Chapter Three

1352 Words
KAHIT gaano kasarap ang mga pagkaing nakahain sa harap ni Lianne, pakiramdam niya ay wala siyang ganang kumain. Siguro ay dahil iyon sa dalawang lalaking kaharap niya.  Pigil niya ang sariling mapabuntong-hininga. Ni sa panaginip ay hindi niya naisip na makikita pa niya ang mga ito. Pinilit niyang kalimutan ang mga ito noon, at hangga't maaari nga sana ay ayaw na niyang makita pa ang dalawa. Kanina habang nasa tapat siya ng gate ng mansiyon, paulit-ulit niyang tinatanong ang sarili kung tutuloy ba siya. Nang matanaw kasi niya ang nagliliwanag na mansyon kanina ay nakadama siya ng pagdadalawang-isip. Kung hindi dumating si Xander kanina, marahil ay tuluyan nang nagbago ang kanyang isip at bumalik na siya sa kanilang probinsiya. “Bakit hindi ka kumakain?” untag ni Xander sa kanya. Tiningnan niya ito. “Busog pa ako. Dumaan kasi ako sa bahay ng kaibigan ko sa Sta. Ana bago ako dumiretso rito. Kumain na ako roon,” pagda-dahilan niya. “Kahit tikman mo lang itong pochero, Hija. Ang Mamang Aida mo ang nagluto niyan. Paborito mo iyan, 'di ba?” sabi ng kanyang ama. Tiningnan niya ang matandang lalaki. Noong bata ako, oo paborito ko nga `yan. Pero nakikita mo naman siguro na malaki na ako ngayon. Hindi na 'yan ang favorite ko, pero siyempre hindi mo 'yon alam kasi lumaki akong wala ka sa tabi ko, ngali-ngali sana niyang isagot dito pero pinigil niya ang sarili. Pakiramdam niya ay gusto na talagang sumabog ng dibdib niya habang pinagmamasdan ang ama. Gustong-gusto na niya itong sumbatan, pero hindi puwede—may tamang oras para roon. Hindi niya gagawin iyon sa harap ng saling-pusa sa pamilya nila na si Xander. Kahit na kasing-laki ng kontinente ng Asya ang sama ng loob na nararamdaman niya para sa kanyang ama, ayaw pa rin naman niyang ipahiya ito sa harap ng ibang tao. Kahit inabandona siya nito nang napakahabang panahon ay itinanim ng kanyang ina sa isip niya na dapat pa rin niyang irespeto at mahalin ang kanyang ama sa kabila ng mga nangyari. Pigil niya ang mapaismid nang maisip iyon. Oo, ang respeto ay puwede niyang ibigay kahit paano, hindi dahil ama niya ito kundi dahil mas matanda ito sa kanya. Pero ang mahalin ito pagkatapos sila nitong pabayaan, isang malaking kalabisan naman yata iyon. Tiningnan niya ang kanyang ama. “Gusto ko na hong magpahinga.” Napatingin ang dalawa sa kanya. “Hindi ka pa halos kumakain,” ani Xander. Pinigilan niya ang sariling pagtaasan ito ng isang kilay. Ano ba'ng pakialam mo? nais sana niyang sabihin pero nagtimpi siya. “Sige, hija. Alam kong pagod ka sa biyahe, magpahinga ka na at bukas na lang tayo mag-usap,” sabi ng daddy niya at nginitian siya. Nakahinga siya nang maluwag. Mabuti at pumayag ang matanda, hindi na kasi talaga niya kayang tagalan na makaharap ang mga ito. Tumayo siya at tinalikuran na ang dalawa. Nakaka-apat na hakbang pa lang siya nang muli siyang pumihit paharap sa mga ito.  “S-saan ho ang magiging kuwarto ko?” nag-aalangan niyang tanong. Mukhang nagulat pa ang ama niya sa kanyang tanong, pagkuway ay bahagya itong natawa. “Siyempre sa dati mong silid, Hija. Sige na, umakyat ka na.” Tuluyan na nga niyang iniwan ang dalawa. Natatandaan pa naman niya ang pasikot-sikot ng mansiyon. Isa pa, napansin niyang tila wala namang nagbago sa ayos niyon mula nang umalis sila rito ng kanyang ina. Umakyat siya patungo sa dati niyang silid. Marahan niyang binuksan ang pinakahuling pinto sa gawing kanan at pumasok sa loob nito. Natigilan siya nang makita ang kabuuan ng kuwarto. Ang ayos niyon ay tulad pa rin sa kung paano niya iyon iniwan labing-tatlong taon na ang nakakaraan. Naroon pa rin ang cabinet na puno ng stuffed toys niya at sa ibabaw ng kama ay nakapatong ang malaking teddy bear na regalo sa kanya ng ama noong sampung taong gulang siya. Iyon ang huling birthday niya na kompleto at masaya pa ang kanyang pamilya. Naramdaman niya ang kusang pagdaloy ng kanyang mga luha nang maalala iyon. Pakiramdam niya ay parang pinipiga ang dibdib niya. Napaupo siya sa ibaba ng kama at yakap ang mga tuhod habang umiiyak. Kanina pa niya pinipigilan ang kanyang emosyon. Hindi niya malaman kung ano ang dapat niyang maramdaman nang makita niya ang ama kanina. Sinungaling siya kung sasabihin niyang wala siyang nadama na pananabik para rito, pero mas matindi ang sama ng loob na nasa puso niya. Kanina ay gustong-gusto na niyang ipamukha rito kung gaano ito kasamang ama. Pero pinigil niya ang kanyang sarili, baka kapag ginawa niya iyon ay mauwi lang sa wala ang pagpunta niya rito. Naalala niya ang pagyakap ng ama sa kanya kanina, para bang puno iyon ng pananabik. Pananabik? Kung talagang nami-miss niya ako, bakit hindi niya kami pinuntahan noon? Bakit pinabayaan lang niya ako?puno ng hinanakit na naisaloob niya. PASADO alas-diyes na ay hindi pa rin makatulog si Lianne. Pinakiramdaman muna niya kung nasa ibaba pa ang kanyang ama at si Xander bago siya bumaba patungo sa kusina upang maghanap ng makakain. Dahil hindi siya naghapunan ay kumakalam na ang sikmura niya ngayon. Isang kasambahay ang naabutan niya sa kusina, ito na rin ang naghanda ng makakain niya. Iginawa siya nito ng isang basong gatas at sandwich. Pagkatapos iyong ubusin ay bumalik na siya sa kanyang silid bitbit ang isang bote ng mineral water. Kapapasok lang niya ng kanyang kuwarto nang tumunog ang cellphone niya. “Hello, Cuz? Bakit ka napatawag? May problema ba?” agad na tanong niya nang sagutin ang tawag ng pinsan. “Malaki, cuz,” tugon ni Cecille. “Akin na, ibigay mo sa 'kin 'yan at ako ang kakausap sa batang 'yan!” narinig niyang sabi ng Tita Emily niya sa background. Nangunot ang noo niya. “Bakit? Ano ba’ng—” “Sabihin mo nga sa akin kung nasaan ka talaga ngayon, Lianne!” putol sa kanya ng galit na tinig ng Tita Emily niya. Mukhang naagaw na nito ang cellphone mula sa pinsan niya. Kagat ang ibabang labi na napakamot siya sa ulo. “Sinabi ho ba sa inyo ni Cecille kung nasaan ako?” “Hindi. Hanggang ngayon na nabuko ko na ang pagsisinungaling mo ay ayaw pa rin sabihin nitong magaling mong pinsan kung nasaan ka! Tumawag ako sa tiyahin mo sa Quezon para siguruhin na safe kang nakarating doon. Pero ang sabi niya wala ka raw doon. Nasaan ka ba talagang bata ka?” Mahihimigan din ang pag-aalala sa tinig nito. Mukhang wala na siyang pagpipilian kundi ang sabihin dito ang totoo. “Nandito ho ako kay Daddy,” mahinang sagot niya. “Ano?” malakas na sabi ni Tita Emily. “Ano ka ba naman? Bakit ka nagpunta riyan?” “Tita, wala na ho akong maisip na ibang paraan. Wala na akong malalapitan maliban sa kanya. Kayo na rin ang nagsabi na malamang ay hindi ako matulungan ng mga kamag-anak ni Mommy,” katuwiran niya. “Ano ba’ng pumasok sa isip mo at ni hindi ka man lang nagsabi sa akin na iyan ang plano mo?” tila nakukunsuming sabi nito. “Alam ko naman hong hindi kayo papayag kapag ipinaalam ko sa inyo kung saan talaga ako pupunta." Hindi ito sumagot. “Tita, intindihin na lang ninyo ako. Hindi ko rin naman ho gustong gawin 'to, eh,” pakiusap niya. "Wala lang ho talaga ako ng choice." Napahinga ito nang malalim. “Ano’ng sinabi ni Felipe sa 'yo?” "Hindi pa ho kami nakakapag-usap. Pero bukas na bukas po, sasabihin ko na sa kanya ang pakay ko rito." "Sa tingin mo ba tutulungan ka niya?" Nakagat niya ang ibabang labi. "Hindi ko po alam. Pero siguro naman kahit papaano tutulungan niya ako. After all, anak pa rin naman niya ako." Matagal na hindi nagsalita si Tita Emily, narinig lang niya ang pagbuntong-hininga nito. "Tita, huwag ka nang magalit. Ginagawa ko lang naman po ito para sa alaala ni Mommy." "Ano pa ba'ng magagawa ko, eh nandiyan ka na?" pakli ni Tita Emily. "Basta mag-ingat ka riyan. At kung maaari umuwi ka rito sa lalong madaling panahon." "Opo, Tita."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD