KABANATA I: KATAYUAN

1105 Words
ISANG simpleng pamumuhay ang kinagisnan ni Harrison. Tanging pangangalakal at pamumulot lamang ng basura ang ikinabubuhay nila ng kaniyang ina na si Martha. Ang kanilang bahay ay pinagtagpi-tagping yero at plywood na kanilang napulot sa dumpsite, malapit sa kanila. Sa tuwing tumitilaok na ang manok ay kaagad nang gigising at magsisimula nang gumayak ang binata. "Anak, ayaw mo bang magpahinga muna?" tanong ng inang si Martha, na bakas ang pag-aalala sa anak. "Ayos lang po, inay. Tsaka kung hindi ako mangangalakal ngayon, wala na tayong pangkain. Isa pa, hindi kita mabibilhan ng gamot para riyan sa paa mo," saad ni Harrison. Habang nangangalakal kasi noong mga nakaraang araw si Martha ay hindi sinasadyang nakaapak siya ng bubog. Bumaon iyon sa kanyang paa, dahilan upang hindi siya makapaglakad nang maayos. Namamaga pa rin hanggang ngayon ang paa nito. "Ayos na ako, anak. Tsaka may sardinas pa naman rito, pwede na nating paghatian hanggang mamayang gabi." Tumayo si Harrison, kahit ramdam pa rin ng p*******t ng ulo at panlalambot. "Nay, kaya ko na po. Huwag kayong mag-alala, pag-uwi ko ay mayroon kayong pasalubong sa akin. Basta, huwag ka lang makulit ha? Dito ka lang sa bahay," paalala ni Harrison. Wala namang magawa ang ina sa kanyang kakulitan, kaya bandang huli ay tiningnan na lamang niya ang likod ng anak na paalis na ng bahay. Suot ang isang luma at sira-sirang itim na damit, naglakbay si Harrison, dala ang kanyang lumang tri-bike patungong dumpsite. Ngayon kasi ang araw ng tapunan ng basura, kaya panigurado ay marami siyang makukuha at mabebenta. Napangiti nang bahagya ang binata kapag iniisip iyon. Pagkarating niya sa dumpsite, kaagad niyang kinuha sa gilid ng kanyang tri-bike ang stick na ginagamit sa pampulot ng basura. "Uy si Harry!" sigaw ng isang binata sa di kalayuan. Naniningkit ang mata ni Harrison, dahil tumama sa kanya ang sinag ng araw, nang akma siyang titingnan sa mga paparating. Si Joseph pala iyon at si Aries, ang mga kababata niya. "Kayo pala 'yan Joseph, Aries! Mukhang napaaga rin kayo ah?" tanong niya. "Oo! Miyerkules ngayon, diba? Narinig ko rin kasi 'yung truck kaya kaagad kong pinuntahan 'tong si Aries," ani Joseph. "Kapag nakarami tayo rito, ililibre ko kayo ng lugaw mamaya!" wika naman ni Aries. Ganoon lamang umiikot ang kanilang buhay sa araw-araw. Babangon sila upang mangalakal at uuwi ng hapon kapag nakaramdam na sila ng pagod, o hindi kaya sapat na ang kanilang nakuha para sa isang gabi. Mabuti na lamang at sila pa lamang tatlo ang naroroon sa dumpsite, dahil mamaya ay magsisidatingan na ang iba pang mga basurero. Hindi alintana ni Harrison ang init at sakit ng katawan, habang nagkukwentuhan sila ng kanyang kaibigan. "Ang bilis ng panahon, ano? Parang kailan lang, paslit din tayong katulad nila." Turo ni Joseph sa mga batang baguhan na nagsisimula na ring magpulot. "Oo nga. Kailan kaya natin mabibili 'yung mansyon na pangarap natin?" dagdag pa ni Harrison. "Naalala ko pa noon, gusto nating maging prinsipe, tapos si Aries gusto raw maging reyna!" saka sila nagtawanan. Sumapit ang tanghali at pasakit na nang pasakit ang sikat ng araw na dumadampi sa kanilang balat. Binabalot na rin ng pawis ang kanilang mukha at suot na damit, kaya naman napagpasyahan ni Harrison na magpahinga muna sila sa ilalim ng isang puno ng acacia. "Grabe, pasakit nang pasakit sa balat ang araw!" reklamo ni Aries, habang nagpupunas siya ng pawis. "Kaya nga. Kapag naging mayaman na ako, palalagyan ko ng bubong itong dumpsite, para iyong mga namumulot ng basura, hindi na sila mainitan," pagbibiro pa ni Joseph. Tahimik naman si Harry na nagmamasid sa di kalayuan. Napapansin niyang parami nang parami ang nagpupulot na ng basura ngayon. Iniisip niya ang mga taong nagugutuman katulad niya. "Gusto kong mag-aral." Mabilis na tumingin sa kanya si Joseph at Aries. "Harry, ang tanda mo na, iyan pa rin ang pangarap mo? Ayaw mo bang maging mayaman kaagad?" usad ni Joseph na kaagad namang sinang-ayunan ni Aries. Umiling si Harry. "Basta. Gusto kong mag-aral. Bago pa mamatay si itay, pinangako ko na sa kanya na magpapatuloy ako, at ilalayo si nanay sa lugar na ito," may paninindigan sa bawat sinasabi niya. Ngumiti siya sa kanyang mga kaibigan. Ganito pahalagahan ni Harry ang pag-aaral. Kahit papaano marunong siyang bumasa at magsulat. Kada may pupunta kasing mga guro at nagtuturo panandalian sa mga batang lansangan ay sumasama rin si Harry. Masaya ang pakiramdam niya kapag mayroon siyang bagong natututunan, kaya ganoon na lamang kataas ang kanyang pangarap. Pagkatapos nilang mangolekta ng basura at mga bote ay saka naman sila naglakbay patungong junkshop. Kumikinang ang mata ni Harry nang mahawakan ang dalawang daan na kanyang napagbentahan. Ito kasi ang unang pagkakataon na makahawak siya ng dalawang daan. Kadalasan ay singkwenta o di kaya isang daan lamang ang kanyang naiuuwi. "Paano ba yan? Sagot ni Harry ang Lugaw natin!" sabi ni Aries. "Oo nga! Isang daan lang ang nabenta namin. Harry, baka naman!" dagdag pa ni Joseph. Kaagad namang tinago ni Harry ang pera at tumingnan sa dalawa. "Hindi pwede 'e. May sakit si mama. Sa susunod ko na lang kayo ilibre ha? Pupunta pa ako sa botika!" masaya niyang sabi at kaagad na sumakay sa kanyang bisikleta. "Ang daya!" sigaw pa ng dalawa, habang si Harry naman ay nagsisimula nang pumadyak patungong botika. Tila nawala ang nararamdaman niyang hilo at p*******t ng likod. Tama nga ang desisyon niyang mangalakal ngayonng araw, dahil may pangkain na sila, hanggang bukas! Nang makarating sa botika si Harry, tuwang-tuwa siyang pumasok sa loob, ngunit bigla namang naglaho ang ngiti niya sa labi nang lumayo sa kanya ang ibang namimili. "Ano ba 'yan! Ang baho!" reklamo ng isang ginang. "Oo nga! Amoy basura naman!" "Paalisin niyo nga 'yan rito!" Hinayaan na lamang ni Harry ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa amoy niya. Pinagbuksan naman siya ng bintana ng isang pharmacist at tinanong kung ano ang kanyang bibilhin. "Gamot po sana para sa sugat. Nabubog po kasi ang inay ko," paliwanag niya sa pharmacist. Ngumiti naman ang pharmacist at sinabing maghintay siya saglit. Mabuti na lamang at mabait ang nag-assist sa kanya. Walang pandidiri na makikita sa kanyang mata. "Heto oh, Povidone Iodine" saad nang pharmacist nang binabalot niya ito sa plastik. "Lagyan mo lang ang sugat mo nito pagkatapos mo ng linisan," paliwanag ng babae. "Magkano ho?" "Sisenta lang." Kaagad na inabot ni Harry ang dalawang daan, tsaka nilagay sa bulsa ng bag ang biniling gamot. Nagpasalamat siya sa pharmacist at saka naman sumakay sa kanyang bisikleta patungong karinderya. Bumili ng sinigang na bangus si Harry na paborito ng kanyang ina. Iniisip pa lamang niya ang ngiti ng ina ay excited na siyang umuwi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD