CHAPTER 3

1367 Words
CHAPTER 3 Gamit ang atm na binigay ng kanyang kuya, nag-withdraw siya ng sapat na pera na panggastos niya habang naghahanap pa lang siya ng permanente niyang matitirhan. Pansamantala ay nagcheck-in muna siya sa isang mumurahing motel. Gagawin lang naman niya itong tulugan at liguan dahil maghapon naman siya sa labas dahil maghahanap siya ng apartment. Balak din niyang bumili ng second hand na sasakyan kahit pa lumang modelo lamang. Kung tutuusin ay kayang-kaya siyang ibili ng condo unit ng kanyang ama at bagong model ng kotse ngunit mas pinili pa rin niyang mamuhay ng simple, marangal at malayo sa anino ng kanyang amang Salvatore. “Five thousand ‘tong apartment. Mura na ‘to. Hindi ko na tinaasan. Gano’n din ang upa nang dating nakatira dito. Malapit pa ‘to sa lahat; grocery, palengke, mall, school. May anak ka ba? May malapit na private school at public school dito,” sabi ng babaeng may-ari ng apartment na tinitingnan niya. Nasa edad 50s na ito, nakasuot ng daster na makulay at may rollers pa sa ulo habang nagpapaypay gamit ang malaking abaniko. Hindi naman kalakihan ang studio type na apartment. Walang sariling garahe, pero nagawa naman niyang iparada ang bagong bili niyang sasakyan na nabili niya sa murang halaga. Tinted ang mga bintana nito pero hindi maitaas ang isang bintana sa likuran kaya kailangan pa niyang ipaayos. Sira din ang aircon nito kaya halos maglapot siya kanina habang umiikot siya para maghanap ng apartment na mauupahan. “Wala po. Ako lang po mag-isa ang titira.” “Yung mukhang ‘yan, walang asawa? Girlfriend meron ka?” “Wala rin po.” “May anak akong dalaga, baka gusto mo? Matagal ko nang pinag-aasawa ‘yon pero walang inatupag kundi ‘yung mga koryanong idol niya.” Nginitian na lamang niya ang alok nito. “Kukunin ko na po ’to.” “May I.D. ka ba d’yan para makagawa na ako ng kontrata?” Inilabas niya ang wallet niya at inabot rito ang I.D. niya. “Salvatore. Kaano-ano mo ‘yung Salvatore na dating mayor?” “Wala po. Kaapelyido ko lang.” “Ah, okay.” Patango-tango ito habang palipat-lipat ang tingin sa mukha niya at sa I.D. na hawak. “Parang medyo hawig kasi kayo.” “Hindi po. Ang layo po kaya.” “Paano, ibibigay ko na sa ‘yo ‘tong susi? Hintayin mo ‘ko rito. May printer naman ako sa bahay. Sandali lang ‘yung kontrata. May dala ka na bang pangbayad d’yan?” tanong nito habang inaabot ang susi sa kanya. “Meron po.” Kinuha niya ang susi at saka inipit sa kanyang palad. “Ayon ang gusto ko. Madaling kausap kapag usapang pera. Makakasundo kita. Ay teka, matanong ko lang, ano’ng trabaho mo?” “Painter po.” “Painter ng bahay? Sa pader?” “Hindi po. Painter po, sa canvas. Gumagawa rin po ako ng portraits. Gusto n’yo po gawan ko kayo? Libre na po basta irerekomenda n’yo ‘ko sa mga kaibigan n’yo.” “Ah, ‘yung mga drawing-drawing, sketch-sketch, gano’n?” “Opo.” “Sige, gusto ko ‘yan. Tapos idi-display ko sa sala namin. Pwede bang whole body? ‘Yung nakahiga, tapos naka-pose.” “P-pwede naman po,” kunot-noo niyang sagot habang may nag-aalangan na ngiti. “Sige, ‘pag hindi na ‘ko busy. Bukas kasi may Zumba ako kasama ‘yung mga kumare ko. Sa hapon siguro pakatapos ng bible study namin ng mga sisters ko. Alam mo na, dapat malapit tayo kay Lord at laging nagpapasalamat sa blessings. Parang ikaw, blessing ka sa ‘kin ngayon. Two months advance, one month deposit ah? Pakihanda na. Okay?” sabi nito sabay ngiti habang nakataas pa ang mga kilay. “Opo.” “Naku, napakagalang mo namang bata. Pasado ka na sa ‘kin bilang manugang,” pinisil pa nito ang pisngi niya bago umalis. Napangiti at napailing na lamang siya bago humarap sa gate ng apartment. Binuksan niya ito at saka siya pumasok sa loob. May mesa at mga upuang kahoy na iniwan na raw ng dating nangupahan. May mga cabinet sa itaas at ilalim ng lababo na kailangan nang ayusin ang ilang bisagra dahil mukhang babagsak na kapag may butiking naglambitin. Naupo muna siya at kinuha ang touchscreen niyang cellphone pero mumurahin din. Samantalang dati, kapag may bagong labas na cellphone ay mayroon agad siya at ang kotse nga niya noon ay sports car pa. Hindi tulad ng sasakyan niya ngayon na ang daming depekto. Pero ayos na rin sa kanya basta gumagana pa. Ilang minuto rin siyang naghintay sa pagbabalik ng may-ari ng apartment. Pagkatapos nilang magkapirmahan at nang maibigay na niya rito ang renta ay umalis rin ito agad kasabay niya. Balak niyang magcheck-out na sa motel at mamili ng gamit para sa apartment. Pagkagaling sa motel, dumeretso na siya sa mall. Bumili siya ng foam mattress na pang-isahan lang at manipis kaya maaring itiklop. Bumili rin siya ng unan, kumot, ilang gamit para sa kusina at banyo at kaunting pagkain. Pinuntahan niya ang kotse niya habang tulak niya ang cart na naglalaman ng mga pinamili niya. Nang dumaan siya sa gilid ng kotse para buksan ang compartment sa likod, napatingin siya sa backseat ng kanyang kotse. Kitang-kita niya roon ang isang babaeng natutulog. Nakapamaluktot ito at pilit na pinagkakasya ang sarili sa upuan. Nakasuot lamang ito ng mahaba at kulay puting polo na medyo may karumihan. Labas ang makinis at maputing mga hita nito na para bang masarap na putahe na nakahain sa harapan niya. Napalunon siya ng laway bago mariing napapikit at napailing dahil sa halip na tinititigan niya ang nakakaakit nitong mga hita, dapat ay ginigising na niya ito at tinatanong kung bakit naroon. Dapat talaga’y mapaayos na niya ang bintana ng kotse niya, para hindi na maulit ang ganitong pangyayari. Napaisip tuloy siya kung paano sumuot papasok ng bintana itong babaeng tulog na tulog sa loob ng kanyang kotse. Binuksan niya ang pintuan at saka siya bahagyang yumuko at kinalabit ang paa ng babae. “Miss. Miss?” may pag-aalinlangan sa boses niya lalo na nang makita niya nang malapitan ang maganda at maamo nitong mukha. Parang anghel na natutulog, kahit na may dungis sa mukha. May naramdaman siyang awa rito kaya nagtatalo ang isip niya kung hahayaan ba niya itong matulog na muna o tuluyan na niyang gigisingin. Magsasalita sana siyang muli nang bigla itong gumalaw at nagmulat ng mata. Nagtama ang kanilang mga paningin at nanlaki ang mga mata nito nang makita siya. Dali-dali itong nagsumiksik sa sulok na para bang takot na takot. “I won’t hurt you. I’m not a bad person.” Itinaas pa niya ang mga palad niya bago siya dahan-dahang naupo sa loob ng kotse. “Sa ‘kin ‘tong kotse na tinulugan mo. Gigisingin sana kita dahil paalis na ‘ko.” Takot pa rin sa kanya ang babae na yakap-yakap na ngayon ang magkadikit na mga binti. “Miss kailangan mo ba ng tulong? Gusto mo tawagin ko ‘yung guard or dalhin kita sa mga pulis?” “Huwag! Ibabalik nila ‘ko do’n. Huwag, please.” Bigla na lang tumulo ang luha nito at nagpunas ng pisngi gamit ang nanginginig nitong mga kamay. “Okay. I won’t. Relax. I won’t call the cops.” Tumango-tango ito habang malikot ang mga mata na tumitingin sa paligid. “Ako si Matteo, ikaw ano’ng pangalan mo?” “Camilla.” Umiiyak pa rin ‘to at panay punas ng luha. “Nasaan ang pamilya mo? Gusto mo, ihatid kita sa kanila?” “Wala na sila. Ako na lang mag-isa.” “Bakit nandito ka?” “Sabi nila, bibigyan nila ‘ko ng trabaho, pero binenta lang nila ako, kung kani-kanino.” “Sino’ng sila?” “Sila. Marami sila. Masasama sila,” kwento nito habang tulala na at nakatingin na lang ang mata sa isang direksyon. Nang umangat ang tingin nito, umusog ito palapit sa kanya at hinawakan siya sa kamay habang umaagos ang luha sa pisngi. “Tulungan mo ‘ko. Hindi ko alam kung saan ako pupunta, kung ano’ng gagawin ko. Baka mahanap nila ‘ko.”

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD