Anniversary
“Hi love!” masiglang bati ni Juaquin nang sagutin ang telepono.
“Oh, love! Nasaan ka na? Kanina pa kita hinihintay ah!” sambit ni Cassandra sa kabilang linya. Halata sa tono ng boses nito ang pag-aalala. Ngayon lang na-late ang lalaki sa pag-uwi mula sa trabaho nito.
“Pauwi na ako love. May dinaanan lang ako.”
“Bilisan mo. Malakas na ang ulan dito. Besides, kanina pa naghihintay ang mga food na in-order ko para sa ating dalawa.”
“Yes, love. In 30 minutes, nasa bahay na ako.”
“Sure ka love ha. Sout mo ba ang raincoat mo?”
“Uhmm.”
Napangiti ang babae sa narinig. Mabuti naman kung ganoon dahil madalas ay kailangan pa niya itong paalalahanan pagdating sa mga bagay na iyon. “Yes baby, pauwi na si papa,” nahawakan niya ang malaking tiyan sa naramdamang paggalaw ng bata sa kanyang sinapupunan. Magwawalong buwan na ang kanyang ipinagbubuntis at kung minsan ay napapadalas na ang ilang contractions and brakston hicks na nararamdaman dala ng pagod sa matagalang pagtayo sa trabaho.
“Sumisipa na naman ba? Hanap na niya si papa. I-speaker mo ang phone para clear niyang marinig ang boses ko,” ganito palagi ang nire-request nito sa tuwing tatawag sa babae. At tila kilala na ng bata ang boses ng ama kaya naman kapag naririnig ito ay madalas itong maglikot.
Ginawa naman ni Cassandra ang inutos ng boyfriend at bahagyang inilapit ang telepono sa bandang tiyan.
“Baby, papa will be coming home soon. Huwag masyado malakas sumipa ha, para hindi masaktan si mommy, okay. I love you!” saad ng lalaki na pagkatapos pa ay nagpalabas ito ng ilang paghalik mula sa kabilang linya.
Nakangiting muling nahimas ni Cassandra ang tiyan nang makaramdam ulit siya ng mahinang pagsipa ng bata mula sa loob ng sinapupunan.
“O sige na love. Mag-iingat ka sa pag-uwi. Madulas ang daan,” paalala niya.
“Yes, love. Happy anniversary ulit. I love you so much. Kayo ni baby Cassie,” punong puno ng lambing ang pagkakasabing iyon ng lalaki.
“Ano ka ba. Sinisipa niya siguro ako kasi gutom na rin siya. Sige na at hindi na masarap ang food kapag malamig na.”
“Nasaan na muna ang sagot mo?” pangungulit pa nito.
“O sige na nga! I love you too!” ngiting sambit niya.
Sa kanilang dalawa mas malambing ang lalaki lalo na kapag magkasama ang mga ito. Clingy rin si Joaquin at tila walang pakealam na yakapin si Cassandra kahit may nakakakita sa kanilang ibang tao.
Napahagikhik ang lalaki sa kabilang linya sa narinig. Ilang beses na paalamanan muna ang nangyari bago nila ibinaba ang telepono.
Inilagay ni Juaquin ang telepono sa bulsa ng suot na pantalon. Pagkatapos ay kinuha nitk ang wallet at binayaran na ang kanina pang naghihintay sa counter na dalawang dosenang bugkos na lilies. Kasalukuyan itong nasa loob ng flower shop para bilhan ng isang bouquet na bulaklak ang kasintahan. Dalawang taon na sila nito. At sa ikli ng panahon na iyon ay marami nang nangyari sa buhay nila bilang isang magkapareha. Sa sobrang pagmamahal nila sa isa’t isa ay nagdesisyon na silang mag-live in. Doon nga nabuo ang batang ipinagbubuntis ni Cassandra. Wala silang pinag-sisisihan kahit pa hindi nila pinlano iyon. Nasa tamang edad na rin naman na sila at may kanya kanya nang permanenteng trabaho. Ito bilang isang inhinyero, at ang babae bilang isang nurse sa ospital.
Sinugurado ng lalaking naka-secure ang mga bulaklak sa likuran bago ito sumakay sa sariling motorsiklo. Inilagay nito ang mga iyon sa pagitan ng dala dalang backpack at pagkatapos ay tsaka isinuot ang rain coat. Kasalukuyang napakalakas ng ulan noong gabing iyon.
Bago pa tuluyang paandarin ang motorsiklo ay naalala nitong buksan ang ipod para magpatugtog ng musika. Isa ito sa madalas gawin habang nagmamaneho. May kinagigiliwan itong kanta ngayon na madalas patugtugin. Nang nagpi-play na ang musikang iyon ay agad itong ikinonekta sa headphones. Ibinalik nito ang ipod sa bulsa ng bag at nakita doon ang isang maliit na pulang kahon. Napangiti ito at pagkatapos ay kinuha ang bagay na iyon. Nang buksan ay mariin pang pinakatitigan ang kumikinang na isang uri ng alahas. Isang singsing iyon na ilang buwan nang pinakatago tago. May katagalan na rin magmula noong magdesisyon itong mag-propose na sa kasintahan pero dahil malapit na rin naman ang kanilang anibersaryo ay napagdesisyunan nito na ngayon nalang gawin iyon. Walang idea ang babae sa balak nitong gawin sa gab iyoni.
Nang masigurado na na ready na itong umuwi sa piling ng mahal na kasintahan ay agad na nitong pinaandar ang makina ng sasakyan at pinaharurot ang motorsiklo sa daan.
Sa lakas ng ulan ay medyo nahirapan magmaneho si Juaquin. Dinagdagan pa iyon ng may kalakasang hangin kung kaya’t medyo bumagal ang pagtakbo nito sa daan. Nagsisiimula na ring magbuhol buhol ang trapiko noong mga oras na iyon, pero dahil naka-motorsiklo ay madali rin namang nitong nalulusutan ang malalaking sasakyan humaharang sa daraanan. Huminto ang lahat ng kasabay na mga sasakyan ng mag-iba ang kulay ng traffic lights. Ngunit dahil papaliko naman ito sa kanang kalsada ay hindi na ginawang huminto pa. Nagtuloy tuloy ito sa pagtakbo hindi pansin ang isa pang itim na sasakyang papunta rin sa parehong kalsadang tatahakin. Isang napakalakas na busina ang narinig sa lugar na iyon ngunit dahil nakasuot si Juaquin ng headphones at kasalukuyang nakikinig ng musika habang nagmamaneho ay hindi nito narinig iyon. Ilang sandali lang ay naramdaman nito ang pagbangga ng itim na sasakyan sa likurang puwetan ng minamanehong motor at pagkatapos ay ang pagtumilapon nito at paglagapak sa gilid ng kalsada. Tila natigil ang oras na iyon para sa mga nakasaksi ng aksidenteng iyon. Lahat ay natigilan.
Sa mga sumunod pang mga minuto ay nagsimulang dumugin ang lugar na iyon ng mga tao. Maraming nakiusyoso. Maya maya ay dumating na ang mga ambulansya at agad nang isinakay doon ang isang lalaking duguan at walang malay. Agad itong sinugod sa ospital.
Samantala, isang oras na magmula noong magkausap sila ng kasintahan sa telepono ngunit bakit hindi pa rin ito dumarating? Ang ipinagtataka pa ni Cassandra ay panay ang kabog ng kanyang dibdib sa hindi malamang dahilan. Nagdudulot tuloy iyon ng hindi maipaliwanag na paghilab ng tiyan.
Maya maya ay biglang napakislot siya sa pagkakatayo ng marinig ang pag ring ng telepono. Naikunot niya ang noo ng makita na hindi nakaregister ang numerong iyon sa kanyang phone book. Gayunpaman ay sinagot pa rin ang tawag na iyon.
Sa mga sumunod na sandali ay hindi siya nakapagsalita. Hindi narin mapigil ang sunod sunod na pagbagsak ng kanyang mga luha sa kanyang pisngi sa narinig na balita mula sa taong kausap sa telepono. Pagkababa ng bagay na iyon ay agad na hinanap ang shoulder bag na madalas dala dala kahit saan magpunta. Isinuot niya ang flat shoes. Aabutin na rin sana niya ang payong na nakasabit sa dingding nang bigla niyang nasapo ang tiyan.
Matinding sakit ang biglang naramdaman niya dito mula sa ibabang puson, at maging sa likuran ng balakang. Maya maya ay nagulat nalang siya ng makita ang may kalakasang pagpatak ng dugo sa de-tiles na sahig na kinatatayuan. Itinaas niya ang suot na maternity dress at agad namangha sa nakita. Ang dugong iyon ay nagmumula sa kanyang underwear. Bumilis ang pagtibok ng kanyang puso sa kaba.
Manganganak na ba siya? Hindi ito maaari. Hindi pa niya kabuwanan. Hindi pa tamang panahon para lumabas ang kanilang anak. At si Joaquin? Kailangan siya ngayon ng kasintahan.
Nakiramdam ulit siya sa mga sumunod pang sandali, nang biglang napakapit sa dingding sa muling paghilab ng tiyan. Naikagat niya ang pang-ibabang labi sa nararamdamang matinding sakit mula sa bahaging iyon ng katawan. Hindi na niya namalayan ang paglaglag ulit ng mga luha mula sa kanyang mata. Hindi niya akalain na mag-isa niyang haharapin ito ngayon. At ang lalaking makakatuwang sana sa oras na ito ay nasa bingit ng kamatayan.
Pinakiramdaman niya ang sarili. Kaya naman niya sigurong pumunta sa ospital ng mag-isa. Palabas na sana siya ng pintuan ng mapansin ang naglalawa nang dugo sa kanyang paanan. Nabalot siya ng matinding takot. Hindi normal ang labasan ng ganoong karaming dugo. Ilang sandali pa ay biglang napasigaw nang makaramdam ulit ng matinding sakit sa palibot ng kanyang tiyan.
“Joaquin!!!” iyon lang ang namutawi sa kanyang bibig bago mawalan ng malay.