LAKING pasalamat ni Razz ng sa wakas ay matapos na ang Seminar na iyon. Kung hindi nga lang importante ay hindi na siya pupunta, kaya kahit alam niyang aantukin siya. Pumunta pa rin siya. Hindi niya alam kung nakailang tasa ng kape siya sa buong araw para lang hindi sumara ang mga mata niya. Pero isa sa mga advantage ng Seminar na iyon ay ang pagkikita-kita nilang muli ng kanyang mga kapwa Dentista at kaibigan din Doctor.
Napabuntong-hininga siya. Sabay inat at bahagyang giniling ang sariling beywang. Masakit pala sa balakang kapag buong hapon kang nakaupo. Bukod pa ang pamamanhid ng puwet niya.
"Oh Razz, saan ka? Join us! Gigimik kami." Yaya sa kanya ng isang kaibigan niyang doctor.
"Sige, next time na lang. Hindi rin ako mag-eenjoy. Inaantok na ako eh." Pagtanggi niya.
"Okay." Nakangiting wika nito.
"Thanks anyway,"
"No problem, basta next time hindi ka na puwedeng tumanggi."
"Yes, I promise." Sagot niya.
Nauna na itong umalis. Samantalang siya ay pumunta muna sa comfort room. Pagkatapos niyang mag-retouch ay agad din naman siyang lumabas. Isa lang ang dalangin niya, sana'y hindi magloko ang kotse niyang secondhand at malapit na yatang mag-retiro.
Pagpasok niya sa loob ng kotse niya ay agad niyang ini-start iyon. Napasinghap siya ng ayaw mag-start niyon.
"Oh no! Huwag ngayon! No! Please mag-start ka. Pauwiin mo muna ako." Pakiusap pa niya sa kotse. Ngunit ilang beses na niyang sinubukan pero ayaw talagang mag-start. Nakasimangot na bumaba siya saka inis na sinipa niya ang gulong.
"Nakakainis ka naman eh! Promise! Ibebenta na talaga kita sa junk shop!" pagkausap pa niya sa pobreng kotse. Pagkatapos ay sinipa ulit niya ito, pero mukhang napuruhan yata ang paa niya dahil nanakit iyon ng mapalakas ang pagsipa niya doon.
"Aray! Joke lang! 'To naman, nagtampo agad!" sabi pa niya, saka napahawak sa paa niyang nasaktan.
"Sige ka, baka mamaya sumagot 'yang kotse mo."
Napapitlag siya ng bahagya siyang magulat sa biglang nagsalitang iyon. Kaya nawalan siya ng balanse, napahiyaw siya sabay pikit sa pag-aakalang lalagapak ang pwet niya sa semento. Pero bumagsak siya sa bisig ng kung sino. Dahan-dahan niyang minulat ang mga mata niya.
"Hey Doc!" bati pa nito sa kanya.
Nanlaki ang mga mata niya ng tumambad sa harap niya ang guwapo at nakangiting mukha ni Marvin. Agad na sinalakay ng kaba ang dibdib niya. Dumoble ang t***k ng puso niya. Sa isang iglap, tila tumigil sa pag-inog ang mundo. Muli ay pakiramdam ni Razz ay nawala ang mga tao sa paligid, maging ang mga kotse sa parking lot na iyon. Once again, she was mesmerized by the beauty of his eyes. Isang tanong ang sumulpot sa kanyang isipan.
Puwede bang ganito na lang tayo palagi kalapit sa isa't isa?
"Razz," pukaw nito sa kanya.
Napakurap siya, pagkatapos ay inalalayan siya nitong tumayo. "Are you okay?" tanong pa nito.
"H-ha? Ahm, oo, Okay lang ako." Sagot niya.
Sinandal siya nito sa kotse niya, sa gulat ni Razz ay lumuhod ito sa harapan niya. Kinuha nito ang paa niyang nasaktan, hinubad ang sapatos niya at bahagyang hinilot iyon.
"Masakit pa ba?" tanong nito.
Puno pa rin ng kaba na tumango siya. "Medyo," sagot niya.
"Next time, huwag kang maninipa ng gulong ng kotse. Goma 'yan, wala kang laban. Tingnan mo, ikaw lang tuloy ang nasaktan." Sabi pa nito.
"I'll be fine," mahina ang boses na sagot niya.
"You sure?"
Nakangiting tumango siya. Sinuot nitong muli ang high heeled shoes niya. Pagkatapos ay tumayo na ito.
"Ano nga palang ginagawa mo dito?" tanong niya.
Nagkibit-balikat lang ito. "Wala naman, nandiyan lang ako sa tabi-tabi. Naisipan kong dumaan dito. Matagal na rin simula noong huli akong nadalaw dito sa lugar na ito." Sagot naman nito. Binalingan nito ang kotse niya.
"Anong nangyari sa kotse mo?" tanong nito.
"Ayan, sinumpong na naman. Ayaw mag-start. Baka mag-taxi na lang ako pauwi." Sagot niya.
"Taxi? Bakit pa? Para naman hindi tayo magkapit-bahay n'yan? Halika na! Pauwi na rin naman ako eh." Yaya nito sa kanya.
"Weh? Sigurado ka ayos lang sa'yo?" tanong pa niya.
"Oo naman!"
"O sige, buti na rin. Makakatipid ako." Sabi pa niya.
Natawa ito. "So, let's go?" tanong nito.
"Eh teka, paano 'yung kotse ko?"
"Papa-pick up na lang natin 'yan sa mekaniko." Sagot nito.
Kinuha niya ang mga gamit niya sa kotse. Binilin ni Marvin ito sa namamahala ng resort, pumayag naman ang mga ito na manatili muna doon ang sasakyan hanggang bukas sa pagdating ng gagawa.
Pakiramdam ni Razz ay prinsesa siya nang ipagbukas pa siya nito ng pinto ng sasakyan at alalayan pa siya nito sa pagsakay. Bakit ba hindi niya nakita ang gentleman side nito noon? Palibhasa kasi'y nasanay siya sa mapang-asar na Marvin. Gusto niyang sumipol ng makita ang interiors ng kotse ni Marvin. Halatang milyon ang halaga niyon. Hindi rin naman kataka-taka dahil alam niyang may sinabi ang angkan ng mga Mondejar. Bukod pa dito ay successful naman ang negosyo ni Marvin. Aware siya na ang Kid's Corner ang nangungunang Candy Store sa buong bansa. Kaya naman hindi na siya nagtataka kung maalwan ang buhay nito.
"Kumusta ang seminar mo?" tanong nito habang nagmamaneho.
Kunot ang noo na binalingan niya ito. "Paano mo nalaman na seminar ang pinuntahan ko?" nagtataka niyang tanong dito.
"Hindi ba may tarpaulin na nakasabit sa may lobby?" anito.
"Meron ba?" tanong naman niya sa sarili. Hindi niya kasi matandaan, hindi rin naman kasi niya napansin kung meron nga tarpaulin na nakasabit doon.
"So, kumusta na nga?"
"Ayos naman, nakakaantok." Sagot niya.
"May pupuntahan ka pa?" tanong ulit nito.
"Wala naman,"
"Nagugutom ka na?"
"Teka nga, kanina ka pa tanong ng tanong. Bakit ba? Sinundan mo siguro ako dito no? Lately napapansin ko, palagi ka na lang sumusulpot kung saan ako naroon." Puna niya dito.
"Really? Hindi ko naman napapansin 'yon. Maybe just coincidence." Sagot naman nito. "So, ano nga? Oo o hindi lang. Nagugutom ka na ba?"
"Medyo."
"Okay, let's have dinner then."
"Grabe! Hindi mo man lang ako tinanong kung gusto kitang makasabay kumain. Sapilitan pa yata ito. Ganito na ba ang usong pagyayaya sa babaeng mag-dinner." Pang-aasar pa niya.
"Ang dami mo naman sinabi. Kilala kita pagdating sa pagkain, hindi ka uurong. Sa takaw mong 'yan!" ganti naman nito.
Natatawang hinampas niya ito sa braso. "Kapal mo! Hindi ako matakaw! Magana lang akong kumain." Depensa naman niya sa sarili.
"Mabuti na lang hindi ka nagiging baboy," nakangising sabi nito.
"Ay bastos ka! Tse!" pabiro niyang pagsusuplada dito, nang hahampasin ulit niya ito sa braso, nahuli nito ang kamay niya. Nagkatinginan sila, kapwa napako ang mga mat nila sa isa't isa. There he was again, mezmerizing her again, pero agad din niyang binawi ang kamay dahil nagmamaneho ito. Pagkatapos niyon ay pumagitna ang katahimikan sa kanilang dalawa. Sa isang iglap, tila kapwa sila naubusan ng sasabihin. And Razz can't help but ask herself. Ano nga kaya ang tumatakbo sa isip nito? Sana'y siya rin ang nasa isipan nito. Si Marvin ang unang bumasag ng katahimikan.
"Ready ka na sa play?" tanong nito.
"H-ha? Ah, Oo. Ikaw?"
Tumango ito. "I'm ready. Excited na nga ako eh."
"Really? Bakit naman?" tanong pa niya.
"Sa play, kasi alam kong matutuwa ang mga bata. Maraming matutulungan ang fund raising na 'yon." Sagot nito.
Isang bahagi ng puso ni Razz ay nabalot ng lungkot. Tila ba may gustong marinig itong sagot mula dito. Lihim siyang umasa na sana'y isa siya sa maging dahilan kung bakit excited ito sa play. Dahil ngayon, handa na siyang umamin. Kung noon ay hindi pa niya kayang harapin ang tunay niyang damdamin para kay Marvin. Ngayon ay handa na siya. Excited na siya sa araw ng gaganapin ang stage play nila, dahil alam niya sa ganoong paraan. Maaari niyang maiparamdam dito ang pagmamahal niyang noon pa ma'y inukol na niya ng lihim para sa binata.
Suko na ang puso ko, Marvin. Hindi ko na kayang pigilan. Mahal pa rin kita.
"May isa pang dahilan kung bakit excited ako sa play,"
"Ano 'yon?" tanong ulit niya.
"Ikaw. Gusto kitang makasama. Gusto kong maiparamdam ulit sa'yo na ikaw ang Prinsesa ng buhay ko."
Parang dinamita na sumabog ang mga salitang iyon sa puso niya. Hindi niya alam kung nagkamali lang ba siya ng dinig. O tunay nga na sinabi iyon ni Marvin. Pero napuno ng saya ang dibdib niya. Nabalot siya ng pag-asa na pareho sila ng nararamdaman nito. At gustong umasa ulit ng puso niya, na sa pangalawang pagkakataon matutugunan nito ang pag-ibig niya na kaytagal niyang inukol para dito.
Marvin...
IT WAS Razz's best night ever in her entire life. Hindi niya alam kung saan pa niya ilulugar ang sayang nararamdaman niya. Gaya ng sinabi nito, matapos nilang umalis sa Antipolo, dinala siya nito sa isang Fine Dining Restaurant. They had the time of their lives. Pakiramdam ni Razz ay naglahong muli ang mga tao sa paligid nila. Walang katapusang kwentuhan at tawanan ang ginawa nila habang kumakain.
Simula ng hinayaan niyang magbalik si Marvin sa buhay niya, mas lalong lumalim ang pagkakaibigan nila. At sa pagdaan ng mga araw, tila lalong lumalim ang pagmamahal niya dito. Mas lalo niyang nakita ang kabutihan ng pagkatao nito. He's more than just a handsome face. Nakita niya ang kabutihan ng kalooban nito. Isang bagay na matagal ng pinapakita sa kanya ng tadhana, pero mas pinili niya noon na hindi tingnan ang totoong Marvin. Tinalo siya noon ng galit dito. Pilit niyang sinasak sa isip niya na masama ang ugali nito.
Ngunit binago ng pag-ibig niya para dito ang dating impresyon niya dito. Ang kabaitan nito, ang pagiging magalang sa Lolo at Lola nito at higit sa lahat ay ang matinding pananalig nito sa Diyos. Bukod doon, ilang beses na rin pinakita sa kanya na espesyal siya para dito.
Wala ng atrasan 'to, Lord. Go na talaga!
"We're here," mahina ang boses na sabi nito.
Napakurap siya, saka pasimpleng tumikhim. Hindi sigurado si Razz kung aware ito na matagal siyang nakatitig sa mukha nito, dahil gaya niya ay nakatitig lang din ito sa kanya. Naroon pa rin sila sa loob ng kotse nito ng mga sandaling iyon. "Uhm, T-thank you." Aniya.
"You're Welcome."
"Razz, I...I mean, Can we...do this again?" nagkandautal na tanong nito sa kanya.
"Ha? Ahm, sige." Pagpayag niya.
Katahimikan ang sumunod na naghari sa kanilang dalawa. Siya ang tipo ng taong maraming kayang sinasabi. Sa daldal niyang iyon, isang himala ang nangyari na iyon na ayaw mag-function ng utak niya. Naubusan siya ng sasabihin kay Marvin, at tila ba ganoon din ito.
"Sige, bababa na ako. Salamat ulit." Sabi pa niya dito.
Ngumiti ito saka tumango, akma niyang bubuksan ang pinto ng kotse ng hawakan siya nito sa isang braso.
"Wait," usal nito.
Napalingon siya dito. Nahigit niya ang hininga saka napapikit ng dumukwang ito sa kanya. Para lang muling mapadilat ng biglang lumapat ang labi nito sa gilid ng labi niya. Nangilid ang luha sa mga mata ni Razz. Kasunod niyon ay ang mabilis na pagpintig ng puso niya. Tuluyan ng tumulo ang luha niya ng ilayo nito ang labi nito sa kanya, saka siya muling hinalikan sa sentido at niyakap siya ng mahigpit.
"Hindi mo lang alam kung gaano ka kahalaga sa buhay ko, Razz." Pabulong na sabi nito.
"Marvin,"
"Kung hahayaan mo lang akong iparamdam iyon sa'yo,"
Parang may mga dagang nagkakarerahan sa dibdib ni Razz matapos marinig ang lahat ng tinuran ni Marvin. Kung ganoon, pareho sila ng nararamdaman. Gaya niya ay may pagtingin ito sa kanya. Sa puntong iyon, ang buong puso niya ay napuno ng sayang hindi niya maihahalintulad sa kahit na anong bagay dito sa mundo. Gumanti siya ng yakap dito.
"Hindi mo—"
Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin ng biglang tumunog pareho ang cellphone nila. Masakit sa loob niya ang bumitaw mula sa pagkakayakap nito. Kung sino man ang nag-text na iyon, isang napakalaking panira ng moment.
Nasaan na kayo? Nandito kami lahat sa bilyaran, kayong dalawa lang ang kulang. Bukas na kayo mag-date. Anang text message ni Marisse.
Humugot ng malalim na hininga si Marvin, siya naman ay ganoon din. Maalala sana niya na bibigyan niya ang kakambal nito ng isang uppercut.
"Tara, punta muna tayo sa bilyaran." Yaya nito sa kanya.
"Sige," pagpayag niya.
Sakay pa rin ng kotse ni Marvin, dumiretso silang dalawa sa Jefti's. Pagdating nila doon, agad silang inulan ng tukso. Katakot-takot naman na depensa ang ginawa nila. Kahit na pareho silang naging abala sa pakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan, sa tuwina ay nahuhuli niya itong nakatingin sa kanya. Pagkatapos ay ngingiti sa kanya.
"Uy, nakita namin 'yun ah." Tudyo sa kanya ni Sumi.
"Ang alin?" maang niyang tanong.
"Iyon, ang nangyayaring tinginan." Sagot naman ni Kim.
"Kayo na ba? Anong nangyari sa date n'yo? Balita namin sinundan ka daw n'yan sa Seminar mo." Sunod-sunod na tanong naman ni Marisse.
"Sinundan? Ang sabi niya sa akin nasa tabi-tabi lang daw siya kaya naisipan niya dumaan doon sa resort." Sagot naman niya. "Besides, hindi kami nag-date."
"Naniwala ka naman, eh ang kaibigan niya na taga-Antipolo nasa America ngayon." pambubuking naman ni Marisse sa kakambal. "Teka nga, nasaan na ang Suman ko."
"Tama! Naku, kilala na namin 'yang Marvin na iyan pagdating sa'yo. Dinadaan ka lang n'yan sa pang-aasar pero kapag kami na lang, umiikot ang tumbong n'yan kapag ikaw ang topic." Dagdag pa ni Sam.
"Kumain kayo sa labas 'di ba? Eh 'di date na rin 'yun." Sabi naman ni Sumi.
Lihim siyang nakaramdam ng kilig. Kung may katotohanan ang mga sinasabi nito, totoong may gusto rin sa kanya si Marvin. At ang ginawa nito kanina sa kanya sa loob ng kotse nito ay pagpaparamdam nito sa kanya ng pag-ibig nito.
Hep! Huwag muna mag-assume, 'te. Ikaw rin, baka mamaya masaktan ka na naman. Paalala ng isang bahagi ng isip niya.
"Marvin!"
Halos sabay-sabay silang napalingon sa may entrance door ng Billiard Hall. Nakita nila doon ang isang maganda at seksing babae. Natahimik silang lahat habang lahat sila ay nakatingin sa bagong dating. Sigurado siya, hindi pa niya ito nakita. Para itong buhay ng manika sa ganda, at base sa klase ng pananamit nito na may pagka-seductive. Mukhang modelo ito. Pero anong kaugnayan nito kay Marvin? Biglang umahon ang matinding kaba sa dibdib niya. Wala sa loob na napahawak siya sa dibdib niya, sa tapat ng puso niya.
"What the hell is she doing here?" nakasimangot na tanong ni Marisse.
"Sino 'yan?" tanong niya.
"Promise Razz, hindi mo magugustuhan ang isasagot ko."
"I'm back, Baby. I missed you."
Nagulat sila ng bigla itong tumakbo patungo kay Marvin at hinalikan nito ang huli, sabay yakap ng mahigpit.
Parang isang punyal na paulit-ulit na tinarak sa puso niya ang tagpong iyon. Hindi niya napigilan ng kusang bumagsak ang mga luha niya. Gustuhin man niyang tumakbo palayo doon, ngunit parang napako siya mula sa kinatatayuan niya.
"Razz, okay ka lang Girl?" pag-aalo ng mga kaibigan sa kanya.
Mabilis niyang pinunasan ang luha. Nang tingnan niyang muli si Marvin, nakatingin ito sa kanya habang yakap ito ng babae. May kung anong emosyon siyang nababasa sa mga mata nito. May kung anong ipinapahiwatig ito.
"I'm back for good. Hindi na kita iiwan." Sabi pa ng babae, sabay halik muli kay Marvin.
Mabilis niyang inalis ang tingin sa tagpong iyon. Hindi niya kayang makita na nasa bisig ito ng ibang babae. Kung puwede nga lang na maglaho siya sa mga sandaling iyon, ginawa na niya.
Hindi matatawaran ang sakit na nararamdaman niya sa mga sandaling iyon. Kanina lamang, halos sabihin ni Marvin na mahal siya nito habang nasa loob siya ng mga bisig nito. Hanggang sa mga sandaling iyon, tila ba nararamdaman pa rin niya ang init ng hininga nito ng dumampi ang labi nito sa pisngi niya. Ngayon, sa loob ng ilang oras, may iba na itong yakap. Ang labi nito'y inagaw ng iba.
Nang hindi makayanan ay mabilis siyang umalis sa lugar na iyon. Habang naglalakad patungo sa bahay niya. Walang patid ang pag-agos ng luha niya. Hanggang kailan siya masasaktan? Hanggang kailan siya iiyak ng dahil sa pag-ibig? Kung kailan niya inamin sa sarili ang pag-ibig para sa binata. Saka dumating ang tila ba, wawasak sa namumuong pagmamahalan nila. Kung iyon ang pamamaraan ng langit para sabihin sa kanya na hindi si Marvin ang nilaan ng tadhana para sa kanya. Masakit man sa loob niya, susubukan niyang kalimutan na lang ito. Kahit pa ang katumbas niyon ay buhay niya.