mga mata nila. And their faces are almost an inch apart. Hindi siya sigurado kung naririnig ni Marvin ang lakas ng t***k ng puso niya. Dahil siya, dinig na dinig niya. Parang lalabas na iyon sa ribcage niya. Bakit ba hindi niya maalis ang paningin sa mga mata nito? Hindi alam ni Razz kung kailan niya huling nakita na ganito kalapit ang guwapong mukha ni Marvin sa kanya. Kung may nagbago man dito, iyon ay mas lalo itong gumwapo. He still has his smoky-black eyes. Matangos pa rin ang ilong nito. And his lips, still as kissable as before. Saka niya naitanong sa sarili, kung ganoon pa rin kaya ang magiging pakiramdam niya kapag hinalikan siya nito. Lihim niyang kinalma ang puso niyang naghuhurumentado na sa mga sandaling iyon. Hindi dapat siya makaramdam ng ganito para kay Marvin. Ngunit maging ito man ay ganoon din. Titig na titig ito sa kanya, partikular na sa mga mata niya. May kung anong nais na ipahiwatig ang mga mata nito. Seryoso din ang mukha nito. Dahan-dahan nitong tinikom ang bibig nito. Tumikhim siya, saka mabilis na nilayo ang mukha dito. "Si-sige, ku-kung talagang gusto mong magpa-cleaning. Sige, gagawin ko." Sabi na lang niya. "Okay. Good." Nakangiting wika nito. Habang nililinisan ni Razz ang ngipin ito. Sinubukan niyang lahat ng makakaya niya para makapag-focus ng maayos sa ginagawa. Kahit na ang katotohanan ay ayaw mag-function ng maayos ng puso niya. Hanggang ngayon ay mabilis pa rin ang t***k niyon. Lihim siyang huminga ng malalim. Saka kinondisyon ang sarili. Razz, kalma ka lang. Hindi ka dapat nagpapa-apekto sa Marvin na 'to. Tandaan mo, mortal mong kaaway 'yan. Pagpapaalala pa niya sa sarili. "OLA! Ako na ang maganda!" bungad ni Razz, paglapit niya sa mga kaibigan niyang nakatambay sa harap ng tindahan ni Kim. "Ikaw na may dramatic entrance," sabi pa ni Sam. "Mismo!" sagot niya. "Kumusta na pagkalkal mo sa mga tinga ng residente ng Tanangco?" tanong pa ni Marisse sa kanya. "Mabuti naman," nakangiting sagot niya. "Bangag ka ba?" nakakunot-noong tanong ni Jhanine. "Oo nga, nakangiti ka diyan. Anong meron?" sang-ayon pa ni Sarah. "Wala, masaya lang talaga ako." Sagot pa niya. "Ah, siguro nag-krus na naman ang landas n'yo ni Marvin ano?" panghuhula pa ni Kim. Naubo siya ng wala sa oras. Iyon ba talaga ang dahilan kung bakit biglang gumanda ang araw niya? Hindi naman yata. "Hindi ah!" mariin niyang tanggi. "Baliw talaga ang kakambal kong 'yon. Kaya pala nawala bigla kanina, nagpunta sa'yo. Nagpa-cleaning daw siya. Eh kakapalinis lang namin dalawa ng ngipin two weeks ago sa'yo. Sabay pa nga kami, 'di ba?" sabi pa ni Marisse. Natigilan siya. Saka mabilis na inalala ang sinabi ni Marisse. Oo nga. Nakalimutan na rin niya. Nagpalinis na pala ito sa kanya. Kung ganoon, bakit nagpa-cleaning ito sa kanya? Baka naman may date mamaya, at magki-kiss sila after. Anang isang bahagi ng isip niya. At parang gustong tumanggi ng puso niya. Parang hindi niya maatim ang ideyang may ka-date itong ibang babae. "Ayieee! Nagpapapansin sa'yo!" tukso pa ni Kim sa kanya. "Sabi ko na nga ba, may gusto sa'yo si Marvin." Sabad naman ni Sam. "Shhh! Huwag mong sasabihin ulit 'yan! Dahil hindi ko matatanggap." Kontra niya dito. "Echusera ka rin 'te, no? Kahit namumula ka na diyan. Deny ka pa." tudyo pa ni Jhanine sa kanya. "Hindi ako nagde-deny. Malayo lang talaga sa katotohanan ang mga pinagsasabi n'yo." Depensa niya sa sarili. Umakbay sa kanya si Sarah, habang si Marisse naman ay umabrisyete sa kanya. "Alam mo, Girl. It's okay. Kung hindi ka pa handang aminin ang nararamdaman mo para sa kanya." Sabi pa ni Marisse. "Tama. Ang mahalaga, mas makilala n'yo pa ang isa't isa." Ani Sarah. Napabuntong-hininga siya. "Wala nga akong nararamdaman sa kanya." Sagot pa niya. "Action speaks louder than words." Wika ni Marisse. "At iba ang sinasabi ng mga mata mo, sa sinasabi ng bibig mo." Dagdag pa ni Sarah. "Hay, bahala na kayo sa iniisip n'yo." Sagot na lang niya, habang hindi makatingin ng diretso sa mga kaibigan. Hindi alam ni Razz, kung bakit ganoon na lang kalakas ang dating ng mga payo ng dalawa niyang kaibigan. Matagal na niyang kinalimutan ang damdamin niya para sa binata. She promised herself that she will never lay her eyes on Marvin again. Pero ano itong nangyayari sa kanya nitong mga nakaraang araw? Sa tuwina na lang, si Marvin ang tumatakbo sa isip niya. Hindi mo na ako masasaktan ulit, Marvin. Matagal ko ng pinangako iyan sa sarili ko. NAPALINGON si Marvin ng pasimple siyang kalabitin ng pinsan niyang si Wayne. "Anong tingin mo kay Razz?" tanong nito. Kunot-noong lumingon siya dito. "Bakit mo naman naitanong?" Nagkibit-balikat ito. "I just found her beautiful. Gusto ko sanang ligawan." Pahayag nito. Umahon ang disgusto niyang ligawan ito ni Wayne. "Back off, dude." aniya. Mabilis na ngumisi ito, sabay hagalpak ng tawa. Pumapalakpak pa ito. "Bakit ka tumatawa diyan?" nagtatakang tanong niya. "Ikaw eh. Nakakatawa ka." Sagot nito. "Huli ka, insan!" sabad naman ni Glenn sa usapan. Nakikinig pala ito, akala niya ay abala ito sa paglalaro ng psp na hawak nito. "Akala ko ba ayaw mo sa kanya? Eh bakit ngayon ayaw mong pumayag na ligawan siya ni Wayne?" singit din ni Gogoy. "Oo nga! Ayoko nga!" biglang kabig niya. "Hindi bagay sa'yo ang magpaka-showbiz." Sabi pa ni Karl. "Hindi naman ako artista no," papilosopong sagot niya. "Kaya pala, sa tuwing magkikita kayo. Kunwari nagbabangayan, pero mayamaya parang nabubura na lahat ng tao sa paligid n'yo." Komento naman ni Jefti. "Wala akong alam sa sinasabi n'yo. Inaasar ko lang naman si Razz. Paano kasi ang sungit sa akin." Sagot niya. "Ingat ka lang, Marvin. Baka mamaya sa sobrang pang-aasar mo sa kanya, hindi mo na namamalayan. Nahulog na pala ang loob mo sa kanya." Payo pa ni Gogoy. "Right," sang-ayon naman ni Karl. "Wow, sumang-ayon ka talaga? We're talking about love here, Karl. Kailan ka pa naniwala sa pag-ibig?" pang-aasar pa niya sa huli. "Wala lang, may masabi lang." sagot pa nito. Nabaling ang atensiyon nilang magpipinsan ng may pumasok na dalawang magkasunod na magagarang kotse. Base sa dumi ng dalawang iyon ay halata naman magpapa-carwash ang mga ito. Nang bumaba ang driver ng kulay pulang kotse, nakuha nito ang atensiyon ng mga pinsan niya. Babae ang driver nito at napakaseksi nito. At kilala niya ito, nag-iisang anak ito ng Congressman ng lungsod nila. "Hi Gennie," bati ng mga pinsan niya dito. "Hey boys," ganting-bati nito. "How about washing my car?" tila nang-aakit ang boses na tanong nito. "Sure," mabilis na sagot ni Karl. "And I'll give it to you for free, on one condition. Let's go out tonight." Tumaas ang kilay nito, sabay lipad ng tingin sa kanya. "Gosh! I'm sorry, Karl. But, I can't be your date tonight. I'm reserving myself to somebody else." Makahulugang sagot nito, pagkatapos ay nilapitan siya nito. "Hey Marvin," bati nito sa kanya, nilapit nito ng husto ang mukha nito sa kanya. Sabay lapat ng mapulang labi nito sa pisngi niya. Lihim siyang nairita. Sa lahat kasi ng ayaw niya, ay ang mga babaeng kagaya nito. Nagpapakita ng motibo sa isang lalaki. At hindi niya type ang mga gaya ni Gennie. Mas gusto niya ang mga tipo ni, Razz. Simple pero elegante, natural ang ganda at higit sa lahat. Mabait. Kahit na medyo suplada. "Wash my car, Marvin." Malanding sabi nito sa kanya. Tiningnan lang niya ito, pagkatapos ay binalingan niya si Karl. "Karl, will take care of it." Pormal na sagot niya. "Pinsan, kayo ng bahala sa kotse niya. Kami na ni Gogoy dito sa isang kotse." Baling niya sa pinsan. Mabilis siyang lumayo sa babae. Nakita niyang nakamasid sa labas ng bakuran niya si Razz, kasama nito ang mga kaibigan nito at ang kakambal niya. Pero agad na nagsalubong ang kilay nito ng makita siya. Sa kabila ng pagsimangot nito sa kanya, nginitian pa rin niya ito. Pero isang tumataginting na irap ang sinagot nito sa kanya. Nakangiting napailing na lang siya. Hindi pa rin nagbabago ito. Hanggang ngayon ay galit pa rin ito sa kanya. Kung nalalaman lang ng dalaga, na hindi niya sinadyang pahiyain ito noon. "Hoy! Mamaya ka na makipag-asaran kay Razz, hugas muna tayo ng kotse." Untag sa kanya ni Gogoy. Agad niyang hinubad ang suot niyang t-shirt. Tanging board shorts na lamang ang suot niya. "Inday," tawag niya dito. Agad niyang inabot dito ang t-shirt niya para hindi mabasa. "Huwag mong aamuyin 'yan." Bilin niya. "Hindi nga," sagot pa nito. Napailing siya ng mahagip ng mata niya si Razz, habang tila ba tulala itong nakatitig sa kanya. "Saglit lang, 'Goy." Pagpaalam niya. "Saan ka na naman pupunta?" tanong nito. "Dito lang," sagot niya. Napangiti siya. Kaysarap kasing asarin si Razz, bukod sa hindi nagbabago ang ganda nito. Gustong-gusto niyang titigan ang singkit na mata nito. Maraming nagsasabi na mas mukha itong koreana. Hindi nga niya maintindihan ang trip niya sa buhay minsan, gaya noong nakaraan araw. Nagpa-cleaning siya ng ngipin kahit na katatapos lang niya magpa-cleaning two weeks ago. Para lang makita ito. Napabuntong-hininga si Marvin, malala na nga yata siya. GUSTONG kumaripas ng takbo ni Razz pabalik sa clinic niya ng makitang papalapit si Marvin. Ano ba kasi ang nasa isip ng kumag na ito? Wala itong suot na t-shirt. Nakabalandra ang matipunong dibdib at abs nito. Gayong alam naman nito na pinagpapantasyahan ito ng mga kababaihan at kabadingan sa lugar nila. Umingos siya. Sabagay, mukhang feel na feel naman nitong pinagkakaguluhan siya. Pero ang pinakangingitngit niya sa inis ay ang paglapit ng maarteng anak ni Congressman na si Gennie. Halata naman na nilalandi nito si Marvin. Halos ipagduldulan na nito ang dibdib sa huli. At hinalikan pa talaga nito si Marvin. Ang damuho naman na iyon. Hindi umiwas. Mukhang masayang masaya pa na hinalikan ito ng malanding hitad na iyon.  "Razz,"  tawag ni Marvin sa kanya. "Wala dito, umalis lasing tulog!" nakasimangot na sagot niya dito, sabay halukipkip. Tumawa lang ito. "I just thought of explaining to you, huwag kang magseselos kay Gennie ha?" nakangiting wika nito. "Tse! Pakialam ko naman sa inyong dalawa!" pagtataray niya dito. "Totoo wala kang pakialam?" tanong pa nito. "Wala!" "Eh bakit mukhang nagseselos ka?" "Hindi ah!" mariing tanggi niya. "Talaga?" "Puwede ba Marvin, kung mangungulit ka lang dito. Lumayas ka sa harapan ko, balikan mo na 'yung kotseng hinuhugasan mo!" pagtataboy niya dito. Hindi man lang ito natinag. Nanatili itong nakatayo sa harapan niya. Sa inis niya, mas lalo nitong nilapit ang mukha nito sa kanya. Mabilis na bumalik sa kanya ang naging eksena nila sa clinic niya noong nakaraang araw. Nahigit niya ang hininga ng mas lalo itong lumapit. "Pu-puwede ba? La-yuan mo nga a-ko." Kandautal na pakiusap niya. "Paano kung ayoko?" "Eh di... ano... ano..." Pilit na ginalugad ni Razz ang utak niya, pero wala siyang maisip na maaaring sabihin upang ipambara dito. Masyado kasi siyang distracted sa mukha nitong halos gasinulid na lang ang layo mula sa kanya. Dahil konting maling kilos, posibleng maglapat ang labi nilang dalawa. "Layuan mo nga ako," sabi niya. Bahagya na niyang tinulak ito. "At puwede ba? Alisin mo 'yang marka ng labi ni Gennie sa pisngi mo." Lumapad ang pagkakangiti nito. "Okay," sabi nito. Pinunasan nito ang pisngi, pagkatapos ay bumalik na sa ginagawa. Agad siyang nakahinga ng maluwag. Ano  ba naman itong ginagawa ni Marvin sa kanya? Why is he teasing her like that? Aaminin ni Razz, naapektuhan na siya sa muling pagbalik ng presensiya nito sa buhay niya. Napapitlag siya ng biglang maghiyawan ang mga kaibigan niya. "Ayieee!" tudyo ni Sarah. "Nakakakilig! Grabe!" sabi pa ni Sam. "Luma-lovelife ka 'te!" ani pa ni Kim. "Ilalakad na kita sa kakambal ko, itatakbo pa kita." Sabi naman ni Marisse. "Huwag kang mag-alala mas maganda ka sa Gennie na 'yan!" sabi pa ni Jhanine. "Ano bang sinasabi n'yo?" pa-inosente pa niyang tanong. "Kain na lang tayo. Kung anu-ano ang naiisip n'yo, mga Pengkum!" Kahit nagme-meryenda, hindi pa rin siya tinantanan ng panunukso ng mga ito. Hindi niya alam kung anong iniisip ni Marvin. Bakit ito nagpapakita sa kanya ng motibo? Napabuntong-hininga siya. Kung ganoon, kailangan pala niyang guwardiyahan ang puso niya, i-stapler kung kinakailangan. Para siguradong hindi mahuhulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD