Chapter Two

1132 Words
MAAGANG umalis sa opisina si Xander. Pagkatapos ng tatlong meeting maghapon ay nagpasya na siyang umuwi at magpahinga. Dinala na lang niya ang ilang mga documents na hindi pa niya nababasa, naisip niyang sa bahay na lang pag-aralan ang mga iyon. Malapit na siya sa mansiyon nang matanaw niya ang isang babae na nakatayo sa labas ng gate nito. May dala-dala itong isang malaking bag at nakatingin sa loob ng bakuran nila. Saglit itong napasulyap sa sasakyan niya nang inihinto niya iyon malapit dito. Bumaba siya ng sasakyan at nilapitan ang babae. “Miss, excuse me. Are you looking for someone? May kailangan ka ba?" Humarap ang babae sa kanya. Natigilan siya at napatitig sa mukha nito, pagkatapos ay bumaba ang mga mata niya sa suot nitong kuwintas, malaking heart-shaped ruby stone na napapalibutan ng maliliit na brilyante ang pendant niyon. Noon niya nakumpirma na hindi nga siya namamalikmata lang. “Lianne," hindi makapaniwalang sambit niya sa pangalan ng babaeng kaharap. Hindi ito sumagot. Blangko ang mukha nito na nakatingin sa kanya. “Don’t you recognize me? It’s me… Xander,” nakangiting sabi niya.  Bahagya lang kumunot ang noo nito habang pinagmamasdan siya pero maliban doon ay wala na itong ibang naging reaksiyon. Tuluyan siyang lumapit dito at mahigpit na niyakap ang babae, hindi naman ito kumilos hanggang sa bitiwan niya ito. “Akala ko hindi ka na babalik dito. Akala ko hindi na tayo ulit magkikita!" aniya na muli itong pinagmasdan. Napakalaki na nang ipinagbago ni Lianne, pero taglay pa rin ng babae ang napakaamo nitong mukha, pati na ang bilugan nitong mga mata na binagayan ng bahagyang makapal at maarkong kilay. Katamtaman ang tangos ng ilong nito, at mapula ang manipis na mga labi. Oval-shaped ang mukha ni Lianne na binagayan ng lampas-balikat na layered na buhok. Kamukhang-kamukha ng babae ang namayapa nitong ina. “Nasaan si Daddy?” tanong nito na hindi pinansin ang sinabi niya. “I’m sure nasa loob na siya, maagang umalis si Tito ng opisina kanina, eh. Umuwi na siya kanina pang before lunch." “I need to talk to him,” malamig na sabi nito. Saglit siyang natigilan habang tinitingnan ito. Nagtataka siya sa tinig at reaksiyon ng mukha nito. Bakit parang wala siyang makita o maramdaman na pananabik ng babae para sa sarili nitong ama? “Of course. Halika, sumabay ka na sa akin sa pagpasok. Tiyak na matutuwa si Tito kapag nakita ka," wika na lang niya na hindi na binigyan ng pansin ang obserbasyon niya sa dalaga. Bumalik siya sa kotse at binuksan pa ang pinto para kay Lianne. Walang kibong sumakay sa unahan ng sasakyan ang babae. Inilagay naman niya sa backseat ang mga gamit nito bago siya umikot sa driver’s seat. Dinampot niya ang isang remote control na nasa ibabaw ng dashboard at pinindot ang isang button doon. Mayamaya pa ay bumukas na ang gate. Pinaandar na niya ang kotse papasok sa malawak na bakuran ng mansiyon. Walang kaimik-imik si Lianne, diretso lang ang tingin nito sa mansiyon habang papalapit ang sasakyan niya roon. Inihinto niya sa garahe ang kotse at sabay silang bumaba. Kinuha niya ang mga gamit ni Lianne at magkasama nilang tinungo ang front door. “Mabuti at dumating ka na, Hijo. Katatapos ko lang magluto,” nakangiting salubong sa kanila ni Mamang Aida, ang mayordoma ng mansiyon.  Napatigil sa paghakbang ang matandang babae nang dumako ang tingin nito sa kasama niya. Tulad niya ay natuon rin ang mga mata nito sa kuwintas na suot ng babae. Natutop nito ang bibig at manghang napatitig kay Lianne. “Diyos ko! Lianne!” Mabilis na nakalapit ang matanda at niyakap si Lianne. Nangingilid ang mga luha ni Mamang Aida. “Sa wakas ay umuwi ka na." Napansin niya ang paghugot nang malalim na hininga ni Lianne, pero hindi nito ginantihan ng yakap ang matanda. Nang bitiwan ni Mamang Aida si Lianne ay muli nitong pinagmasdan ang dating alaga. "Dalagang-dalaga ka na, at napakaganda mo pa! Kumusta ka na, Hija?” “Okay naman ho ako,” sagot ni Lianne na sinamahan ng hilaw na ngiti. “Nasaan ho si Tito Felipe?” tanong niya sa matanda. “Nasa study,” sagot ni Mamang Aida na hindi inaalis ang tingin kay Lianne. “Tiyak na matutuwa ang daddy mo kapag nakita ka. Sige, puntahan na ninyo siya. Ihahanda ko na rin ang dining table para makapaghapunan na kayo. Tamang-tama pala ang mga niluto ko. Kaya naman pala ako nagluto ng pochero ay dahil darating ka, hija.” Hindi sumagot si Lianne. Iniwan na sila ng mayordoma at nagmamadaling bumalik ito sa kusina. “Let’s go. Puntahan na natin si Tito,” aniya kay Lianne. Napansin niyang natigilan ang babae. "Lianne?" Napatingin ito sa kanya. "Kinakabahan ka ba na makaharap ang daddy mo?" "Why should I?" balik-tanong nito.  Siya naman ang natigilan dahil sa tila nagyeyelong mga mata ng babae. "Puwede bang dalhin mo na ako sa kanya?" wika pa ni Lianne. Napatango na lang siya. Nagpatiuna na siya sa paglakad patungo sa study room ng ama nito, tahimik namang sumunod sa kanya ang babae. Kumatok muna siya bago niya binuksan ang pinto ng study. Napa-angat ang tingin ni Felipe Javier mula sa tangan nitong mga papeles. “Hijo, maaga ka yatang umuwi. Hindi ba natuloy ang—” Napatigil sa pagsasalita si Tito Felipe nang makita ang kasama siya. “Your daughter has come to see you, Tito,” anunsiyo niya. Ilang sandali ring natigilan ang matandang lalaki. Tila hindi ito makapaniwala sa nakikita, maya-maya ay tumayo ito at dahan-dahang lumapit sa kanila. “Lianne? Anak?” basag ang tinig ng matanda. Marahang tumango si Lianne pero nanatiling walang emosyon ang mukha nito. Nakita niya ang pagsungaw ng mga luha sa mga mata ni Tito Felipe nang yakapin nito ng mahigpit ang anak. “Hija, napakatagal kong hinintay ang pagbabalik mo. I missed you so much, Anak.” Nangunot ang noo niya habang pinagmamasdan si Lianne. Hindi nito ginantihan ng yakap ang ama at hindi talaga nagbabago ang blangko nitong mukha. Halos labing-tatlong taon na hindi nito nakita ang ama, pero parang hindi man lang ito nasasabik sa pagtatagpong iyon. Bakit ba pakiramdam niya ay hindi para makasama ang ama ang pakay ni Lianne sa pagbabalik doon? “Welcome home, hija. I’m so glad you’ve finally come home,” wika pa ni Tito Felipe nang bitawan nito ang anak. Tiningnan siya ng matandang lalaki. "She's finally back, Xander! Hindi ba't sinabi ko naman sa 'yo noon, babalik din sa atin ang anak ko." Tipid lang niyang nginitian si Tito Felipe at saka ibinaling ang tingin kay Lianne. Sinalubong din ng babae ang mga mata niya pero maya-maya ay pairap din itong nagbawi ng tingin.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD