“NANDIYAN ba si Sir?” tanong ni Xander sa sekretarya ni Tito Felipe na nakaupo sa harap ng lamesa nito sa labas ng opisina ni Felipe Javier.
Pagbalik niya sa opisina mula sa meeting kasama ang production at creative department ng Javier Advertising Company, sinabi ng sekretarya niya na ipinatatawag siya ng chairman sa opisina nito. Isa ang JAC sa mga kompanya sa ilalim ng Javier Group of Company, at siya ang napili ni Tito Felipe na gawing general manager ng JAC.
“Opo, kanina pa ho niya kayo hinihintay,” nakangiting tugon ng babae.
“Thank you,” aniya na tinanguan ito. Kumatok muna siya sa pinto ng opisina ni Tito Felipe bago niya iyon binuksan. “You asked for me, Sir?". Kapag nasa opisina o mga business meeting sila ay hindi niya tinatawag na 'tito' ang matandang lalaki, nakasanayan na niya iyon mula pa noong umpisahan siyang hasain ng matanda sa pagpapatakbo ng negosyo.
Umikot ang swivel chair ni Felipe paharap sa kanya. “Come in, hijo.”
Ipininid niya ang pinto at saka lumapit sa lamesa ng matandang lalaki, umupo siya sa upuang nasa harap niyon. Tiningnan niya si Tito Felipe at hinintay itong magsalita.
“It’s about Lianne. Nag-usap na kami kanina bago ako umalis ng bahay,” Mr. Javier started.
Nauna siyang umalis ng mansiyon kanina dahil nagpasundo sa kanya sa airport ang best friend niyang si Desiree, kaya hindi niya alam na nagkausap na pala ang matandang lalaki at ang anak nito.
“She told me the reason why she decided to come home, she needs money para matubos ang lupa at bahay ni Lucy."
Hindi siya nagsalita, hindi nga siya nagkamali ng hinala niya. Kagabi ay napansin niya sa kilos ng babae na hindi ito nananabik na makita ang ama. Ni hindi nga kakikitaan ng tuwa ang mukha nito, kaya naisip niyang may dahilan ang biglang pagbalik dito ni Lianne.
Nauunawaan naman niya kung may sama man ng loob si Lianne sa ama nito. Hindi naman alam ng dalaga ang pinagdaanan ni Tito Felipe nang umalis ang mga ito sa mansiyon. Kung mayroong nakakaalam ung paano naghirap ang kalooban ni Tito Felipe sa pagkawala ng mag-ina nito, siya iyon. Alam niyang labis ang pangungulila nito sa mag-ina; pero dahil sa kahilingan ni Tita Lucy, napilitang magtiis ang matandang lalaki na malayo sa mga ito.
“Do you want me to go and settle that for her?”
“Hindi na," sagot nito na umiling pa. "Tinawagan ko na si Attorney Nievez, siya na ang bahala roon. May iba ang ipapagawa ko sa 'yo, Hijo.”
Nangunot ang noo niya.
“Sinabi ko kay Lianne na tutulungan ko siya kung mananatili siya sa atin sa loob nang isang buwan. And she agreed to my deal,” patuloy ni Tito Felipe.
Lalong lumalim ang gatla sa kanyang noo. “Then, what do you want me to do, Sir?"
“I don't want to lose her again, Xander. Ayoko na muli pang malayo sa 'kin ang anak ko. Ang tagal kong kinasabikan na makasama siyang muli," puno ng emosyon na sabi ni Tito Felipe. "I want you to help me convince her to stay with us for good. Help me convince her that this is where she belongs."
Ilang sandali siyang hindi nakaimik, nakatitig lang siya sa nakikiusap na mga mata ng matandang lalaki. Nagkasama nga sila ni Lianne noong maliit pa ito—siya ang tumayong panganay na kapatid ng babae—pero matagal na panahon na iyon, at base sa kilos ng babae kagabi ay mukha nakalimutan na nito ang mga pinagsamahan nila. Sa totoo lang, parang ibang-iba na ito sa Lianne na nakilala niya noon. Kaya paano ba niya gagawin ang hinihingi ni Tito Felipe, gayong ni hindi niya alam kung paano lalapitan at kakausapin ang anak nito?
“I will ask her to work for our company while she’s here,” ani Tito Felipe na wari ay nabasa ang laman ng kanyang isip. “At gusto ko na ikaw mismo ang magturo sa kanya ng mga bagay-bagay tungkol sa negosyo.”
Hindi siya sumagot, tahimik lang siyang nakatingin rito.
“Malayo na ang loob sa akin ng anak ko, and I can’t blame her. Tulungan mo akong mapalapit ulit sa kanya, Xander, katulad ng ginagawa mo noong maliliit pa kayo. Kapag nagtatampo siya sa akin noon, hindi ba’t ikaw ang gumagawa ng paraan para magkaayos kaming mag-ama?”
That was before, Tito. Do you really think I can help you fix your problem with Lianne now? She's all grown up. Hindi ko na madaling mai-impluwensiyahan ang isip niya. And besides, sa klase ng gusot ninyong mag-ama ngayon, hindi ganoon kadaling maayos 'yon, tahimik na naisaloob niya.
“Maaasahan ba kita, hijo?”
“Yes, Sir,” sabi na lang niya na sinamahan ng mabagal na pagtango. I'll try, tahimik na dagdag ng isip niya.
********
MAAGANG umuwi sa mansiyon si Xander. Hindi niya kadalasang ginagawa iyon, madalas ay gabing-gabi na siya umuuwi dahil dumaraan pa siya sa gym o hindi kaya ay lumalabas kasama ng mga kaibigan niya. Pagpasok niya sa mansiyon ay narinig niya ang mahinang tunog ng piano mula sa music room. Tinawag niya ang isang kasambahay at ipinaakyat sa silid niya ang mga dalang gamit, pagkatapos ay tinungo niya ang music room. Nakabukas ang pinto niyon, at malamlam na ilaw lang ng table lamp ang nakabukas sa loob.
Pagsilip niya ay nakita niya si Lianne na nakapikit pa habang tinutugtog ang Moonlight Sonata sa grand piano.
Maingat siyang pumasok upang hindi ito maabala. Tumayo siya sa gilid ng piano at pinagmasdan ito. Napakaganda ni Lianne. Nakakatuwang panoorin ito habang tumutugtog, kabisadong-kabisado nito ang piyesa na kahit nakapikit ay alam na alam nito iyon.
Kasabay nang pagmulat ng mga mata ni Lianne ay ang pagtigil nito sa pagtugtog. Napatanga ito sa kanya.
“Hi,” nakangiting bati niya rito.
Hindi ito sumagot, sa halip ay pairap itong nagbawi ng tingin.
“I’m sorry to bother you,” aniya at bahagyang sumandal sa piano. “Nagtaka kasi ako nang marinig kong may tumutugtog nito, kaya nagpunta ako rito. Mula kasi nang umalis kayo ay wala nang tumugtog nito.”
Five years old si Lianne nang bilhin ni Tito Felipe ang piano na iyon para sa anak. Sa murang edad kasi ni Lianne ay kinakitaan na ito ng hilig sa musika. Nang umalis ng mansiyon ang mag-ina ay wala nang tumutugtog niyon. Halos wala na ngang pumapasok sa music room maliban kay Tito Felipe.
Hindi pa rin nagsalita si Lianne. Sa halip ay pinaglaruan ng mga daliri nito ang piano.
“Mahusay ka pa ring tumugtog. Ipinagpatuloy mo ba noon ang piano lesson mo?” muling tanong niya rito, umaasa siyang sa pamamagitan niyon ay masisimulan niyang kunin muli ang loob ng dalaga.
Mukhang determinado naman si Lianne na hindi siya kausapin. Tumayo ito at umalis sa harap ng piano. Nang akma itong lalabas ng silid ay mabilis niya itong pinigilan sa braso.
Pahiklas naman na binawi nito ang braso mula sa kanya. “Ano ba’ng kailangan mo?” Mahihimigan ang iritasyon sa tinig nito.
"Wala," sagot niya na marahan pang umiling. “I just want to spend some time with you… katulad ng dati. Hindi ba’t tayo naman ang palaging magkasama noon?”
Ngumiti ito nang mapakla. “Sa 'yo na rin nanggaling, 'di ba? Dati 'yon. Marami nang nagbago. Hindi na ako ang batang Lianne na gustong-gustong bumuntot sa 'yo.”
“Siguro ikaw nagbago, pero ako hindi. Lumaki lang ako,” pabiro pang sabi niya. “Pero ako pa rin ito, Lianne. Ako pa rin ang Kuya Xander mo.”
Ilang sandali siyang tiningnan nito, pagkatapos ay tila nakalolokong ngumiti ito. “Kuya? Inampon ka lang ni Daddy, 'di ba? Ni hindi nga legal ang pag-adopt sa 'yo, eh. Hindi niya ipinadala sa 'yo ang apelyido namin, kaya hindi kita kapatid.”
Sandali siyang nawalan ng kibo. Hindi niya inaasahan ang sinabing iyon ng dalaga. Pero agad din siyang nakabawi, hindi siya madaling mapapalayo nito sa ganoong paraan. “Ganoon ba? Hindi ba’t ikaw ang nangungulit sa akin noon na maging kuya mo? ‘Big brother’ pa nga ang tawag mo sa akin. Ako pa nga ang ginagawa mong panangga sa mga bumu-bully sa 'yo sa school, remember?”
“Noon 'yon. At saka, kaya ka nga pinapasok ni Daddy sa school ko dati para maging bodyguard ko, 'di ba? Kaya dapat lang na ipagtanggol mo ako sa kanila. But I can take care of myself now, so I don’t need you anymore.” Tinalikuran na siya nito.
Mabilis niya itong sinundan. Naabutan niya ito sa hagdan. Muli niya itong pinigilan sa braso at hinatak paharap sa kanya.
“You should start treating me like a brother again, since nandito ka na uli. Iyon naman ang dapat, eh, since your father treats me like his own son. And if I were you, maging mabait ka sa akin, kung ayaw mong pahirapan ko ang buhay mo.”
Napa-awang ang labi ng babae at napatitig sa kanya. Pinigil niya ang mapangiti nang makitang natigilan ito. Pero bago pa siya makapagsalita ay naunahan na siya nito.
“Is that a threat? Baka nakakalimutan mo na ako ang Javier dito, hindi ikaw,” painsultong sabi nito sa kanya. Nakatikwas ang kilay na hinagod siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa.
“Ikaw nga ang Javier. Pero pagdating sa office, ako ang boss mo,” aniya at pilyong napangiti. Aaminin niya, nasaktan din siya sa sinabi ng dalaga pero hindi niya iyon ipapahalata rito anuman ang nangyari.
Naguguluhang tiningnan siya nito. Hihirit pa sana siya nang bumukas ang front door at pumasok si Tito Felipe. Napakunot ang noo nito nang makita sila.
“What’s going on here?” tanong ng matandang lalaki na nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila ni Lianne.
“Nothing, Tito,” aniya at binitawan na ang braso ng dalaga. “Sasabihin ko lang sana kay Lianne ang tungkol sa napag-usapan nating dalawa kanina.”
“I see,” tumatangong sabi ni Tito Felipe bago nito binalingan si Lianne. “Mag-usap tayong tatlo sa library.”
Nagpatiuna na ang matandang lalaki patungo roon. Bago siya sumunod sa matanda ay tiningnan niya si Lianne at nginitian ito. Bakas sa mukha nito ang panggigigil sa kanya. Pigil ang mapahagalpak ng tawa na tinalikuran niya ito.