KYLIE’S POV
Hindi natuloy ang game nila Troy kahapon dahil nagkaroon ng kalituhan sa schedule. Hindi pa pala maglalaban ang school nila Troy sa isa pang school kaya ang school namin at ‘yung isa pang school ang nagharap kahapon. Nanalo ang school namin sa kanila.
Ngayon araw maghaharap ang school nila Troy at ‘yung natalong school kahapon. Kung sino sa dalawang school ang mananalo ngayon ay ang makakaharap ng school namin sa finals. Sa school muna nananatili ang lahat ng basketball players para hindi na hassle sa kanila. May mga provided foods at tulugan naman ang school.
Maaga akong pumasok para panoorin ang game nila Troy. I promised him yesterday that I will watch their match today. Bandang 8AM ang simula ng game. Kung sila ang mananalo ngayon, sila ang makakalaban ng school namin sa finals na magsisimula bukas hanggang Friday.
Kahapon ay hindi ako tinigilang kulitin at asarin ng mga kasamahan ko. Itinutulak nila ako kay Troy at sinasabing bagay daw kaming dalawa. May chemistry daw kami. Pero lahat ng sinabi nila ay hindi ko na lang pinansin. Hindi pa ako handang buksan ulit ang puso ko sa iba. Pinapahilom ko pa rin ang sugat. Ayaw ko ring gamitin ang isang tao para lang makalimot o maka-move on.
Nakasalubong ko si Helen kaya sabay na kaming pumunta ng court para panoorin ang basketball match nila Troy at ng isa pang school. Pagdating namin do’n ay hindi pa naman nagsisimula pero marami nang tao. Pansin ko rin na mas favor ang schoolmates ko sa school nila Troy kaysa sa isang school.
Kami na lang dalawa ni Helen ang magkasama ngayon. ‘Yung ibang kasamahan kasi namin ay nagbabantay sa booths. Nakokonsensiya nga ako dahil dapat tumulong kami sa pagbabantay pero sila na rin mismo ang nagsabi at nagtulak pa sa akin na manood ngayon. Hay.
“Okay lang talaga na manood tayo habang nagbabantay sila? Nakakahiya naman at unfair sa kanila,” wika ko kay Helen na nasa tabi ko at abala sa paglalagay ng liptint.
“Huwag ka na diyan mag-worry. Sila na mismo ang nagsabi kaya keep calm and enjoy your bebe’s game.”
“Bebe?” kunot noo kong tanong tapos ngumiti siya nang nakakaloko kaya alam ko na agad ang tinutukoy niya. “Ugh, Helen! Stop teasing me with Troy. Utang na loob.”
Natawa na lang siya sa inakto ko. Nagpatuloy siya sa paglalagay ng liptint kaya nanahimik na lang ako sa kinauupuan ko habang nakatuon ang paningin sa gitna ng court at naghintay na mag-start ang game. Biglang tumunog ang cellphone ko kaya tiningnan ko ito.
From: trxy
Can I ask another good luck wish?
Received: 8:12am
Bahagyang napangiti ako nang mabasa ang message ni Troy. Magta-type na sana ako ng ire-reply pero natigilan ako nang mang-asar si Helen dahil nabasa niya rin ito.
“Ayiiih! Diyan talaga nagsisimula ang lahat.”
“Naku, Helen. Tigilan mo na ‘ko,” I said as I rolled my eyes. Napangiwi lang ito at tumawa.
To: trxy
Good luck. Manonood ako. Nasa dating spot lang kami nakaupo ni Helen :)
Sent: 8:15am
“Naks! Ang sweet,” kantyaw pa ni Helen pero hindi ko na lang pinansin.
Mayamaya lang ay lumabas na ang dalawang teams ng magkaibang school. Agad na tumingin sa gawi ko si Troy at nakangiting kumaway. Tipid lang din akong ngumiti dahil pinagtitinginan ako ng mga taong malapit lang sa pwesto namin.
Nagsimula ang laban. Pareho itong magagaling kaya dikit ang laban. Madalas si Troy at dalawa pa niyang teammates ang nakaka-score sa team nila. Kagaya kahapon ay maingay pa rin ang loob ng court. Puno pa rin ang bleachers pero hati ngayon ang support ng mga audience. Todo cheer si Helen sa team nila Troy habang ako ay tahimik lang na nanonood.
Past 11AM na nang matapos ang laro. Sobrang dikit talaga ang laban dahil 94-91 ang end score. Team nila Troy ang nanalo. It only means na sila ang makakalaban ng school sa finals.
Pagkatapos manood ng game ay umalis na kami ni Helen sa court at pumunta ng cafeteria para kumain ng lunch. Plano ko after naming kumain ay tumulong na kami ni Helen sa pagbabantay sa booths. Habang kumakain, may message akong na-received galing kay Troy.
From: trxy
Nasa'n ka? Nasa booth ka ba?
Received: 11:34am
To: trxy
Wala. Nasa cafeteria ako. Kumakain ng lunch.
Sent: 11:35am
From: trxy
Ah, sige. Happy lunch!
Received: 11:35am
Abala at nagmamadali kaming kumain ni Helen dahil pagkatapos namin ay pupunta na agad kami sa booth. Hindi na muna kami manonood ng laro sa iba pang sports. Hanggang bukas na lang naman ang booths kaya Friday ay malaya na kaming mag-enjoy.
“Ang galing ni Troy mag-basketball, ah. In fairness sa future boyfr—”
“Ayan ka na naman,” nakasimangot kong sambit.
Tumawa siya. “Masanay ka na. Baka kasi araw-arawin ko na ang pang-aasar sa ‘yo, eh.”
Natigil kami ni Helen sa pag-uusap nang marinig ang isang shoutout mula sa mga speakers na nakapalibot sa cafeteria. Nagulat pa ako nang para sa akin ito. Pinakinggan ko ito nang mabuti.
“Shoutout to Miss Kylie Cordovez! Because of you, I was motivated to play the game well. Thank you for the inspiration! I dedicate my victory to you. From Y.O.R.T.”
Napakunot noo ako dahil sa pagtataka. Y.O.R.T? Sino si YORT? Ilang sandali akong napaisip at nang ma-analyze ko na kung sino ito ay napatango ako. It was Troy.
Hindi ko alam kung anong magiging reaction ko matapos marinig ang shoutout ni Troy. Kung matutuwa ba ako o mahihiya. Hays! Dapat pala hindi ko na sinabi sa kanya ang tungkol sa booth at nang hindi siya nagkaroon ng ideya na gawin ito. Paniguradong tampulan na naman ako ng tukso mamaya.
“Ay, sus. May pa-shoutout pa. Nakaka-inggit naman. Sana all!” sambit ni Helen.
Hindi ko siya pinansin. Nahihiya ako. Itinuon ko na lang sa pagkain ang atensyon ko at tahimik na kumain. Ilang sandali lang ay nabaling ang pansin ko sa tili ng ilang babaeng nasa cafeteria. Nakatingin sila sa isang direksyon kaya sinundan ko ang tinitingnan nila.
Nagulat ako nang makita si Troy kasama ang dalawa pa niyang teammates sa counter. Bumibili sila ng pagkain. Matapos bumili ay naglakad sila papunta rito sa table kung saan kami kumakain ni Helen.
Oh my gosh! Dito rin sila kakain?
“Hi. Pwedeng maki-share ng table?” tanong ng isang lalaking kasama ni Troy nang makalapit sila sa amin. They look familiar to me.
“Sure!” sagot ni Helen kaya naupo na ang tatlo.
Ilang sandaling pagmasid ko sa dalawang kasama ni Troy ay nakilala ko rin kung sino ang mga ‘to. They were the ones who helped me from the snatcher. Kaya pala pamilyar sila sa akin.
“Kylie, remember Baron and Calvin? Sila ‘yung mga tumulong—”
“Yeah, I remember them,” nakangiting sabi ko habang palipat-lipat ang tingin sa dalawa na nakangiti rin sa akin. “It’s nice to see you again.”
“Yeah, it’s nice to see you again too, Kylie.”
“Ang talas ng memory mo. Isang beses mo lang silang nakita pero natatandaan mo pa rin sila,” wika ni Troy.
“Ano ka ba, Troy? Hindi ‘yon sa pagiging matalas ang memory. Ang mga ganitong mukha kasi ay mahirap talagang kalimutan,” sabi ni Baron.
“Agree ako diyan!” sambit ni Calvin saka tumingin kay Helen. “Ah, Kylie, sino naman ‘yang kasama mo?”
“Ah, oo nga pala. Siya si Helen, kaibigan ko.”
“Hi! Nice to meet you all,” sambit ni Helen.
“Bagay kayong maging magkaibigan. Pareho kayong ubod ng ganda,” sabi ni Calvin.
“Ang bolero mo naman,” nakangiting tugon ni Helen.
“Warning. May girlfriend ka, boy!” sambit ni Baron kaya sinamaan siya ng tingin ni Calvin.
Nagpatuloy kami sa pag-uusap habang kumakain. Halos lahat ng mga mata ng tao rito sa cafeteria ay nakatuon sa amin pero dedma na lang. Hindi rin naman namin napapansin kasi busy kaming lima sa pag-uusap.
“So bakit dito pa kayo kumain? ‘Di ba provided naman ang foods ninyo ng school?” tanong ni Helen.
“Ewan ko rin kasi dito kay Troy. Kinulit ba naman kami ni Calvin na pumunta dito sa cafeteria,” sabi ni Baron.
“Teka. Gets ko na! Kaya pala hindi siya matahimik na hindi pumunta rito sa cafeteria kasi nandito rin si Kylie!” wika ni Calvin.
“Ikaw pare, ah. Pwede mo naman sabihin nang diretsa kanina na gusto mong makita si Kylie. Ang dami mo pang paligoy-ligoy. Hays!” sabi ni Baron.
“Sira! Pinagsasabi ninyo? Gusto ko lang ma-try ang mga pagkain nila rito sa cafeteria.”
“Sus! Palusot ka pa!” sabay sabi ni Calvin at Baron. “Bago pa nga tayo dumiretso rito, nakiusap ka pa sa amin na dumaan muna tayo ro’n sa shoutout booth para i-shoutout si Kylie, eh.”
Nakita kong namumula ang tainga ni Troy at masama ang tingin sa dalawang kaibigan. Tahimik na lang akong kumain habang pangisi-ngisi sa tabi ko si Helen at marahan pa akong sinisiko dahil tuwang-tuwa siyang pinapakinggan ang pinag-uusapan ng tatlong magkakaibigan. Sigurado akong tutuksuhin niya rin ako mamaya.
Oh, God. Gusto ko na lang lamunin ng kinauupuan ko dahil sa hiyang nararamdaman ko. Hays!
Pagkatapos naming kumain ay nagpaalam na kami sa bawat isa. Bumalik na ang tatlo sa kung saan sila tumutuloy habang kaming dalawa ni Helen ay pumunta na rin sa lugar kung nasaan ang mga booths.
Habang naglalakad sa daan papuntang booths, nakakuha na naman ako ng text message mula kay Troy. Tiningnan ko ito para basahin.
From: trxy
:)
Received: 12:15pm
To: trxy
Bakit :) ?
Sent: 12:15pm
From: trxy
Wala. Masaya lang ako ngayong araw.
Received: 12:16pm
To: trxy
Because of what? Winning? Oo nga pala. Congrats!
Sent: 12:16pm
From: trxy
Masaya ako dahil nanalo kami at masaya rin ako dahil sayo.
Received: 12:17pm
From: trxy
I think...
Received: 12:17pm
From: trxy
I am...
Received: 12:17pm
To: trxy
???
Sent: 12:18pm
From: trxy
Nevermind ;)
Received: 12:18pm
Inagaw ni Helen ang cellphone sa akin at lumayo-layo pa para mabasa niya ang message. Napasimangot ako at sinundan siya para kunin ang cellphone. Sa tuwing lalapit ako ay lalayo siya kaya tumigil na lang ako at hinintay siyang ibalik sa akin ang kinuha niya. Ilang sandali lang ay nakangiti niyang ibinalik sa akin ang cellphone.
“I think I am in love with you,” sambit niya.
“Ha?” nagtatakang tugon ko.
“I’m sure na ‘yan sana ang sasabihin sa ‘yo ni Troy,” sabi ni Helen.
“Impossible,” bulalas ko.
“Posible ‘yon. Ayiiih!”
Napairap na lang ako at nagpatuloy sa paglalakad. Sumunod siya sa akin na patuloy sa pang-aasar. Hay naku! Kung hindi lang talaga siya mahalagang kaibigan sa akin, matagal na kaming friendship over ngayon dahil sa panunukso niya. Tss.
“May pag-asa ba si Troy kapag nanligaw siya sa ‘yo?”
Sinulyapan ko si Helen nang ilang sandali pero hindi ko sinagot ang tanong niya. Nagpatuloy lang ako sa paglalakad habang nag-iisip. Paulit-ulit nag-rehistro sa isip ko ang tanong ni Helen.
What if Troy would really court me? Should I give him a chance?