Chapter Six

1726 Words
BUMANGON si Lianne mula sa kama at naiiritang naisabunot ang mga kamay sa sarili. Kahit ano ang gawin niya ay hindi siya makatulog. Hanggang ngayon ay nagkukukot pa rin ang kalooban niya dahil sa pinag-usapan nila kanina sa library. Gusto ng daddy niya na magtrabaho siya sa kompanya nito habang naroon siya. Kailangan na raw niyang matutunan kung paano ang pagpapatakbo ng isang kompanya, since lahat naman daw iyon ay mapupunta sa kanya pagdating ng panahon. Iginiit niyang hindi siya interesado sa kung ano pang gusto nitong ibibigay sa kanya—na ang mahalaga lang ay matubos ang mga naiwan ng mommy niya—pero pakiramdam niya ay naisahan siya ng ama nang sabihin nito na kasama iyon sa kanilang kasunduan. As long as she's staying with him, kailangan daw niyang sumunod sa lahat ng gusto nito. Lalong uminit ang ulo niya nang maalala ang nakalolokong ngiti ni Xander nang sabihin ng ama na ang binata ang magiging mentor niya.  “Buwisit na lalaking 'yon!” inis na sigaw niya. Nakagat niya ang ibabang labi, ngitngit na ngitngit talaga siya sa nangyayari ngayon sa kanya. Maya-maya ay nasapo niya ang kanyang tiyan nang biglang kumalam iyon. Sa labis na inis niya kanina ay nawalan siya ng ganang kumain kaya hindi ulit siya sumabay sa dalawang lalaki na maghapunan. Tumayo siya at lumabas ng silid. Bumaba siya sa kusina upang maghanap ng makakain. Maingat siyang kumilos upang hindi makalikha ng ingay. Napangiti siya nang makita na may natira pang ulam sa refrigerator. Inilabas niya iyon at kumuha rin ng isang canned juice. Isinalang niya sa microwave ang ulam at pinanood iyon na uminit. “Lianne?" “Ay, palaka!” gulat na gulat na sambit niya nang may magsalita sa kanyang likuran. Mabilis siyang napapihit paharap sa may-ari ng tinig. “Ano ba?!” asik niya kay Xander. Humakbang palapit sa kanya ang lalaki. “Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong nito at sinulyapan ang microwave. “Akala ko ba sabi mo kanina hindi ka nagugutom?” Hindi siya sumagot. Inirapan lang niya ito. “Hindi ka pa kasi sumabay sa aming kumain kanina, eh,” ani Xander at tinungo ang refrigerator. Kumuha ito ng inumin saka naupo sa may countertop. "Ginutom ka tuloy." Kinagat niya ang kanyang ibabang labi upang pigilin ang sarili na sagutin ito. Wala siya sa mood na patulan ito. Alam naman niya na nais lang siya nitong asarin, batid niyang tuwang-tuwa ang lalaki na panoorin siya kanina habang wala siyang magawa kundi ang sumagot na lang ng 'opo'  sa ama niya. Puwes kung asaran ang gusto ng lalaki ay pagbibigyan niya ito.  Pero hindi ngayon… bukas na,  naisaloob niya na pigil na mangiti. Tingnan lang niya kung hindi kumulo ang dugo nito sa gagawin niyang pang-aasar dito sa harap ng mga tauhan nito. Boss pala ha! Akala mo masisindak mo ako? Asa ka!" Ilang sandali pa ay tumunog na ang microwave. Inalis niya roon ang food container at maingat na inilagay iyon sa isang tray. Hindi pa rin umaalis si Xander. Nang humarap siya rito bitbit ang pagkain ay nahuli niyang nakatingin ito sa kanya, pero sa halip na magbawi ng tingin ay nginitian pa siya nito nang maluwang. “Hindi ka pa ba aalis?” malamig na tanong niya. Umiling ito. “Ginutom kasi ako. Puwede ba akong makihati riyan?” “Hindi,” mabilis na tanggi niya. “Puwede ba? Iwan mo na nga ako. Mawawalan na naman ako ng gana dahil sa 'yo, eh.” Ipinatong niya ang pagkain sa ibabaw ng countertop. Nagsalubong ang mga kilay nito. “Nakakawala ba ng gana ang mukha ko? That’s new. Kasi ang madalas kong naririnig ay mukha ko pa lang daw, ulam na. Kompleto na ang meal kapag isinama pa ang katawan ko.” Umayos pa ito ng upo upang ipakita ang malapad nitong dibdib. Naka-pajama pants ang lalaki at white sando, kaya bakat doon ang matipuno nitong katawan. Napaismid siya. "Hindi ka lang pala buwisit, arogante ka pa!" Umupo siya sa harap ng countertop at sinimulan ng kumain. Tumayo naman si Xander. Ang akala niya ay aalis na ito pero sa halip ay kumuha ito ng sariling plato at kubyertos. Nagulat siya nang maupo ito sa tabi niya at hinila ang kinalalagyan ng kanin. “Nananadya ka ba talaga?” aniya na pinukol ito ng masamang tingin. "Iniinis mo ba ako?" Pa-inosenteng tiningnan siya nito. “Hindi, pero ginugutom talaga ako. Share mo na kasi 'yan sa akin. Sabi mo sa akin noon masama ang maramot, 'di ba?” Pigil ang inis na tumahimik na lang siya at ipinagpatuloy ang pagkain. Mukhang masasaid ang pasensiya niya sa taong ito. Pinilit niyang balewalain ang katabi, pero mukhang imposible iyon. Gusto niyang kutusan ang sarili, bakit ba hindi niya maiwasang pansinin ang amoy ni Xander? Amoy-napakalinis nito. Pasimpleng sinulyapan niya ito. Natigilan siya. Labag man sa kalooban niya ay parang gustong sumang-ayon ng isip niya sa sinabi ng binata kanina. Guwapo nga si Xander. Kung sabagay, guwapo na talaga ito kahit noong mga bata pa sila. May pangahan itong mukha na binagayan ng Harvard clip cut na buhok. Maganda ang pares ng mga mata nito na napakatiim tumingin, para bang malulusaw ka kapag tumitig ito sa iyo. Maganda rin ang shape ng may-kakapalang mga kilay nito, matangos ang ilong, at maganda ang hugis ng mga labi. Moreno ang lalaki, maganda ang pangangatawan, at matangkad sa height na five-eleven. “Sabi ko sa 'yo pang-ulam ako, eh,” walang ano-ano ay sabi ni Xander na nagpabalik ng diwa niya. Napapahiyang nagbawi siya ng tingin. Masyado siyang nawili na pagmasdan ito kaya hindi niya namalayang napansin na pala nito ang ginagawa niya. “Nabusog ba ang mga mata mo, little sister?” nakangising sabi nito. “Paalala lang, big brother mo ako. Hindi mo ako puwedeng pagnasaan.” Nag-init ang mga pisngi niya. Gayunman ay hindi siya papayag na tuluyang mapahiya sa harap nito. Nakataas ang isang kilay na tiningnan niya ito. “I beg your pardon? Ako, nagnanasa sa 'yo? Ang laki rin naman talaga ng bilib mo sa sarili, ano? And for the last time, hindi kita kapatid. Hindi ka Javier, isaksak mo 'yan sa kukote mo na puro kakapalan ang alam.” Pagkasabi niyon at mabilis siyang tumayo at tinalikuran ito. ******** PABALIBAG na ibinagsak ni Lianne ang unan sa tabi niya. Hindi siya makatulog dahil sa inis na nararamdaman. Para rin kasing sirang dvd na paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang mga engkuwentro nila kanina ni Xander. Kung bakit ba kasi napakatuso ng ama niya. Magbibigay lang ng tulong, kailangan may kapalit pa! At ang sobrang ikinaiinis niya ay pati ang pakikisama sa buwisit na ampon nito ay nakasama pa sa mga kondisyones ng matanda. Napasulyap siya sa maleta na nasa isang sulok ng kanyang silid. Naisip niya, ano kaya kung umalis na lang siya? Napabuntong-hininga siya, pagkatapos ay parang bata na napapadyak ang mga paa. "Paano naman ang mga iniwan sa `kin ni Mommy? Mawawala ang mga iyon kapag umalis ako rito?" Naihilamos niya ang kanyang mga kamay. "Ayoko na!" Inabot niya ang cellphone na nasa bedside table niya. Matagal niyang tinitigan iyon bago nagpasyang tawagan ang pinsan na si Cecille. "Hello," sagot ni Cecille. Mukhang nagising lang ang babae sa tawag niya, pansin niya iyon sa boses nito. "Cuz, tulungan mo ako!" "Bakit? Ano'ng nangyari? May nangyari ba'ng hindi maganda riyan?" sunod-sunod na tanong nito, na wari mo'y biglang nagising ang diwa sa sinabi niya. "Nahihirapan na ako, ang sakit sa ulo!" "Bakit nga? Ano ba'ng nangyari? Minamaltrato ka ba nila? Nandiyan ba 'yong mga impakta mong tiyahin?" Nangunot ang noo niya. "Ano ba'ng sinasabi mo? Ano'ng minamaltrato? Sino? Ako? Sa tingin mo ba papayag akong may magmaltrato sa akin?" Sandaling nanahimik sa kabilang linya si Cecille. "Eh, ano 'yong sinasabi mong nahihirapan ka?" maya-maya'y pakli nito. "Pumayag na si Daddy na tulungan ako." "'Yon naman pala, eh! Pumayag naman pala, so, ano'ng mahirap doon? Naman Lianne! Ganito pa talagang way ng pagdeliver ng good news ang naisipan mo, ha! Dis-oras ng gabi ginulan-" "Pero kelangan kong mag-stay rito ng one month," putol niya sinasabi ng babae. "What?!" gulat na sabi ni Cecille. "Pumayag siya na tulungan ako kapalit ng kondisyon na 'yon." "Pero," nabitin ang sinasabi ng babae, tila hirap itong i-proseso ang sabi niya. "Paano 'yon? Ano'ng desisyon mo?" Napahugot siya nang malalim na hininga. "Hindi ko nga alam kung tama ba ang naging desisyon ko." "Huwag mong sabihing pumayag ka?" Hindi siya sumagot. Matagal din na natahimik ang babae sa kabilang linya. "Sabagay, kahit ako ang nasa lugar mo, baka ganyan din ang maging desisyon ko. Pero, kumusta kayo ng daddy mo? Okay na ba kayo?" "Hindi naman porke pumayag akong mag-stay rito ay okay na kami. Pero palagay ko iyon ang gusto niyang mangyari kaya pinadi-dito muna niya ako," tugon niya at napahinga nang malalim. "Actually, wala namang kaso sa akin iyon, kaya ko namang pakisamahan si Daddy. After all, ama ko pa rin naman siya, eh. Pero ang 'di ko lang talaga matanggap ay pati na 'yong ampon niya kailangan ko pang pakisamahan ngayon!" "Si Xander?" "Oo, ang mayabang na lalaking 'yon," aniya na muling napasimangot. "Hah! Masyadong feeling! Talagang feeling niya isa na siyang Javier kung magsalita at umasta rito!" Hindi nagsalita si Cecille. "Siya talaga ang hindi ko alam kung paano ko matatagalan! At ngayon, kailangan ko pang magtrabaho sa kompanya under his supervision. Nakakabuwisit, 'di ba?" "So ano'ng gagawin mo? Eh, parte pala yan ng kasunduan n'yo ng tatay mo." Marahas siyang napabuga ng hangin. "Wala naman akong choice, `di ba?" "Oo," sagot nito. "Pero may isa pa tayong alalahanin, si Tita Emily. Tiyak na mabibigla iyon kapag nalaman niya ang nangyayari sa 'yo riyan." Nakagat niya ang pang-ibabang labi nang maisip ang sinabi nito. "Cuz, puwede bang ikaw na lang ang magsabi sa kanya?" "Eh, bakit ako?" "Ang hirap na ng sitwasyon ko rito, please lang naman... kahit man lang 'yan gawin mo nang tulong sa akin." Matagal bago sumagot si Cecillle, at nang magsalita ito ay halatang napipilitan lang. "Oo na. Wala naman akong choice kundi ang magsabi sa kanya, kasi ako 'yong nandito, 'di ba? Nanira ka na nga ng tulog, ngayon nandadamay ka pa. Malalagot din ako kay Tita Emily nito, eh." Natawa siya sa sinabi nito. "Kaya mo na 'yan! I love you, Cuz!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD