"Hija, kumain ka pa ng marami," malumanay na sabi ni Conrad habang inilapit niya ang platong pinaglagyan ng beef steak kay Zhoey. Nakatingin sa kanya sina Nimrod at Karhen. Pero kever lang siya sa presensya ng dalawa. Hindi man lang niya tiningnan ang mga ito. Sa halip, kumuha lang siya ng isang slice ng steak. "Maraming salamat po, Tito," ani Zhoey, kasabay ng mahinahong ngiti. Ngumiti rin si Conrad at tumango, waring masaya sa pag-tugon ng dalaga. "Uhm, Zhoey," sambit ni Nimrod para kunin ang attention niya. "Okay ka lang ba sa nangyari kanina? Hindi ka ba nasaktan?" may himig na pag-aalala sa boses nito. Aba! May pag-aalala pang nalalaman! Gusto sana niyang pag-ikutan ng mata si Nimrod, pero siyempre, hindi niya gagawin iyon sa harap ng ama nito, kahit pa wala siyang pakialam dito.

