KABANATA II: LUME

1032 Words
HABANG patungo sa kanilang bahay si Harrison ay tila nakaramdam siya ng panandaliang kaba. Hindi niya mawari kung para saan iyon, ngunit bigla rin namang nawala nang makita ang kanyang matagal nang napupusuan na si Lume. Si Lume ay anak ng kanilang Mayor na si Isko. Maganda, matangkad, mahaba ang buhok at palangiti si Lume. Higit pa roon, kaya siya nagustuhan ni Harrison ay dahil sa angkin nitong kabaitan. Napayuko na lamang si Harry nang dumaan siya sa harapan ni Lume. Nililibang kasi ni Lume ang kanyang aso, kaya umaasa siyang hindi siya mapapansin nito. "Harry!" tawag nito. Kaagad namang humarap si Harry, habang pilit ang ngiti. Nahihiya siyang humarap kay Lume na ganoon ang itsura, ngunit hindi naman bakas sa mukha ni Lume ang pandidiri. "Oh, Lume! Ikaw pala 'yan!" pagkukunwari ni Harrison. Sa ngiti pa lang ni Lume ay tila napapawi na ang pagod ni Harrison. "Nako, itong si Cheesecake kasi, gustong gumala. Kaya ayan," paliwanag ni Lume. "Ikaw? Mukhang pagod na pagod ka ah? Gusto mo bang ilibre kita sa kainan kina Aling Celia?" kaagad na alok ng dalaga. Kaagad namang umiling si Harrison. "Naku! Huwag na. Busog pa ako, tsaka hinihintay ako ni Inay sa bahay," pagsisinungaling niya, ngunit sakto naman ang pagkulo ng kanyang tiyan. Hindi kasi siya nagtanghalian kanina at nasiyahan sa pagpulot ng mga bote. Sinamaan siya nang tingin ni Lume. "Tingnan mo! Magpapalusot ka pa, halika na! Para naman pag-uwi mo sa inyo, busog ka na at magpapahinga ka na lang." Hindi na nakatanggi pa si Harrison. Dumiretso sila sa gotohan ni Aling Celia. Mabuti na lamang at kaunti lang ang mga tao sa loob. "Ikaw pala Lume! Anong iyo?" salubong ni Aling Celia. "Aling Celia, dalawang gotto nga po at softdrinks na rin," ani Lume. "Lume?" mahinang tawag ni Harrison. "Nakakahiya naman sa'yo. Okay lang sa akin ang tubig," ani Harrison. Nginitian lang siya ng dalaga. "Ano ka ba! Ngayon lang ulit tayo nagkita, tsaka may i-chichika ako sa'yo," masayang sabi nito. "Oh heto na ang gotto ninyo." Nilapag ni Aling Celia ang mangkok na puno ng gotto. "Siya nga pala Lume. Hindi bat sa makalawa na ang kaarawan ni Mayor Isko? Anong ganap?" "Naku, Aling Celia hindi ko pa po alam 'e. Hindi pa po napag-uusapan sa bahay," magalang na sagot ni Lume. Nang makaalis na si Aling Celia sa harapan nila, kaagad namang hinarap ni Lume ai Harrison. "Hindi bat dati mo pa gustong makapag-aral?" Naalala pa ni Lume ang laging binabanggit sa kanya ni Harry noon. "Oo, bakit?" tanong ni Harrison. "Mayroon kasing nag-sponsor sa munisipyo. Kung sino raw ang gustong makapag-aral, bibigyan nila ng iskolar! Ito na ang pagkakatapn mo, Harry!" masayang sabi ni Lume. Hindi naman maitanggi ang pagkinang ng mata ni Harrison dahil sa tuwa. "T—talaga?" "Oo! Hayaan mo at sa makalawa ay tutulungan kitang magparehistro sa munisipyo. Sa ngayon, kumain ka muna." Hindi naman pinalagpas ni Harrison ang mainit-init pang gotto. Sa gutom niya, hindi na niya inalala ang pagkahiya at kaagad na sinimot ang mangkok. Tuwang-tuwa naman si Lume, habang pinagmamasdan siyang kumain. Tiyak na hindi na kakain pa sa bahay si Harrison at makakatipid sila sa ulam, dahil ngayon pa lang ay hindi na siya makalakad sa sobrang kabusugan. Maraming napagkwentuhan ang dalawa. Matagal-tagal rin kasi bago sila ulit nagkita, dahil nag-aaral si Lume sa Maynila. Ngayon lamang siya nakabisita, dahil bakasyon nila. Nang magdadapit hapon na, nagpaalam na si Lume kay Harrison na uuwi na. Nais pa sanang ihatid ni Harrison, kahit sa kanto lang ang dalaga, ngunit sinabi ni Lume na kaya na niya. Nakangiti namang nagpapaalam si Harrison kay Lume, hanggang sa pagpadyak niya ng kanyang bisikleta ay hindi pa rin mawala ang ngiti sa labi nito. Hindi talaga siya nagkamali ng nagustuhan. Bata pa lamang sila noon nang maligaw si Lume sa squatter area, kung saan nakatira sina Harrison. Iyak nang iyak si Lume noon, at sakto namang nakita ni Harrison, na pauwi pa lang sa bahay nila, galing sa pangangalakal. Noong una ay ayaw lumapit ni Lume sa kanya, dahil sa dumi sa kanyang mukha, ngunit kalaunay naging magkaibigan din sila. Nalaman ni Harrison na anak siya ng kagawad pa lamang noon na si Isko, kaya naman nagpatulong siya sa ina na ihatid sa kanila si Lume. Simula noon ay laging dumadalaw si Lume sa kanila, dala ang ibat-ibang pasalubong. Dahil din kay Lume, kaya nakatikim ng donut si Harrison sa unang beses. Habang naglalakbay pauwi, bumalik na naman ang kaba sa dibdib ni Harrison. Kahit pigilan niya iyon ay hindi talaga mawala. Nang malapit na siya sa kanila ay bigla na lamang siyang natigilan, nang may nakitang nag-aaway sa daan. Mga adik. Nagbabatuhan sila ng bote, kaya naman pati ang kanilang mga kapitbahay ay nagsitago na sa kani-kanilang mga bahay. "Walang hiya kayo!" sigaw ng lalaki na walang damit, kaya kitang-kita ang mga tattoo nito sa katawan. "Punyeta!" "Mga walang silbi!" Paulit-ulit pang napalunok si Harry, bago ipagpatuloy sa pagpadyak ang kanyang bisikleta. Ito na nga ba ang kinakaba niya. "Lumabas kayo riyan!" sigaw ng isa na halatang lasing. Nakayukong mabilis na nagpapatakbo si Harry. Wala kasi siyang ibang dadaanan kung hindi doon lamang. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa manibela nang saktong dadaan na siya sa gilid ng mga nag-aaway. "Tigil!" biglang may sumigaw sa kanilang likuran, ngunit hindi nagpatinag si Harrison at dire-diretsong nagmaneho. Kailangan niyang makauwi. Kailangan niyang makabalik ng buhay sa kanila. "Wala kang kaparatan!" sigaw ng isang lalaki at saka muling nagbasag ng bote. "Tumigil kayo! Mga pulis kami!" At sunod-sunod na putok ang isinagawa ng mga pulis. Sa tatlong putok ng baril na narinig ni Harrison ay tila natigilan siya sa pagpadyak. Bigla kasing nanakit ang kanyang likuran at tila nagdidilim ang kanyang paningin. "Harrison!" sigaw ng isang babae, ngunit hindi na iyon napagbalingan ng tingin ng binata. Pakiramdam niya ay mawawalan na siya ng malay, kaya hinayaan na lamang niya ang sariling mahulong sa bisikleta. May kung anong tumusok rin sa likuran niya, kaya nagsisimula nang sumirit ang dugo. Bago pa siya mawalan ng malay, nakita pa niya ang isang babae na kinakabahang ginigising siya. "A—ng u...ulam ni inay..." bigkas niya, bago pa siya tuluyang mawalan ng malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD