Chapter Eight

3297 Words
"GIRL, okay ka lang ba?" tanong ni Marisse kay Razz. Naroon ang mga ito sa bahay niya. Hindi siya nag-bukas ng Dental Clinic ng araw na iyon. Hindi rin naman kasi siya makakapag-concentrate sa trabaho. Inakala niyang ang tagpong iyon kagabi sa kotse ni Marvin ang simula ng magandang pagtitinginan nila. Hindi niya alam na iyon na pala ang una't huling beses niyang mararamdaman ang espesyal na pag-ibig nito. Dahil sa bandang huli, tumambad sa harap niya ang masakit na katotohanan. Hindi pala niya dapat mahalin ito, dahil may nagma-may ari na ng puso nito at hindi siya iyon. Hindi kailan man magiging siya. Hanggang sa hindi na niya napigilan ang sarili. Sinubsob niya ang mukha sa throw pillow na nasa ibabaw ng hita niya, saka doon umiyak ng umiyak. Kung nasaktan siya noon, labindalawang taon na ang nakakalipas. Mas dobleng sakit ang nararamdaman niya ngayon. Bakit nga ba ganoon ang tadhana? Kung kailan binuhos mo na ang buong pagmamahal sa isang tao, saka ihahain nito sa harap mo hindi pala siya ang para sa'yo. "Tahan na, Razz." Pag-aalo sa kanya ni Jhanine. "You must really love him, don't you?" tanong pa ni Sam. Tumango siya habang nakabaon pa rin ang mukha niya sa unan. "Sino ba kasi ang babaeng 'yon?" tanong pa ni Sumi. "Bigla na lang siyang sumulpot sa eksena?"  "She's Annie, Marvin's girlfriend. Pero mas pinili niya ang career niya sa ibang bansa, kaya iniwan niya dito ito. Noong una, may communication pa sila hanggang sa hindi na nagparamdam 'yung babae. Kaya hindi na rin umasa si Marvin na babalik ito. Okay lang din naman sa kanya, dahil alam niyang hindi siya mahal ni Annie kundi ang career nito. Isang taon din itong nawala, and now she's back. And the way I see it, mukhang umaasa pa rin si girl na okay pa rin sila ng kakambal ko," pagkuwento pa ni Marisse. "Iyon naman pala eh, bakit hindi pa niya sabihin sa Annie na 'yon?" naiinis na tanong ni Kim. "Kasalanan ko," aniya. Umayos siya ng pagkakaupo, saka pinunasan ang luha niya. "Ha?" "Dapat hindi ko hinayaan ang sarili ko na mahalin siya ulit. Hindi na dapat ako umasa na mamahalin din niya ako. Ako lang itong matigas ang ulo eh, hindi ko na-gwardyahan ang puso ko." Sabi pa niya. "Wala kang kasalanan, Razz. Nagmahal ka lang. Ganoon lang kasimple iyon." Payo ni Sumi. "Hayaan mo na muna si Marvin, naniniwala akong ikaw ang mahal niya." sabi pa ni Marisse. "Tama," sang-ayon ni Jhanine. "Sa ngayon, tumahan ka na sa pag-iyak. Remember, mamaya na ang stage play n'yo. Dapat ready ka na, okay?" paalala ni Sam sa kanya. Tumango siya. "Kaya mo ba talagang gawin ang play?" nag-aalalang tanong pa ni Sumi sa kanya. "Kaya ko, kakayanin ko." Matapang niyang sagot. "Razz..." Sabay-sabay silang napalingon sa pintuan ng bahay niya. Naroon at nakatayo ang lalaking sanhi ng pagluha niya, at kung bakit sugatan ang puso niya. Ngunit sa kabila ng mga pangyayari, kinapa ni Razz ang puso kung mayroon bang galit doon. Pero hungkag ito sa ganoong damdamin. Mas lamang na nasasaktan siya kaysa galit. At higit sa lahat, mas matimbang pa rin ang pagmamahal niya dito. Kaysarap sanang salubungin ito ng yakap sa mga sandaling iyon. Pero hindi maaari. Hindi tama. "Puwede ba tayong mag-usap?" tanong nito. Nagkatinginan sila. Ilang sandali lang ay nagsilabas na ang mga kaibigan nila at naiwan silang dalawa sa sala. Naupo ito sa tabi niya. "About last night, I..." "Hindi mo naman kailangan magpaliwanag."  "Razz, please. Pabayaan mo akong magpaliwanag sa'yo." "Tama na, Marvin." Pigil niya sa sinasabi nito. "Hindi na kailangan. Alam ko naman kung saan ako lulugar. Iyong kagabi, akala ko simula na iyon para sa magandang pagtitinginan natin. Pero nagkamali ako." Muli ay umagos ang luha niya. Sa kabila ng pagluha ay tumawa siya ng pagak. "Nakakatawa no? Hindi mo akalain na kung sino pa ang numero unong kaaway mo noon. Darating sa ganitong pagkakataon. Na iiyak sa harapan mo, dahil nasasaktan siya. Dahil iyong kaisa-isang lalaki na minahal niya simula high school pa lang siya, may mahal pa lang iba." "Razz, pakinggan mo muna ako." Hinawakan pa nito ang kamay niya. "Alam ko na ang tungkol kay Annie. Alam kong girlfriend mo siya, at alam ko rin umaasa siya sa'yo. Tama na, na ako ang nasasaktan. Siguro naman magiging okay ako. Pero isa lang ang pakiusap ko sa'yo. Pagkatapos ng Stage Play mamaya, please, huwag mo na muna akong lapitan. Hanggang sa maging ayos ako. Hanggang sa matanggap kong hindi kita puwedeng mahalin." Bigla ay niyakap siya nito. "I'm sorry. Hindi ko alam. God! If only I knew." Hinging-paumanhin nito, pagkatapos ay tila hirap na humugot ito ng hininga. "I'm sorry, hindi ko sinasadyang saktan ka." Bulong nito sa tenga niya. "Pero nasaktan na naman ako." Sagot naman ni Razz. "Ikaw ang gusto ko," bigla ay sabi nito. Bumitaw siya mula sa pagkakayakap nito, sabay tingin dito. "Ano?" "Ikaw ang gusto ko. Noon pa. Kung nalalaman mo lang ang tunay kong nararamdaman para sa'yo." Naluluhang wika nito. "Aayusin ko 'to, bigyan mo lang ako ng oras. Nakikiusap ako, huwag mo akong itaboy palayo sa'yo." Muling bumagsak ang mga luha niya, pagkatapos ay napapikit siya. Hindi niya alam kung ano ba ang dapat niyang maramdaman. Hindi siya sigurado kung ikatutuwa niya ang narinig mula dito. Bigla ay naunahan na siya ng takot. Pero sa kabila niyon, mas malakas pa rin ang sigaw ng puso niya. Sinisigaw nito ang pangalan ng minamahal. Pinagdikit nito ang noo nila at doon kinintalan siya nito ng halik. "Mahal kita," bulong nito. Lalo siyang napaiyak. Hindi niya akalain na darating ang pagkakataong na iyon at maririnig niya ang mga katagang kaytagal din niyang hinintay na sabihin nito. Kaytagal niyang pinangarap na maramdaman ang pagmamahal nito. Inakala niyang siya lang ang nagmamahal. Tunay nga na kay bait ng Diyos sa kanya. "Marvin, mahal din kita." Sagot niya. Ngumiti ito. Hinaplos pa ng dalawang palad nito ang magkabilang pisngi niya. Pagkatapos ay sinakop nito ang mga labi niya, agad naman siyang gumanti ng halik dito. Gusto din niyang iparamdam dito kung gaano niya ito kamahal. Pakiramdam ni Razz ay uminog ang mundo para sa kanilang dalawa lamang. Sa isang iglap ay tila naglaho ang lahat ng sakit. Isang rebelasyon ang naging malinaw sa kanya ng sandaling iyon. Siya ang mahal nito. At wala ng makakapagbago niyon. "ANG galing mo, Razz!" puri sa kanya ng Director nila, pati ng iba pang production staff ng Stage Play nila. Base na rin sa mga nakikita niyang mga ngiti sa mukha ng mga bata. Alam niyang nagustuhan nito ang pagtatanghal nila. Ang kuwento ni Beauty and the Beast ang ginawa nilang pagtatanghal. Habang nakasalang sa stage ang ibang supporting characters, siya naman ay babalik na para magbihis ulit ng bagong costume. Nasa huling part na sila kung saan kunwari'y nasaksak si Beast ng kontrabidang lalaki, at babalik na ulit ito sa anyo ng tao. Matapos niyang masuot ang dilaw na gown, ni-retouch ang make-up niya at binago ang ayos ng buhok niya. Pagkatapos niyon, ay pinuri siyang muli ng nagme-make up sa kanyang bading. "Kaloka ka girl! Ang ganda mo!" tili pa nito. "Naku, ikaw naman! Salamat." Aniya. "Oo, promise! Ang ganda mo! Kung bagay sa'yo ang mga naunang costume na sinuot mo, mas bagay sa'yo 'yan. Mas lalong na-enhance ang pretty face mo. Susme! Kaya hindi na ako nagtataka na halos matunaw ka na dahil sa pagkakatingin sa'yo ni Marvin. Halatang may gusto sa'yo." Sabi pa nito. Natawa na lang siya. Pagkatapos ay nanumbalik sa kanya ang eksena kaninang umaga sa bahay niya sa pagitan nila ng binata. Lumukso ang puso niya. hanggang ngayon, hindi pa rin siya makapaniwala na siya ang mahal ni Marvin. "And speaking of him, he's here." Anang bading, sabay turo sa may labas ng pinto. Nakita niyang nakatayo doon si Marvin. Suot nito ang costume din nito. Sa kamay nito ay hawak ang maskara para mapa-pangit ang mukha nito at mag-hitsurang beast. Agad na iniwan sila ng bading para makapag-usap. Lumapit ito sa kanya. Hinawakan pa siya nito sa kamay, pagkatapos ay hinalikan iyon. "Wow, you look gorgeous." Puri nito sa kanya. "Thank you," sagot niya. "You too, you look gorgeous." Sagot naman niya. "Thanks," sagot din nito. "Kinausap mo na ba si Annie?" tanong niya. Nawala ang ngiti nito. Pagkatapos ay umiling. "Not yet, mamaya ko pa lang siya kakausapin after nito." sagot naman nito. "Okay," "Hey honey, what are you doing here? I was looking for you." Sabay silang napalingon sa bagong dating. Si Annie. Ganoon na lang ang gulat niya ng basta na lang ito pumasok sa silid na iyon na nagsisilbing make up room niya. Hindi man lang siya nito tinapunan ng tingin, kung umasta ito'y parang ito ang bida sa Stage Play. Halos mapaupo siya at mawalan ng balanse ng walang habas na hinawi siya nito. Pagkatapos ay parang tuko na yumapos ito kay Marvin. Pinigilan ni Razz ang sarili para hablutin ito sa buhok nito at itapon sa labas ng silid na iyon. Kung maaari lang ay ginawa na niya iyon para lang mailayo niya ito kay Marvin. Kahit na alam niyang may pag-uusap na sila ng huli. Hindi pa rin maiwasan ni Razz ang makaramdam ng selos at inis. Hindi niya maatim na tingnan na may ibang yumayakap sa mahal niya. "I'm just talking to her," sagot ni Marvin. Salubong ang kilay na tiningnan siya ni Annie. "Excuse me! What are you doing here? Can't you see we need privacy? I mean, we're talking here. You supposed to get your ass out of here!" pagtataray pa nito sa kanya. "Annie!" saway ni Marvin dito. Tumawa siya ng pagak. "Pardon me? What did you just said? You are in my make-up room, you should be the one getting your ass out of here!" ganti naman niya. "You call this place your make up room? It's more like a comfort room to me. And you, you call yourself Beauty? I don't believe this. Honey, anong klase ba ang mga opisyal ng barangay n'yo? Mga walang kuwentang pumili ng bida." Pang-iinsulto nito. "Will you shut up!" saway ulit ni Marvin dito. Nagpanting ang tenga ni Razz. Walang salitang hinablot niya ang dalawang braso nito pagkatapos ay tinulak niya ito sa dingding, eksakto naman na dumating si Josie. Nagulat pa ito ng makitang galit siya. "Josie, dala mo ba 'yung Dental Forceps?" Tanong niya. Tumango ito. Tamang-tama naman na may dala nga itong Dental Tools dahil pinick-up nito ang order niyang new dental equipments bago ito pumunta doon sa Stage Play. "Eto po Doktora," natataranta pang sabi nito. Hinawakan niya ng isang kamay ang panga ni Annie saka inumang ang hawak na dental forceps, ito iyong ginagamit na pangbunot sa ngipin. Nanlaki ang mata ni Annie, nakita niya ang takot sa mga mata nito. "Naranasan mo ng mabunutan ng ngipin ng walang anesthesia? Dahil kung hindi pa, ako ang unang gagawa no'n sa'yo! Dahil sa sama ng tabas ng dila mo! Iyon pa lang anesthesia na!" sabi pa niya dito. Of course, she was just freaking her out. Mukhang kailangan niyang turuan ito ng leksiyon, dahil walang sino man nang bastos sa kanya ang hinayaan na lang niya ng basta. "Let go of me!" nagpapanic na hiyaw nito. "Sa susunod na insultuhin mo ako! Hindi na ako magsasalita! Tatabasin ko na lang 'yang ngipin mo, kasama na pati dila mo! Wala kang karapatang pagsalitaan ako ng masama o kahit na sinong tao dito sa barangay namin! Don't act as if you owned us! At hindi dahil maganda ka, may karapatan ka ng tapakan ang mga tao sa paligid mo! Pero sa totoo lang, mas maganda ako sa'yo! Dahil may puso ako at may kapwa tao ako! Hindi katulad mo! Kaya sa susunod na magkakasalubong tayo, iwasan mo ako! Baka hindi kita matantiya!" nanggigigil na wika niya. "Razz, that's enough. That's too much." Pagtatanggol naman ni Marvin dito. "Sige, kampihan mo pa 'yan! Puwede ba? Lumabas na lang kayong dalawa." Pagtataboy niya sa mga ito. Hindi napigilan ni Razz ng pumatak ang luha niya, mabilis niyang pinalis iyon. Muling nabalot ng sakit ang puso niya ng makitang inalalayan pa ni Marvin ang babae palabas ng silid na iyon. Nakita pa niya ng umakbay ito sa huli na tila ba ito ang nainsulto at napagsalitaan ng hindi maganda. Parang nauubusan ng lakas na napaupo siya. "Doc, tahan ka na. Huwag mo ng isipin ang babaeng 'yon." Pag-aalo nito sa kanya. "I'm okay," humihikbi pang sabi niya. "Sure ka?" paniniguro nito. Tumango lang siya bilang sagot. Ano ba talaga ang gusto mo, Marvin? Bakit mas kinampihan mo pa siya? Kung hindi ako ang pipiliin mo, sabihin mo sa akin agad. NAKAHANDUSAY sa sahig ang katawan ng lalaking mahal niya. Habang ang luha niya ay walang patid sa pagdaloy. Mabilis niyang nilapitan ito. "Huwag kang bibitiw. Mabuhay ka para sa akin." Umiiyak na pakiusap ni Belle dito. "Ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko. Noon hanggang ngayon, ikaw lang ang minahal ko. Kaytagal kong pinangarap na may tumanggap sa akin sa kabila ng aking pangit na kaanyuan. Simula ng nakilala kita, binigyan mo ng kahulugan ang buhay ko. Ikaw ang dahilan kung bakit tumitibok ang puso ko. Ikaw ang una't huling babaeng mamahalin ko." Wika ng Prinsipe, habang duguan ito at tila hinahabol ang bawat paghinga nito. "Huwag mo akong iiwan aking Prinsipe, hindi ka maaaring mawala. Kung kailan umiibig na ako sa'yo. Mahal kita. Kailangan kita. Huwag mo akong iiwan." Umiiyak niyang pag-amin dito, habang nakayakap siya sa katawan nito. Ngunit tila ba huli na ang lahat, dahil nalagutan na ng hininga ang sinumpang Prinsipe. Umagos ang luha niya sa mukha nito, kasunod niyon ay nagliwanag ang katawan nito saka inangat ito ng hangin. Ang dating Prinsipe na ang mukha ay walang kasing bagsik, ngayon ay unti-unting nagbabago ng anyo. Umamo ang mukha nito. Kasunod niyon ay ang pagmulat ng mata nito. Binalot ng saya ang puso ni Belle. Nang lumapat ang paa ng Prinsipe sa lupa, hinawakan niya ang mukha nito. Napangiti siya, kung gayon, wala na ang sumpa. Ang mga nagsisilbi sa kanya sa loob ng Palasyo na siyang isinumpa din ay bumalik sa dati ring anyo. Tiningnan niya ang babaeng nasa harap niya ngayon. "Buhay ka," lumuluha ngunit masayang wika nito. "Wala na ang sumpa, bumalik na ako sa dati. Maaari mo na akong ipagmalaki, nang walang natatakot sa akin." Sabi ng Prinsipe. "Hindi mahalaga kung ano ang pisikal mong anyo. Ang mahalaga sa akin, ang pag-ibig ko para sa'yo. Ang kabutihan sa puso mo." Sagot ni Belle. "Gusto kong samahan mo ako sa habang buhay." Ngumiti si Belle sa kanyang pinakamamahal na Prinisipe. "Oo. Kahit saan, basta ikaw ang kasama ko." NAPUNO ng malakas na palakpakan ang paligid. Magkahawak kamay na nag-bow sila sa harap ng manonood. Hindi inaasahan ni Razz, maging ng mga kasamahan niya ang mainit na suporta sa kanila ng mga ka-barangay nila. Isang malaking tagumpay ang Pagtatanghal nilang iyon. Tuwang-tuwa ang mga bata sa pagtatanghal nila. "Ate Razz! Kuya Marvin!" sigaw pa ng mga bata. Sa kabila ng mga dinadala niyang problema, isang malaking biyaya para kay Razz na naging maayos ang performance niya sa Play. Pagbaba niya sa backstage, sinalubong siya ng pagbati ng mga kasamahan. Mayamaya, inabot sa kanya ni Marvin ang isang pumpon ng bulaklak. "For you," anito. "Salamat," "You are amazing" puri nito sa kanya. "Ikaw rin naman, hindi ko magagawa iyon kung hindi dahil sa'yo." Sabi niya. Muli na naman naputol ang pag-uusap nila ng umeksena na naman si Annie. Nagulat silang lahat ng biglang nitong halikan ng mariin sa labi si Marvin. Parang may aspile na tumusok sa puso niya matapos niyang masaksihan ang tagpong iyon. Agad naman na nilayo ni Marvin ito. "You are so great honey! I'm proud of you." Sabi ni Annie. "Thank you," Ilang sandali pa, binalingan siya nito. Sinimangutan niya ito, sana lang makahalata ito na ayaw niya itong kausap."By the way, I want to apologize about my behavior a while ago. I'm sorry." Anito. Duda man sa sinabi nito. Napilitan na lang siyang tumango. "Okay." Aniya. "You are Marvin's friend and I guess we should try to get along." Sabi pa nito. "Okay." Sagot ulit niya. "So, you can be one of my bridesmaid on our wedding." Napasinghap ang lahat sa narinig. At para sa kanya, parang isang bomba iyong sumabog sa pandinig niya. Agad na nangilid ang luha niya. Kinurap niya ang mga mata para hindi tuluyang bumagsak ang mga iyon. "Ta-laga? Ka-kailan ang ka-sal n'yo?" kandautal na tanong niya. Pakiramdam ni Razz ay binagsakan ng sampung hallow blocks ang dibdib niya. Bigla ay nahirapan siyang huminga. Paano siyang nagawang paasahin ni Marvin? Nalilito na siya. Sinabi nito sa kanya na mahal siya nito. Pero kung pagbabasehan ang mga nangyayari, ang pabor ay napupunta kay Annie. At siya, heto at patuloy pa ring nasasaktan. "Annie, wait." Pigil ni Marvin dito. "Ah, it's okay honey. Malalaman din naman ng mga friends mo, 'di ba?" sabi pa nito. "Razz," Tumikhim siya ng malakas pagkatapos ay nag-plaster siya ng isang malaki at pekeng ngiti sa dalawa. "So, the wedding bells are ringing soon huh? Kailan naman ang kasal?" tanong pa niya. "We don't know yet. But I'll let you know as soon as possible." Sagot pa nito. Kung nalalaman lang ng babaeng ito at ni Marvin ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Parang ano mang sandali ay papanawan na siya ng ulirat. "Okay. I gotta go. Bye!" paalam pa niya kay Annie. Bago tuluyang umalis, huminto muna siya sa tapat ni Marvin. Saka tinitigan ito ng diretso sa mata. "Congratulations," "Razz," Mabilis siyang umalis sa lugar na iyon. Mabilis siyang naglakad. Hindi alintana kung nakasuot pa siya ng costume. Hindi napigilan ni Razz ang mapahagulgol habang naglalakad. Magulo ang isip niya, kasabay ng pagdugo ng puso niya. Nagulat siya ng biglang may humablot sa braso niya. Si Marvin. "Please, listen to me. Hindi ko pa masabi sa kanya, ayoko siyang saktan. Si Annie..." "Eh ako Marvin? Sa tingin mo hindi ako nasasaktan?" "I'm sorry," "Puro ka na lang sorry! Pero hanggang ngayon nasasaktan pa rin ako! Paulit ulit na lang. Gusto ko nang magsawa sa ganito!" "Ikaw ang mahal ko!" Giit pa ni Marvin. "Pero siya ang papakasalan mo! Anong tawag mo sa akin? Reserba mo? Kapag hindi nag-work out si Annie, sa akin na lang ganoon ba?" puno ng hinanakit na bulalas niya. "You know it's not true!" tanggi nito. "Then, tell us the truth! Sino ba sa amin? Para alam ko kung saan ko ilalagay ang sarili ko sa buhay mo! Para alam ko kailan ako hihinto ng pagmamahal sa'yo! Para hindi na ako umasa pa na magiging tayo!" Lumuluhang sagot niya. "Please, don't give me choices. She misinterprets what I said. Sinabi ko sa kanya na gusto ko na ng tahimik na buhay sa piling ng babaeng mahal ko. Na gusto kong magpakasal, and she assume na siya ang tinutukoy ko. And I was caught off guard when she started screaming. Nakuha niya ang atensiyon ng mga tao. Wala na akong nagawa." Paliwanag nito. Sunod-sunod siyang umiling. "I can't believe this," aniya. "Just give me more time, please." Pakiusap pa nito. "You decide, Marvin. Kung sino sa amin dalawa ni Annie ang gusto mo. Habang hindi ka pa nakakapag-desisyon. Huwag muna tayong mag-usap." Lumuluhang wika niya. Pagkatapos ay nagpatuloy na siya sa paglalakad na hilam pa rin ang mata sa luha. Bakit ganoon? Ang gusto ko lang naman, ang mahalin niya at maiparamdam ko sa kanya na mahal ko din siya. Lord, kung hindi siya ang nilaan mo para sa akin, tulungan N'yo po akong hilumin ang puso ko. Simple lang naman po ang nais ko, ang mahalin din niya ako. Pero, bakit parang ang hirap makamtan n'on?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD